PROLOGUE
TAONG 2010
HINDI NA MAPATID ang luha ko bago ko pa man marating ang ospital. Parang ang bagal ng lahat, na sana ay panaginip lang. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko. Takot na takot ako. Hindi dahil sa mga pakalat-kalat na mga kaluluwang ‘di ko lang basta nararamdaman kundi mismong nakikita. Diretso lang ang lakad ko, ayaw kong mapansin ng mga multong sila’y nakikita ko rin dahil alam kong ang iba sa kanila’y mapagsamantala.
Huminto ako. Isang duguang nurse na may biyak sa ulo ang biglang napunta sa harap ko. “Wala na sila, Lukas. At congrats sa medal mo,” malungkot na balita ng multo at nagawa niya pang mag-congrats? Aksidenting nahulog sa hagdan ang nurse sa ospital na ‘to at agad binawian ng buhay anim na taon na ang nakalipas. Madalas akong magkasakit no’ng bata pa ako, siya lamang ang multong kinakausap ko. Siya kasi ang nurse na madalas nagbabantay sa ‘kin noon. “Puntahan mo na sila…”
Walang imik na tumalikod ako. Nanginginig ang buo kong katawan. Ayaw kong paniwalaan ang sinabi ng multo. Mabilis akong tumakbo palabas ng ospital. Binalewala ko na ang pagtawag ng nurse. Ayaw kong puntahan sila. Ayaw kong makita silang wala nang buhay.
Magulang ko ang tinutukoy ng multo... na wala na.
“Mama! Papa!” iyak ko pagkalabas ko ng ospital. Galit na hinubad ko ang medalyang nakasabit sa leeg ko. Dahil sa award na ‘to, kaya sila namatay! Dapat hindi ko na lang ginalingan!
First honor ako sa klase namin para sa third year. Ang sabi ko ‘wag na silang pumunta. Pero pinilit nilang makarating dahil gusto nila akong sabitan ng medalya. Nabunggo ang sinasakyan nilang traysikel ng humaharurot na jeep. Gusto nilang akong mapasaya, dahil sa mga nakaraang taon, lagi lang akong mag-isa sa stage.
Pa’no na? Wala na sila. Wala sina mama at papa. Pa’no na ako magiging masaya?
Sa edad kong kinse, mag-isa na lang ako ngayon sa buhay. Pa’no na ako?
“Aaaaaaahhh!” galit at umiiyak na tinapon ko ang medalya. At mabilis akong tumakbo palayo.
HUMAHAGULHOL PA RIN ako hanggang makasakay ako ng bus pauwi. May mga kasabay akong pasahero, ngunit pakiramdam ko mag-isa lang ako.
“Gamitin mo,” narinig kong sabi ng babaeng tumabi sa ‘kin. Nakita ko na lang ang kamay niyang may benda hawak ang puting panyo malapit sa mukha ko. Nasa tatluhang upuan kami.
“Salamat,” sabi ko lang nang kunin ko ang panyo. Tiningnan ko muna ang babae – dalaga siya na halos kaedad ko. Pero ‘di ko gaano makita ang mukha niya dahil nakaramdam ako ng hiya – napayuko agad ako at nagpunas ng luha. “Ano’ng nangyari sa kamay mo?” tanong ko sa kanya.
“Wala ‘to. Sisiw lang,” matapang na sagot niya. Sana kasing tapang niya ako.
“Sa kakulitan niya. Dalaga na, naglalaro pa sa kalsada. Ayun, nadisgrasya sa bubog. May nanliligaw na nga, para pang bata,” kasama niyang lalaki ang sumagot.
“Si papa talaga!” sigaw niya sa kanyang ama.
“Masakit?” tanong ko na bahagya siyang nilingon habang humihikbi pa rin ng iyak. Pero ‘di ko pa rin nakita nang masyado ang mukha niya.
“Hindi. Sisiw nga. Mas masakit ang nararamdaman mo… siguro?” sagot niya.
“Bakit ka ba, iho, umiiyak?” tanong no’ng tatay.
Umiling lang ako at yumuko. Hindi na ako nagsalita. Hindi ako sumagot nang maayos. Dahil hindi pa rin ako naniniwalang patay na sina mama at papa. Nagpunas na lamang ako ng luha at tumahimik na. Nang muling huminto ang bus, bumaba na ang mag-ama. Hindi ko sila nilingon kahit narinig kong nagpaalam sila. Huli na nang maisip kong hindi ko naisuli ang panyo. Ni ‘di ko nga alam kung bakit ko tinanggap nang iabot niya.
PAGDILAT KO, NAKITA kong nasa tabi ko sila, ang mama at papa ko. Nakaupo sila sa maliit kong kama. Hinaplos ni mama ang noo ko. “Congrats, anak,” nakangiting sambit niya.
Hinalikan ni papa ang noo ko. “Manang-mana talaga kay papa ‘yan,” proud na pahayag niya.
Tanging pagpatak ng luha ko ang naging sagot ko. Totoo ngang wala na sila. Nararamdaman kong kaluluwa na lang sila. Hindi ko na sila mahawakan. Hindi ko na sila mayakap.
Nang maglaho sila, hindi ko na napigilang pakawalan ang sakit na nararamdaman ko. Sa kalagitnaan ng gabi, ang pag-iyak ko ang namayani.
Bago sila nawala, may ibinilin sa ‘kin si papa. At ipinangako kong tutuparin ko ang kahilingan niya. Mahal na mahal nila ako at mahal na mahal ko rin sila. Sila lang ang meron ako. Pero ngayon, wala na…