NAPAUPO AKO SA sofa na natatakpan pa ng puting tela, sa pagod ko sa paghahakot ng mga pinamili ko na binalikan ko nang dalawang beses. Buti halos kalahating kilometro lang ang layo ng bahay sa Hangganan. Kalahating kilometro lang naman! Hay, pambihira!
Sumulpot sa harap ko ang babaeng nakadilaw na damit. Ngayon, hindi ko makuhang tingnan ang mukha niya. Naupo siya sa tabi ko, sa gawing kaliwa. Hindi ko siya nilingon pero natatanaw ko sa gilid ng aking mga mata na nakatitig siya sa ‘kin. Parang huminto na naman ang oras. Walang kabang naramdaman ang dibdib ko sa presensiya niya. Bagkus, ninamnam ko ang mga sandaling ‘yon. Naging payapa ako at nawala ang pagod ko. Ipinikit ko ang aking mga mata at pinakinggan ang musika ng huni ng mga ibon sa labas. Naisip kong kailangan kong sanayin ang sarili ko sa multong katabi ko dahil mukhang dito siya sa bahay na ‘to naglalagi. Marahil siya ang multong nananakot sa mga tagarito. At parang siya lang naman ang multo sa bahay na ‘to – wala na akong ibang maramdaman bukod sa kanya. Kanina, wala akong multong nakita sa daan. Siguro may oras lang ang pagpapakita nila. Pero itong katabi ko, mukhang oras-oras ata?
NILINIS KO ANG bahay. Habang naglilinis ako, tuloy-tuloy ang pangungulit sa ‘kin ng multong nakadilaw. Sa bawat sulok na lilinisin ko, nagpapakita siya; sa pagbukas ko ng mga kabinet, sa pag-alis ko ng mga sapot sa kisame, sa paglinis ko ng banyo, sa lahat-lahat! Mukhang sinusubukan niya ang ideya ko na sanayin ang sarili ko sa kanya. In-on ko na ang fuse ng kuryente, na kinabahan pa ako baka sumabog. Tiningnan ko na rin ang poso – no’ng una, malabo ang tubig pero kinalaunan luminis na.
Halos padilim na nang matapos ako sa paglilinis. Hindi ko man nalinis nang maayos, pero okay na rin. Mabubuhay na siguro ako rito? Baba lang ang nilinis ko dahil do’n lang naman ako maglalagi. Walang gaanong gamit ang bahay. Mga lumang kabinet, upuan at mesa, pati mga litrato at orasang patay na nakasabit sa dingding lang. At ang lumang salaming may nakaukit na disenyo ng mga bulaklak ng sunflower sa kahoy na frame nito. Tinakpan ko ang salamin ng puting tela dahil pakiramdam ko may nakatingin sa ‘kin sa likod no’n at may biglang susulpot lang.
Nilabas ko ang mga nakolekta kong basura, tumambad sa ‘kin ang ma multo sa tapat ng gate. Tulad kahapon pagdating ko, nakatayo lang sila at nakatanaw sa bahay. Nakita ko ang matandang lalaki at ang aso. Ang aso, tumuloy siya sa loob. Dumaan ito sa sirang bahagi ng gate. Nilapag ko sa gilid ng gate ang plastik ng basura. Sabay-sabay na lumingon sa ‘kin ang mga multo sa ingay na nagawa ko. Napalunok ako sa mga titig nila. Paatras akong naglakad na tila binuhusan ng malamig na tubig. Nagmadali akong pumasok sa bahay. Sumilip ako sa bintana para tingnan ang mga multo. Nakatingin din sila sa ‘kin. Hindi ko alam kung nananakot ba sila? Basta ang werdo lang.
“Nand’yan na naman sila.” Narinig kong boses ng babae. Alam kong galing ‘yon sa multong nakadilaw.
Isinara ko ang bintana. Binuksan ko ang ilaw sa sala, isang maalikabok at puno ng sapot na chandelier. At naupo ako sa lumang kahoy na sofa na nalinis ko na para magpahinga. Nakita ko ang paglakad ng multo papalapit sa ‘kin. Tumayo siya sa harap ko.
“Nakikita mo ako?” tanong ng multo.
Diretso lang ang tingin ko. Hindi ako umiwas ng tingin para hindi ako mahalatang nakikita ko siya. Lumapit pa ang multo sa ‘kin. Yumuko siya at humaba ang leeg, at itinapat ang mukha niya sa mukha ko. Napalunok ako. Ayaw kong malaman ng mga kaluluwang nakikita ko sila at kayang makausap dahil baka hingin lang nila ang tulong ko. At baka ikapahamak ko pa ‘yon. Marami silang isyu at mga unfinished business kaya narito pa sila sa mundo ng mga buhay.
Nilapit pa ng multo ang mukha niya sa ‘kin na halos magdikit na ang aming mga ilong. “Nakikita mo ako, tama?” muling tanong niya.
Gusto ko sanang tumayo. Kaso masyado siyang malapit sa ‘kin. Baka madaanan ko siya at tumagos pa siya sa katawan ko. Ayaw ko sa pakiramdam na ‘yon. Noong bata pa ako, may multo ng batang lalaking makulit na tumakbo palapit sa ‘kin at tumagos sa katawan ko. Nakaramdam ako ng panlalamig no’n at ayaw ko sa pakiramdam na yo’n. Isipin ko pa lang na may multong dumaan sa mga laman at laman-loob ko sa katawan, nangingilabo na ako.
Nanuyo ang lalamunan ko. Napatingin ako sa multong titig na titig sa ‘kin na kanina pa ako tinatakot habang naglilinis pa lang ako, pero binabalewala ko lang at nagkunwaring hindi ko siya nakikita. Ngayon, nakaramdam na ako ng takot sa kanya. Dala na rin siguro ng mga multo sa labas na nagpatayo sa mga balahibo ko at sa mas humaba pang leeg niya. Halos maduling ako sa lapit ng mukha naming dalawa. Mata sa mata kaming nakatingin sa isa’t isa. Nanlilisik ang mga mata niya, na ano mang oras ay handa akong saktan. At unti-unting nagbabago ang anyo niya. Umurong ako at napasandal sa kinauupuan ko, at umiwas ako ng tingin sa multo. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko at hindi ko maramdaman halos ang katawan ko sa panghihinang bumalot sa ‘kin. Humaba pa ang leeg ng multo at nilapit muli ang mukha niya sa’kin. Nakatingin na ako sa ibang direksyon. Naramdaman ko ang lamig na nagmumula sa bibig niya na tumatama sa tainga at leeg ko.
“Bakit ka narito?” bulong ng multo. “Ba’t hindi ka sumasagot? Naririnig mo ako, ‘di ba? Nakikita mo ako, ‘di ba?!” naging nakakahilakbot ang tono ng boses niya. Ramdam ko ang galit na mula sa kanya. Gumapang ang labis na kilabot sa buo kong katawan.
“Pambihira! Oo na!” sigaw ko. Humarap ako sa babaeng multo at napakuyom ang mga palad ko. “Oo na, nakikita na kita! Kitang-kita kita!” sinamaan ko siya ng tingin. Pero binawi ko rin ang tingin ko nang mas nanlisik ang mga kulay pula nang mga mata niyang nakatitig sa ‘kin.
ILANG MINUTO NA kaming nakaupo lang ng multo. Bago naupo ang multo sa tabi ko, muli niya akong tinanong kung bakit ako naparito? Ilang minuto niya nang hinihintay ang sagot ko. Ang simple lang naman ng tanong niya, pero hindi ko masagot. Parang umurong ang dila ko sa takot. Ngayon ko lang naranasan ‘to sa isang multo. At siya pa lang ang nakita kong multong nagpalit ng anyo na naging mala-halimaw.
“Ano’ng pangalan mo? Bakit ka narito?” muli na namang tanong niya, na nadagdagan pa kung sino ako?
Nilingon ko siya, nakita ko na naman ang nakatatakot niyang mukha. Mukha na siyang halimaw talaga. Pula ang mga mata niya at may mga ugat na naglabasan sa kanyang mukha, at naging napakaputla ng kulay niya… at… at napupunit ang bibig niya. Naririnig ko ang pagkapunit ng laman at lumalabas ang malapot na likido sa lumalaking bibig niya – at unti-unting naging pangil ang mga ngipin niya. At pambihira! Lumabas ang mahabang dila niya na animo’y ahas. Umusog ako ng konti palayo bago ako sumagot. Gusto kong masuka!
“A-Ako si… Ako si…L-Lukas.”
“Lukas?” ulit niya at tumango ako.
“Lukas Manuel M. Sinag,” mabilis na pagkakasabi ko ng buo kong pangalan.
Pinagmasdan ako ng multo at unti-unting nagbago ang anyo niya, bumalik siya sa isang magandang dalaga na sa palagay ko ay tunay niyang anyo.
“Isa kang Sinag?” tanong niya. Tumango ako. Tumayo ang multo at naglakad papunta sa pader na malapit sa hagdan kung saan nakasabit ang mga lumang larawan ng pamilya nina lolo. Solong anak lang si lolo, at maraming litrato niya noong bata pa siya ang nakasabit sa pader kasama ng litrato ng pamilya nila.
Itinuro ng multo ang larawan ng pamilya nina lolo. “Pamilya mo sila?” tanong niya, at muling tango lang ang naging tugon ko. “Sa inyo ang bahay na ‘to?”
“Sa lolo ko ang bahay na ‘to. Siya ang batang nasa litrato. At siya ang nagpapunta sa ‘kin dito, para bantayan ang bahay na ‘to.”
“Lolo mo ang batang ‘to?” itunuro ng multo ang litrato ni lolo noong bata pa ito na mga nasa pitong taon gulang pa lang. Sa naka-frame na picture ni lolo, nakasulat ang ‘Emmanuel Jose A. Sinag’, na pangalan niya.
“Oo. Lolo ko siya. Anak ako ng anak niyang si Lukas Jose Sinag, ang nag-iisang lalaki sa tatlong anak ni lolo.” Sa pinagsamang pangalan nina papa at lolo kinuha ang pangalan ko. Gano’n kamahal ni papa si lolo, para ilagay ang pangalan nito sa pangalan ng anak niya. Pero si lolo, mukhang nawala na ang pagmamahal kay papa.
Biglang napunta sa harap ko ang multo na ikinagulat ko. Para siyang nag-teleport palapit sa ‘kin. Sobrang bilis na katumbas lang siguro ng isang kurap. Napalunok ako nang bigla na naman akong tingnan ng masama ng multo.
“Sabihin mo nga, bakit ako narito sa bahay na ‘to?”
“H-Ha?” gulat na reaksiyon ko sa tanong niya.
“Bakit ako narito? Ano’ng ginagawa ko sa bahay na ‘to?”
“H-Hindi ko alam?”
HABANG NALILIGO AKO gamit ang tabo’t timba, nagulat ako nang may nagsalita mula sa likod ko, pagkabuhos ko ng tubig.
“Ano ba kasi talagang ginagawa ko sa bahay na ‘to?” boses ng babae na pamilyar na sa ‘kin, ang multong nakadilaw.
Hindi ko na lang pinansin at tuloy lang ako sa pagbuhos. Natigilan ako at nanlaki ang mga mata nang maalala kong hubo’t hubad pala ako. Tinakpan ko si junior ng tabo at lumingon ako sa likod ko, kung nando’n pa ang multo? At nando’n pa nga siya. Parang napalunok pa siya nang tingnan ko. Napayuko ang multo at tinalikuran ako, at tahimik siyang lumabas na tumagos sa pinto. Piling ko napagsamantalahan ako! Malay ko ba kung ano’ng ginagawa niya sa bahay na ‘to? Kanina pa wala akong sagot sa mga tanong niya. Tanging ang pagpapapunta sa ‘kin ni lolo ang naging tugon ko sa kanya kung bakit ako narito sa bahay ng mga Sinag.
KUMAKAIN AKO SA kusina ng hapunan sa sampuang mesa, na para akong may bantay sa tabi ko. Nasa gilid ko ang multo, at hindi ako makakain nang maayos. Nakatayo lang siya at tinatanong pa rin ako, kung ano’ng dahilan ba’t narito siya sa bahay ng mga Sinag? Ano bang isasagot ko sa kanya, eh, mas nauna nga siya rito sa ‘kin? Malay ko ba kung ba’t dito siya nagmumulto? Palagay ko adik ‘to no’ng nabubuhay pa?
“Puwede bang… l-lumayo ka nang kunti? Hindi ako makakain nang maayos,” nakayukong pakiusap ko sa multo. Tahimik siyang naglakad at naupo sa upuan sa tapat ko sa kabilang dulo ng mesa. Buti’t hindi halimaw ang anyo niya.
Nakayuko akong tinuloy ang pagkain ko. At muling napatigil nang may narinig akong dumadausdos sa mesa.
Pambihira! Asar kong sigaw sa utak ko at nabilaukan pa ako. ‘Yung multo, humaba ang leeg niya at patagilid na gumagapang ang ulo niya palapit sa ‘kin.
“Ano’ng alam mo tungkol sa ‘kin? Bakit ako narito sa bahay n’yo?” tanong niya.
“Hindi ko nga alam!” sigaw ko na napahampas pa ako ng dalawang kamay ko sa mesa. Nakukulitan na kasi ako sa paulit-ulit niyang mga tanong.
Umayos ang tayo ng ulo ng multo sa mesa at nag-iba ang anyo niya. Naging mala-halimaw na naman siya na may mapupulang mga mata. “Nagtatanong lang!” sigaw niya.
Napaatras ako sa upuan ko sa takot na baka saktan ako. “O-Okay… H-hindi ko nga alam…” Naging malumanay ang boses ko. Para akong asong nabahag ang buntot. “Pinabantayan lang nga ng lolo ko sa ‘kin ang bahay na ‘to, dahil namatay ang dating nagbabantay rito. Wala akong alam sa kuwento ng lugar na ‘to, sa bahay na ‘to, at sa ‘yo. Wala talaga akong alam,” paliwanag ko.
Dumausdos pabalik ang ulo ng multo sa pag-ikli ng leeg niya at bumalik sa normal ang kanyang anyo. Tinitigan niya ako saglit – malungkot ang mga mata niya. At unti-unti siyang nawala.