IF IT'S ALL I EVER DO
Huminto ako sa paglalakad. Luminga-linga baka may iba akong maupuan.
"Romel, dito ka na. Come, join us!" si Lexi.
Hindi ako makapagdesisyon.
Hindi ko matanggal sa isip ko ang ginawa ni Jino sa akin sa beach at yung nangyari kaninang umaga. Kumukulo talaga ang dugo ko sa kaniya. Hindi tuloy ako makapagdesisyon kung tutuloy pa akong lapitan si Lexi.
Ngunit nakapagbitaw na ako ng salita kay Lexi na susunod ako kung saan siya uupo. Ayaw kong umiwas lalo na at kaninang umaga lang muli niya ako tinarantado. Lumapit ako sa kanila. Tahimik kong ipinatong ang tray sa mesa. Nginitian ko si Lexi. Hindi ako nag-aksaya ng panahong tignan si Jino ngunit alam kong sa akin siya nakatingin. Dahil do'n namumula ako na hindi ko alam kung bakit. Lalo akong naco-concious kapag alam kong may tumititig sa akin. Hindi ko tuloy alam kung paano ko ihaharap ang mukha ko sa kanila.
"Magkakilala na ba kayo?" si Lexi.
Kumindat ako kay Lexi sabay bukas sa aking baong sandwich.
"Jino pala bro." Inilahad niya ang kamay niya.
Kumunot ang noo ko. Bakit ba ang hilig nilang makipagkamay kapag nakikipagkilala. Obligado bang makipagkamay ang isang tao sa tuwing sasabihin ang pangalan?
"Kilala na kita. Doon sa beach palang." Mapakla kong sagot ngunit di ako nakatingin sa kaniya.
Kumagat ako ng sandwich.
Binawi niya ang nakalahad niyang kamay nang hindi ko iyon inabot.
"Jino, siya si Romel, Romel siya si Jino."
Kay Lexi lang ako muli tumingin nang si Lexi na mismo ang nagkusang ipakilala kami sa isa't isa. Pagkatapos no'n ay saka ako uminom ng softdrink.
"Puwede bang let's just be friends na lang kung anuman ang hindi ninyo pinagkaintindihan dati? Alam ba ninyo na laging sinasabi sa akin ni Mommy na mas madaling makipagkaibigan kaysa sa magkaroon ng kaaway. Bati na kayo ha?"
"Ako, okey lang. Ewan ko sa kaniya kung may problema siya sa akin."
Ang sinabing iyon ni Jino ang nagbigay ng dahilan sa akin para sagutin siya.
"Magkaliwanagan nga tayo. Sa beach ikaw ang unang nakatama ng bola sa akin di ba? Nananahimik ako noon e, tapos kaninang umaga, sino ang tarantadong nagbigay ng direksiyon sa akin papunta sa CR ng mga babae, di ba ikaw din 'yun?"
Tumawa siya.
"Oooppss! Sorry. Sinunod mo yung direksiyon ko. Ha ha ha!" lalo akong nairita sa tawa niya.
"Tingin mo nakakatawa yung ginawa mo sa akin, gago!" singhal ko.
"Malay ko bang maniniwala ka sa una palang e, itinuring mo nang kaaway. Saka kung gago ako, ano ka na lang?" sumubo siya ng spaghetti.
"Puwede huwag naman kayong mag-away please? Ninenerbiyos ako sa inyo. Jino, tama na?"
"Bakit ako, e siya itong unang nagmura sa akin. Naghahanap yata lagi 'yan ng away, e."
"Hindi ko na kailangang maghanap ng away brad. Nahanap ko na!" sagot ko.
"Brad, alam mong problema mo? Masyado kang matapang. Kung gusto mong irespeto kita, irespeto mo din muna ako. Hindi mo ako kilala, hindi din kita kilala kaya hinay-hinay lang sa mga banat mo."
"Wala akong balak makilala ka. Kung ako matapang, ikaw saksakan ng yabang!"
"Mayabang? Kailan ako nagyabang? Kung kayabangan sa'yo ang talunin kita sa suntukan, sige guilty na ako. Pero mapapatunayan ni Lexi na hindi ako mayabang o kahit minsan hindi ako nagyabang. Baka ikaw ang hambog." Pangisi-ngisi niyang sagot.
Nanginginig na ang mga kamao ko kanina pa. Nawalan na nga ako ng ganang magmiryenda pa. Pakiramdam ko lahat ng dugo nasa mukha ko na.
"Ano ba talagang problema mo!" tumayo ako. Galit na galit ko siyang hinarap.
"Baka ikaw ang may problema sa ulo, brad." Pangisi-ngisi muli siyang sumubo ng pagkain.
Nagdilim ang paningin ko. Alam kong pinapakiusapan parin kami ni Lexi ngunit naghari sa dibdib ko ang pagkapoot. Kaya sa isang iglap ay binigwasan ko siya ng suntok habang nakaupo. Ngunit hindi ko alam kung anong liksi meron siya at nagawa niyang umilag saka niya hinawakan ang kamay ko. Pinaikot niya iyon hanggang sa naramdaman ko na lamang na naroon na siya sa likod ko at pinilipit ang kamay ko patalikod. Idiniin niya ang ulo ko sa mismong kinakain niyang spaghetti. Palapit ng palapit ang mukha ko sa plato.
"Bitiwan mo ako gago!" singhal ko.
"Mag-sorry ka na muna sa maling inaasal mo." bulong niya sa tainga ko.
Naramdaman ko ang sakit ng braso at daliri kong pinilipit niya. Nakita kong nakatayo na si Lexi sa harap namin. Nataranta sa nakikita niyang g**o naming dalawa.
"Jino, please. Bitiwan mo na lang siya."
Nakita ko ding nakatingin na sa amin ang mga ibang estudiyanteng nagmimiryenda.
"Ulol! Ako mag-sosorry! Ugh! Tang-i--- aray!" lalo niyang diniin ang pagpilipit sa akin. Isang pulgada na lang ang layo ng mukha ko sa Spaghetti.
"Astig talaga? Ayaw mag-sorry?"
"Tang-ina mo! Gago ka!" singhal ko habang nahihirapan sa pagpilipit niya sa kamay ko.
"Hanggang 'yan lang ang kaya mo brad? Ang magmura? Bakla ka ba? Ha Ha ha!"
"Tang in among gago ka! Baka ikaw ang bakla! Arayyyyy!"
"Matapang lang ang loob mo ngunit wala kang sinabi sa pakikisagupa. Ayaw ko sana talagang pumatol sa kagaya mo lang ngunit sobrang lakas ng loob mo e, idagdag pa ang kagaspangan ng ugali mo. Sige na! Simple lang oh. Sorry! Iyon lang ang hinihintay ko bro!"
Napakalakas ng kabog sa aking dibdib noon. Gusto ko talagang lumaban pero hawak niya ako at wala akong lakas para labanan siya.
"Ano na! Nakakabagot na oh!" bulong niya sa akin. "Just say, sorry!"
"Jino please. Tama na. Namumula na siya't nahihirapan! Please! Para na lang sa akin." Narinig kong pakiusap ni Lexi.
"Kakampihan mo ang ganitong klaseng tao, Lex? Ugaling kanto!" Nakuha na ni Lexi ang atensiyon nito. Naramdaman ko din kasing iniangat na niya ang mukha ko at gumaan ang pagpilipit niya sa aking kamay.
Kinuha ko ang pagkakataong iyon para sipain siya ng patalikod.
"Gago ka!" Kasabay iyon ng ubod lakas kong sipa.
Ngunit hindi ko alam kung anong meron siya at muli niya iyong nailagan. Daplis lang ang tama niyon sa kaniyang binti.
"Aba! Sumisipa pa talaga! Ito ang nababagay sa katarantaduhan niya Lex. Dapat dito, ginaganito!"
Sa isang iglap ay tuluyang niya akong inginudngod sa kinakain niyang spaghetti. Narinig ko ang tawanan ng mga mag-aaral na nasa canteen. Pakiramdam ko noon ay para akong bumabalik sa pagiging talunan sa mga pinanggalingan kong school. Ang mga tawanang iyon. May kung anong kakaibang emosyon na nabubuo sa dibdib ko.
Lalo akong nagwawala. Binitiwan niya ako.
Pagkabitaw niya sa akin ay buong lakas akong nagpakawala ng isang suntok. Umilag siya sabay tulak sa akin kaya ako dumiretso at napasubsob sa katabi naming mesa. Tumapon sa akin ang pagkain.
Nang susugurin ko na siya muli ay may humawak sa akin. Ang school guard namin.
"Tang-ina mo! Gago ka!" sigaw ko sa kaniya sa sobrang galit.
Tatlong beses na niya akong ginago. Dalawang beses na suntukan at isang beses na pang-uuto. Sa tatlong beses na iyon ni isa wala akong nagawa para maipanalo ko ang laban namin. Lagi lang akong talunan. Lalo tuloy nabuo ang galit na may halo nang takot.
Hindi ko mapunasan ang mukha kong puno ng spaghetti dahil hawak ako ng guard ngunit siya ay nakangiting nakatingin lang sa akin. Si Lexi ang nakahawak sa braso niya at awang-awa siyang nakatingin lang sa akin. Hindi siya hinawakan man lang na parang ako lang talaga ang gumagawa ng g**o. Ako lang ang inaawat. Hinila ako ng guard dinala ako sa CR ng school namin.
"Hugasan mong mukha mo. Hihintayin kita. Tapang mo, kid. Si Jino pa talaga ang kinalaban mo." natatawang sabi ng guard sa akin.
"E, ano naman kung si Jino. Sino ba si Jino?" bulong ko sa aking sarili.
Nahugasan ko man ang mukha kong napuno ng spaghetti ngunit hindi ang lalim ng galit ko kay Jino. Napahiya ako sa harap ng mga ibang mag-aaral lalo na kay Lexi. Lumalabas na wala akong magawa para ipagtanggol ko ang sarili ko sa kaniya. Sinubukan kong tanggalin ang kumalat na pulang sauce sa uniform ko ngunit hindi na iyon natanggal pa.
Nang makapaghugas ako ay dinala ako ng aming guard sa Principal's Office. Kinasanayan ko na iyon. Wala ng bago pa. Mas napaaga lang ngayon ang pagbisita ko doon.
Naroon na si Jino nang pumasok ako. Tinapunan ko siya ng masamang tingin ngunit kalmado lang siyang nakangiti sa akin. Kung anong ngiti niya ay siya namang simangot ko sa kaniya.
Nagpaalam ang guard namin sa aming Principal ngunit pagkatapos niyon ay nakipag-apir pa siya kay Jino bago siya lumabas.
Umupo ako sa harap niya. Kung nakakamatay lang ang masakit na tingin ay kanina pa sigurado bumulagta si Jino. Ngunit iyon lang ang tanging magawa ko. Naniniwala na kasi akong mas may alam siya sa sa akin sa pakikipagsuntukan.
"Romel, unang araw palang ng klase, unang araw mo sa school natin at heto't nakipagsuntukan ka na kaagad. Gusto ko lang ipaalala muna sa'yo na katulad ng ibang paaralang pinanggalingan mo, mahigpit naming pinapatupad ang policy namin na bawal ang pakikipag-away sa mga kamag-aral. Nakapag-usap na kami ni Jino sa kung anong nangyari kanina at may ilang estudiyante din akong akong nakausap sa kung ano ang totoong nangyari. Ngayon, gusto kong marinig ang side mo." Seryosong tinuran ng Principal namin.
Huminga ako ng malalim. Napakamot. Pambihira naman. Ito yung ayaw ko. Yung pakikinggan daw ang side ko pero alam ko namang di pa ako humaharap sa kanila, nahusgahan na agad ako. Ano pang silbing magpaliwanag ako. Naisip ko, ano ba ang kailangan kong ipaliwanag?
"Jino is one of our best pupils here, Romel. He is top in his class and a diligent student leader. Ngayon lang siya nasangkot sa g**o. Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano ang nagtulak sa'yo para magsimula ng away."
Hindi pa din ako sumagot. Minabuti kong titigan ang kuko ko sa daliri. Naririnig ko ang sinasabi ng aming Principal ngunit wala akong pakialam. Kung sasagot ba ako mababago ba ang tingin nila sa akin. Ako pa din naman ang masama. Baka nga kung magdadahilan ako magpapalala lang sa sitwasyon. Parang nakikita ko na naman sina Daddy na hindi natutuwa sa ginawa ko. Siguradong mahabang paliwanagan na naman ito mula pagsundo hanggang sa oras ng pagkain.
"Marunong ka bang magsalita, Romel? Kinakausap kita. Aren't you suppose to say something?"
"Wala po ma'am. Pasensiya na po." Maikli kong sagot.
Ayaw ko na lang humaba pa ang usapan. Gusto ko nang mawala sa paningin ko si Jino. Lalo lang kasi akong nagngingitngit sa galit.
"So, inaamin mong ikaw ang nagkamali?" tanong ng Principal namin.
Katahimikan. Naghihintay sila ng sagot ko.
"Romel? Are you listening. Ikaw ba ang nagsimula ng g**o at may kasalanan sa nangyaring ito?"
"Opo." kasabay iyon ng isang malalim na hininga.
Masama ang loob kong tanggapin iyon sa harap ng itinuturing kong kaaway ngunit kung tatanggi ako, mapapahaba lang ang usapan. Mapapadami pa ang paliwanagan.
"Sige, palalagpasin ko ang nangyaring ito Romel, hindi na muna ito makakarating sa parents mo pero tandaan mo 'to. Kapag naulit pa ito, hindi na lang warning ang aabutin mo kundi mas magiging matindi na ang ipapataw kong punishment sa'yo. Understood?"
Katahimikan muli. Nagtama ang tingin namin ni Jino. Nagkatitigan. Memoryado ko na ang pagmumuha niya. Hindi ko kalilimutan ang mukhang iyan!
"Romel, ano?" ang Prinicipal.
"Opo." pabulong kong sagot.
"Good." Huminga siya ng malalim.
"Jino, I want you to promise me that this won't happen again. Kung kaya mong umiwas sa g**o, gawin mo. Malaki ang tiwala ko sa'yo at ayaw kong masira iyon. Ngayon, gusto kong magkamay kayong dalawa bago lumabas ng office ko at mangakong hanggang dito na lang kung anuman ang dahilan ng pag-aaway ninyo."
"Ho?" napataas ang dalawang kilay ko.
Bakit kailangan pang makipagkamay?
Inilahad niya ang kamay niya sa akin.
"Sorry sa ginawa ko sa'yo kanina."
Lumingon ako sa Principal namin at hinihintay niyang tatanggapin ko ang paghingi sa akin ni Jino ng sorry.
Sandali kong inabot ang kamay niya. Hindi ako nagsalita.
"Okey, sige na. Attend your class."
Tumalikod ako.
Nauna siyang naglakad palabas sa office nang muling nagpahabol ang Principal ng paalala sa akin.
"Romel ha, this is your first warning, pinakiusapan ako ng mga Daddies mo to accept you here kaya sana tumino ka na."
Napalingon si Jino sa narinig niya. Nagkatinginan sila ng Principal namin saka siya tumingin sa akin. Nagtama ang aming paningin. Alam kong dinig na dinig niya ang sinabi ng Principal namin. Daddies. Napalunok ako.
Yumuko akong dumaan sa harap niya saka walang imik at mabilis akong lumabas ng office.
"Bro, wait!" tawag niya sa akin.
Hindi ako huminto, parang wala akong narinig. Hinabol niya ako.
"Sandali lang." hinawakan niya ang braso ko.
Mainit ang kaniyang palad na nakahawak sa braso ko. Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa aking braso para tanggalin iyon. Kumukulo pa din ang dugo ko sa kaniya, idagdag pa ang pagkahiya ko dahil sa sinabing iyon ng Principal namin na narinig niya. Mas may panlaban na ngayon siya sa akin.
"Okey ka lang? Alam mo bang..."
Nakita ko sa mukha niya ang pag-aalala sa akin ngunit hindi ko na siya pinatapos sa kung ano pa ang sasabihin niya sa akin.
"Oo naman. Saka puwede ba, huwag kang umastang parang kaibigan ako. Pagkatapos ng ginawa mo sa akin. Tandaan mo, paghahandaan ko ang muling paghaharap natin, Jino." May diin ang pagkakasabi ko niyon.
Mabilis kong tinungo ang classroom namin. May narinig akong tawanan sa likod ko nang nasa upuan na ako. Yumuko na lang ako. Wala akong mukhang maihaharap sa kanila. Unang araw ng pasukan, ako na agad ang pinag-uusapan. Astig!
Panay ang paghingi ni Lexi ng pasensiya sa akin. Tinatanong kung okey lang ba ako. Sinisisi niya ang sarili kung bakit ako napaaway. Sana daw hindi na lang ako pinilit na samahan sila sa table nila ni Jino.
Kinahapunan nang sunduin ako ni Daddy Ced ay nakita niya ang natuyong pulang sauce sa uniform ko.
"Anak, may nangyari na naman ba?" kasabay iyon ng malalim na hininga.
Hindi ako sumagot. Tahimik lang akong tumingin sa labas ng sasakyan namin. Nakita ko si Jino na sumakay din sa magarang sasakyan at masaya siyang nakipag-usap sa sundo niya.
"Nakipag-away ka na naman ba?"
Wala parin akong sagot. Pinaandar ni Daddy ang sasakyan. Nakahinga ako ng maluwang.
"Kinakausap kita Romel. Nakipagsuntukan ka na naman ba!" singhal niya. Nagtama ang aming mga mata sa salamin ng sasakyan.
"Hindi po. Di sana tinawagan na kayo o may iniaabot na akong sulat sa inyo. Natapunan lang 'yan ng sauce." Pagsisinungaling ko.
Napakamot na lang ng ulo si Daddy.
Napagkasunduan namin ni Lexi na ako na lang ang iiwas kung makita kong magkasama sila ni Jino sa labas. Pareho kaming Grade 4 pero nasa SPED Section si Jino dahil fast learner daw siya. Matalino din naman si Lexi ngunit panay ang pagliban niya sa klase at mas pinili daw niyang mapabilang na lang sa regular class.
Doon na ako nagsimulang umiwas kay Jino. Kailangan kong gawin iyon dahil alam kong wala akong panama sa liksi at galing niya sa suntukan. Isa pa, meron siya na wala ako. May tiwala sa kaniya ang teachers namin at Principal. Malaki ang nagagawa ng kaniyang connections. Kilala siya sa buong campus namin. Sikat. Huwarang mag-aaral. Laging pambato at palaging nananalo sa mga contest sa school level o kahit pa sa buong NCR. Kung gaano siya kasikat, ganoon din ako invisible. Pinili kong huwag mapansin na parang hindi nag-eexist. Lagi akong umiiwas kapag makasalubong ko siya. Isa lang akong maliit na tuta sa tabi ng isang baka kung ihahambing ako sa kaniya.
Sa loob ng classroom na lang kami magkaibigan at nakakakuwentuhan ni Lexi. Paglabas ng classroom kailangan ko na siyang humiwalay dahil hatid-sundo naman siya ni Jino. Madalas lumiban si Lexis a klase. Kung lumiban pa naman siya magkakasunod na araw. Ang tanging sinasabi niya sa akin ay nag-a-out of town sila ng kaniyang pamilya na siya ko namang pinaniniwalaan. Siya lang kasi ang tangi kong kausap sa campus at kung wala siya sa tabi ko, parang napakahaba ng oras. Parang nawawalan ako ng ganang pumasok.
Natapos ang Grade 4 namin na ganoon lang ang bawat pagdaan ng araw sa akin. Iiwas kay Jino kung may ibang dadaanan. May mga sandaling napapansin ko siyang nakatitig sa akin. Makahulugan ang mga tingin niyang iyon. Kakaiba ang mga ngiti niya sa akin. Ngunit sa tuwing lalapitan niya ako, kailangang ako ang lalayo. Ayaw ko na siyang makausap o kahit makita man lang nang malapitan. Hanggang sa nagsawa na lang siya at tuluyan na niya akong pinabayaan.
Si Lexi ang naiipit sa amin ni Jino. Gusto kasi niyang hindi lang sa classroom nakukulong ang pagkakaibigan naming dalawa. Gusto niyang tatlo daw kami nina Jino ang magkakasama. Ngunit hindi ko iyon mapagbigyan. Malabong mangyari.
Malaki ang naitulong ni Lexi para mapabuti ko ang pag-aaral ko at mailayo ako sa away. Paulit-ulit niyang sinabi sa akin na kung may naririnig man akong hindi maganda ay huwag na lang patulan dahil sa tuwing pinapatulan ko iyon ay lalo lang lalaki at lalaki ang g**o. Wala daw akong control sa sasabihin o iisipin ng ibang tao sa akin ngunit ako, kaya kong kontrolin ang sarili ko kung paano ako magrere-act sa mga iniisip at naririnig ko sa kanila. Malaki ang naging paghanga ko sa katauhan ni Lexi. Paghanga na noon ko lang naramdaman. Paghangang mas nagpalapit sa kalooban ko sa kaniya.
Nakakapagod din pala ang umiwas. Inaamin ko, galit man ako kay Jino ngunit tanggap ko na ang dahilan ng pag-iwas ko ay dahil sa takot ko sa kaniya. Mahirap man tanggapin ngunit alam kong nakalalamang siya sa akin sa kahit sa anong larangan. Tama siya, wala akong binatbat sa kaniya. Napupuno lang ang dibdib ko ng galit na wala naman akong magawa para ilabas iyon. Hanggang sa hindi ko alam kung bakit ako nasasaktan sa tuwing nakikita kong masaya silang magkasama ni Lexi sa pagpasok at pag-uwi. Pati sa recess ay madalas silang nagtatawanan samantalang ako ay madalas nasa sulok. Swerte na yung araw na may kasabay akong mga kaklase kong magmiryenda sa canteen.
Tapos na ako ng Grade 5 nang kinausap ko sina Daddy sa balak kong gawin habang naghahapunan kami.
"Taekwondo? Sigurado kang kaya mo 'yun isabay sa pag-aaral mo?" hindi makapaniwala si Daddy Ced. "Anong pumasok sa isip mo at kailangan mong mag-aral ng taekwondo?"
"Dad, tuwing Sabado lang naman 'yun. Saka patapos na ang klase. Mag-grade six na nga ako sa susunod na pasukan, e. Di ba hindi na din ako napapaaway? Tumaas na din ang mga grades ko. Payagan na ninyo ako." pagsusumamo ko.
"Iniisip ko lang kasi na kaya mo gustong matuto ng Taekwondo dahil may kaaway ka. Baka lalong mapahamak ka e."
"Oo nga naman. Kailan pa kayo nagtiwala sa akin." Bulong ko.
Ipinaramdam ko sa kanila ang aking pagtatampo. Binitiwan ko ang kutsara at tinidor ko. Uminom ako ng tubig.
Tumingin siya kay Daddy Mak. Nakita ko ang pagtango ni Daddy Mak sa kaniya.
"Sige, sa isang kundisyon."
"Ano hong kondisyon?"
"Huwag gamitin ang nalalaman sa paghahanap ng g**o. Deal?"
"Deal."
Sa totoo lang, sa paglipas ng panahon, mas nangingibabaw ang hindi ko maipaliwanag na galit kay Jino. Bumabalik pa din sa akin yung mga ginawa niya sa akin. Malinaw pa din ang lahat ng iyon sa aking alaala at hanggang hindi ako makaganti sa kaniya ay laging naiipon ang galit na iyon sa dibdib ko. Pakiramdam ko din, dahil sa kaniya, mas nagiging masikip ang mundong ginagalawan ko. Pati ang pagkakaibigan namin ni Lexi ay nagkakaroon ng balakid dahil sa kaniya. Habang siya ay patuloy na kinikilala, naroon lang ako sa sulok, patuloy na naliliman ng kaniyang kasikatan. Hindi madali sa katulad ko ang sa tuwing siya ang makikita kong makakasalubong ko ay kailangan kong lumiko para hindi kami magpang-abot. Kung nagkataong kausap at kasama ko si Lexi sa campus at alam kong padating na siya ay ako ang mabilis na umaalis. Doon nahihirapan si Lexi ngunit hindi nila alam na ako yung sadyang hirap na hirap na harapin yung nabuong galit na may kalakip na takot sa dibdib ko. Bakit ba naman ako lalaban kung alam ko namang wala akong ipapanalo sa kaniya. Kaya ko kinausap sina Daddy dahil sa kaniya. Gusto ko nang matapos ang lahat. Gusto ko na siyang harapin at nang makapaghiganti.
Ngunit sadya yatang sinusubok ako ng pagkakataon. Unang araw noon ng Taekwondo class ko nang pumasok ako sa locker room para magpalit. Isinusuot ko na ang ibinigay na uniform ko nang may tumapik sa balikat ko.
Lumingon ako. Nanlaki ang aking mga mata sa pagkagulat.
"Pati ba naman dito?" pabulong lang iyon.
"Anong pati ba naman dito?" tanong niya.
"Anong ba kasing ginagawa mo dito. Iniiwasan na kita sa school pati ba dito kailangan pa din kitang iwasan?"
"Romel, hindi mo naman ako dapat iwasan. Wala naman akong ginagawa sa'yo." Maalumanay pa din siyang mangusap.
"Wala kang ginagawa ngunit may mga nagawa ka sa akin. Kapag tuluyan na akong marunong ne'to, tandaan mo. Ikaw ang una kong haharapin." Singhal ko.
"Ganoon ba?" huminga siya ng malalim.
Tinungo niya ang isang locker na hindi kalayuan sa locker ko.
Lumingon siya sa akin. Nagkatitigan kami ngunit ako ang unang bumawi ng tingin.
"Matanong nga kita, anong dahilan mo at gusto mong magtaekwondo bro?"
"Wala ka nang pakialam do'n"
"Ah, okey. Baka galit ka lang sa akin at gusto mo akong gantihan. Hindi kaya?"
"Kung sasabihin kong tama ka, may angal ka? Ito palang sikreto mo ha, kaya pala kinakaya mo ako. Pero ngayong alam ko na, sabihin ko sa'yo hihigitan kita at ilang linggo o buwan mula ngayon, gagawin ko din ang mga ginawa mo sa akin."
"Hanggang ngayon ba bro, iyon parin ang kinagagalit mo sa akin? Antagal na no'n. Sinusubukan ko namang lumapit sa'yo para hingin ang tawad mo pero lagi kang umiiwas. Naririndi na ako sa laging pakiusap ni Lexi sa akin kasi siya yung naiipit sa atin ngunit hindi ko alam kung paano kita lalapitan." Ibinaba niya ang dala niyang backpack.
Lumapit sa akin.
"Bro, ano. Puwede ba tayong magsimulang muli? Kalimutan na natin yung mga nangyari sa nakaraan. Para na din sa kaibigan nating si Lexi na matagal na niyang gusto tayong pagsunduin."
Tumitig ako sa kaniya. Mas malayo ang inilaki ng katawan niya sa akin. Nanatili akong payat samantalang siya ay sakto lang ang pangangatawan. Inaamin ko, mas nagiging magandang lalaki siya habang nagbibinata kami.
Hindi ko tinanggap ang kamay niya.
Inayos ko ang white belt ko habang nakaharap sa kaniya. Nakashort lang siya at sando sa mga sandaling iyon at ako ay nakahanda na para lumabas ng gym at magsimula sa unang araw ko sa pag-eensayo.
Narinig ko ang pagbunot niya ng malalim na hininga nang hindi ko tinatanggap ang palad niya.
"Ayaw talaga? Ako na itong nagsosorry bro kung nasaktan man kita. Lumiliit ang mundo natin. Kung ikaw, ayos lang sa'yo na may kagalit, ako bro hindi. Ayaw kong may lihim na nagagalit sa akin kaya sana, kung puwede, bago ka lumabas, magkaayos muna tayo."
"Hindi na mangyayari 'yun bro. Huwag ka na lang umasa. Ngayon pang nagsisimula na din akong aralin ang taekwondo. Matapang ka lang naman kasi nauna ka sa akin dito pero uungusan kita. Hindi habangbuhay iiwas ako sa'yo. Baka nga sa mga susunod na buwan ako na mismo ang hahamon uli sa'yo."
"Good. Mainam sigurong aralin mo na muna bago ka magmalaki." Umiling-iling siyang bumalik sa locker niya.
"Kailan ka pa dito? Dalawang taon o higit pa? Kung ang inaral mo ng dalawang taon, gagawin kong dalawang buwan para matapatan ka!" kumpiyansa kong sinabi sa kaniya.
"Okey. Good Luck." Lumingon sa akin. Sinaluduhan muna niya ako at walang siyang imik na naghubad ng damit. Sa murang edad namin ay may korte niya ang kaniyang katawan bagay na kinainggitan ko sa kaniya.
Minabuti ko na din lang lumabas para makilala ko ang master namin. Excited na akong matutunan kahit mga basic lang.
"Santiago, warm up exercise muna ha nang di sumakit ang katawan mo mamaya. May instructor doon kung paano mo gagawin ang exercise o maari mo din lang gayahin ang mga kasabayan mo doon na naka-white belt. Ituturo sa'yo mamaya ang basic ng taekwondo pagkatapos ninyong magwarm up."
"Yes master." Yumuko ako bilang pagbibigay galang.
"Good." Yumuko din siya.
Doon ay nakipagsabayan ako sa iba ko pang kasabayan. Karamihan mas bata pa sa akin ang naroon. May dalawa akong naabutang kaedad ko lang din. Pagkaraan ng warm up exercise namin ay pinapila na kami.
Habang naglalakad ako para pumunta sa mga kasama kong nakahilera na sa harap ng aming master ay hinanap ko kung saan at kung anong belt group na ang kinabibilangan ni Jino. Baka nga Yellow palang siya o Blue. O sige, itaas ko ng bahagya, maaring blue na siya ngunit determinado na akong habulin kung anong belt meron siya. Ngunit may kalayuan din sa amin ang training ground ng ibang mga class kaya hindi ko na siya nahanap pa bago ako nakipila sa mga kasamahan kong foundation form palang.
"Kyong Ye" wika ng aming Master.
Yumuko siya. Yumuko din kami. Ang ibig sabihin ng Kyong Ye ay bow, ayon sa booklet na ibinigay sa amin na aming pag-aaralan.
"Gusto kong mag-form kayo ng pabilog at umupo ng naka-squat. Move!" utos n gaming master.
Mabilis kaming sumunod sa pinagagawa sa amin. Tahimik kaming bumuo ng paikot pabilog sa kaniya at nag-squat.
"Ngayon, gusto kong ipakilala sa inyo ang Jokyo ninyo."
Nagtaka ako. Akala ko siya ang Master namin. Ibig sabihin may Instructor kaming iba bukod sa kaniya. Tahimik kaming lahat na nakatanghod. Naghihintay na ipakilala sa amin ang aming instructor ng mga basic hanggang sa maitaas ang belt rank namin.
"Siya ay nagsimulang mag-aral ng Taekwondo sa edad niyang anim na taong gulang." Pagpapatuloy na pagpapakilala ng master. "Nanalo na sa mga National Competitions at patuloy na umaani ng sunud-sunod na parangal. Sa edad niyang siyam na taong gulang, nakuha na niya agad ang kaniyang black belt dahil sa mga ipinamalas niyang galing at determinasyon sa larangang ito. Ipinakikilala ko sa inyo si Jokyo Jiro Reyes!"
Pinatayo kaming lahat ng master namin nang papunta na siya gitna namin.
"Kyong ye" malakas na utos ng aming master na nagpakilala sa aming instructor.
Yumuko ang mga kasamahan ko bilang pagpupugay sa aming instructor Hindi ako makakilos. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa.
Si Jiro? Siya! Siya ang magiging instructor ko? Ang kanina ay pinagmalakihan ko sa loob ng locker room ang black belter na magiging instructor ko? noon ay gusto ko nang lumubog sa kinatatayuan ko. Nagdadalawang isip na ako kung itutuloy ko pa ang pagtataekwondo ko.
Nangatog ang tuhod ko nang nilapitan niya ako dahil ako lang bukod tanging hindi pa yumuyuko.