IF IT'S ALL I EVER DO
Prologue
Kumusta mga tol?
Sa mga nakakikilala na sa akin, tingin ko hindi ko na kailangan pang magpakilala, kung ano ang buhay ko at kung kanino akong anak. Ngunit para sa katropa natin diyang hindi pa ako kilala, tawagin ninyo akong Romel o kaya sa palayaw kong ibinigay ng Lolo at Lola kong Boboy. Pakiusap lang, huwag akong tawaging Baby Romel dahil hindi na ako baby pa.
Masalimuot ang buhay ko. Hindi lahat ng tao maiintindihan ang family background ko. Iyon ay kung maituturing ngang pamilya ang kung anong meron ako. Sorry for being rude na para bang lumalabas na wala akong utang na loob sa mga taong nag-aruga, nagmahal at nagpalaki sa akin. Madali nga lang kasing husgahan ako kasi hindi ninyo napagdaanan ang buhay na mayroon ako.
Well, if you define normal family as conforming to the standard or common na may nanay, tatay at anak, then absolutely hindi normal ang pamilya ko. Sino sa inyo mga to,l ang may dalawang lolo na mag-asawang bakla? O, sige tol, dagdagan natin para exciting at kumpleto ang description pa ng family na meron ako. Hindi lang kasi mga lolo ko ang bakla, may mga magulang din akong dalawang tatay na mag-asawang bading ngunit ni isa sa kanila ay hindi ko kadugo. Sino sa inyo dito brad ang isa lang semilya na ipinasa sa inang di ko na nakilala at nauna pang namatay ang ama bago ako isilang? Ang masaklap bago pa man namatay si Daddy at bago pa man ako ipanganak ay ipinamigay na ako sa mga hindi ko kadugo samantalang may lolo at lola din naman akong magulang niya na sana ay mag-alaga at mag-aruga sa akin. Ngunit ang nangyari, ipinamigay lang ako sa mga taong hindi ko kaano-ano bukod sa sila nga ang nagpalaki sa akin. Ngayon, sabihin ninyo sa akin kung paano ko lubos maintindihan ang buhay kong simula pa lang ay marami ng sigalot na di ko maihanapan ng kasagutan. Ginawa lang yata to fulfill a dream of having a son or grandson. Okey na okey 'yun dib a mga brad. Ipinanganak ako dahil lang sa kagustuhan nilang may buhay na alaala ang namatay na ama ko. Iyon lang ba ang papel ko sa mundo. Isang buhay na alaala ng isang yumao, isang tugon sa kahilingang magkaroon ng apo?
Hindi dahil ako ang nagkukuwento dito ay ako lang ang pangunahing tauhan. Kung sanay kayo sa bida na mala-anghel, may mabuting ugali at makatao, hindi ako iyon. Kaya hindi ko hinihingi ang awa ninyo o kahit simpatya. Isasalaysay ko ang kuwento ng buhay ko sa paraang gusto ko at sa kung ano ang totoo. Magalit kayo sa akin, kamuhian o kaya murahin ng murahin ngunit sasabihin ko sa inyong wala akong pakialam. Ito ako mga tol, e, ito ang buhay ko. Tanggapin man ninyo ako o kaiinisan wala na ako doong magagawa. Kung pagkatapos ng paglalahad ko ay mamahalin din ninyo kung sino talaga ako ay isang bonus na lang na maituuturing iyon sa akin. I neither intend to please nor impress anybody. Ito ang naging buhay ko NOON. Buhay ko na kahit pa pagsisihan ko ay naging bahagi na nang pagkasino ko NGAYON.
Kung pagmamahal lang ng pamilya at lahat ng mga nakapalibot sa akin habang lumalaki ako ang sukatan ng pagiging isang mabuting tao, siguro santo na ako ngayon. Hindi sila nagkulang na mahalin ako, pakiramdam ko nga, sobra nila akong minahal na hindi ko na alam ang buhay na salat nito. Lahat ng kailangan ko ibinibigay, lahat ng gusto ko, madali lang hingin kina Papa Pat at Papa Zanjo, pati na din kina Mama Old ko at Papa Old na mga magulang nang namayapa ko nang ama na si Daddy Romel. Lahat ng pag-aaruga, pagmamahal at pangangailangan ko ay ibinigay sa akin nina Daddy Ced at Daddy Mark Kym. Lumaki akong sunod ang layaw. Nag-uumapaw ang ibinigay nila sa aking pagmamahal. Idagdag pa ang di matatawarang atensiyong ibinibigyay nina Tito Carl at Tito E-jay at ang walang tigil na suporta nina Papa Dave at Papa Love. Ang nakakalungkot nga lang talaga, lahat sila bakla. Napapalibutan ako ng mga bading.
