Chapter Six

2657 Words
          “ANO KAYA ang sasabihin ni Sir Karl sa atin?” narinig niyang tanong ng isa sa mga kasamahan niyang waiter.           Kapapasok lang niya doon sa pantry. Halos alas-kuwatro na ng madaling araw, at kakasarado lang ng Bar nila. Dahil weekdays at karamihan ng mga tao ay may mga pasok sa trabaho kaya hindi puwedeng magpuyat. Maaga silang nagsasarado. Pero kapag weekends, halos inaabot sila ng alas-singko ng madaling araw.           “Ikaw Chaia? Wala bang nababanggit sa’yo si Sir?” baling pa sa kanya ng isa pang kasama nila.           “Ha? Wala! Para naman sabihin sa akin ni Sir ‘yon. Kung ano man ‘yon.” Sabi pa niya.           “Hindi na nakakapagtaka ‘yon, palagi kaya kayong magkasama.”           Napakunot-noo siya. “Hindi ah! Nagkakataon lang ‘yon.” Mabilis niyang tanggi.           “Sus! Nagkakataon ka diyan! Siya ang nagturo sa’yong mag-drive. Kapag breaktime mo palagi kayong magkausap. Kapag nawawala ka sa paningin niya, hinahanap ka agad sa amin ni Sir.” Anang isa pa.           “’Yung totoo, Chaia. Nanliligaw ba sa’yo si Sir?” diretsong tanong ni Miss Anne sa kanya.           Napamulagat siya sa tanong ng Manager nila. Tumingin siya dito, saka sunod-sunod na umiling. “Naku Miss Anne! Hindi po!” mabilis niyang sagot.           Napapitik ang isa sa mga kapwa bartender nila. “Ay sayang! Bagay pa naman kayo ni Sir Karl.”           “Naku! Kayo talaga, ako na naman ang nakita n’yong asarin! Tumigil na nga kayo. Baka mamaya, marinig pa kayo ni Sir, nakakahiya.” Saway niya sa mga ito.           Eksakto naman pagkasabi niya iyon ay biglang bumukas ang pinto at sumilip si Karl.           “Everybody, here at the dining area.” Anito.           Nagkatinginan sila, bago sumunod dito. Nag-kanya kanya silang puwesto doon sa dining area habang nakaupo naman ito sa isang high chair.           “It’s been more than five years since I put up this Bar. And most of you here, are with me eversince.” Pagsisimula nito. “So, I decided that we all go on an outing on a resort somewhere in Laguna.”           Lumapad ang pagkakangiti niya. “Talaga, Sir? Kelan po?” excited na tanong niya. Pero agad din naman nawala ang ngiti niya ng mapansin niyang hindi kumikibo ang mga kasama niya. Bagkus ay nagkakatinginan ang mga ito.           “Bakit? Ayaw n’yo ba?” tanong pa niya sa mga kasama.           Nang sumulyap siya kay Karl, natatawa naman ito. Napakunot noo siya. Hindi niya maintindihan ang mga ito. “Teka, ano bang mga reaksiyon ‘yan?” tanong ulit niya.           “Eh kasi, himala ‘to. Eh Sir, mawalang galang na nga po, ano? Pero buti naman at naisip n’yo. In fairness, I like the idea.” Sabi pa ni Miss Anne.           “Teka, grabe naman kayo! Nag-a-outing naman tayo tuwing summer.” Depensa ni Karl.           “Hindi nga po tayo nag-outing itong taon na ‘to.” Sabi pa ng isa.           Napakunot-noo si Karl. “Hindi ba?” tanong pa nito.           “Ay Sir, hindi po. Nakalimutan n’yo.” Sabi pa ni Miss Anne.           “Okay, whatever. So, it’s final. Outing for three days.” Ani Karl.           “Eh kelan po ang alis natin?” tanong pa ni Chaia.           “This week.” Sagot pa nito.           “Yes! Sa wakas! Makakapag-relax din!” masayang wika ng mga kasamahan niya.           Matapos nitong sabihin ang schedule ng eksaktong araw ng alis nila. Agad nitong tinapos ang meeting.           “You can all go home now.” Sabi pa nito.           “Thank you, Sir.” Sabay-sabay na wika nilang lahat. Pagkatapos ay nagsitayuan na sila.           “Oh wait, Chaia.” Pigil nito sa kanya.           “Sir?”           Hinintay niyang sumagot ito, ngunit nanatili lang itong nakatitig sa kanya. Pagkatapos ay umiling ito. “Ah, wala. Sige, you may go. Ingat sa pag-uwi.”           Nagtataka man ay tumango na lang siya. “Sige po. Salamat. Ingat din po kayo sa pag-uwi.”                     HUMUGOT ng malalim na hininga si Chaia, bago umupo sa isang bakanteng silya. Nang sulyapan niya ang oras sa cellphone niya, halos alas-dos na ng madaling araw pero hanggang ngayon ay marami pa rin tao doon sa Bar. At mukhang dadami pa ang mga tao, dahil weekends. Mabuti na lang at tapos na sila sa Flairing, sa mga sandaling iyon ay breaktime niya.           “Oy Chaia, kumain ka na?” tanong ni Lani, isa sa mga waitress at kaibigan niya doon. Gaya niya ay breaktime din ito.           “Oo, tapos na. Magpapahinga lang ako. Ikaw?           “Tapos na rin. Tara doon tayo sa labas, pahangin tayo. Para naman ma-relax tayo.” Yaya nito sa kanya.           “Oo nga, hanggang dito abot ang lakas ng music.” Aniya.           Pagdating nila sa may labas ng Bar. Nakita nila na mahaba pa rin ang pila ng mga taong gustong makapasok. Ngunit dahil marami pang tao sa loob, walang ibang magagawa ang mga ito kung hindi ang maghintay. Napailing siya. Mahaba pa pala ang lalakbayin nila sa gabing iyon. Sa tantiya niya, mukhang aabutin sila ng umaga. Literal na umaga.           “Grabe, mukhang wala na naman tayong tulugan nito.” Reklamo ni Lani. Napangiti siya. Pareho pala sila ng iniisip nito.           “Malapit na tayong humanay sa mga zombie. Anong oras kaya sila babangon? Para maki-join na lang tayo. Ansabe naman ng mga eyebags nila sa eyebags natin?” sabi pa niya.           Natawa ito sa sinabi niya. “Lukaret ka din, eh no?” komento nito.           Habang nakaupo sa gilid, nagku-kwentuhan naman sila. Ngunit sa gitna ng pagku-kwentuhan nila, bigla itong may tinanong na siyang nakapagpa-isip sa kanya.           “Chaia, pwede ba akong magtanong?” seryosong tanong nito.           Tumango siya. “Oo naman. Tungkol saan?”           “Nanliligaw ba sa’yo si Sir Karl?”           Parang may sumipa sa dibdib niya, kasunod ng pag-umid ng kanyang dila. Wala sa loob na napatingin siya. Pero pinilit niyang ngumiti dito para hindi ito makahalata sa kasalukuyang reaksiyon ng puso niya. Pero nga ba bigla siyang kinabahan? Eh hindi naman nanliligaw sa kanya si Karl. Bakit ganoon ang reaksiyon niya? Bigla ay nahiya siya sa sarili niya.           “Hindi nga, di ba?” Sagot niya.           “Talaga? Eh napapansin namin kayo, lalo na si Sir. Palaging ikaw ang hinahanap tapos madalas kayong magkasama.” Sabi ni Lani.           “Kayo talaga, nakakahiya naman kay Sir. Mabait lang talaga siya.”           “Oo, alam namin na mabait siya. Pero simula nang makapasok kami dito sa The Groove. Hindi pa namin nakitang naging ganito siya kalapit sa naging empleyado niya. Kaya alam namin na espesyal ka para sa kanya.”           Hindi niya napigilan ngumiti. Aaminin niya, kinilig siya sa narinig. Itong mga huling araw, palaging nasa isip niya si Karl. Ayaw ng lisanin nito ang isip niya. At kapag nasa malapit ito, kausap siya nito, mas lalo na kapag nakatingin ito sa kanya. Walang makakapag-larawan ng kaba sa dibdib niya. Hindi kaya…           “Hi-hindi naman si-guro,” sagot niya dito na pigil ang damdamin. Ayaw niyang ibunyag dito ang nasa loob niya. Hindi pa naman siya sigurado sa nararamdaman niya. Kaya mas mabuting wala muna siyang pagsabihan tungkol dito.           “Hmm! Basta, alam namin. Special ka para sa kanya.” Sabi pa nito.           Muling tumalon ang puso niya. “Ikaw talaga, iba na nga lang ang pag-usapan natin.”           Biglang gumana ang isip niya. Ano nga kaya kung ligawan siya ni Karl? Siguro magiging masaya siya. Lalo na kapag napatunayan niyang ito nga si Pogs. Saka lang niya naalala. Hindi pa pala niya naitatanong dito ang tungkol doon.           “Uhm, teka. Nasaan na nga pala si Sir? Parang hindi ko pa yata siya nakikita dito sa Bar?” tanong niya.           Tumango ito. “Oo nga eh. Baka busy ‘yon, o kaya may lakad kasama ang mga pinsan niya.” Sagot ni Lani.           “Ah ganoon ba? May itatanong sana ako.”           “Ang bilis naman ng oras, tapos na agad ang breaktime natin.” Reklamo ni Lani.           Agad siyang tumayo. “Halika na, para makapagpahinga naman ‘yung susunod na magbe-break.” Aniya.           Papasok na sila sa loob ng Bar ng mapansin niya na dumating ang kotse ni Karl. Napangiti siya. Kasabay ng pagngiti din ng kanyang puso. Napahinto siya.           “Chaia, halika na.” yaya ulit ni Lani.           “Uhm, sige. Mauna ka na.” sagot niya dito.           Nang makaalis na si Lani. Nagpaskil siya ng magandang ngiti sa mga labi, bago huminga ng malalim. Bago tuluyan naglakad patungo sa kinaroroonan ng bagong dating na si Karl.           Lalong lumapad ang pagkakangiti niya ng bumaba mula sa kotse ito. Ngunit agad din naman siyang napahinto ng mula sa passenger’s seat ay bumaba ang isang seksi at magandang babae.           Mabilis siyang nakaramdam ng sakit. Pakiramdam niya ay sampung beses siyang sinuntok sa dibdib. Bakit siya nasasaktan ng ganito? Bakit pakiramdam niya ay nagseselos siya? Was she in love with Karl? Kung ito nga si Pogs, paano nito nakalimutan ang pangako nito sa kanya? Didn’t he even recognize her?           Napakunot noo siya ng matitigan niyang mabuti ang babaeng kasama nito. Naatutop niya ang bibig. Hindi siya maaaring magkamali. Ito ang Ate Macy niya. Awtomatikong tumulo ang kanyang luha. At wala ng mas sasakit pa sa sumunod na eksenang nasaksihan niya. Nilapitan ito ni Karl, pagkatapos ay niyakap ito ng Ate niya. At higit na mas masakit pa, sa harap niya. Hinalikan nito sa Karl, pagkatapos ay muling niyakap. Kitang kita niya ng tumingin sa gawi niya ang Ate niya, pagkatapos ay umirap ito sa kanya at sarkastikong nakangiti.           Agad siyang tumalikod. Kahit mabigat ang bawat yabag niya papalayo sa mga ito. Hindi niya maintindihan. Isa-isang nagsulputan ang mga tanong sa kanyang isi. Bakit magkakilala ang mga ito? Paano nagkakakilala ang dalawa? Tumakbo siya sa likod ng bar kung saan walang tao. Doon siya umiyak. Kahit hindi niya lubos na maintindihan kung para saan ang mga luhang iyon.                     “HAVE you been crying?” tanong ni Karl kay Chaia pagdating nito doon sa Station niya.           Napatingin siya dito. Saka pilit na nagpaskil ng masiglang ngiti. Umiling siya. “Hindi ah. Bakit?” patay-malisya niyang tanong.           Dumukwang pa ito sa kanya. “Wala naman. Parang medyo namumugto ang mga mata mo.” Sagot nito.           “Ah,” usal niya. Sabay paskil ng isang pilit na ngiti. “Hindi ah. Medyo inaantok na kasi ko.” Pagdadahilan niya.           “Baka pagod ka na. You can leave early if you want.” Sabi pa nito.           Kumunot ang noo niya. “Pinapaalis mo na ba ako?”           Gulat siya nitong tiningnan. “Ha? Of course not! Ang sa akin lang, baka pagod ka na.” sabi nito.           Umiling siya. “I’m okay.”           “Miss, give me 2 shots of tequila, please.” Sabad ng isang customer na lalaki. Magiliw siyang ngumiti dito.           “Yes Sir,”           Nang mai-serve niya ang order nito. Inaasikaso naman niya ang iba pang customers. Sinikap niyang balewalain ang presensiya ni Karl. Ngunit kung kailan naman siya nalilibang, bigla naman dumating ang Ate niya.           “Miss, Martini please.” Sabi nito, pagkatapos ay tiningnan siya nito simula ulo hanggang paa.           “Yes Ma’am.” Seryosong wika niya. Mabilis niyang binigay ang order nito pagkatapos ay hindi na niya ito pinansin.           Naalala ni Chaia nang huling beses silang nagtalo nito, doon din sa Bar na iyon. Sinabi nitong huwag niya itong tawagin Ate dahil hindi sila magkapatid. Ngunit ang tumatak ng husto sa isip niya ay nang sabihin nito na aagawin nito ang lahat sa kanya.           Habang abala siya sa pag-e-estima ng ibang mga customers. Bigla itong nagsalita.           “Karl, are busy tomorrow night?” tanong pa nito, saka sadyang nilambingan ang boses. Hindi pa ito nasiyahan. Lumingkis pa ito na parang sawa sa braso ng una.           Pakiramdam ni Chaia ay sasabog ang dibdib niya. Hindi niya alam kung may ideya ito sa tunay niyang damdamin para kay Karl. Maliban na lang kung sinubaybayan siya nito. Gusto niyang komprontahin ito, ngunit alam niyang wala siya sa lugar. Wala siyang karapatan mag-react ng kahit na ano. Pero hindi niya mapigilan ang sarili.           “Uhm, medyo. May Outing ang empleyado.” Sagot nito.           “Can I go with you?” tanong pa nito.           “I’m sorry, Macy. Hindi ka puwedeng sumama. Exclusive iyon para sa mga tauhan ng Bar. Mabo-bored ka lang doon.” Sagot nito. “Anyway, I’ll leave you hear for a while. May kakausapin lang ako.”           Nang maiwan ito. Tiniis niyang hindi ito kausapin. Aaminin niya, naiinis siya sa ginagawa nito sa kanya.           “Karl is a good kisser.” Biglang sabi nito.           Napahinto siya sa ginagawa, saka mabilis na nangilid ang mga luha niya. Agad siyang tumalikod para hindi nito makita ang na nasasaktan siya.           “Nakilala ko siya nang bumili ang Boss ko ng kotse sa MCI. Mabilis ko siyang na-recognize, dahil ilang beses na rin naman akong nakapunta dito at nakikita ko siya dito. Guwapo pala talaga siya. And I liked him already. Kaya nga masaya ako nang pumayag siya na lumabas kami. And imagine? This is our second date. Mukhang hindi magtatagal, magiging kami.” Kuwento pa nito.           Naggiritan ang mga ngipin niya. Saka mahigpit niyang nahawakan ang basahan. Malinaw naman sa kanya ang motibo nito. Humarap siya dito saka tiningnan niya ito ng diretso sa mata.           “Huwag mo akong kausapin.” Seryosong wika niya.           “Ano?”           “Ipapaalala ko lang sa’yo ang sinabi mo sa akin. Na huwag kitang kakausapin dahil hindi tayo magkapatid. Nakakahiya naman sa’yo. Baka may makaalam.” Wika niya ditong may pangungutya.           Sa inis niya. Tumawa pa ito. Alam niyang lalo lang siyang pino-provoke nito para magalit siya ng tuluyan. Pero hindi niya hahayaan mangyari ang gusto ito.           “Why are you so sarcastic? I’m still your customer here. I deserve some respect.” Sabi pa nito.           Hindi na siya nagsalita pa. Bagkus ay pinilit niyang i-focus ang sarili sa trabaho.           “Kapag naging kami na ni Karl. You’ll be the first one to know.” Pagpapatuloy pa nito.           “Kahit ‘wag na, wala naman akong pakialam sa buhay mo eh. Hindi bai yon ang gusto mo? Ang magkanya-kanya tayo? So, bakit mo pa kailangan ipaalam sa akin ‘yan?” pagtataray ni Chaia pagkatapos ay saka siya nag-walk out siya at nagpunta sa loob ng CR. Ngunit sinundan pa rin siya nito doon.           “Huwag mo akong tatalikuran!” singhal nito sa kanya, sabay hawak sa isang braso niya.               Ngunit pumiksi siya. Akmang lalabas siya ng CR para makaiwas dito, ay muli siya nitong hinawakan sa braso.           “Hindi pa ako tapos!” sigaw nito sa kanya. Saka siya malakas na sinandal sa pader.           “At kailan matatapos ‘to?! Hanggang kailan tayo ganito? Hanggang kailan mo gusto ng magulong buhay?! Hanggang kailan mo ako kailangan pahirapan?! Dahil sawang-sawa na ako Ate! Ayoko na! Ang gusto ko lang naman matanggap mo ako bilang kapatid mo!” galit at pasigaw na tanong niya dito.           “Kung hanggang kailan ko gusto! Hangga’t hindi ko naagaw sa’yo ang lahat! At kahit kailan, hindi kita matatanggap!”           “Wala akong inagaw sa’yo! Ano ba talaga ang gusto mong gawin para tigilan mo na ang panggugulo sa buhay ko?”           “Umalis ka sa bahay! Iwan mo kami ni Mama!”           Natulala siya. Sunod-sunod na bumagsak ang mga luha niya. Paano niya iiwan ang nagpalaki at nagturing sa kanya na tunay na anak. “Hindi ko magagawa ang sinasabi mo. Hindi ko kayang iwan si Mama!”           Umigkas ang palad nito sa isang pisngi niya. “Wala kang karapatang tawagin Mama ang Mama ko. Matagal ka ng walang Nanay. Kaya huwag mong agawin ang pagmamahal niya sa akin! Hangga’t hindi ka umaalis sa bahay. Hindi kailan man makikita ni Mama na ako ang anak niya at hindi ikaw!”           Mas lalo siyang hindi nakapagsalita. “At huwag na huwag mong masasabi kay Karl na magkakilala tayo!” pahabol nito. “Oh, and by the way. FYI. Alam kong gusto mo siya. Inobserbahan kita kapag nagpupunta ako dito. You seems special to him. Pero hindi ko hahayaan maging masaya ka. Karl will be mine.”           Tumawa siya ng pagak. “Sasabihin sa kanya? Huwag kang mag-alala. Wala akong balak na sabihin iyon sa kanya. Dahil wala akong rason para maipagmalaki na kapatid kita. At, wala akong pakialam sa gusto mong gawin! Bahala ka sa buhay mo!” Mariin niyang sabi. Sabay bawi sa braso niya.           “b***h!” sigaw nito sa kanya.           Imbes na dumiretso sa station niya, muli siyang lumabas sa likod at doon patuloy na lumuha. Sunod-sunod ang paghinga niya. Pakiramdam ni Chaia ay pinaninikipan siya ng dibdib at ano mang oras ay maaaring mag-collapse.           Aaminin na niya. Mahal niya si Karl. At dahil dito, nagkaroon siya ng bagong pag-asa na muling maging masaya. Kasunod niyon ay mga senyales na ang matagal na niyang hinihintay bumalik, si Pogs ay narito na. Ngunit napipinto pang maglaho ang lahat ng iyon dahil sa Ate niya. Hanggang sa pakiramdam niya ay tuluyan na siyang nanghina at napaupo na lang sa lupa saka doon umiyak ng umiyak.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD