Tagabantay sa stall, janitress sa Mall, sa School, data encoder, cashier, call center agent at marami pang iba. Mga trabahong tinangka kong pasukin, ngunit sa huli ay bigo. Matanggap man at pumasa ay kakarampot na sahod lamang ang katapat. Karampot na sahod para sa maghapong pagod mo sa trabaho.
Malungkot man, ngunit ito ang reyalidad ngayon. Ang mga taong nagsusumikap at labis na naghihirap ay sila ang maliliit ang kita, samantalang ang mga magaganda ang trabaho at mataas ang posisyon ay mayaman na at patuloy na yumayaman pa.
Pero kung isasadlak mo ang sarili mo sa kalungkutan at buong-buhay na iindahin ang malungkot na katotohanang ito ay wala kang mararating.
Inabot na ako ng hapon sa paghahanap ng trabaho at isang piraso na lamang ng aking resumè ang natira. Gumaan ang dala kong envelope, ngunit tila lalo namang bumigat ang aking mga paa at puso sa bawat minutong lumilipas. Isipin pa lamang na uuwi akong luhaan at walang nahanap na trabaho ay hindi ko na kaya. Para akong mawawalan ng enerhiya at hihimatayin sa pag-iisip kung paano pagkakasyahin ang isang libo.
Tumigil ako sa isang tabi kung saan may nagbebenta ng fish ball at samalamig. Nanunuyot ang lalamunan at kumakalam ang sikmura kong hinugot ang huling barya kong singkwenta pesos at pinambili ito ng pagkain. Habang kinakain ang tugog ng fish ball ay napagkit ang tingin ko sa kabilang kalsada kung saan makikita ang tila bagong bukas na bar. Sa labas naman ay mukha itong disente at ang nakaagaw ng pansin ko ay ang nakapaskil na papel sa salamin. Inubos ko na ang fish ball at samalamig bago lumapit doon at nabuhayan ng loob nang makitang naghahanap ito ng waitress.
Inayos ko ang aking sarili at mula sa envelope ay inilabas ang huling bala bago ito hinalikan.
"Buena mano. Sana naman ay ikaw na ang swerte ko." usal ko sa aking sarili bago pumasok sa loob.
"Sarado pa po kami." buryong na sabi ng isang babae na nagpupunas ng mesa.
"Aplikante po ako. Nakita ko kasi ang sign sa labas at gusto ko sanang magbakasakali."
Sa narinig ay tumigil siya sa ginagawa bago pagal na naupo at kinatok ang katapat na pwesto. "Maupo ka."
Dali-dali akong naupo at agad na inilapag sa harap niya ang resumè ko ngunit hindi man lamang nito iyon tinignan.
"May mga itatanong ako at oo at hindi lamang ang isasagot mo."
Nagtaka man ay agad naman akong tumango.
"Marunong ka bang humawak ng tray?"
"Opo. Dati po akong waitress." mabilis kong sagot at napabuntong-hininga naman siya.
"Oo at hindi lang."
May mga bagay pa siyang tinanong na sinagot ko naman ng tunay at walang pag-aatubili.
"Okay. Kung makapagsisimula ka na mamaya rin ay tanggap ka na." Ibinuka ko ang bibig ko para tanungin ang importanteng bagay, ngunit naunahan na ako nito. "Ang sahod mo kada-kinsenas ay six thousand, twelve thousand kada buwan."
Namilog ang aking mga mata sa narinig at agad na kinuha ang kamay niya. "Mamaya rin po? Nasaan ang uniporme ko?"
Nang matapos ang interview ay binigyan na ako nito ng uniporme at nagniningning ang mga mata ko itong pinagmasdan. Dahil pagabi na ay tinawagan ko ang kapatid kong si Romeo gamit ang de-keypad na cellphone.
"Nasundo mo ba ang mga kapatid mo?" bungad kong tanong habang pinagmamasdan ang uniporme.
"Oo naman, Ate. Hindi ko naman sila makakalimutan."
"May klase ka pa ba?"
"Isang subject na lang at uwian na. Dumating na si Nanay kanina bago ako umalis kaya naiwan ko na sila Mila at Catherine. Nakauwi na rin noon si John kaya kung umalis man si Nanay ay may kasama sila." detalyadong sabi ni Romeo na kabisado na ang patakaran namin.
Dahil may maliliit pa kaming kapatid ay salit-salitan kami ng pagbabantay kung walang klase o trabaho. Hindi mo rin maaasahan kasi ang Nanay namin na maya-maya lamang ay aalis at sa sugalan pupunta. Bagay na madalas naming pagtalunan.
Hangga't maaari naman ay nagtitimpi ako dahil ayokong masaksihan ng mga kapatid ko ang away, ngunit kung pagod ka na sa trabaho at kadalasan ay ikaw pa rin ang magluluto ay talaga namang mapipikon ka rin. Idagdag pa na wala na halos ibigay sa amin si Nanay at puro sa bisyo napupunta ang kinikita.
"Nakahanap ako ng bagong trabaho at hanggang alas-singko ng umaga ang shift. Mainam na rin para sa maghapon ay may kasama sila Mila. Kapag nakauwi ka na, may noodles pa naman tayo at itlog, pagluto mo na lang ang mga kapatid mo, ha?"
"Oo, ate. Ako na ang bahala."
Lumipas ang labing-limang araw at naging maayos naman ang trabaho ko sa naturang bar. Dahil sa naturang lugar ay alam ko namang hindi mawawala ang mga manyakis, gayunpaman ay iniiwasan ko sila hangga't maaari. Dahil bago pa ang bar ay mangilan-ngilan pa lamang ang customer.
At ang pinakahihintay kong araw ay dumating na at natanggap ang kinsenas na anim na libo. Sahod na buong pang-buong buwan ko na noon. Bago umuwi noon ay dumaan ako sa isang tindahan ng manok at bumili ng ilang pirasong fried chicken na nagkakahalaga ng kinse pesos. Maliit sa karaniwan, ngunit para sa amin ay sobra-sobrang biyaya na.
At hindi ko maiwasang mangiti nang makita ang saya sa mga kapatid ko habang kinakain ito. Dahil sa wakas, hindi sardinas, gulay o noodles ang kinakain nila.
Ibinigay ko ang lahat sa bago kong trabaho para hindi matanggal o mapalitan. Dobleng sipag ang inilaan ko at palaging nakangiting sinasalubong ang bawat customer.
Ngunit isang araw ay hindi ko alam na mawawala na naman pala ito dahil lamang sa maliit na pagkakamali.
"Ano ba naman 'yan? Bulag ka ba at hindi mo ako nakita? My God! So freaking stupid."
Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko para pigilan ang sarili kong murahin ito at sagutin pabalik. Hindi ko na lamang pinansin ang babae at agad na sinimulang pulutin ang mga piraso ng nabasag na baso.
"That's it? No sorry? Nasaan ang Manager ninyo?!"
Marahan akong napamura nang masugatan ang hintuturo ko, ngunit kaagad ko itong sinipsip para tumigil at itinuloy ang ginagawa gamit ang isang kamay.
Ilang sandali pa ay natapos ako sa ginagawa at sakto rin na lumabas si Ma'am Maggie.
"I'm sorry, please don't make a ruckus here, Miss. Ano po ba ang problema natin?" mahinahon niyang tanong sa babae na hindi maipinta ang mukha.
"Binunggo lang naman ako ng magaling ninyong tauhan! Look what she did to my blouse! Branded itong damit ko na ito at bagong bili pa lang! I could have let it slide pero wala man lang sorry-sorry iyang empleyado niyo! Vlogger ako, Miss! Ire-recommend ko pa naman sana ang bar niyo tapos ganito? Badtrip!"
Humigpit ang hawak ko sa tray na naglalaman ng mga nabasag na piraso. Dahil taliwas sa sinabi niya ang nangyari. Palakad ako dala ang order ng nasa kabilang table nang biglang tumayo ang babae at ako ang binunggo.
"Please, don't, Miss. Magagawan naman natin ito ng paraan, hm? Noeria, humingi ka ng sorry sa customer."
Napatiim-bagang ako sa sinabi ni Miss Maggie at mariing umiling. "Hindi ako ang may kasalanan, Miss. Bakit ako ang hihingi ng tawad?"
Marahas na napabuga ng hangin ang vlogger. "What kind of attitude is that? Ganito ba ang empleyado niyo rito? So ako ang may kasalanan? Is that it?"
"Noeria, humingi ka ng tawad." mariing utos ng aking Manager, ngunit nanatiling nakaangat ang aking noo.
"Marunong akong tumanggap ng pagkakamali ko, ngunit sa pagkakataong ito ay alam kong inosente ako."
Tila naman tuluyang napikon dahil lumapit sa akin ang vlogger at sinimulan akong itulak-tulak sa noo gamit ang hintuturo.
"Ako ang sinungaling? Ako ang pinalalabas mong masama at kontrabida? Ha. Sino ka ba sa tingin mo? May maipagmamalaki ka ba sa akin, ha? Kayong mga mahihirap, hindi na dapat kayo nagmamalaki. Saan ka dadalhin niyang pride mo?" Patuloy na pangmamaliit niya at sa huling sinabi niya ay hindi na ako nakapagtimpi pa. "Ugaling-ugaling squatter, ano? Walang pinag-aralan."
Ibinagsak ko ang hawak kong tray at sumaboy ang laman nito sa baba. Gamit ang kanang kamay ay hinablot ko ang buhok niya.
"Ikaw na p******** ka, huwag na huwag mo akong iinsultuhin dahil hindi mo ako kilala. Aba, porke't may pera ka, maganda ang bihis mo, tingin mo ay mas mataas ka na sa lahat, ganoon? Mahirap man ako pero hindi ako sinungaling na kagaya mo! Mahirap man ako pero at least hindi ako nananapak ng kapwa ko tao! Sorry? Kailanman ay hindi mo iyan maririnig mula sa mga labi ko!"
Paghingi ng tawad sa iba gayung ang sarili kong mga magulang ay kailanman hindi humingi ng pasensya sa ginawa sa aming magkakapatid? Hinding-hindi!
Naging mabilis ang mga sunod na pangyayari at nagpambuno kaming dalawa. Hindi ako nagpatalo at halos bunutin na ang mga buhok niya hanggang sa halos umiiyak na siyang humingi ng tulong.
"Tama na 'yan, Noeria! Bitawan mo siya!"
Isang pwersa ang humila sa akin palayo sa ngumangawang babae at marahas ang paghinga ko at walang nakikita kung hindi ang babae.
"Walanghiya kang babae ka! Magdedemanda ako! Idedemanda kita!" umiiyak na sabi ng vlogger na yakap ng kaibigan. "Tignan natin kung hindi ka humingi ng sorry!" pagmamayabang pa niya kahit na gulo-gulo na ang buhok at damit.
"Magdemanda ka! Pun****!"
"Noeria, I can't believe na papatol ka sa customer! Paano na ang reputasyon nitong bar ko? I'm sorry, but you're fired!"
Sa harap mismo ng lahat ay hinubad ko ang apron. "Hindi na kailangan dahil ayaw ko na! Hindi ko rin gugustuhing pakisamahan ang bulag na boss na kagaya mo na hindi pinapanigan ang empleyado." singhal ko kay Maggie bago nagpunta sa loob para kunin ang mga gamit ko.
Ngunit paglabas ko ay tila nag-iba ang paligid at tumahimik. May isang lalaki ang ngayon ay nakatayo roon sa gitna at nakatalikod naman sa akin.
"I saw what happened. Miss Vlogger here was the one who bumped into your employee and did not bother apologizing. Miss, ang lakas mong mag-demand ng sorry pero hindi mo naman maamin na ikaw ang may kasalanan. That is unfair for someone just trying to make a living." Naiiling na sabi ng lalaki at natigilan ako sa kinatatayuan ko.
Mayroon sa boses niya na pamilyar. Pamilyar ang tono at pagiging kalmado. Siguarado akong narinig ko na ang tinig na iyon noon pero bakit at paano? At ang pamilyar na bulto ng katawan niya.
Napahawak ako sa dibdib ko nang kumabog itong bigla, ngunit hindi naintindihan kung bakit.
"And I thought I'll have a peaceful night just drinking." Napapapalatak na dagdag ng lalaki bago pinaraanan ng mga daliri ang tila kay lambot na buhok.
Kahit ang mannerism na iyon ay pamilyar at natagpuan ko ang aking sariling hinihigit ang hininga at nanlalaki ang mga mata. Sa sandaling iyon ay parang may isang kamay ang sumakal sa leeg ko at nakalimutan kong huminga. H-Hindi p'wede. Imposibleng siya iyon! Imposible!
Matapos magsalita ay inilapag nito ang ilang lilibuhin sa mesa at hindi man lamang nag-abalang alamin kung sakto ba iyon o sobra. "For my order at para sa nabasag ng empleyado niyo kanina." Kalmado niyang turan bagaman at mababakas sa boses niya ang pagiging iritable.
At nang lumabas na siya at naglakad sa kaliwa dahilan para makita ko ang gilid ng mukha niya ay napatutop ako sa aking bibig. Sandali lamang iyon, ngunit tila nag-slow motion sa aking paningin ang pagdaan niya. Parang palabas sa pelikula kung saan huminto ang oras at bumagal ang paggalaw ng mga tao, ngunit hindi ito kagaya ng isang romantikong eksena. Ang pamilyar na pares ng mga matang tanda kong nawawala kapag ngumingiti at tila mga labing nakangiti rin. Mahahabang pilikmata na sinumang babae ay maiinggit. Matangos na ilong na tila nililok nang mabuti. Maninipis na labing nakatikom at natural na mamula-mula. Hugis diamond na mukha na may matatalim na panga na para bang masusugatan ka kapag hinawakan mo.
Siya nga. Siya nga ang lalaking iyon! Nanginginig kong sabi sa sarili bago tila nauupos na kandilang napasalampak sa sahig, hindi alintana ang malamig na pakiramdam na dulot nito.
Hindi ako maaaring magkamali dahil hindi ko makakalimutan ang mukha niya. Ang lalaking unang nakaulayaw ko noon sa Cebu limang taon na ang nakararaan.