Sa isang iglap ay parang sa pelikula ko lang napanood ang ginawa niya sa akin. Hinila niya ang kamay kong nakapilipit sa kamay niya at bago ako makalaban ay natagpuan ko ang sarili kong lumagapak sa buhanginan.
Nanlaki ang mga mata ko sa bilis ng ginawa niya. Hindi ako makapaniwala.
Hindi din ako makahinga sa kamay niyang nakasakal sa akin at nanginginig ang kaniyang kamao. Alam kong sa isang iglap ay tatama na iyon sa aking mukha. Hindi ko na nakita ang pagkaamo ng kaniyang mukha. Galit na galit ang kaniyang mga mata. Parang tumigil ang pag-ikot ng mundo ko. Wala din akong naririnig na ingay sa aking paligid. Tanging malakas na hininga ko at hininga niya ang gumuguhit sa pandinig ko.
Mabilis na dumapo ang kamao niya sa aking labi at nang muli niya akong ambaan ng suntok ay napapikit na lang ako.
Ngunit hindi na tumama ang isa pang suntok sana sa mukha ko. Kaagad siyang hinila palayo sa akin. Nang bumangon ako para kahit papaano ay makabawi sana sa panununtok niya sa akin ay kaagad dinakong hinila ni Daddy Ced. Galit na galit akong minura si Jino. Gusto kong makaganti, gusto kong makahulagpos sa pagkakawak sa akin ni Dad ngunit kulang ang lakas ko.
Ako na lang noon ang inaawat. Siya ay kalmadong nakatingin lang sa akin. Pinunasan ko ang dugo sa aking labi at idinura ang iba pang nasa loob na ng bibig ko.
"Tarantado ka, gagantihan kita! Hindi kita patitirahin sa muli nating pagkikita, gago!" singhal ko.
Sa isinisigaw kong iyon ay mas nagalit si Daddy sa akin. Hinila niya ako. Malakas ang pagkakahilang niya palayo doon. Alam kong sumasabog na siya sa galit. Pati ang pagpigil sa kaniya ni Papa Pat ay hindi na nito pinansin. Nang makalayo-layo na kami ay hinawakan niya ang magkabilang braso ko. May diin iyon.
"Anong itong ginagawa mong ganito ha! Kahit saan tayo magpunta, lagi kang naghahanap ng away. Anong problema mo?"
Huminga ako ng malalim.
Hindi ako sumagot.
Bakit? Kung sasabihin ko ba ang problema ko, sigurado ba nilang masosolusyunan nila iyon?
Tumingin sa akin si Daddy Ced. Maluha-luha siya. Sumunod sa amin si Daddy Mak. Hindi siya nagsalita ngunit nakikita ko sa mga mata nito na hindi siya natutuwa sa nakikita niyang pinaggagawa ko.
"Hirap na hirap na akong intindihin ka 'nak. Napakabata mo pa para pakitahan kami ng ganyan katigasan ng ulo. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa'yo." Pinunasan ni Daddy Ced ang bumagtas na luha sa kaniyang pisngi.
"Romel, anak. Mga mata ng tunay na Daddy mo ang mga ito." Itunuro ni Daddy Mak ang mga mata niya.
"Okey, mata naman niya ngayon ang nasa inyo. Dami talaga ninyong mga pakulo." Tulad ng nakagawian, sa isip ko lang siyempre 'yun. Habang lumalaki kasi ako mas maraming mga gumugulo sa aking isip na hindi ko alam kung paano ko sila tatanungin.
"Sa ginagawa mo ngayon, siguradong hindi siya natutuwang makita kang ganyan kung sakaling buhay pa siya. Masakit din sa amin bilang mga tumayong magulang mo na makitang ganyan ka. Kasi kahit hindi ka galing sa amin, kahit wala kang kadugo sa amin, mahal ka namin anak at ang pinakamasakit para sa mga nagmamahal na magulang ay makita ang anak nilang nalilihis ng landas." Garalgal ang boses ni Daddy Mak.
Hindi parin ako sa kanila tumingin.
Nanatili akong nakayuko.
Binubuhul-buhol ko ang laylayan ng aking sando.
"May kinalaman ba ito sa pagsasabi sa'yo ng buong katotohana kahit sa murang edad mo pa lamang? Anak, nagtanong ka e, kaya sinabi namin ang totoo sa'yo. Ayaw naming lumaki ka't mapaniwala sa mga kuwentong hindi totoo pagkatapos kapag nagkaedad ka saka mo kami sisisihin. Wala sa amin ng Daddy Ced mo ang tunay mong ama ngunit may pagkukulang ba kami para maging ganyan ka?" tanong ni Daddy Mak.
"Sumagot ka!" singhal ni Daddy Ced.
Nanatiling tikom ang aking labi.
Huminga siya ng malalim.
"Maaring may pagkukulang nga kami ngunit sinisikap naming mapunan ang lahat sa abot ng aming makakaya. Anak, ito na kami e, nasasaktan man kaming hindi maibigay ang gusto mong normal na pamilya nguit sinisikap naman naming mapunan ang kakulangang iyon. Mahirap bang intindihin iyon, ha?" puno ng luha ang mga mata ni Daddy Ced. "Anak, sobrang mahal ka namin kaya kami nasasaktan at nahihirapan sa tuwing napapaaway ka, sa tuwing hindi ka nakikinig sa mga payo namin. Ano bang problema mo at nagkakaganyan ka sa amin?"
"Wala!" maikling sagot ko.
Ngunit napakalaki ng problema ko sa kanila. Nahihiya ako sa mga kababata ko dahil sa kanilang pagkasino. Iyon ang problema. Problemang hindi ko maipamukha sa kanila. Katotohanang alam kong hindi ko na mababago.
"Wala pala e, anong pinagkakaganyan mo? Alam mo bang hindi ka na na tatanggapin sa school ninyo ngayong Grade 4 ka dahil sa dami ng away na kinasangkutan mo? Ililipat ka na naman namin ng school tapos sabihin mo sa amin na wala kang problema. Kung wala kang problema anak, kami sa'yo, meron. Pinoproblema ka namin. Iniisip namin kung anong nangyari sa'yo. Ipinagdadasal namin na sana magiging mabuting bata ka, mabuting anak sa amin. Kasi, anak, ikaw na lang ang naiiwang alaala sa amin ng Daddy mo. Umaasa siyang mapapabuti ka sa pangangalaga namin. Gusto sana naming lahat na lumaki kang mabuting tao. Ayaw kong mabigo ang Daddy Romel mo anak. Kasi sa tuwing nagkakaganyan ka sa amin, ako yung nasasaktan para sa kaniya. Hindi ko alam kung paano mo maiintindihan yung sakit na nararamdaman ko pero, anak, mahal ka namin, sobrang mahal pero hindi ko alam kung naa-apreciate mo iyon kasi... kasi.." humihikbi na si Daddy Ced. Halos hindi na siya makapagsalita.
Lumapit si Daddy Mak sa kaniya. Inakbayan niya ito hanggang sa hinahaplos niya ang kaniyang likod. Hinalikan niya ito sa noo habang umiiyak si Daddy Ced. Tumingin ako sa paligid ko. Hindi na sila nahiya sa ibang pamilyang naroon.
Tumalikod ako. Humakbang para lumayo sa kanila ngunit maagap si Daddy Ced. Hinawakan niya ang braso ko.
"Tatalikuran mo kami? Nag-uusap pa lang tayo ta's tatalikod kang parang wala lang?"
"Dad, ano ba kasi ang sasabihin ninyo? Oo, nakipagsuntukan po ako, pero tinamaan ako ng bola dad, sa tingin ninyo ganun na lang 'yun?"
"Anak, nagsorry na yung nakatama sa'yo. Aksidenteng tinamaan ka ng bola at humingi siya ng tawad. Ang mabuting bata, marunong tumanggap ng paumanhin hindi katulad ng ginawa mong manakit at hahamon ng away. Oh, tignan mo kung anong nangyari, ikaw pa 'tong pumutok ang labi."
"Nakauna lang 'yun. Hindi pa kami tapos!" sagot ko.
Isinuntok ko ang kanang kamao ko sa aking kaliwang palad. Nagngingitngit pa din ako. Di ko buong tanggap ang pagkatalo.
"Ahh ganun. Hindi ka pa pala tapos. Ganyan ka na ba talaga sumagot sa akin ha? 'Yan ba ang tinuturo namin sa'yo? Hindi ka na nahiya kahit man lang sana sa mga lolo mo o kahit sa ibang taong nakakita sa maling inasal mo kanina. Di mo na kami binibigyan ng kahihiyan!"
"Bakit Dad? Meron ba kayo no'n? Kayo ba nagkaroon ng hiya sa..."
"Anong sinabi mo, ha! Ano? Bakit hindi mo maituloy!"
Naramdaman ko ang paghila ni Daddy Ced sa balikat ko. Kitang-kita ko ang pagpupuyos niya. Itinaas niya ang kaniyang kamay para saktan ako ngunit maagap si Daddy Mak. Inilayo niya ang galit na galit na si Daddy Ced sa akin. Umiiling-iling pa itong nakatingin sa akin. Kunot ang noo.
"Ang bata-bata mo pa pero kapag makapagsalita ka sa amin para na kaming walang kuwenta sa'yo. Ni hindi mo pa nga kayang buhayin ang sarili mo pero kapag sumagot ka parang kaya mo nang tumayo sa sarili mong paa!" lumuluha si Daddy Ced habang sinasabi niya iyon. Nanginginig ang kaniyang kamay na itinuro ako. Hinila siya ni Daddy Mak palayo sa akin. Walang lingon silang naglakad palayo sa akin.
Pumulot ako ng bato. Ipinukol ko iyon sa malayo. Doon ko ibinuhos ang sama ng loob ko. Nilingon ko sina Daddy. Nakaramdam ako ng pagsisisi sa nasabi ko ngunit sana malaman nilang nagkakaganito ako dahil hindi ko din naman lubos na naiintindihan ang lahat. Naguguluhan ako sa kung anong klaseng pamilya meron ako.
Naglakad ako palayo. Bigla na lang akong naluha. Ayaw kong umiyak e. Pinunasan ko iyon. Nakakaramdam naman ako. Alam kong mali ang ginawa kong pagsagot-sagot pero pagod na akong makinig lang at tumatahimik. Ginawa ko na iyon noon. Sa tuwing binibiro ako ng mga kaklase ko na pamilyang bakla kami, tumatahimik ako. Umiiwas. Lumalayo. Sinasarili lang ang sakit sa loob ko at pag-iyak. Nang hindi ako lumaban, tinigilan ba ako? Noong sinubukan kong umiiwas sa g**o, tinatanan ba ako? Sa tuwing lumalayo ako sa mga nagsasabi ng hindi maganda sa pamilya ko at piniling huwag lumaban, nakakatuwa bang marinig na paratangang bakla din ako?
Mula nang nagkinder ako, lagi ko na iyon naririnig sa mga kuya at ate ng mga kalaro ko. Salitang hindi ko naman lubos maintindihan noon ngunit tumatak sa aking isipan hanggang sa noong walong taong gulang na ako ay ramdam ko na yung sakit ng sinasabi sa akin. Bakla ang pamilya ko. May naitulong pa ang pag-iwas ko para tigilan ako? Hindi ba't lalo lang lumala dahil ang ibig sabihin ng pag-iwas ko ay isang kaduwagan hanggang pati ako ay sinasabihan na ding bakla sa tuwing lumalayo ako sa g**o.
Hindi ko na tuloy mapigilang mapaluha. Oo, Dad, lihim din akong umiiyak. Hindi ninyo alam pero nasasaktan din akong nakikita kayong sumusuko sa katigasan ng ulo ko. Lumingon ako sa pinanggalingan ko. Wala ni sinuman sa kanilang sumunod sa akin. Iyon ang lalong nagpahagulgol sa akin. Pakiramdam ko nagkampi-kampihan sila. Gusto kong may mapagsabihan sa mga nangyayari sa akin sa school ngunit ang iniisip kasi lagi nila, basagulero lang ako. Hindi nila alam kung bakit ako patuloy na napapasubo sa g**o. Hindi kasi nila alam na may kailangan din akong patunayan. Wala silang kamalay-malay na nasasaktan ako kapag may naririnig akong hindi maganda laban sa pamilya ko.
Lumapit ako sa tubig. Tinanggal ko ang tsinelas ko at lumusong. Napako ang tingin ko sa batang babae na noon ay nagpapatianod sa alon. Kanina nang humahagulgol ako ay napansin ko na siyang nasa gilid lang din at nagtatampisaw sa mababaw na bahagi.
Yumuko ako. isinalok ko ng tubig ang kamay ko at binasa ko ang mukha at braso ko.
"Ang bata, tulungan ninyo! Nalulunod ang bata!" malakas na tili iyon ng isang babae hindi kalayuan sa akin.
Tinignan ko ang batang nagpapatianod kanina sa alon at nakita ko ang paglubog-litaw nito habang hinahampas niya sa tubig ang kaniyang mga kamay. Sa akin siya noon nakaharap. Nakita ko sa mga mata niya ang takot. Hindi na ako nag-isip pa. Mabilis akong tumakbo at lumangoy palapit sa bata. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin para gawin iyon. Napakahalaga ang bawat sandali.
Hanggang sa nahawakan ko ang kamay niya. Hinila ko siya ngunit nang yakapin niya ako ay ako ang nalulubog sa tubig. Nahihirapan ako lumangoy kasama siya palapit sa dalampasigan. Hindi madali sa aking ang huminga. Hindi ko siya kayang iahon at kung bibitiwan ko siya o tanggalin ang kamay niyang nakapulupot sa aking balikat ay alam kong tuluyan na siyang malulunod.
Sinubukan kong manatili sa ibabaw ng tubig ngunit malakas ang hampas ng alon. Para bang may kung anong humihila sa amin papunta sa gitna. Hindi ko kayang labanan ang paghigop ng tubig sa amin. Sinikap kong huminga ngunit tanging tubig lang ang nasisinghot ko dahilan para makainom nito.
Ganoon din ang batang babaeng sinagip ko. Alam kong nanghihina na siya ngunit anong magagawa ko kung pati ako ay hindi ko na din pa kayang manatili ng matagal sa ibabaw para makahinga. Hanggang sa unti-unti na kaming lumulubog. Bago ako tuluyang lumubog ay nagawa kong huminga ng malalim. Nag-ipon ako ng sapat na hangin. Inihampas ko ang mga kamay ko at patuloy akong tumatadyak sa tubig. Desperadong mapanatili ko ang aming mga mukha sa ibabaw ng tubig. Ngunit sadyang bumibigay din pala ang katawan. Hindi pa din kaya ng aking lakas para sumagip ng buhay. Nasa malalim na bahagi na kaming dalawa. Malakas ang hampas ng alon sa amin hanggang sa ibinuhos ko na ang nalalabi kong lakas para maitaas siya at makasinghap siya ng hangin. Tuluyan na akong ginapi ng kawalang pag-asa. Marami na akong nainom na tubig. Sumisikip na ang aking dibdib at wala na akong maibugang hangin. Padilim na padilim na din ang aking paningin.
Hanggang may humila sa kaniya sa akin. Hinila din ako ng isang malakas na braso. Iyon lang ang huli kong naramdaman.
Sandaling nagdilim ang aking paningin.
Katahimikan.
Hanggang sa sunud-sunod ang aking pag-ubo at paghinga. Maraming tubig ang lumabas sa aking bibig. Nang iminulat ko ang aking mga mata ay mukha ng isang batang babae ang kaagad na nakita ko. Magkatabi kaming nakahiga. Nakapikit siya. Nakita ko si Papa Pat na nakalapat ang kaniyang mga palad sa dibdib ng bata. May mga kamay din sa dibdib ko. Mga kamay iyon ni Papa Zanjo.
"Kumusta ang pakiramdam mo, anak." Tanong ni Daddy Ced na pinupunasan ang aking mukha.
Huminga ako ng malalim.
Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib.
Hanggang sa narinig ko ang sunud-sunod na ubo ng batang babaeng iniligtas ko kanina. Muli ko siyang tinapunan ng tingin. Maraming tubig ang lumabas sa kaniyang bibig. Hanggang sa unti-unti pumula ang kanina ay mapusyaw niyang labi at pisngi.
Pagbukas niya ng kaniyang mga mata ay nagkatinginan kami ngunit mabilis niya iyong binawi.
"Mommy! Daddy!" iyon ang unang mga salitang namutawi ng kaniyang labi. Hanggang sa nakita kong nag-unahan ang luha sa kaniyang pisngi. Mabilis na niyakap siya ng kaniyang mommy na noon ay nasa tabi lang niya hawak ang mga palad nito. Mahigpit ang kanilang pagyayakapan. Mabuti pa siya may matawag na Mommy.
Bumangon ako.
Naramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Daddy Ced at ang paghaplos ng likod ko ni Daddy Mak.
"Hindi ka ba nahihilo? Okey ka na ba?" tanong ni Papa Zanjo sa akin. "We're very proud sa ginawa mo, apo pero sana humingi ka ng tulong sa ibang mas nakatatanda sa'yo kaysa ikaw mismo ang lumusong. Paano kung hindi kita kaagad nakita?"
"Fine, mali na naman ako. Kailan ba ako nakagawa ng tama? May nalalaman pa kayong Proud of you pero may kasunod pang kung anu-ano." bulong ko sa aking sarili.
"May sinasabi ka ba apo?" tanong ni Papa Pat.
Naging malinaw na sa akin na si Papa Pat ang nagligtas sa batang babae na sa tingin ko ka-edad ko lang din naman at si Papa Zanjo naman ang nagligtas sa akin.
"Salamat po sa pagligtas sa amin, Pa." sagot ko.
"Anak, salamat sa Diyos nakaligtas kayo pero huwag mo nang ulitin iyon ha kasi pati buhay mo nalalagay sa alanganin e." si Daddy Mak.
"Opo." sagot ko.
Kailan ba ako makakagawa ng tama?
Tumayo ako kahit medyo nahihilo pa. Inalalayan ako ni Papa Zanjo. Pagtayo ko ay noon ko lang napansin na napakaraming tao ang natingin sa akin. Lahat sila ay parang manghang-mangha sa ginawa ko. Nahagip ng tingin ko ang nakasuntukan ko kanina. Pinandilatan ko siya ng mata. May ngiti sa kaniyang labi. May kung anong paghanga akong nakita sa kaniyang mga mata. Ngunit hindi ako ngumiti. Nagsalubong ang aking kilay. Ngayon alam mo na na hindi ako masamang bata tulad ng iniisip mo. Marunong lang akong lumaban. Ibinabalik ko lang kung anong sakit ang ipinaramdam sa akin.
Kumilos ang mga paa ko.
Pinigilan ako ni Tito E-jay.
"Kaya mo ba?" tanong nito.
"Opo tito. Kaya ko ho." Sagot ko.
Lumapit ako sa batang nakasuntukan ko kanina. Hindi siya nagpatinag nang isang dangkal na lang ang layo ko sa kaniya. Nakipagtitigan pa siya sa akin. Ngunit nagbigay din siya ng dadaanan ko.
"Hindi pa din tayo, tapos! Tandaan mo 'yan!" bulong ko.
Hindi siya sumagot.
Napalunok.
Ibinaling na lang niya ang tingin niya sa batang babaeng iniligtas ko.
Naglakad ako papunta sa aming tent. Sumunod sa akin ang pamilya ko. Noon kahit paano ay alam kong naiparamdam ko sa aking pamilya na hindi lang pakikipagsuntukan ang alam ko. Hindi lang puro away ang nasa utak ko.
Binigyan ako ni Daddy Ced ng bibihisan. Pinunasan niya ang basing buhok ko ng tuwalya. Paulit-ulit nilang sinasabi na proud daw sila sa akin. Proud na proud silang kaya ko daw palang itaya ang buhay ko para sa kaligtasan ng ibang bata. Kahit nang kumakain na kami ay iyon pa din ang paksa nila. Sa totoo lang, dapat sanay na ako do'n e. Mula nagkaisip ako walang umpukan na hindi nila ako mapag-usapan. Nakakarindi din. Nakakasawa.
Nang matapos akong kumain ay naglatag ako sa loob gilid ng aming tent. Inilabas ko ang ipad ko at nagdesisyon maglaro na muna hanggang sa magyaya silang uuwi na kami. Palingon-lingon lang sila sa akin. Pinili nilang hayaan lang ako dahil kahit kausapin nila ako ay tatlong tanong isang sagot din lang naman ako. May mga araw lang din na nakakausap ako ng matino ngunit madalas may toyo ang utak ko. Mas gusto kong mapag-isa. May sariling mundo. Malayo sa mundong ginagalawan nila.
"Romel, may naghahanap sa'yo." Si Tito Carl.
Sumilip lang siya at hindi na siya pumasok sa loob ng tent.
"Sino ho?" tanong ko. Ibinalik ko ang tingin ko sa nilalaro ko sa ipad.
"Lumabas ka kaya muna. Sandali lang anak." Si Daddy Mak.
Ipinatong ko ang ipad ko sa backbag ni Papa Zanjo. Bumangon ako at lumabas ng tent.
Tumambad sa akin ang batang babae na tinulungan ko kanina. Nakaakbay ang isang babae sa kaniya. May dala itong paperbag.
"Oh, hayan na siya, anak." Bulong ng ale sa batang babae.
Ngumiti sa akin ang bata. Ngumiti na din ako.
Lumapit siya sa akin. "Hi, I'm Lexi." Inilahad niya ang kamay niya sa akin.
Sa totoo lang hindi ako sanay sa ganoong pagpapakilala. Handshake? Hindi ko pa iyon nagagawa sa buong buhay ko. Ang makipagkilala na may kasabay na pakikipagkamay? Nakokornihan ako. Nilingon ko sina Daddy. Nakita ko ang pagsenyas ni Daddy Ced na tanggapin ang kamay ni Lexi.
Dahan-dahan kong inilahad ang kamay ko para tanggapin ang kaniyang kamay. Ni hindi ko kayang makipagtitigan sa kaniya.
"And you are?" magiliw nitong tanong.
Malambot ang kaniyang palad.
Nakangiti sa akin. Halatang galing sa may sinasabing pamilya. Sa kilos niya, pananamit at pananalita, para na siyang dalaga.
"Romel." Maikli kong sagot.
"Thank you for saving my life, Romel. Kung hindi sa'yo at sa pamilya mo, baka patay na ako ngayon." Titig na titig siya sa akin.
"Wala 'yun." Yumuko ako.
Binitiwan ko ang palad niya.
Nahihiya talaga ako.
"Ito pala oh, just a small token for gratitude lang sana." Iniabot niya sa akin ang paperbag.
"Hindi na siguro kailangan..."
"No, I insist. Please?" inilagay niya sa kamay ko ang paperbag.
Wala akong magawa kundi abutin iyon.
"Salamat." Sagot ko.
Nilingon ko sina Daddy. Alam nilang hindi ako sanay makipagkuwentuhan. Parang gusto ko na kaagad doong umalis ngunit nahihiya naman akong basta na lang tatalikod.
"Naku, pagpasensiyahan na ninyo ang anak ko ha? Mahiyain talaga 'yan. Kumusta ang pakiramdama mo, Lexi. Okey ka na ba?" tanong ni Daddy Ced.
Alam kong nakuha ko din siya sa aking tingin kanina. Hanggang sa sila na ang nag-uusap-usap ng mga magulang ni Lexi. Kinuha ko na ang pagkakataong iyon para makapuslit at bumalik sa loob ng tent. Ngunit bago ako pumasok ay nagkatitigan muna kami ni Lexi. Kumaway siya sa akin. Kasabay iyon ng matamis niyang ngiti. Kumaway din ako bago ako tuluyang pumasok.
Nagpatuloy ang bakasyon at nanatiling napapalayo ako sa kinalakhan kong pamilya. Kalahati ng araw ng bakasyon ko ay na kina lolo at lola ako. Binibisita din namin ang yumao kong Daddy sa kaniyang puntod. Kung sana makausap ko lang siya. Kung sana mapaliwanagan niya ako kung bakit ganitong buhay at pamilya ang pinag-iwanan niya sa akin.
Pasukan.
Grade 4 na din ako.
Katulad ng sinabi sa akin ni Daddy, sa ibang private school na naman ako papasok. Ilang beses na kasi akong nabigyan ng warning sa huling school na pinasukan ko. Ilang beses din ipinatawag sina Daddy hanggang sa binigayn ako ng huling warning na kung masasangkot pa ako sa g**o o away ay di na nila ako tatanggapin pa sa susunod na pasukan. Sa madalas na pagsasabon sa akin ni Daddy Ced at Daddy Mak, parang sanay na nga akong napapagalitan. Pasok sa isang tainga, lalabas sa kabila. Nakatingin man sa kanila pero madalas di na lang ako nakikinig. O masahol ay di na ako nakatingin, di pa nakikinig.
Alam ko namang hindi sila maniniwala sa sasabihin ko. Wala din naman silang ibang gustong isipin kundi ang paniniwala nilang basagulero lang talaga ako. Kung ako lang ang masusunod, ayaw ko na sanang magtransfer e. Kahit papaano ay madami nang takot na kantihin ako sa dating school namin. Kilala na akong palaban at walang inaatrasan kaso malas lang dahil kung kailan patapos na ang klase noon ay napasubo pa ako ng isang away. Pinatid ako ng isa sa huli kong nakaaway sa canteen namin. Napahiya ako noon dahil nadapa ako at tumapon ang juice sa uniform ko. Aba, sa tulad kong may pinapangalagaang estado na dapat kinatatakutan ako ng kapwa ko estudiyante, malaking kahihiyan iyon. Pagkabangon ko, hindi ko na siya binigyan ng pagkakataong makaganti. Suwerte nga niya may umawat sa akin. Kaya lang sa Principal's Office ang bagsak ko at malas niyang sa School Clinic na siya tumuloy. Ako pa kasi ang kinalaban niya. Wala akong aatrasan.
Pagkahatid sa akin ni Daddy Mak sa school at bababa na sana siyang nang pinigilan ko.
"Dad, ako na. Huwag na kayong bumaba."
"Alam mo na ba kung saan ang classroom mo?" nagdadalawang-isip niyang tanong.
"Opo, itinuro na sa akin ni Daddy noong nag-enrol ako." pagsisinungaling ko.
"Sigurado ka?" tanong niya. Hindi pa talaga siya kumbinsido.
"Dad, please. Hindi na ako bata. Grade 4 na ho ako!" may inis sa boses ko.
"Okey! Okey! Nag-aalala lang ako sa binatilyo ko. Basta ang usapan ha, Iwas g**o na, okey?"
"I'll try." Sagot ko saka mabilis na bumaba.
Sinadya ko na talagang huwag pababain si Daddy Mak sa sasakyan para di siya makilala ng ibang mga magulang na naghahatid sa kanilang anak. Pasalamat nga ako at di na sumama si Daddy Ced dahil kung nagkataon alam kong siya ang bababa at kung may makakakilala sa kaniya, magkukuwento ang mga magulang sa kanilang mga anak tungkol sa kung anong klaseng pamilya meron kami. Sigurado kapag may marinig ako, mauuwi sa suntukan lang ang lahat sa unang mga araw ng pasukan.
Ang problema, hindi ko talaga alam kung saan ko hahanapin classroom namin. Palinga-linga akong naglalakad. Naghahanap ng mapagtatanungan. Lahat kasi nagmamadali, bukod sa isang nasundan ko. Nakita kong sandaling kinausap kasi siya at nakipag-apir pa sa kaniya ang guard. Magtatanong din sana ako sa guard kaso naunahan ako.
"Pssstttt! Bata! Saan ang Don Bosco Building, Room 104 dito?" malakas kong tanong habang nakasunod sa kaniya.
Huminto siya.
Lumingon.
"Uyy! Ikaw pala! Dito ka din pala nag-aaral?" tanong niya.
Nanlaki ang mga mata ko!
Sandali lang iyon dahil nagsalubong kaagad ang kilay ko.
JINO? Siya nga!
"Hindi na bale." May diin kong tinuran saka ko siya nilampasan.
"Di ba nagtatanong ka? Galit na naman?"
"Ulol! Bumili ka ng kausap mo, gago!" singhal ko.
"Diretso ka lang tapos kanan. Doon sa pinakadulong bahagi, 'yun na yung room na hinahanap mo." sigaw niya.
Sa dinami-dami ng makikita, ang kaisa-isang tumalo sa akin sa suntukan pa ang mapagtatanungan ko. Malas naman oh!
Ngunit sinunod ko pa din ang sinabi niya.
Diretso lang, tapos kanan. Medyo may kalayuan din pala ang dulong sinabi niya. Ma-late na ako kung hindi ko pa bibilisan. Pagdating ko sa dulo nakita kong CR iyon ng mga babae.
Nanggalaiti ako sa galit.
Sinusubukan talaga niya ako ha! Humanda ang gagong Jino na 'yan. Kapag nagkaharap pa kaming muli, sisiguraduhin kong siya na ang itutumba ko.
Sa katatanong ay nahanap ko din ang classroom ko. Iyon nga lang late na ako at nadoon na sa classroom namin ang aming teacher. Dali-dali akong pumasok at naghanap ng maupuan.
"Romel right?" tanong ng teacher namin nang mapansin niya ang pagpasok ko.
"Yes ma'am." Napakamot ako.
"Take that seat." Itinuro niya ang isang bakanteng upuan sa harap. Sa harap talaga? Sinasadya yatang sa harap talaga ako paupuin. Alam kong may kinalaman na naman sina daddy dito.
Umupo ako. Wala naman akong magawa kundi sumunod.
"Romel, uyy!" bulong ng katabi ko.
Nilingon ko siya.
"Lexi? Magkaklase tayo?" napalakas ang pagkakasabi ko.
"Silence class! Ayaw kong magiging palengke ang classroom okey? You are only allowed to talk when you are asked to unless you have pertinent things to say on our subject matter. Is that clear?" malakas na tinuran ng teacher namin.
Nagkatinginan kami sabay ng makahulugang ngitian.
Nagsimula ang aming klase. Nagpakilala sa isa't isa. Nalaman kong ang buo niyang pangalan ay Lexi Santos. Maganda si Lexi. Matalino. Mukhang mabait at masayahin. Madalas akong napapalingon sa kaniya na mabilis din naman niyang nasusuklian ng matamis niyang ngiti.
Mabilis ang oras hanggang sa dumating ang aming recess.
"Tara sa canteen. Miryenda tayo."
"Sige ba." Sagot ko.
Nahihiya ako sa kaniya ngunit wala din naman akong ibang kakilala kaya minabuti kong sabayan na lang siya.
Kumustahan kami habang naglalakad. Isang tanong niya, isang sagot ko. Mas okey na iyon kaysa sa nakasanayan kong tatlong tanong nina Daddy, isang maikling sagot lang ako.
May baon akong sandwich pero gusto ko nang malamig na softdrinks na i***********l nina Daddy sa akin kaya minabuti kong magpaalam sandali kay Lexi para bibili lang muna ng softdrink. Sinabihan kong susunod na lang ako sa kung saan siya uupo.
Nang mailagay ko sa tray ang baon ko at nakabili na ako ng softdrink ay saka ko siya hinanap. Malapit na ako sa table na pinuwestuhan niya nang nakita ko ang mabilis na pag-upo ng isang lalaki. Hmnnn! Ito na talaga. Sa dinami-dami ng makiki-share ng table, ang kaisa-isang kagalit ko sa school pa ang lumapit. Tol, hindi lang pala makiki-share, mukhang magkakilalang-kilala sila ni Lexi. Masaya silang nag-usap. Nakatawa nga silang dalawa e.
Huminto ako sa paglalakad. Luminga-linga baka may iba akong maupuan.
"Romel, dito ka na. Come, join us!" si Lexi.
Hindi ako makapagdesisyon.
Hindi ko matanggal sa isip ko ang ginawa ni Jino sa akin sa beach at yung nangyari kaninang umaga. Kumukulo talaga ang dugo ko sa kaniya. Hindi tuloy ako makapagdesisyon kung tutuloy pa akong lapitan si Lexi.