Ngunit ang kuwento ng buhay ko ay hindi lang iikot sa kung anong klaseng pamilya mayroon ako. Sinasaklaw din nito ang buhay namin ng dalawang mahalagang taong naging bahagi ng kung sino ako ngayon. Paano ko ba sila nakilala? Ano ang kanilang nagawa para makilala ko ang aking pagkasino? Ano ang kanilang naibigay para lang magising ako sa mga katotohanan sa buhay?
Chapter 1
Mahilig sina Daddy noon na mag-picnic sa Beach sa Batangas. Madalas kaming naglalagi doon lalo na tuwing bakasyon. Sa murang edad ko ay naturuan na ako noong lumangoy kaya hindi ako takot sa tubig. Maliit palang ako, ayaw ko nang binebeybi ako o kaya binabantayan. Magsasampung taong gulang na ako noon. Pagkatapos kong nakipagkulitan kina Lolo Pat at Lolo Zanjo at kina Daddy sa paggawa ng Sand Castle nang tumayo ako at pinagmasdan ang aming pinaghirapan. Namangha ako sa husay ng aming pagkakagawa. Pawis nga naman ang ipinuhunan namin para mabuo iyon.
"Hayan, ang ganda di ba anak? Tumayo ka muna diyan at kunan kita ng picture." Pakiusap ni daddy Ced sa akin.
"Dad naman, e. Ayaw ko. Kayo na lang ang kukunan ko."
"Sige na anak. Isa lang para may remembrance naman tayo dito."
"Andami ko na ngang pictures. Ayaw ko." Pamimilit ko.
"Romel, ayaw ko ng ganyan." Galit na tinuran ng kanina ay nakikiusap na si Daddy Ced.
"Kasi naman..." napakamot ako.
Tumayo na lang ako at ngumiti akong humarap sa camera kahit naiinis ang loob ko.
"Hayun, behave na behave naman ang baby ko ngayon ah. Ngiti pa anak, yung ganitong ngiti oh." Ipinakita ni Daddy Mak ang gusto niyang ngiti ko. "Dapat pamatay"
Huminga ako ng malalim.
Nakita ko sa mukha nilang lahat ang sobrang saya dahil nakikita nilang sumusunod ako sa gusto nila. Bihirang-bihira mangyari iyon, kadalasan kasi mahirap akong mapakiusapan sa gusto nila. Nakahawak pa si Papa Mak sa kamay ni Papa Ced na may hawak na Camera. Para ngang gusto niyang siya na lang ang kumuha ng picture ko.
Hinahanapan ako ng magandang anggulo.
"Ganito dapat ang kamay mo apo oh, gunting-guntingan lang." hirit ni Papa Pat sa akin. Pinaghiwalay niyang ang hintuturo at gitnang daliri niya at ang iba pang mga naiwang daliri ay nakasaklob sa palad niya. Inilagay niya iyon malapit sa mukha niya. Tinignan ko lang ngunit hindi ko ginawa.
Napakunot ako ng noo.
"Anong gunting-gunting naman dude! Dapat astig apo, yung parang nakikipagboksing lang! Ganito lang oh!" Pangontra ni Papa Zanjo.
Ipinakita pa ni Papa Zanjo ang gusto niyang tutularan ko. Parang nakikipagsuntukan lang ang ayos niya. Sumuntok-suntok siya sa hangin.
"Marunong pa kasi kayo sa bata, e di kayo na lang kaya magpakuha ng litrato. Ikaw Tito Pat, maganda yan kapag nakalublob ka sa tubig para sa gunting-gutingang peg mo at ikaw naman Tito Zanjo doon ka sa harap ng barbecue-han, pasok sa banga ang boksing-boksingang pa-effect mo. Diyos ko, nililito ninyo yung bata!" pabirong singhal ni Tito Carl. Tahimik at napapangiting nakamasid lang si Tito E-jay habang kumakain ng barbecue.
"O 'yan anak ha! Ganyan. Bibilang si Daddy ng tatlo ha." Si Daddy Ced.
Lahat sila nakangiting nakatingin sa akin.
"Ready."
Ginaya ko ang ngiti ni Daddy Mark Kym. Hindi naman sa pagbubuhat ng sarili kong bangko, marami ang nagsasabing guwapo ako. May kapayatan man ngunit taglay ko ang kaguwapuhang bihirang-bihira na makita sa mga kasabayan kong kabataan. May kakapalang kilay, nangungusap na mga mata, matangos ang ilong, mamula-mula ang makipot kong mga labi at makinis na kutis. Sa edad ko ay marami nang napapadalawang tingin sa akin. Bata pa ako no'n ha, paano na lang kaya kung nagbinata na ako?
"Ayos 'yan. Ganyan ang ngiti!" tuwang-tuwa si Daddy Mak sa nakikita niyang panggagaya ko sa ngiti niya. Nakipag-apir pa ito kay Tito E-jay na nagthumbs up pa sa akin.
"Anak tingin lang sa camera ...One!" si Daddy Ced.
Ginaya ko ang gunting-guntingang sinabi ni Papa Pat.
"Hayun, ang cute apo. Ganyan dapat!" napapalakpak pa si Papa Pat na nakamasid sa akin.
Tumaas ang kilay ni Papa Zanjo. Alam kong hindi niya nagugustuhan ang ginawa ko.
"Two..." pagpapatuloy ni Daddy Ced sa pagbibilang.
Mabilis kong ginaya ang boksing-boksingan ni Papa Zanjo. Itinaas ko pa nga ang isang paa ko para sa aking isang matinding sipa.
"That's my boy! Huh! Galing ah! 'Yan ang astig na porma apo!" si Papa Zanjo.
Kinindatan pa ang natalong si Papa Pat.
Lahat nakatingin sa akin. Natutuwa sa siguradong maganda at cute kong kuha.
Bago makapagbilang ng THREE at mapindot ni Daddy Ced ang camera ay mabilis akong sumipa patalikod. Pinagsisipa ko ang pinaghirapan naming sand castle. Nakatalikod sa camera. Parang nangangarate lang ako. Ngunit kahit ilang shots pa ang kunin nila ay likod ko lang ang makukuha. Iniiwas kong iharap ang aking mukha.
Tumatalon-talon at tuwan-tuwa habang sinisira ko iyon at siyempre kasama na din yung kagustuhan nila at yung happy moment nilang sa wakas ay makunan ako ng bagong magandang picture. Tulad ng dati, frustrated na naman sila sa akin.
"Boboy! Stop it! Ano ba!" singhal ni Daddy Cedrick.
"Too late. Nakunan mo ba?" si Daddy Mak halata ang panghihinayang sa boses niya.
Huminga ng malalim si Daddy Ced. "Paano ko makunan e magbibilang palang ako dapat ng Three tumalikod na siya at sinira yung pinaghirapan natin. Kahit sana humarap lang ng minsan."
Nanlumo sina Papa Pat at Papa Zanjo. Nagkatinginan sila.
Si Tito Carl ang sumabay sa akin sa pagtawa ngunit nang pinandilatan siya ng mata ni Tito E-jay kaya kaagad itong tumahimik at sumubo na lang sa hawak niyang barbecue.
Seryoso na nakatingin sa akin si Daddy Ced. Ibinigay niya ang camera kay Daddy Mark Kym na nakakunot din ang noo.
Lumapit sa akin si Daddy Ced.
Hinawakan niya ang braso ko.
"Anak, hindi ba puwedeng magbehave ka naman kahit sa mga pagkakataong may pinagagawa naman kami sa'yo?"
Nakita ko sa mga mata niyang hindi siya natutuwa sa inasal ko.
"Sorry Dad." Nangingiti kong sagot.
"At ngumingiti-ngiti ka pang parang natutuwa kami sa ipinakita mo. We are expecting you to please behave naman, anak. Kung hindi ka nahihiya sa amin ng Daddy Mak mo, kahit kina Papa mo na lang oh!"
"Hindi ba kayo nagsasawang kunan ako ng picture, Dad?"
"Iba ito anak. Pinaghirapan natin yung castle na 'yan para makunan muna natin ng picture tapos sinira mo lang ng gano'n. What is your problem?" mataas na ang boses ni Daddy. Alam ko, galit na siya. Nakita ko iyon sa kaniyang mga mata.
"Di ba sabi ko naman kanina ayaw ko. Kayo itong mapilit e." pagdadahilan ko.
"O, e ayaw mo pala bakit mo pa kami pinaasa. Anak naman..."
Gusto kong sumagot ngunit di ko naman alam ang ikakatwiran ko. Lumapit si Papa Pat sa amin.
"Ced anak, hayaan mo na. Nangyari na. Nagsorry na ang bata."
"Oo nga 'Pa, nagsorry na. 'Yan lagi ang ginagawa niyan kapag gumagawa ng katarantaduhan, magsosorry pero mamaya gagawa na naman ng kung anong ikagagalit namin ng Daddy niya. Hindi ko na alam kung paano siya disiplinahin. Sobrang tigas ng ulo!"
"Hayaan mo na. Bata lang 'yan" pakiusap ni Papa Pat.
"Kaya tumitigas ang ulo niyan kasi sa tuwing napagsasabihan nandiyan kayo lagi ni Papa na kontrahin ako. Hay, naku bahala na nga kayo." Tumalikod siya ngunit nakailang hakbang palang siya ay nilingon niya ako. "Pag-uwi natin sa bahay mag-uusap tayo ha!"
Tumalikod na din ako.
"Where are you going apo?" tanong ni Papa Zanjo.
"Diyan lang ho." Sagot ko.
Hindi ko siya nilingon.
Sa totoo lang napahiya ako sa mga sinabi ni Daddy Ced sa akin. Oo, hindi sila iba sa akin pero sa ayaw kong pinagtataasan ako ng boses. Gumagawa daw ako lagi ng katarantaduhan. Matigas daw ang ulo ko. Hindi ako madisiplina. Bawal bang maging masaya bilang bata?
"Okey ka lang apo?" hinawakan ni Papa Zanjo ang balikat ko.
Umupo siya sa harap ko.
"Okey lang ho ako, 'Pa. Diyan lang ako sandali." Sagot ko.
"Gusto mo samahan kita?" tanong ni Papa Zanjo.
"Pa, di naman ho ako mawawala. Diyan lang ho ako oh! Wala ho tayo sa gubat. Nasa beach ho tayo." Sagot ko.
Nakukulitan lang ako.
"Okey. Kakain na tayo mamaya kaya huwag kang magpakalayo-layo, okey?" bilin niya.
"Sige po." Maikli kong sagot.
Sa totoo lang, gusto kong magpakalayo-layo. Magsasampung taong gulang na nga ako pero bakit parang paslit parin kung ituring nila ako. Isa pa naiinis na ako sa kung anong buhay mayroon ako. Binibiro-biro na ako sa klase namin tungkol sa pagkatao ng pamilya ko. Anak daw ako ng mga bakla. Sino daw ba sa kanila ang tinatawag kong nanay. Kakaiba ang pamilya ko sa pamilya nila. Dalawang lalaki ang tinuturing kong magulang. Kung proud sila na pumunta dalawa sa school ako para ipakita ang suporta nila sa akin, ako hindi. Alam ko kasing pagtatawanan lang ako ng mga kaklase ko. Kung tatanungin ako kung kinakahiya ko ang pagkatao nila, ang sagot ko "Oo". Nahihiya ako sa mga sinasabi ng kapwa ko bata. Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang kanilang mga masasakit na katotohanang sinasabi nila sa akin. Pamilya kami ng mga bakla. May iaangal ba ako e kung tutuusin tama naman ang sinasabi nila laban sa amin?
Katarantaduhan? Iyon ang sinabi ni Daddy Ced sa akin kanina. Oo, para sa kanila, katarantaduhan at katigasan ng ulo kung bakit sila lagi tinatawag ng aming school Principal. Ngunit alam na nila ang dahilan kung ano ang puno't dulo ng pakikipagsuntukan ko? Iyon ay dahil ipinagtatanggol ko sila sa mga kaklase kong minamaliit at kinukutya silang mga nakagisnan kong magulang. Nasasaktan pa din ako e. Nagagalit ako kapag tinatapakan nila ang mga taong nagmamahal sa akin. Ngunit hanggang kailan ko sila ipananalo sa suntukan? Hanggang kailan ko sila ipaglalaban?
Oo nga't sikat sila. Kaya nga naging open sa lahat ang buhay ng aking pamilya kasi sino ba naman ang hindi nakakakikilala sa kanila bilang mga sikat na artista. Bakit kaya parang wala lang sa kanila kung ano ang tingin sa kanila ng ibang tao, ni minsan kaya hindi nila naisip kung paano naman ako? Anong mukha ang ihaharap ko sa mga kababata ko? Paano ko ipaliliwanag ang tungkol sa kanila sa mga taong makikitid ang isip? Sila ay may natatawag na nanay at tatay. May mga kapatid, normal at buo ang pamilya. Ako, nasaan ang nanay ko? Ni hindi nga masabi nina Daddy kung nasaan ang nanay ko o kahit lang sana may maipakitang litrato. Paano nila ako madidisiplina kung di nila maintindihan ang pinanggagalingan ng pagiging ganito ko?
Sa murang edad ko, ipinangako ko sa sarili kong hindi ako magiging katulad nila. Hindi ako susunod sa kung anong pagkataong mero'n sila. Kinukutya at pinagtatawanan. Sinasabihang abnormal, syoke, bading, bakla at binabae. Sa mga nakikita ko sa TV o kaya sa kalye na pinagtatawanan ang mga bakla, ipinangako ko noon sa aking sarili na iba ako sa pamilya ko. Oo nga't hindi sila katulad ng mga nakikita kong baklang nagbibihis babae pero ganoon pa din naman sila. Iyon pa din naman ang tawag sa katulad nila. Ayaw kong matawag nang gano'n. Kapag naririnig ko iyon na sinasabi nila sa pamilya ko ay nabubuo ang galit sa aking dibdib. Bakit ba kasi sila ganoon? Bakit hindi nila nilabanan ang pagiging iba?
Naglakad ako palayo sa tent namin. Galit ako sa mundo. Nakapasarap lang may mapagbuntungan sa nararamdaman ko.
Umupo ako sa isang malaking bato. Nakaramdam ako ng inggit nang makita ko ang ilang mga batang kasama nila ang nanay at tatay na lumalangoy sa dagat. Ang ibang mga batang kasalo ang normal na pamilya. Naroon ang kanilang nanay na nag-aasikaso sa pangangailangan ng kanilang anak. Ang mga batang nasa balikat ng kanilang mga tatay habang naghahabulan sila ng iba pa nilang mga kapatid. Isang kumpleto at normal na pamilyang kahit kailan ay wala ako at sigurado akong hindi kailaman ako magkakaro'n kung gagaya lang ako sa kanila.
"Blag!"
"Aray!" singhal ko.
May tumamang bola ng volleyball sa batok ko. Malakas iyon kaya ang noon ay pangit na na mood ko ay nagiging matinding galit.
Pinulot ko ang bola.
Hinanap ko kung kanino iyon at dumikit ang tingin ko sa nakita kong tumatakbong batang lalaki na marahil ay kasing-edad ko din lang na palapit sa akin. Mas matangkad ng bahagya sa akin, mas maayos ang pangangatawan at may kaputian...nakakadala ang ngiti. Ngiting ahhh... ewan...basta...sige na nga ... guwapo.
Pagkalapit niya sa akin ay tinanong ko siya.
"Bola mo 'to?" kunot ang noo ko. Halatang sumasabog sa galit.
"Oo, pasen..." hindi pa niya nakumpleto ang salitang "pasensiya na" ay malakas kong ibinato sa mukha niya ang bola.
Nagulat siya sa inasal ko.
"Bakit mo ginawa 'yun? Nagsosorry naman ako ah!"
"Ano bang nauna? Di ba tinamaan mo ako?"
"Oo pero..."
"O di hayan, tinamaan din kita? Pareho lang di ba?"
"Anlabo mo naman e." sagot niya. Nakita ko ang pamumula ng mukha niyang tinamaan ko ng bola.
"O ngayon, magsorry ka na, tatanggapin ko ang sorry mo. Ganun lang 'yun ulol!" pangiti-ngiti kong sagot.
Nang-aasar.
"E, di ko naman sinasadyang tamaan ka a! Mas ulol ka!" singhal niya.
"Di mo nga sinasadya pero tinamaan mo pa rin ako hindi ba?"
"Oo natamaan ka pero di namin sinasadya.
" O, tinamaan kita, sinadya ko, may angal?" maangas kong tanong. Nilapitan ko siya. Handang makipagsuntukan.
"Gago ka pala e!" singhal niya.
"E, aba ako ginagago mo! Ano lalaban ka!"
"Oo, bakit! 'Kala mo porke mayabang at matapang ka, aatrasan kita." Galit niyang sagot.
Nakita ko ang pagporma niya parang lumaban. Wala na yung ngiti niya kanina. Unti-unting nawala ang malalim na biloy sa kaniyang pisngi.
Walang sabi-sabing sa isang iglap ay kaagad kong binigwasan ang kaniyang panga ng isang malakas kong suntok.
" Wala ng away babae. Sugod kung sugod! Laban kung laban! Dami mo pang satsat e!" paninigaw ko.
Halos mapaupo siya sa lakas niyon ngunit hindi ko napatumba.
Nang sipain ko siya ay mabilis niya iyong nasangga.
Muli kong inambaan ng suntok. Pinakawalan ko iyon sa kaniyang mukha
Mintis!
Nakailag siya.
Dahil nawalan ako ng panimbang idagdag na din ang lambot ng buhangin ay natumba ako.
Kinuha niya ang pagkakataong iyon para ma-lock niya ako. Dinaganan ng kaniyang dalawang tuhod ang magkabilang kamay ko. Sobrang sakit ng braso ko. Hindi ko iyon maalis sa pagkakadagan niya.
Nagpupumiglas ako.
Walang nangyari.
Hindi talaga ako makagalaw.
Itinaas niya ang isang kamay niya para ambaan ako ng suntok.
Napapikit ako.
"Jino! Huwag!" sigaw ng isang mama.
Tumingin siya sa parating na lalaki.
Lumuwang ang pagkakadagan ng tuhod niya sa aking braso at buong pwersa niya sa akin. Kinuha ko ang sandaling iyon para makakakilos. Bumangon ako. Lalaban pa din ako. magpapakawala sana ako ng isang malakas na sipa ngunit maagap akong hinila ni Daddy.
Nakita ko ding hawak ng isang halos ka-edad din ni Daddy ang tinawag sa pangalang Jino.
"Pagpasensiyan na ho ninyo ang ginawa ng anak ko." si Daddy.
"Bakit kayo humihingi ng pasensiya, Dad e siya yung nakatama ng bola sa akin."
"Oho tinamaan ko ho siya, pero hindi ko ho iyon sinasadya kasi naglalaro lang kami nina Papa. Nagkataon lang na natamaan siya, hihingi palang ho sana ako ng sorry pero ipinukol na niya ang bola sa mukha ko. Ta's siya pa po ang may ganang unang manuntok!" pagpapaliwanag ni Jino.
"E, di ba nga..."
"Romel!" galit na sigaw ni Papa Zanjo. Hindi ko na nakumpleto ang sana ay pagpapaliwanag ko. "Humingi ka ng sorry sa maling inasal mo!"
Tumingin ako sa kanilang lahat, kay Papa Pat, kay Daddy Mak, kay Tito Carl at Tito E-jay ngunit nakita kong lahat sila iisa ang tingin sa akin.
Mali ako.
Lahat sila hinatulan na ako.
"Okey fine!" singhal ko.
Lumapit ako. Inilahad ko ang palad ko kay Jino.
"Sige na anak. Tanggapin mo na ang kamay niya." mahinang sinabi iyon ng Papa niya.
Naglakad palapit sa akin si Jino.
Tinanggap niya ang kamay ko. Nagtitigan kami. Nang magkadaop-palad kami ay pinisil ko iyon ng ubod ng lakas. Dahil ako ang unang nakapuwersa ay hindi na niya kayang pisilin ang kamay ko napangiwi siya sa akin.
"Bitiwan mo ang kamay ko!" singhal niya.
"Bakit, ano namang gagawin mo kung hindi ko ito bibitiwan!"
"Bitiwan mo sabi e!"
"Sorry! Di ba iyon naman ang gusto mong marinig. Sorry na nga!" pinarinig ko iyon sa pamilya kong nakapalibot sa akin at ang pamilya din niya.
"Ayaw mong bitiwan ah!"
Sa isang iglap ay parang sa pelikula ko lang napanood ang ginawa niya sa akin. Hinila niya ang kamay kong nakapilipit sa kamay niya at bago ako makalaban ay natagpuan ko ang sarili kong lumagapak sa buhanginan.
Nanlaki ang mga mata ko sa bilis ng ginawa niya. Hindi ako makapaniwala.
Hindi ako din ako makahinga sa kamay niyang nakasakal sa akin at nanginginig ang kaniyang kamao. Alam kong sa isang iglap ay tatama na iyon sa aking mukha. Hindi ko na nakita ang pagkaamo ng kaniyang mukha. Galit na galit ang kaniyang mga mata. Parang tumigil ang pag-ikot ng mundo ko. Wala din akong naririnig na ingay sa aking paligid. Tanging malakas na hininga ko at hininga niya ang gumuguhit sa pandinig ko.
Ngunit humanda siya.
Kung panahon niya ngayon, hintayin niyang muli kaming magsasagupa. Humanda siya sa akin! Gaganti ako.