Kabanata 4

1241 Words
"Pasensya na at hindi ikaw ang hinahanap namin." "Tatawagan ka na lang namin." "Ang hinahanap namin ay College Graduate at may experience sana." "Pasensya na." Ilan lamang iyan sa mga narinig kong dahilan sa araw na ito sa mahigit sampung kumpanya at negosyo na pinasok ko, at sa tuwina ay bagsak ang balikat akong lalabas. Lulugo-lugo at mabibigat ang mga paang lalabas para hanapin ang susunod na pagpapasahan ng resumè ko. Nang mahapo bandang hapon ay naupo na lamang ako sa semento na mainit-init pa, hindi ito alintana at tinitigan lang ang mga letrang nakasulat sa papel na siyang basehan kung ikaw ba ay matatanggap o hindi. "May mali ba? May kailangan ba akong baguhin?" Natagpuan ko ang sarili kong tinatanong ang sarili ko sabay pakawala ng pagak na pagtawa. "Kahit na anong pagpapaganda ko naman dito, hindi naman nito maiiba ang katotohanang hindi ako nakapagtapos at papalit-palit ng trabaho." Bakit ba ang tadhana ng isang tao sa bansang kagaya nito ay nakasalalay lamang sa isang pirasong papel, at hindi sa kakayahan ng isang tao? "Noe?" Sa pagkakarinig ng pangalan ko ay inangat ko ang lukot kong mukha kung saan makikita ang pagod, at nakita ang si Lani, ang kapitbahay naming pokpok. Kaedad ko lang siya kung tutuusin pero dahil na rin siguro maagang nag-asawa at may anak na tatlo ay mukha na siyang kwarenta. "Oh, ikaw pala. Papasok ka na?" Walang gana kong tanong at marahang tumayo bago pinagpagan ang pantalon. "Oo, alam mo naman, kailangang maaga tayo sa pwesto para hindi maagawan. Laspag mang maituturing may asim pa naman itong lola mo, ano?" "Ikaw? Naghahanap ka ulit ng work?" tanong niya nang makita ang hawak kong envelope. Napabuga ako ng hangin bago nagkibit-balikat. "Oo at heto, sa awa ng Diyos ay isang resumè na lang ang natira pero wala pa ring nakikita." Nginuya-nguya niya ang bubble gum sa bibig bago bumuntong-hininga at inakbayan ako. "Noe, bakit hindi mo i-try itong raket ko? Marumi man ang tingin ng iba ay trabaho pa rin ito. Dito ko pinapalaki at pinag-aaral ang mga anak ko. Basta't wala ka namang sinasaktang tao, hindi ba?" Sa narinig ay marahan kong inalis ang kamay niya sa balikat ko. "Alam ko naman iyan at alam mo rin na never naman kitang hinusgahan, Lani, pero hindi ko talaga kaya." Ang isipin pa lamang na may ibang lalaking hahawak sa akin at gagamitin ako ay bumabaligtad na ang sikmura ko. "O sige, dahil alam ko ang pinagdaraanan mo ay may iba akong isa-suggest sa'yo, friend," nilapit niya ang bibig sa tainga ko at bumulong. "May bagong raket kami sa samahan namin. Hindi mo kailangang sumiping sa mga lalaki, pero medyo mahirap at delikado." Sa narinig ay na-curious naman ako, ewan ko ba, sa kadesperadahan ko na sigurong magkaroon ng pagkakakitaan. Basta't huwag lang makipagsiping sa kung sinong lalaki. "Ang kailangan mo lang gawin ay patulugin sila at kupitan." Sa narinig ay bahagya akong nagulat at nagdalawang-isip. Nakita niya marahil ang pag-aalangan sa mukha ko. "Noe, ayoko mang sabihin 'to pero sa panahon ngayon na puro pagtaas ng mga bilihin ang nangyayari at naghihirap pa rin tayong mahihirap, wala tayong choice. Ayaw mong mahawakan, sige, pero itong raket na ito, garantiyado ko naman sa'yong syento-porsyentong successful dahil matagal na naming ginagawa. Medyo madalang dahil nag-iingat din kami at talagang nagpa-plano, pero girl, mga madatung din kasi talaga ang tinitira namin. Si Chelsea? Ayun, naka-jackpot ng one hundred-thousand nang makuha ang relo ng biktima niya. Nakapag-negosyo at unti-unting binabago ang buhay." "Pagnanakaw ang raket na sinasabi mo?" Hindi ko makapaniwalang tanong. Oo nga't mahirap ang buhay, ngunit ni sa hinagap ay hindi ko naisip na gumawa ng masama. "Correction: Pangungupit. Dahil hindi mo naman uubusin ang gamit nila. At sinisiguro ko sa'yo na tulog na tulog sila bago ka umalis kaya hindi ka nila masasaktan." Pang-e-engganyo pa ni Lani na may matamis na ngiti. "Pero paano kapag nahuli ako? Paano ang pamilya ko?" "Malapit na kaming mag-isang taon sa raket na 'to at wala pang nahuhuli dahil sa malayong lugar kami lumilipat. Ano? Pag-isipan mo, ha? Kailangan ko nang umalis." Nakaalis na at lahat si Lani ay nakatulala lang ako sa gitna ng sidewalk at iniisip ang sinabi niya, tinitimbang ang tama at mali. Mali ang raket na sinasabi niya, iyon ang malinaw. Pero ano pa ba ang pagpipilian ko? Sabi niya ay maingat naman sila at ang importante ay walang mananakit. Kung tunay ngang mayaman ang mga kinukupitan nila, malaking bagay ba sa mga ito ang isang relo o ilang lilibuhin para makabawas sa kapal ng wallet ng mga ito? Hanggang sa makauwi ay nakatulala ako at naguguluhan. Nadatnan kong nagluluto ng sardinas si Romeo habang naglalaro ang bunso naming mga kapatid at nagle-leksyon naman si Juan at Julius. "Ate!" Nakatiling bati sa akin nila Mila at Catherine bago yumakap. Isang madamot na ngiti ang sumilay sa labi ko bago ko sila hinalikan sa mga ulo. "Kumusta ang pag-aaral?" Tanong ko sa kanila bago humiwalay at sunod na ginulo ang buhok nila Julius at Juan. Bumalik ang dalawang bata sa paglalaro at tumabi ako sa dalawang binata ng pamilya. "Eh, ate, may bagong libro kaming kailangang bilhin. Tatlo bale iyon at ibabagsak daw kami kapag hindi bumili." Napapakamot na balita sa akin ni Juan. "Ako, ate, nahihiya na akong manghiram sa kaklase ko ng P.E uniform, sana magkaroon na ako ng sarili ko. Napagtatawanan na kasi ako na mas malaki ito sa akin." Nakayukong sabi naman ni Julius na nagpadurog sa puso ko. Ang kanilang mga salita ay nakadagdag sa maraming problemang nakaatang sa balikat ko. "Hu.. Huwag kayong mag-alala at gagawa ng paraan si ate." Tanging nasabi ko sa kanila sabay sapo sa noo ko. "Si Nanay, Meo?" Hindi tumitingin sa sumunod sa aking kapatid kong tanong. "Hindi ko alam, ate. Wala na siya nang dumating kami." Nang dumating ang gabi at nakahiga na kaming tabi-tabi sa papag ay muling pumasok sa isip ko ang alok ni Lani. Hindi alintana at iba't-ibang lakas ng hilik ng mgakatabi ko at idagdag mo pa ang nanay kong lasing na namang umuwi. Bakit hindi ko subukan at kapag hindi ko talaga kaya ay hindi ko na lang itutuloy. Walang mangyayari kung magiging mataas ako at magiging ma-prinsipyo. Hindi nito mapangbabayad sa libro ni Juan at sa uniform ni Julius. Kaya naman ng sumunod na araw ay agad akong tumungo sa bahay ni Lani at sakto namang mag-isa lang siya. "Pasok ka, Noe. Wala ang mag-aama ko at may pinuntahang party." Humahagikgik niyang sabi at naupo naman ako sa kahoy nilang upuan. "So, nakapag-isip-isip ka na ba?" "Handa akong sumubok, Lani. Pero kapag hindi ko talaga kaya ay aatras ako." Pumalakpak si Lani. "Perfect! At oo naintindihan ko, Noe. Kailan mo gustong magsimula? Ang totoo niyan ay may plano na kaming raket sa isang linggo." "Kahit na kailan, Lani. Paubos na rin kasi ang budget namin." "Sige, pero friend, tatapatin kita, medyo... kailangan mo muna ng practice bago iyon." "Practice? Ha? Para saan?" Medyo naguguluhan kong tanong. Imbes na sumagot agad ay itinayo ako ni Lani at inikot-ikot. "Unang-una, friend, matigas ka pa sa maton at walang lalaki ang maaakit diyan. Pangalawa, iyang maganda mong labi na masiyadong mabulaklak magsalita at panghuli..." Bahagya siyang nagmwestra na parang mag subo sa bibig at inilabas-pasok iyon. "Kailangan mong matuto kung paano mag-akit." Nakakindat niyang pagtatapos. Tama nga ba itong pinapasok ko? Napapaisip kong sabi habang pinagmamasdan kung paanong mag-beautiful eyes at ngumisi si Lani.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD