Kabanata 3

1426 Words
Maganda man ang sikat ng araw, hindi mo naman ito maramdaman dahil umagang-umaga ay sira na ang araw ko. Ang paligid ay nangangamoy sigarilyo na nagmumula sa magaling kong ina, at kahalo nito ang amoy ng sardinas na niluto ko para almusal ng mga kapatid kong papasok. "P*nyetang buhay 'to. Nagkatrabaho ka ngang ulit pero pinairal mo naman iyang kagaspangan ng ugali mo kaya ano? Nganga na naman tayo? Tangna. Kailangan ka ulit makakahanap ng trabaho niyan? Sa isang linggo? Sa isang buwan? Aba, baka mamuti na ang mga mata natin n'on sa gutom." Ang paulit-ulit na pagbubunganga ng aking ina habang hithit-buga sa sigarilyo. Pabagsak kong inilapag ang kakabuhol ko lang na baon ng kapatid ko sa school. Simple lang naman iyon, isang pirasong biscuit na nabili sa tindahan at juice. Ang mahalaga lang ay may makakain sila habang recess. "Pasensya na ho, ano. Pasensya na at pinili kong lumaban kaysa magpaapi sa matapobreng iyon. Pasensya na rin at wala akong trabaho para pantustos sa bisyo ninyo." Dahil maliit lang naman ang bahay namin ay hindi rin nahirapan pa si Inay na lapitan ako at bigyang dagok sa ulo. "Iyan, diyan ka magaling. Ang bastusin ang magulang mong nagluwal sa'yo sa mundo dahil lang kumikita ka na. Ano ba naman ang karamput na hinihingi ko sa'yo kapalit ng paghihirap ko mula sa panganganak ko sa'yong tang*na mo ka." Mariin akong napapikit. Hindi man nasaktan sa mga salita niyang buong-buhay ko nang naririnig, ay hindi pa rin naiwasang magpuyos ang damdamin ko. "Pasok na kayo, ha? Romeo, ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid mo. Ihatid mo muna bago ka pumasok at maghahanap pa ako ng trabaho." Utos ko sa aking kapatid habang inilalagay sa bag ng mga kapatid ko ang mga baon nila. Pinagmasdan ko silang makalabas ng bahay at sinigurong malayo na sila bago hinarap ang nanay ko. Nagpupuyos ang damdamin, nagtatagis ang mga bagang at nakakuyom ang mga kamao. "Kung sumbatan lang din naman pala, 'Nay, baka matalo ka lang. Unang-una, hindi ko ginustong ipanganak sa mundong ito. Kayo! Kayo ang gumawa-gawa ng mga anak na hindi ninyo naman pala kayang alagaan tapos para, ano? Para iasa sa akin ang lahat? Para ipapasan sa akin ang responsibilidad na para sa inyo dapat? Pagod na ako, 'Nay! Pagod na pagod na ako!" Nanlilisik na mga mata ay nakatitig sa mga mata niyang walang makikitang simpatiya man lamang. Pang-ilang beses na ba kaming nagkasagutan? Pang-ilang beses na bang nasaksihan ng apat na sulok ng maliit naming bahay ang tagpong ito at kung nakakapagsalita lang ito marahil ay baka nagreklamo na. Katulad ng mga kapitbahay naming nasanay na rin marahil sa ingay. At syempre, alam na rin nito malamang ang susunod na mangyayari. "Lumayas ka! Lumayas ka kung pagod ka na palang gaga ka!" Nanlalaki ang mga mata at nanginginig sa galit ang boses niyang bulyaw sa akin. "Katulad ng ginawa mo noon!" Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang sarili kong maiyak dahil sa sobrang galit at imbes ay ibinaon ang kuko sa palad. "Kung pwede lang sana," mahinang sabi ko sa pagkakataong ito bago sinimulang ayusin ang envelope na dadalhin. "Kung pwede ko nga lang bang iwan ang mga kapatid ko sa isang walang kwentang ina ay ginawa ko na." Sa pag-alis ko ay kasunod pa rin ang malakas niyang pagbubunganga na maaaring rinig hanggang kanto. Pero alam ko, hindi naman talaga siya galit dahil sa mga sinabi ko. Alam kong nanggagalaiti siya dahil wala siyang perang mahihita sa akin at mapipilitang mangutang para makapagsugal. Imbes na maghanap agad ng trabaho ay dumiretso ako sa bahay ng isang taong labis ding nagpapahirap sa buhay ko. Ang taong dapat na nag-aalaga at nagbibigay tulong sa mga anak na ginawa niya, ngunit nagpapasarap sa buhay. Hindi ko kaya. Hindi ko alam kung kailan ako ulit magkakaroon ng trabaho at hindi pwedeng walang pera kami sa mga susunod na araw. Kung tutuusin ay ayaw ko nito. Kahit na nagkakandasuka na ako sa pagbabanat ng buto ay hindi ako lumalapit sa itay ko, pero ngayon ay kailangan para sa mga kapatid ko. Kahit hindi na para sa akin dahil kaya ko ang sarili ko. Sumakay ako ng jeep papunta sa tondo at binagtas ang maingay at masikip na kalye para