Goodnight

2306 Words
CHARRIE: PANAY ang buga ko ng hangin para kalmahin ang sarili ko. Dama ko ang pangangatal ng buong katawan ko habang nakatayo dito sa pintuan ng unit ni Cloud. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko na para na akong mabibingi! "Kaya mo ito, Charrie. Ngayon ka pa ba uurungan ng buntot?" piping usal ko. Ilang beses akong napatikhim at buga ng hangin para bumwelo. Piping nagdarasal na sana. . . sana ay hindi ako palayasin ni Cloud dito. Mariin kong nakagat ang ibabang labi. Kanina ko pa kinakalma ang sarili pero heto at hindi ko naman makalma-kalma! Nangangatal ang kamay kong pinindot ang doorbell. Mariin akong napapikit habang hinihintay na bumukas ang pinto. Napainom pa ako ng limang boteng beer kanina sa labas para ka'ko may lakas ako ng loob na uwian si Cloud dito sa kanyang unit pero heto at nahimasmasan naman agad ako. Nakakainis! Bumukas ang pinto na dahan-dahan kong ikinamulat at pilit ngumiti ditong napapakusot pa ng mga mata. Mukhang nagambala ko pa ang pagpapahinga nito. Nangunotnoo ito na mabungaran ako. "H-hi, pasensiya na. Naistorbo ko ang pahinga mo." Nauutal kong saad dito. Hindi ito umimik at tinalikuran na ako pero iniwan namang nakabukas ang pinto. Lakasloob akong pumasok at ni-lock na ang pinto bago sumunod dito. Napapalabi ako habang nakamata sa likuran niya. Isang linggo ko rin siyang hindi nakita at nakausap manlang. Mis na mis ko na siya at gustong-gusto ko sanang yakapin ito. Pero mahigpit kong tinututulan ang sarili dahil tiyak kong magagalit lang ito kapag ginawa ko iyon. Pabalang itong naupo ng pang-solo-hang sofa. Nag-angat ng paa sa center table na napapikit at sumandal. Nanatili naman akong nakatayo sa harapan nito. Pinakatititigan ang kay amo niyang mukha lalo na kapag gantong nakapikit siya. "C-Cloud," mahinang sambit ko. Hindi naman ito umimik. Napapalapat ako ng labing umupo sa tabi nito. Kita ko namang gising pa siya. Tila pinapakiramdaman lang niya ako. Napahinga ako ng malalim para humugot ng lakas ng loob. Bahala na. Kakapalan ko na ang mukha ko at magsusumiksik sa kanya. "O-okay lang namang magsama na tayo, 'di ba?" nauutal kong tanong. Napahinga naman ito ng malalim na nagdilat ng mga mata. Napahilamos pa ng palad sa mukha at pagod akong tinignan. "Sa kabilang silid ka. Hindi tayo magsasama sa iisang kwarto, Charrie. Ipagdasal mo na lang na mabubuntis kita. Dahil kung hindi? Maghiwalay na tayo next month," malamig nitong saad na pabalang tumayo at pumasok na ng kanyang silid. Mapait akong napangiti na nakasunod ng tingin sa kanyang likuran. Tumulo ang luha kong kaagad kong pinahid at pilit ngumiti para sa sarili. "Sana nga. . . sana nga may bunga ang nangyari sa atin," piping usal ko na napahimas sa aking puson. Kahit napakalamig ng trato niya sa akin ay napangiti pa rin ako at nagkaroon ng mumunting pag-asa. Pag-asa na maging maayos din ang lahat sa amin at makakabuo kami ng isang masayang pamilya. Napahimas ako sa aking puson na napangiti habang nakapikit. "Sana may mabuo kami ni Cloud, Lord. Ibigay niyo na po ito sa akin. Ito na lang ang paraan para mapasaakin ang lalakeng pinakamamahal ko," piping usal ko. Napahinga ako ng malalim na dinampot ang bag ko at pumasok sa kabilang silid. Kahit magkahiwalay kami ng tutulugan nito ay ayos lang sa akin. Ang mahalaga ay pumayag itong tumira ako dito sa condo niya. Tumuloy ako ng closet at inayos ang mga damit na dala ko. Hindi ko mapigilang mapangiti habang naglilipat ako ng mga damit ko. Konting tiis na lang at magiging akin din siya ng tuluyan. Sisiguraduhin kong matututunan din niya akong mahalin pabalik. Matapos kong mag-ayos ng gamit ay sumampa na ako ng kama. Inaantok na rin ako at gusto ko ng magpahinga. Payapa naman na ang isip at puso ko dahil nandidito na ako sa piling ng asawa ko. Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay maasikaso ito ng maayos. Ako ang maglalapit ng sarili ko sa kanya para mapansin niya ako at ang mga effort ko para dito. LUMIPAS ang mga araw na dito na nga ako sa unit ni Cloud nakatira. Si Rain naman at Tatay Moon ay nasa kabilang unit. Madalas ay naiiwan din si Tatay Moon kapag gano'ng pumapasok si Rain ng hospital. Kaya naman kami ang madalas na magkasama at kwentuhan. Dinadalaw ko kasi siya sa kabila. Mabait si Tatay Moon. Makulit at masayahin na may pagkabolero. Mukhang sa kanya nagmana si Kuya Typhoon. How I wish na gano'n din si Cloudy. Na makulit din siya at palabiro. Pero hindi. Kabaliktaran ang ugali ni Cloudy na masungit, tahimik at cold hearted na tao. Lagi siyang seryoso na napakatipid pa kung magsalita. Wala ring kalambing-lambing kung makipag-usap at mabibilang lang sa mga daliri ko sa kamay ang pagngiti nito. "Maswerte si Ulap ko sa'yo, Charrie. Napakaganda mo na nga, napakabait mo na, ang sarap mo pa magluto. Naku, mabuti na lang at sayo napunta ang anak kong iyon." Napangiti ako sa papuri ni Tatay Moon habang magkaharap kaming nanananghalian dito sa kanilang unit. Ako kasi ang nagluto para sa amin. Masinop naman si Tatay dito. Siya ang nagpapanatiling malinis ang unit kaya pagluluto lang ang nagagawa ko kapag nagpupunta ako dito. "Maswerte din po ako na pumayag si Cloud pakasalan ako, Tay. Alam niyo po ba, nasa isang dekada na rin magmula noong unang tagpo namin ni Cloud eh. Ang alam ko, magka-college pa lang siya noon. Pero magmula noon ay gustong-gusto ko na po ang anak niyo. Kaya sobrang saya kong ngayon ay asawa ko na po siya." Nakangiting pagkukwento ko. Napapangiti naman ito habang sinasabayan akong kumain. "Kahit suplado pala ang Ulap ko ay may nabibihag pa ring magagandang binibini sa kanya. Ewan ko ba sa batang iyon. Mukhang kay Elijah siya nagmana ng kasungitan. Kung sana kasi sa akin na lang nagmana e," saad nito na sumilay ang matabang na ngiti sa kanyang mga labing nabanggit ang pangalan ng asawa. Hinawakan ko ang kamay nito na marahang napisil. Nangingilid na kasi ang kanyang luha. "Pasensiya ka na, anak. Gan'to talaga ako kapag naaalala ko ang asawa ko eh. Kahit ilang dekada na ang nakakalipas magmula noong mamahinga na ito ay sobrang sakit at bigat pa rin sa aking dibdib ang pagkawala niya. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na sisihin kung bakit siya naghirap at namatay ng maaga. Hindi kasi ako naging responsableng ama at asawa noon. Bagay na hanggang ngayon ay pinagsisisihan ko, Charrie. Kaya ikaw. . . masungit si Ulap ko pero, sana alagaan mo ng mabuti ang anak ko, ha? Kung dumating ka sa punto na pagod ka na at nagsawa sa kasungitan niya? Ibalik mo siya ng maayos sa akin. Hindi ako magagalit, Charrie." Napalabi akong tumulo ang luha sa sinaad nito. Tinatapik-tapik naman nito ang kamay naming magkahawak. Nakangiti pero iba ang lungkot na mababasa sa kanyang mga mata. "Hindi perpekto ang anak ko, Charrie. Marami d'yang iba ang mas nakakahigit sa kanya. Kaya hindi kita masisisi kung dumating ang araw na mapagod ka sa kanya. Pero isa lang ang pakiusap ko, anak. Kapag nagsawa ka na sa kanya? Hwag mo siyang pagtataksilan, ha? Ibalik mo siya sa akin at malugod kong tatanggapin. Sabi ko naman sa'yo, hindi perpekto ang anak ko. Hindi ako magagalit sayo o magtatanim ng sama ng loob. Mauunawaan ko ang magiging pasya mo, anak." Umiling-iling ako na patuloy sa pagtulo ang luha. "Mahal na mahal ko po si Cloudy, Tatay. Hwag kayong mag-alala. Gaano man po siya kasungit? Hindi ko po siya iiwan lalo na ang pagtaksilan. Si Cloudy po ang buhay ko. At siya lang ang lalakeng nanaisin kong makasama sa tanang buhay ko, Tatay." Napangiti itong napatango-tango na nagpahid ng luha. "Salamat, Charrie. Salamat. Hayaan mo, ipagdarasal kong magiging maayos ang pagsasama niyo ng Ulap ko." KINAGABIHAN ay late ng nakauwi si Cloudy. Pasado alas-onse na ng makauwi ito na kitang pagod na pagod. Gusot-gusot na rin ang kanyang long sleeve polo at wala na sa ayos ang necktie. Kaagad ko itong sinalubong na inalalayang makaupo ng sofa. Napasandal naman ito na hinilot ang noo. "Gusto mo ba ng tubig? Juice? O kape?" magkakasunod kong tanong habang tinatanggal ang sapatos at medyas nito. "No. Pagkain ang gusto ko. Nagugutom na ako," pagod nitong sagot. "Ha? Hindi ka pa kumakain? Cloud naman, alas-onse na!" bulalas kong ikinahinga nito ng malalim. "Kalalabas ko lang ng hospital. Sisihin mo ang magaling mong kapatid. Pinag-OT niya ako sa limang pasyente na ako lang ang um-opera." Napipilan naman ako sa sinaad nito. Pilit akong ngumiti na napakamot sa ulo. "Siguro kasi ikaw ang pinakamagaling niyang doctor du'n. Kaya sa'yo ipinagkatiwala ang nga pasyente, Cloud," aniko na inalalayan itong tumayo. "Ang sabihin mo, gusto niya akong pahirapan." Ismid nitong pumasok na ng kanyang silid. Napahinga na lamang ako ng malalim na nagtungo ng kusina para initin ang ulam at makapaghain na. Nagutom naman ako sa kaisipan na makakasalo ko siyang kumain. Hindi kasi kami nagsasabay ni Cloud kumain. Sa umaga ay nagkakape lang ito dito. Sa tanghali naman ay si Tatay Moon ang kasabay ko dahil nasa trabaho ang asawa ko at sa gabi? Sa labas na siya kumakain. Ilang minuto lang ay nainit ko na ang niluto kong ulam kanina. Pininyahang adobong manok. Sabi ni Tatay Moon ay paborito ito ni Cloudy kaya sinubukan kong magluto. Sakto namang lumabas na ito ng kanyang silid. Katatapos lang makaligo. Naka-pajama at white sando na lang ito at namamasa pa ang magulo niyang buhok na wala pang suklay. May towel naman na nakasampay sa balikat nito. Pinaghila ko ito ng upuan bago kinuha ang towel sa balikat nito at marahang pinupunasan ang basang-basa pa nitong buhok. Hindi naman ito nagkomento at hinayaan lang akong tuyuin ang buhok nito. Napapangiti ako na inaasikaso ko ito. Ang sarap lang kasi sa pakiramdam na napagsisilbihan ko siya kahit sa maliliit na bagay. Pakiramdam ko ay nagagampanan ko ng maayos ang pagiging asawa ko sa kanya. "Matagal pa ba? Nagugutom na ako," anito. Hindi ko naman napansing natuyo ko na ang buhok nito. Masyado akong nag-enjoy na asikasuhin ito. "Ah, hehe. . . oo, tapos na." Naisampay ko sa balikat ko ang towel at pinaglagay ito ng kanin at ulam sa plato. Lihim akong napapangiti na pinapanood itong maganang kumakain. Parang gutom na gutom. "Hindi ka mabubusog na tititigan mo lang ako. Kumain ka kaya," puna nito na mapansing sa kanya ako nakatameme. "Um, masarap ba? Nagustuhan mo? Niluto ko iyan," nakangiting tanong ko na sumubo na rin. "Hindi ko alam. Gutom na gutom na ako kaya 'di ko napansin ang lasa." Napabusangot ako sa sinagot nito. Uminom na ito ng tubig at napadighay pa dala ng kabusugan. Tss. Kunwari pa. "Saan ka pupunta?" "Magpapahinga na. Inaantok na ako." "Kakatapos mo lang kumain. Dito ka muna. Patapusin mo naman ako, wala akong kasama eh." Napahinga ito ng malalim na muling naupo. "Tss." Napapangiti ako na sumunod pa rin naman ito. Nanatili nga siya sa upuan niya. Pinapanood akong kumain hanggang matapos ako at nakapag ligpit ng aming pinagkainan. "Pwede na bang magpahinga?" sarkastikong tanong nito matapos kong malinisan ang kusina at pinatay na ang mga ilaw. Napangiti naman akong sinabayan na itong lumabas ng kusina. "Di ba pwedeng magkwentuhan muna tayo? Sige na, kahit isang oras lang. . . please?" paglalambing ko dito na napakapit sa kanyang braso. "Ayoko. Inaantok na ako," kaagad nitong sagot na napakasungit ng dating. "Thirty minutes?" ungot ko pa. "Pagod ako," ingos nito. "Twenty minutes?" "Charrie, ano ba? Para kang bata. Antok na antok na ako. Sige na, magpahinga na tayo. Hatinggabi na oh?" bagot nitong sagot na napapahikab na nga. Napahinga ako ng malalim na dahan-dahang bumitaw sa kanyang braso. Napabusangot ako na nag-iwas na ng tingin dahil pinangingilidan na ako ng luha. Sa gabi ko lang kasi siya nakakasama. Syempre iba pa rin 'yong magkwentuhan manlang muna kami bago matulog. Pero mukhang pati iyon ay pinagkakait sa akin. "Para ka talagang bata," anito na pinahid ang luha ko. Napatingala ako dito na napapanguso. Napahinga ito ng malalim. Malamlam na nga ang mga mata nito na kitang pagod at inaantok na. "Gusto nga kasi kitang makakwentuhan. Saglit lang naman eh," maktol ko na tumulo ang luhang pinahid naman nito. "Fine. Lumabas ka na after thirty minutes." Napakurap-kurap ako na napasunod ng tingin ditong pumasok ng kanyang silid. Impit akong napapairit na parang lulukso sa dibdib ko ang puso kong pumayag ito! Mabilis akong napasunod sa kanyang silid at naabutan ko itong nasa kama na. Napapalapat ako ng labi na lumapit dito at lakasloob sumampa ng kama katabi ito. Napasandal ako ng headboard na pinapakiramdaman ito. "Um, Cloudy--" Nabitin ang sasabihin ko ng napasandal ang ulo nito sa balikat ko. Napapalunok ako na bumilis ang t***k ng puso. Hindi ko naman malaman ang gagawin. Antok na antok na nga at nakatulog na kaagad. Napangiti ako na hinayaan itong nakasandal sa balikat ko. Maya pa'y mahina na itong humihilik. Dama kong bumibigat na rin ang katawan na nakasandal sa akin. Maingat ko itong inalalayang makahiga. Napapangiti na bahagya pang nakaawang ang bibig. Tulog na tulog. Napahaplos ako sa kanyang pisngi na may ngiti sa mga labi. "Salamat. Kahit pagod na pagod ka ay pinagbigyan mo akong makasama pa kita kahit saglit lang. Mahal na mahal kita, Cloud. Goodnight," bulong ko na napahalik sa kanyang noo. Hinila ko ang comforter nito na kinumutan ito hanggang kanyang dibdib. Muli akong napayuko na hinagkan siya sa pisngi. Maingat akong lumabas ng kanyang silid at pinatay na rin ang ilaw. May ngiti sa mga labi na nahiga ako ng kama ko. Magkahiwalay kasi kami ng tulugan nito katulad ng kanyang sinabi noong una. Nirerespeto ko naman ang kagustuhan nito kaya hindi na ako nagpumilit na sa iisang silid kami tumuloy. "Goodnight, self. Matulog ka na. Maaga ka pa bukas para mapagsilbihan ang iyong asawa," parang hibang pagkausap ko sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD