IBINABA AKO NG drayber sa sinasabi niyang ‘Hangganan’. Hangganan ng sementadong daan at kabahayan sa baryo ng Madulom. Itinuro ng drayber ang kalsada sa harap namin. Baku-bako ang daan at masukal na ang mga gilid nito. Hindi makakailang inabandona na ng mga tao ang lugar. Mukhang hindi na parte ng baryong ito ang bahay na pupuntahan ko.
“Sundan mo lang iyang daan na ‘yan. Sa dulo, makikita mo rin ang bahay ng mga Sinag,” sabi ng drayber. “At hayun nga pala ang bahay ng matandang dating nagbabantay sa bahay na ‘yun. Ngayon ‘yung aso na lang ng matanda ang nakatira d’yan.” Itinuro nito ang bahay sa ‘di kalayuan na lagpas sa Hangganan.
Napabagsak-balikat na lang ako hawak ang maleta ko at napabuntong-hininga. Mukhang malayo pa ang lalakarin ko bago ko marating ang bahay ng lolo ko dahil hindi ito matanaw mula sa kinatatayuan namin. O siguro dahil masukal lang talaga ang daan at hindi diretso.
“Salamat po,” sabi ko sa drayber pagkaabot ko ng bayad.
“Mag-iingat ka. Mas mabuti nang handa. Kung may kailangan ka, hayun lang ang bahay namin.” Pagmamagandang loob ng drayber at itinuro niya ang bahay nila na may maliit na tindahan. Malapit lang sa kinatatayuan namin ang bahay nila.
“Opo. Salamat po ulit,” nakangiting sabi ko at umalis na ang drayber.
Napalingon ako sa mga taong naglabasan ng bahay nila. Napansin ko ang mga bulungan nila habang pinagtitinginan ako. Hindi ko na lang pinansin at hinarap ko ang daang tatahakin ko. Palubog na ang araw kaya medyo madilim na.
“Okay!” mahinang sambit ko at humugot ako ng malalim na hininga para palakasin ang loob ko. “Narating ko na ang lugar na ‘to, ngayon pa ba ako aatras?” Kinuha ko ang mapa sa bag ko, nilukot ko ito at tinapon sa gilid ng daan. May pamapa-mapa pa, ‘di ko naman nagamit.
Humakbang ako palabas ng Hangganan. Napangisi ako nang lupa na ang kinatatayuan ko. Nakaramdam ako ng kakaiba. Para akong pumasok sa ibang dimensiyon patungo sa ibang mundo. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa maletang bitbit ko sa kanang kamay ko. Diretso lang ang tingin ko at taimtim akong nagdasal bago muling humakbang. Pakiramdam ko panaginip ang nilalakaran ko, na parang narating ko na ang lugar na ‘to, na hindi ito ang unang pagkakataong naparito ako?
Nadaanan ko ang sinabi ng mamang drayber na bahay ng matandang dating nagbabantay sa bahay nina lolo na si Mang Pedro. Napalingon ako at nakaramdam ng kalungkutan. Madilim ang bahay na halos sira-sira na. Napahinto ako at natigilan nang magbukas ang tarangkahan ng bahay. Lumabas ang isang matandang lalaki kasunod ng payat na kulay puting aso. Diretsong naglakad ang multo na dumaan sa harap ko – ang multo ng matandang nagbabantay sa bahay marahil ang matandang ‘yun? Huminga ako ng malalim at sinundan ang matanda at ang aso. Marahil sa bahay ng mga Sinag ang tungo nila. Baka hindi niya pa alam na patay na siya? Tumanda na raw ang lalaking ‘yun sa paninilbihan sa pamilya ng lolo ko at hindi na nakapag-asawa pa. Marahil hanggang sa kamatayan niya, nais niya pa ring magsilbi at bantayan ang bahay na naging bahagi na ng buong buhay niya. Maliit siyang payat na lalaki at puti na ang buhok,
Napakatahimik ng paligid at mas dumilim na. Ang tanging naririnig ko ay mga huni ng mga ibon at mga insekto, at kaluskos ng kung anong hayop sa paligid. Umaasa akong may makita pang multo base sa mga narinig kong kuwento tungkol sa lugar na ‘to, pero wala akong makitang ni isa maliban sa matandang sinusundan ko. Napalingon-lingon ako sa paligid nang madaanan namin ang mga sira-sirang kabahayan sa gilid ng daan – ang mga bahay na nasunog sampung taon na ang nakakaraan. Nasakop na ng mga halamang baging ang mga bahay at may ibang poste na lang ang natira, naging bukid na mga kabahayan. At marahil, may ibang halos natupok na dahil sa mga bakanteng lugar. Sabi sa kuwento ng konduktor, sa mga nasunog na bahay ay may mga multong nagpaparamdam, pero wala akong nakita o naramdaman. Ilang hakbang pa, natanaw ko na ang bahay ng mga Sinag, ang lumang bahay ng pamilya ng lolo ko.
Natigilan ako nang marating ko ang bahay, dahil sa mga multong nakatayo sa tapat nito na bigla na lamang nagpakita. Nakatingin ang mga multo sa bahay. Tahimik lang sila at walang galawan. Nakita ko rin ang paghinto ng matandang sinusundan ko sa tapat ng luma at kalawanging gate na may nakaukit na Sinag sa taas. Nasa halos trentang multo sila – sunog ang kanilang mga katawan at hindi mo na talaga makikilala. Pero unti-unti na lang naging maayos ang anyo nila at nagkaroon ng mukha at kasuotan – may lalaki’t babae, may mga bata at matanda, at may isang buntis pa akong nakita. Pero may parte pa rin sa katawan nila na nanatiling may sugat at paso. Mukhang ginusto lang nilang makilala sila.
“Pambihira!” mahinang sambit ko. Inakala ko pa naman na gawa-gawa lang ng mga utak ng tao ang mga narinig kong kuwento dahil wala naman akong nakitang multo o naramdaman sa paglalakad ko hanggang marating ko ang bahay na ‘to. ‘Yon pala, narito silang lahat?! Dito pa talaga? Huminga ako nang malalim at inayos ang sombrero ko sabay suot ng hood. Muli ko ring isinuot ang shades na nakasabit sa kuwelyo ng damit ko kahit pa dumidilim na.
Kaswal akong naglakad. Sanay na ako sa mga ganitong tagpo – ang pagdedma sa mga multong makakasalubong o madadaanan ko. Pero hindi naman ‘yong ganito karami. Pambihira naman! Dumaan ako sa gitna ng mga multong nakaharang sa gate at iniwasan kong madikitan ko sila. Parang mga sabog lang ang mga multong ‘to. Nakatayo lang talaga sila at tahimik na nakatanaw sa bahay. Sa totoo lang, ngayon lang ako naka-encounter ng tulad nila. Mas nakakakilabot pa sila sa makukulit na multo na kinakausap ako.
Sa tabi ng matandang lalaking sinusundan ko kanina ang bukasan ng gate. Kinuha ko sa bag ko ang tatlong susi na magkakasama sa isang keychain na may bulaklak ng sunflower na disenyo; isa para sa gate, isa para sa main door at isa para sa magiging kuwarto ko. Natigilan ako nang mapansin ko ang hubad na babaeng multo – ang multo kanina na nakita kong umangkas sa drayber ng traysikel na biglang umalis. Ang sabi ng multong ito kanina, ni-r**e siya at pinatay, at ang tinutukoy niya ay ang drayber. Naalala ko ang kuwento ng konduktor tungkol sa natagpuang bangkay sa lugar na ito no’ng isang buwan lang. Marahil siya ‘yon, at siya rin ang nagpaparamdam na multo sa drayber. Napaiwas ako nang tingin nang lingunin ako ng multo. Binuksan ko ang gate at agad akong pumasok, at diretsong naglakad patungo sa bahay. Napanganga na lang ako sa bahay na tumambad sa ‘kin. Akala ko simpleng bahay lang ang babantayan ko – may kalakihan pala. Dalawang palapag ang lumang sementadong bahay. Bakas ang kalumaan, pero mukhang hindi naman sira-sira. Nakita ko sa tapat ng pinto ang puting aso na kasama ng matandang multo. Nakahiga sa sahig ang aso na ‘di ko na lang pinansin at binuksan ko ang pinto gamit ang isa sa mga susing hawak ko.
Pagkapasok ko ng bahay, naamoy ko ang amoy ng lumang bahay at napasigaw ako. Sigaw ng pagkainis at irita! At parang panaginip na naman ang pakiramdam? Naisip ko kung narating ko na ba ang bahay na ito dati pa? Pero imposible – at talagang nakakairita! Ano bang iniisip ng lolo ko nang pabantayan niya sa ‘kin ang bahay na ‘to? Hindi ba niya alam ang kuwento sa lugar na ‘to? O gusto niya talagang pahirapan ako dahil galit pa rin siya kay papa? Hay, pambihira! Kinuha ko ang flashlight ko sa bag dahil madilim na. Tinungo ko ang kuwarto na nasa baba lang, ang unang pinto sa dalawang kuwarto sa baba na sabi ng naghatid sa ‘kin sa terminal ng bus na tanging kuwartong puwede kong pasukin at puwede kong matulugan. Naka-lock ang pinto ng kuwarto at hinanap ko ang susi sa mga hawak ko.
Sa pagpasok ko ng kuwarto, naramdaman kong may nakasunod sa ‘kin. Nilapag ko ang maleta ko malapit sa kama at ipinatong ang bag ko, at hindi ko na pinansin ang bagay na nakabuntot sa ‘kin. Nilibot ko ang ilaw ng flashlight sa kabuuan ng kuwarto. May kalakihan ang kuwarto para sa ‘kin, dahil nasanay naman akong natutulog lang sa halos kama lang ang kasya sa kuwarto. Ipinatong ko ang flashlight sa tabi ng lampshade na nakapatong sa drawer na nasa uluhan ng kama. Pinagpag ko ang puting bed sheet. Napaubo pa ako dahil sa alikabok.
Nasa ala-sais pa lang ng gabi, pero sobrang antok ko na. Dahil na rin siguro sa pagod. At sa mga nakita kong multo sa labas ng bahay, nawalan na ako ng ganang kumain – at wala naman talaga akong puwedeng makain. Hinubad ko ang sapatos ko at nahiga na sa kama. Ginamit ko na lang na unan ang backpack ko dahil walang unan. Ayaw ko nang mag-abala pa sa paghahanap. Sanay naman akong ganito lang. Minsan nga ‘di pa ako nag-uunan kapag natutulog. Nahiga akong sapatos lang ang tinanggal sa suot ko nang magbiyahe ako patungo sa bahay na ‘to. At siyempre, inalis ko na ang shades ko dahil pipikit naman ako sa pagtulog ko.
NAGISING AKO DAHIL sa sikat ng araw. Sa pagdilat ko, tumambad sa ‘kin ang magandang babaeng nakadilaw na kasuotan. Nakatagilid kaming nakahiga at nakaharap sa isa’t isa. Nakatitig ako sa kanya, at nakatitig din siya sa ‘kin. Mistulang huminto ang oras. Naramdaman ko ang pagbilis ng pintig ng puso ko. Alam kung multo siya, dahil ‘yon ang nararamdaman ko. Pero hindi tulad sa ibang mga multong nakita ko na, normal ang mga mata niya. Para siyang buhay kung pagmamasdan.
Inangat niya ang kanyang kamay. Napalunok ako nang idampi niya sa mukha ko ang malamig niyang palad. Nagkunwari akong walang naramdaman at mabilis na bumangon. Kalma akong nagsuot ng sapatos at nag-jumping jack nang tatlong beses, at nag-unat-unat. Kumuha ako ng pera sa bag ko, sabay labas agad ng kuwarto na parang walang nakita. Napahawak ako sa dibdib ko pagkasara ko ng pinto at napasandal doon. Kakaibang pakiramdam ang naramdaman ko. Hindi ko alam kung takot ‘yon? Basta, kakaiba.
Nanlaki ang mga mata ko nang may biglang sumulpot sa tabi ko. Ang babaeng katabi ko kanina sa kama, tumagos siya sa pader. Naglakad siya papunta sa harap ko at tinitigan ako. Iniwas ko ang tingin ko at umayos ako ng tayo, at naglakad ako palabas ng bahay. Ni hindi pa ako nagbibihis mula pa kahapon. At hindi pa nakapagmumog!
“CARETAKER!” BUNGAD SA ‘kin ng drayber ng traysikel na sinakyan ko kahapon papunta rito, nang marating ko ang Hangganan, kung hanggang saan niya lang ako hinatid. Nilalabas niya ang pinapasada niyang traysikel mula sa bakuran nila. “Saan ang punta mo?” tanong niya.
“Sa bayan po. Mamimili,” sagot ko.
“Eksakto! Dito ka na sumakay sa ‘kin. Kalalabas ko lang, tinanghali ako nang gising,” alok niya.
“Kakain muna po sana ako. May karenderya po bang malapit dito?”
“Sa bayan ka na lang kumain. Doon na rin nga ako mag-aalmusal. Walang gano’n dito sa baryo, ‘di tulad sa lungsod na bawat kanto, mayroon.”
PAGDATING SA BAYAN, sa isang maliit na kainan ako kumain kasama ang drayber na si Mang Caloy, pakilala niya sa ‘kin kanina at nagpakilala na rin ako sa kanya. Matanda lang siya ng dalawang taon kay papa, at may dalawa siyang anak na babae’t lalaki, sina Jane at James. ‘Yung lalaki, nasa elementary at ‘yung babae na halos kaedad ko, nagtatrabaho na sa isang grocery store bilang cashier dito sa bayan. Sabi ni Mang Caloy, doon na raw ako mamili sa pinapasukan ng anak niyang si Jane.
“Kumusta ang unang gabi mo sa bahay na ‘yun? May mga nagparamdam ba sa ‘yo? May humaplos ba sa ‘yo?” may pabirong tanong ni Mang Caloy.
Biglang sumagi sa alaala ko ang babaeng multong humaplos sa ‘kin kanina. Napalunok agad ako sa nginunguya ko at uminom ng tubig. “W-Wala po. Wala namang nagtangkang magparamdam sa ‘kin. Baka wala naman talagang multo ro’n?” pagsisinungaling ko. Ayaw ko kasing katakutan ng mga tao. Baka sabihin pa nilang tropa ko ang mga multo sa lugar na ‘yun kaya hindi ako takot.
“May kuryente ba ro’n at tubig?”
“Meron naman daw po. ‘Yung tubig, may poso raw sa labas, sa likod ng bahay. Pero hindi ko pa natingnan.”
“IKAW SIGURO ‘YONG bagong caretaker ng bahay ng mga Sinag?” sabi ng cashier na kaharap ko para bayaran ang mga pinamili ko. “Nakuwento kasi ng tatay ko na meron nang bagong nagbabantay sa bahay na ‘yun, at nasakay niya. Naka-hood daw na nakasombrero pa at naka-shades.” Sa name tag niya nakasulat ang ‘Hi! I’m Jane!’. Siya siguro ang anak ni Mang Caloy.
Na-awkward naman ako sa paglalarawan na sinabi niya. ‘Yon pa rin kasi ang hitsura ko ngayon kaya siguro nakilala niya ako. Inalis ko ang hood sa ulo ko at ang shades. At pilit akong ngumiti sabay tango. Tumango lang ako dahil wala pa akong sipilyo mula kahapon. Nakakahiya talaga. Ang ganda pa naman niya. Siguro ang werdo ng tingin niya sa ‘kin ngayon.
“May nakita ka bang multo?” tanong niya. Umiling lang ako sabay abot ng bayad ko. “Talaga?”
Tumango ako sabay alis dala ang pinamili ko. Nakakahiya naman kasi, baka amoy panis na laway pa ako. Okay lang sana kung hindi kasing ganda niya.
“PAMBIHIRA NAMAN!” NASABI ko na lang.
Talaga ngang walang gustong idiretso ako sa bahay ng mga Sinag. Binaba na naman ako sa Hangganan. Ang dami ko pa namang pinamili. Dalawang plastik na may mga lata ng sardinas, instant pansit canton, instant noodles at cup noodles, at mga biskuwit. Sa isang plastik, may mga sabong pangligo, panglaba, panghugas, may toothpaste at ekstrang toothbrush, shampoo at iba pang pang-personal hygiene ko. May kalahating sakong bigas na rin akong binili at maliit na gasul kung saan puwede na rin akong magluto. At bumili na rin ako ng isang punong tubig sa water jug. Hindi ko kasi alam kung ligtas inumin ang tubig sa poso.