makarating sa bahay nila. Sa bandang dulo ay makikita ang bahay na inuupahan ng aking magaling na ama at kabit nito at dalawang anak. Sa tuwing makikita ko ito ay gusto ko na lamang matawa dahil mas matino ito kaysa sa tagpi-tagpi naming bahay. Sa labas ay makikita ang tricycle ni tatay. "Nandiyan ba ang tatay?" Tanong ko sa nuwebe-anyos na anak-anakan nitong ang pagkakatanda ko ay 'Xyril' ang pangalan. Imbes na sumagot ay pasigaw nitong tinawag ang ina at sinabing may tao at pinigilan ko ang sarili kong kutusan ang bata. Mula sa pinto ay lumabas ang isang babaeng mataas ang pagkakapusod ng buhok, manipis ang kilay, makapal na makeup at malaking tiyan. Si Mariel, ang pokpok na kabit ng aking ama. Awtomatiko siyang sumimangot at nginuya ang bubble gum. "Ano'ng kailangan mo?" "Si tatay ang gusto kong makausap." Mariing sagot ko sa kaniya. Sa narinig ay suminghal siya bago lalong sumimangot at namaywang. "Bakit? Manghihingi ka na naman ng pera?" Sa narinig mula sa namumutok sa pulang labi niya ay hindi na ako nakapagtimpi. "Na naman? Na naman?! Kailan mo pa akong huling nakitang nagpunta dito? Kailan mo pa ako huling narinig na lumapit sa inyo?!" Hindi siya sumagot at umirap lang. Hindi na ako nakapagtimpi pa at kinabig siya sa tabi. "Lumayas ka sa daan ko. Walang karapatan ang kabit na gaya mong harangin ang anak para kausapin ang tatay niya." Pagpasok sa sala ay nakita ko si tatay na nakaprente sa maliit nilang sala at nanunuod sa maliit na tv. "Ano ba at ang aga-aga ay pinapaandar mo iyang bunganga mong namana mo sa nanay mo? Puny*tang buhay 'yan, tumakas nga ako sa pagbubunganga niya, ikaw naman pala papalit." Oo, hindi rin naiiba ang taong nasa harapan ko ngayon na tinatawag kong 'Itay'. Parehong-pareho silang mag-asawa na nag-anak lamang nang nag-anak, ngunit hindi kayang pasanin ang responsilidad at imbes ay nais itong takasan at iasa sa akin. "Nawalan ako ng trabaho kaya kailangan namin ng panggastos sa bahay. Huwag kang mag-alala dahil hindi naman magtatagal at makakahanap din ako ng t—" Hindi ko na naituloy pa ang sinasabi ko dahil padabog niyang ibinaba ang hawak na remote at katulad ni inay ay matalim akong tinitigan. "Aba'y napeperahan ka ba sa akin? May patago ka ba sa akin, ha, Noeria?" Narinig kong tumawa mula sa kung saan si Mariel. "Wala akong patago sa inyo pero may tinatawag tayong responsibilidad ng isang ama sa kaniyang mga anak. Dahil ang pagiging ama ay hindi natatapos sa pagpapakasarap." Hindi na ako nakakilos pa nang dumapo ang kamay niya sa aking pisngi, hindi ako umiwas, hindi umiyak at sa halip ay inayos ang sarili at muling tumingin sa kaniya. Sanay na. Sanay na sanay na ako. "Sa tuwing pumupunta ka rito ay wala ka nang ibinigay kung hindi sakit ng ulo!" Bago pa niya akong muling mapagbuhatan ng kamay ay pinigilan ko na siya. "Pagbibigyan kita sa isa pero may kapalit na ang pangalawa at sa korte na tayo maghaharap. Mamili ka, kaunting sustento mo sa mga anak mo, o makulong ka?" At sa tuwina, nakakalungkot lang din na kailangan ko pa siyang pagbantaan para lang mapilitang magbigay. Sabi nga nila, maraming tatay ang hindi marunong magpaka-tatay. Matapos ang ilan pang panunumbat, pagbabanta at mura ay inihagis niya sa harap ko ang dalawang libo. "Dalawang libo? At paano kong pagkakasyahin ito sa mahal ng mga bilihin ngayon?" Hindi makapaniwala kong tanong sa kaniya. "Iyan lang ang kaya ko at may mga palamunin din ako dito. Kung ayaw mo ay lumayas ka na lang." Kagat ang dila ay walang sabi-sabi kong pinulot ang pera at nilukot ito sa aking kamay bago lumabas na walang lingon-likod. Naglakad ako ng diretso at ang mga mata ay hindi alam kung saan titingin. Hanggang sa naramdaman ko na ang panghihina ng aking mga tuhod at napakapit sa isang pader ng bahay sa isang eskenita at doon ay napaupo na lang sa sahig at naglabas ng sama ng loob. Sa mabaho at masikip na eskenita kung saan nagpapasalamat akong wala pang dumaraan ay nilabas ko ang emosyon ko. Iniyak ko ang galit sa mga magulang ko, ang awa para sa sarili ko at sa mga kapatid ko. Habang kuyom sa kamao ang dalawang-libo na hindi ko alam kung paano ko pagkakasyahin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD