Matapos ang ilang beses na pagpapalit ay muli akong lumabas sa munting sala ng bahay ni Lani galing sa banyo nila. Ang mga kamay ay hindi mapakali at maya't-mayang ibinababa ang maiksing dress na halos kalahating hita ko na ang kita, at konting yuko lamang ay makikita na ang likuran ko. Ang isang kamay din ay abala sa pagtataas ng malalim na ukaw ng spaghetti dress.
"Wala ka bang ibang damit, Lani? Parang pulos mala-suman ang mga damit na pinapasukat mo sa akin, eh." Reklamo ko sa kaniya habang nakatingin sa sariling repleksyon ko sa full body-sized mirror nila sa sala.
Mula sa salamin ay tinignan niya ako sa matabang na mukha at umiling. "Mang-aakit ka, Noe. Ano ang gusto mong isuot? Pajama?" Matapos sabihin iyon ay tumayo siya at pilit na kinuha ang mga kamay kong nakahawak sa dress. "Pagmasdan mo ang sarili mo, girl. Maganda ka, sexy, ilang beses ko na bang nabanggit sa'yo na marami ang naiinggit sa body shape mo? Alam mo ba kung gaano karaming babae ang todo paretoke at exercise para ma-achieve lang iyan."
Habang nakaharap sa salamin ay kinuha niya ang kamay ko at ililagay ito sa aking leeg. "Maraming mahuhumaling sa leeg na ito," matapos nito ay ibinaba naman niya ang kamay namin sa aking nakalitaw na harapan. "Marami ang maglalaway rito," sunod naman ay ibinaba niya ang mga kamay namin pababa sa baywang at balakang ko. "At itong kayamanan mo? Marami ang mauulol para lang makuha iyan, Noe."
Natameme ako at marahang bumagal ang paghinga, ang aking isipan ay lumipad at sinimulang isipin ang sinabi niya. Ilang kalalakihang nakatingin sa aking gawi, lilingon at ako'y susundan ng tingin. Mga mayayamang lalaki na maglalaway na ako'y maikama, ngunit mabibigo. Hindi ko alam, ngunit ang isiping iyon ay bahagyang nagbigay ng lakas ng loob sa akin.
"Maging confident ka sa sarili mo, okay? Wala nang mas gaganda pa sa isang babaeng confident sa sarili at taas-noo."
Sa huli ay ang kulay red silk na dress niya ang napili ko na nabili raw niya ng mahal sa ukay kaya kung makabilin ay wagas. Matapos ang isusuot ay naupo kaming muli sa lamesa nila at laking pagtataka ko nang maglapag siya ng saging sa harap ko.
"Hindi pa ako gutom." Tanggi ko sabay tulak ng saging.
Marahan siyang natawa bago kinuha ang prutas. "Gaga, hindi mo ito kakainin. Siguro naman ay hindi mo nakalimutan na sa raket natin na ito ay hindi sapat lang ang ganda at kaseksihan, dahil sa raket na ito, importante rin ang seduction skills."
"At ano naman ang connect no'n sa saging?"
Sa harap ko ay sinimulan niyang balatan ang saging habang nagpapaliwanag. "Hindi man kasama sa raket natin ang s*x, kailangan pa ring galingan ang seduction skills."
Nanlaki ang mga mata ko nang sa harap ko pa lang ay dila-dilaan niya ang saging at isubo nang paunti-unti.
"Kadiri ka naman, Lani!"
Natawa siya sa kagagahan niya at kumagat sa saging. "Ito naman. Sabi ko nga sa'yo ay kailangan 'to."
"Bakit, aber? Pwede ka namang mang-akit na gamit lang ang mga mata, mga daliri at katawan mo. O pwede ring sa salita."
Kagaya ng ginawa ko noon. Dugtong ko sa aking isipan. Oo nga't pumalya ako sa lalaking inakit ko, ngunit nagtagumpay naman akong maakit siya.
"Sabagay." Nakakibot ang bibig niyang sabi bago tumango sa direksyon ko. "Sige nga, pakita ka nga ng sample at tignan natin kung papasa. Gamitin mo sa akin ang ipinagmamalaki mo."
Kahit na nahihiya at naiilang ay pinagbigyan ko siya. Sinimulan kong palamlamin ang mga mata ko habang nakatingin sa kaniya, unti-unting ngumiti na hindi kita ang ngipin hanggang sa kagatin ko ang hintuturo ko nang bahagya at tiyaka ngumiti na kita ang mga ngipin.
Nang matapos ay hinintay ko ang reaksyon niya. "Ah, tapos na? Sorry, akala ko inaantok ka lang."
Napasimangot ako sa sinabi niya at binato sa kaniya ang balat ng saging niya na ikinatawa naman niya.
"Bwisit ka."
"Hindi, joke lang. Okay naman siya kaso kailangan talaga ng upgrade. Ganito, pagmasdan mo ang gagawin ko, take note, okay?"
Tumayo si Lani at ipinakita sa akin ang kaniyang paglalakad na ala-beauty queen at inihahampas nang marahan ang balakang, ipinakita niya rin sa akin ang eleganteng paggalaw ng mga kamay niya at daliri at sa totoo lang ay labis akong nagulat. Sino ba naman kasi ang aasa ng ganoong pagkilos mula sa estado namin sa buhay?
Sunod niyang ginawa ay ang elegante ring pag-upo sa mesa, nagsalin ng tubig at pati paraan ng paglagay ng nguso ng baso sa bibig niya at paglagok ay pinagmasdan ko. Sunod ay sinadya niyang bumagsak ang ilang hibla ng buhok sa harapan at halos tumabing sa malusog niyang hinaharap bago iyon mabagal at senswal na inalis at inipit sa likod ng tainga.
At kahit na babae ako ay halos mahigit ko ang hininga ko nang unti-unti niyang itinaas ang paningin patitig sa akin, sa mga mata niya'y may masasalaming paghanga at pang-aakit. Ilang sandali pa ay nagkawala siya ng napakatamis na ngiti.
Nang matapos siya ay hindi ako nakakilos agad at parang isang isda na bukas-sara ang bibig kaya naman natawa na lang si Lani.
"Art of seduction, Noe. Ilang taon ko na itong ginagawa kaya kabisado ko na ang takbo ng libido ng mga kalalakihan at huli ko na sila halos lahat. Huwag kang mag-alala dahil magpa-practice tayo, okay? Kasi hindi naman porke't raket lang ito at mahihirap tayo ay kilos at asal-kalye na tayo. Tandaan mo, mga mayayaman ang target natin na may taste din sa babae. Kailangang magmukha tayong kagalang-galang at elegante sa harap nila at hindi babaeng magpapatulog sa kanila." Humahagikgik niyang litanya. "At syempre, hard-to-get dapat ang peg natin at hindi easy. Kailangang magpakipot at magpahabol. Kailangang sila ang lalapit sa atin at hindi tayo."
At ilang araw ngang nagpatuloy ang 'lesson' naming dalawa. Mula sa tamang paglalakad, pagsasalita at pagkilos ay itinuro niya sa akin at nahirapan man ay natutunan ko rin naman. Ang pakiramdam ko tuloy ay sasali ako sa beauty pageant at hindi manloloko ng kung sinong mayamang lalaking mamalasin.
Matapos ang isang linggo ay pumunta kami ni Lani sa Makati para doon maghanap ng mabibiktima. Ang iba niyang kasama ay sa iba't-ibang parte ng Quezon at Manila nagpunta.
"Kapag nakakita na tayo ng target ay lalayo lang ako habang nakamasid at nakahandang umalalay kapag may nangyaring masama, ha? Okay, check tayo. Nandiyan ang gamut sa bag mo, okay? Check. Pepper spray sakaling pumalya at hindi makatulog agad ang tigre? Okay, check. Ang tanong, ang confidence ba, nadala mo?"
Bilang sagot sa tanong niya ay inayos ko ang tayo ko at ang expression sa mukha ko kaya naman napapalakpak na lang siya.
"Very good. Okay, ganito, Noe, napag-usapan na natin, hindi ba? Ang mukhang pinakamalaking isda ang pipiliin natin. At paano ito malalaman?"
"Sa o-orderin nilang inumin, sa suot at relo?"
"Tumpak. Pinakita ko naman sa'yo ang mga mamahaling brand ng damit, relo at alak, hindi ba? Tanda mo pa ba?"
"Oo naman."
Hindi man ako nagtatagal sa trabaho ay maipagmamalaki ko namang matalas ang memorya ko.
"Ready ka na?"
Sunod-sunod na pagtango ang ginawa ko at ilang sandali pa ay pumasok na kami sa isa sa mga sikat na bar sa Makati. Pag-akyat pa lang sa elevator ay may mga nakasabay na kami at talaga namang nagse-seksihan at naggagandahan. Hindi ako nagpatinag at kahit na naninibago sa heels at bagong paraan ng paglakad ay sige lang. Ilang sandali pa ay narating na namin ang rooftop at pinigilan ko ang sarili kong mapapiksi.
May umalalay sa amin paupo at halos malula ako nang makita ang menù.
"Okay lang 'yan, ano ka ba? May budget tayo." Natatawang sabi ni Lani bago pasimpleng lumingon. "Gaya ng napagkasunduan natin, kapag may nakita na tayo ay unti-unti na akong hihiwalay, ha? Malay mo makasungkit ako ng afam na customer. Magbi-birthday pa man din ang bunso ko."
"Sige." Muli kong ibinalik ang atensyon sa menù at pamilyar man ang ilan ay wala naman talaga akong natitikman pa masyado sa mga ito bukod sa iilan, ngunit matagal na iyon.
"Girl, grabe ang daming mata ang nakatutok sa'yo. Kararating pa lang natin ay mukhang makakabingwit ka na."
Sa narinig ay pasimple akong tumingin sa paligid at nakita nga ang ilang mga matang nakatutok sa akin, ngunit agad din akong umiwas.
"Very good. I'm very proud of you." Trying hard na pag-e-english ni Lani bago humagikgik. "O, pak, english iyan na natutunan ko sa mga afam. O siya, simulan na natin ang paglilibot ng mga mata. Sabihan kita kapag may nakita na ako."
Imbes na sumagot ay itinuon ko ang pansin ko sa binabasa. Ano ba sa mga ito ang hindi nakakalasing?
"Hm, Uniqlo, Gucci, Fendi, Balenciaga... Ralph Lauren." Sa huling sinabi ni Lani ay napasinghap siya. "Oh my galiwow, Noe. Mukhang nakita ko na ang target natin. Pasimple mong tignan ang lalaking nag-iisa sa bar island. Mukhang old money pa si kuya base rin sa vintage watch."
Sa narinig ay pasimple ko ngang tinignan ang lalaki sa harap at mabilis itong pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa, hindi kita ang mukha nito, ngunit malalaman mong may hitsura ito kahit na nakatalikod.
"Wala nang hanap-hanap pa, girl. Siya na. Feel kong siya na."
Matapos ang ilang minuto ay muli akong sumulyap sa naturang lalaki na magiging 'target' ko ngayong gabi. At sakto namang tumingin ito sa gilid at nakita ko ang mukha niya. At sa tulong ng kulay asul at pula sa paligid ay nasino ko ang pamilyar niyang mukha.
At halos lumubog na ako sa kinauupuan ko.