PARANG tinulos si Laiza sa kinatatayuan niya. Pakiramdam niya ay nanigas ang mga paa at kamay niya. Daig pa niya ang nag-travel sa ibang dimensiyon. Si Wayne Castillo, isang sikat na basketball player. Hearthrob at hinahabol ng mga kababaihan. One of the youngest businessman in the country. Ngayon, narito sa harapan niya. Yakap siya at sakop ang mga labi niya.
Nang ilayo na nito ang sarili sa kanya, nanatili pa rin siyang tulala. Saka siya nito niyakap. Palihim siya nitong binulungan.
"Makisakay ka lang, Laiza, please."
"Okay," wala sa sarili na sagot niya.
Muli nitong hinarap ang Pamilya nito. "I'm sorry for that. I just missed her so much, halos one week kasi kaming hindi nagkita."
"But I thought you don't have a girlfriend, anak?" naguguluhang tanong ng Mommy nito.
Nang tingnan niya ang babaeng narinig niyang tinawag na 'Lynne', ay nakasimangot na ito at tila nagngingitngit sa galit.
"I'm sorry, Mom. Hindi ko na nasabi sa inyo. I've been so busy lately."
"I'm sorry, Lynne. I didn't know," hinging paumanhin nito sa kasama nito na noon ay nakasimangot at matalim na nakatitig sa kanya.
Pagkatapos ay binalingan na siya ng Mommy nito. Ngumiti ito sa kanya, in fairness, mukhang mabait ito. "Hi Hija, Laiza right? It was nice to meet you."
Tumikhim pa siya. "Uh, he-hello po. Nice to meet you too po," sagot niya pagkatapos ay bineso-eso pa siya nito.
"So, totoo pala ang tsismis," singit naman ng isang babaeng kasama ng kalalakihan na dumating kanina.
"A-anong tsismis?" tanong niya.
Nakangiting inabot nito sa kanya ang diyaryo. "By the way, I'm Marisse. Wayne's cousin," pagpapakilala nito sa kanya.
"Hi," bati niya dito, saka kinuha niya ang dyaryo. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya ang larawan nilang dalawa ni Wayne. Ito iyong araw na magkasama sila na kumain sa isang restaurant sa loob ng mall, ang araw na unang beses silang nagkakilala. Ang larawan na iyon ay may apat na magkakaibang anggulo. Ngunit lahat ng kuha nila ay pawang nakangiti sila sa isa't isa. Ang isang kuha doon ay nilagyan pa siya ng pagkain sa pinggan niya.
"Yeah, that's you," sang-ayon naman ng lalaking kamukha ni Marisse. "I'm Marvin, her twin brother."
"Hi," bati din niya dito.
"Uhm, guys, mauna na kayo sa labas. Mag-uusap lang kami ni Laiza," sabad pa ni Wayne.
"Okay, bilisan n'yo ah? Magse-celebrate pa tayo!" bilin pa ni Marvin.
"Okay," sagot ni Wayne.
Nang maiwan silang dalawa. Agad niyang hinampas ito ng bag niya.
"Walanghiya ka! Bakit mo ako hinalikan?! Bakit mo ako pinakilalang girlfriend mo at magli-live in tayo! Bawiin mo 'yung sinabi mo!" tungayaw niya.
"Aray ko! Wait, hey! Wait!"
Nahawakan siya nito sa magkabilang braso, saka siya nito sinandal sa pader.
"Listen, okay? I'll explain."
"Go!"
"I was caught off guard. Iyong Lynne na kasama ng Mommy ko. Nirereto niya iyon sa akin. And I don't like her, don't ask why. Basta I really don't like her. At kapag wala akong napakilalang girlfriend sa kanya, ipipilit niya akong ipakasal o ligawan ko ang babaeng iyon. And you saved me, mabuti nakita kita. Kaya wala akong choice kung hindi gawin iyon," paliwanag nito. "And I'm sorry if I kissed you."
"Eh bakit kailangan mo pang sabihin na magli-live in na tayo at ikakasal na?"
"Para wala ng magawa si Mommy. Please, Laiza. Help me with this. I'm so desperate. Wala akong ibang maisip na ibang gagawa nito para sa akin," pakiusap nito.
"Hay naku, ayoko nga! Isasali mo pa ako sa kalokohan mo at sa pagsisinungaling mo!" tanggi niya.
"Please, Laiza. I'll do anything. Kahit na ano, kahit kumuha pa ako ng Insurance sa'yo." Sabi pa nito.
"Ay hindi, tigilan mo ako! Ayoko! Kaya kong humanap ng iba pang kliyente diyan. Saka, kung pumayag man ako. Paano natin ihihinto ang palabas na iyan? Ay, ayoko talaga!" tanggi ulit niya saka niya inalis ang mga kamay nitong nakahawak sa braso niya. Tatalikod na siya ng magsalita ulit ito.
"Ako nang bahalang umayos no'n. And what about this? I assure you na isang buong team namin ang kukuha ng Insurance mo. Kasama na ang mga lalaking nandito kanina, they're my cousins. I promise, kukuha din sila. Plus, I'll give you fifty thousand cash," anito.
Napahinto siya. Saka mabilis na umandar ang calculator sa utak niya. Kung lahat ng teammates nito ang kukuha ng Insurance sa kanya, labindalawa iyon. Siguradong may commission na agad siya sa bawat tao. Idagdag pa ang mga pinsan nito na sa tantiya ay isang dosena din. Malaki ang magiging commission niya plus bonus pa. Bukod doon, ilang buwan siyang palaging quota. At may cash pa siya. Napakalaking tulong niyon para sa Pamilya niya. Makakabayad na siya sa utang nila, kung ganoon. Makakabayad pa siya sa tuition fee ng mga kapatid niya. Humarap siya dito.
"Sigurado ka ba diyan sa sinasabi mo?" tanong niya.
"Yes, I promise."
Bumuntong-hininga siya, saka humalukipkip. "Anong plano mo?" tanong niya.
Gumuhit ang malapad na ngiti nito sa labi. "Yes! Thank you, Laiza. You're such an angel." Masayang wika nito, sabay yakap ng mahigpit sa kanya.
Hayun na naman ang mahiwagang kaba sa dibdib niya. Simula ng makilala niya ito noong nakaraang linggo, matapos nilang kumain. Hindi na siya natahimik sa kakaisip dito. Kahit nasa booth siya sa harap ng shop nito, hindi na niya nakita pang bumalik ito. Marahil ay naging abala na ito. Hanggang sa makaalis na sila sa mall na iyon. Inakala niyang hindi na niya makikita pa itong muli. Hiniling niya na sana'y magtagpo ulit ang landas nila Wayne. Nabuhayan siya ng loob ng bigyan siya ng free tickets ng pinsan niya para sa basketball game nito. Ngunit hindi naman niya akalain na mas higit sa nais niya ang ipagkakaloob sa kanya ng tadhana.
"SIGURADO ka ba diyan sa gagawin mo?" tanong ni Lea sa kanya. Tinignan niya ito, saka siya bumuntong-hininga. Sinarado niya ang zipper ng malaking bag niya na may lamang mga damit niya.
"Oo naman." Sagot niya.
"Hindi ko alam kung matutuwa ako diyan sa gagawin mo eh! Masaya ako na naiinggit sa'yo kasi makakasama mo sa iisang bubong si Wayne. Pero natatakot ako para sa'yo."
"Bakit ka naman natatakot?" nagtatakang tanong niya.
"Baka kasi mahulog ang loob mo sa kanya."
"Selos ka?" nakangising tanong ulit niya.
"Sira! Hindi 'yon, ang ibig kong sabihin. Magpapanggap lang kayong dalawa, at sa guwapo at bait ni Wayne. Hindi malayong mahulog ang loob mo sa kanya."
"Hindi mangyayari 'yon. Guwardiyado ang puso ko, no?"
"Hmmm, huwag kang magsasalita ng tapos."
"Basta, ipagdasal mo ako na magawa ko ng maayos ang trabaho ko ha? Para kumuha nga lahat ng Insurance ang mga kaibigan at pinsan ni Wayne." Nakangiting wika niya.
"Okay."
Ilang sandali pa, narinig na niyang may bumusina sa tapat ng bahay ni Lea.
"Ay, ayan na si Papa Wayne! Nakakainis naman, mami-miss kita!" maktol pa nito, sabay yakap sa kanya.
"Ano ka ba? Kaya nga may cellphone. Text mo lang ako, o kaya tawag ka. Saka magkikita naman tayo sa opisina." Sabi pa niya.
"Ah basta, mamimiss pa rin kita!"
"Tao po!"
Napalingon sila sa nakasaradong pintuan. "Ayan na sundo mo!"
Siya na mismo ang nagbukas ng pinto. Isang magaan na ngiti ang binungad ni Wayne sa kanya.
"Hi, Good Morning!" bati nito sa kanya.
Ngumiti din siya dito. "Hi,"
"Ready ka na?" tanong nito.
Tumango siya. "Medyo," sagot niya.
"Don't worry, you'll be fine." Sabi pa nito. "So, Let's go?"
"Sige," sagot niya.
Kinuha nito ang gamit niya, saka nagpaalam kay Lea. Paglabas nila ng bahay, gusto niyang mapasipol ng makita ang magarang kotse ni Wayne habang pinagkakaguluhan iyon ng mga kapitbahay nila. Parang nakakahiya naman sumakay doon. Sasakay na lang siya ay nagsalita pa ang kapitbahay nila.
"Oy Laiza, ikaw ah? Hindi mo sinasabi na bigatin pala ang boyfriend mo!" anang may edad na babae na nakikiusisa.
Ngumiti siya dito, habang nahihiyang tumingin kay Wayne. "Eh baka ho kasi agawan n'yo ako eh," pagbibiro pa niya dito na tinawanan lang din lang nito.
Pagdating sa loob ng sasakyan nito. Hindi agad siya nakapagsalita. Sandaling nabalot ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Hanggang sa hindi siya nakatiis at nagsalita na siya.
"Sigurado ka ba dito sa gagawin natin? Parang natatakot eh."
Narinig niya itong bumuntong-hininga. "Honestly, I really don't know. Kahit ako man natatakot. Pero nandito na 'to, kailangan na natin ituloy ito. Ayoko naman matali sa isang babaeng hindi ko gusto."
"Nakaka-guilty lang, mukha pa naman mabait ang Mommy mo. Tapos, lolokohin lang natin."
"Hey, just don't mention the word 'lolokohin'. Lalo lang din akong nagi-guilty eh. Saka sandali lang naman itong palabas na 'to."
"Teka, bakit ba kasi kailangan mo pang gawin ito? Ang ibig kong sabihin, hindi ba makikinig ang Mommy mo kahit ipaliwanag mo ng maayos sa kanya na ayaw mo sa Lynne na iyon?" tanong niya.
"Ganito kasi 'yon, ang Mommy ko at ang Mommy ni Lynne. Mag-bestfriend sila. Noong mga bata pa daw kami, may kasunduan na daw sila na ipapakasal nila kaming dalawa ni Lynne. Kaya ayun, noong lumaki na kami. Nirereto na nila kami, eh ayoko talaga sa kanya. Kaibigan, maaari pa. Pero kung hihigit pa roon. Hindi na lang."
"Maganda pa naman siya," aniya.
"Oo, she's beautiful. Pero mas maganda ka pa sa kanya," sabi nito.
Parang may sumipa sa dibdib niya matapos niyang marinig ang huling sinabi ni Wayne. Tama ba ang pagkakarinig niya? Siya? Mas maganda pa sa Lynne na iyon?
"Weh! Charotero ka rin, ano?"
Tumawa ito. "Hindi kita binobola, totoo 'yon."
"Naku, tigilan mo nga ako Wayne. Basketball Player ka nga, napaka-bolero mo!"
"Ikaw ang bahala kung ayaw mong maniwala."
Hindi na siya muli pang nagsalita. Pilit na pinapakalma niya ang pusong patuloy pa rin sa pagpintig ng mabilis.
Relax ka lang, Laiza. Hindi ka dapat nagpapadala sa mga sinasabi n'ya. Binobola ka lang n'yan! Pangungumbinsi pa niya sa sarili.
Tumikhim muna siya bago muling nagsalita.
"Anong mangyayari mamaya? May plano ka na ba? Siyempre, mag-uusisa sila kung kailan tayo nagkakilala, o kung kailan ang Anniversary natin. Saan tayo unang nag-meet." Pag-iiba niya sa usapan.
Nang lumingon siya dito, nakangiti ito habang nasa daan ang mga mata nito.
"Napag-isipan ko na 'yan." Sagot nito. Pagkatapos ay sinabi nito sa kanya ang lahat ng plano nito, ang mga sasabihin niya kung sakaling may magtanong.
Matapos nitong ipaliwanag sa kanya. "Okay, carry naman pala. Mabuti na lang marunong akong umarte kahit paano." Aniya.
"That's good,"
"Eh teka, paano pala 'yung mga napag-usapan natin tungkol sa trabaho ko?" tanong ulit niya.
"Huwag kang mag-alala, tutupad ako sa pangako ko. Nakausap ko na ang mga teammates ko at mga pinsan ko. Pumayag na sila. Mabuti na lang mga hindi pa nila naiisipan na kumuha ng Insurance sa iba." Sagot ni Wayne.
"Yes!" aniya. "Thank you!"
Nakangiti na naman na tumingin ito sa kanya. "You're Welcome," sagot nito.
Nakahinga kahit paano ng maluwag si Laiza. Malaking tulong iyon sa kanya. At lahat ng iyon ay utang niya kay Wayne. Nginitian din niya ito. Kung ang magpanggap na girlfriend nito ang tanging paraan para makatanaw siya ng utang ng loob dito. Gagawin niya ng mahusay ang trabaho niya.
Makalipas ang kulang tatlumpung minuto, pumasok ang sinasakyan nila sa isang kalye. Napapakunot ang noo ni Laiza sa pagdaan nila sa mga establisyimentong naroon. Kuskos-Piga Laundry Shop. Hardin ni Panyang. Paraiso ni Olay Mini-Grocery. Boutique ni Chacha. Agapita Magalpok's Dental Clinic, at marami pang iba. Medyo weird ang mga iyon, pero ang higit na nakaagaw ng atensiyon niya ay nang iparada ni Wayne ang kotse nito sa tapat ng isang malaking bahay na may malawak na bakuran. Bukas ang malaking gate niyon, at sa loob ay isang carwash shop. Napansin din niya ang signage niyon. Lolo Badong's Hugas Kotse Gang. Napangiti siya, sa unang tingin pa lang, mukhang masaya na sa lugar na iyon. Napatunayan niya ang nararamdaman niya ng sa pagbaba niya mula sa loob ng kotse ay tila ba gumaan ang pakiramdam niya.
"Welcome to my place, Tanangco Street," nakangiting pahayag ni Wayne.
"Mukhang masaya dito," komento niya. Saka pinasadahan ng tingin ang kahabaan ng kalye. Pinagmasdan niya ang mga batang masayang naglalaro sa gitna.
"More than you can imagine. Kapag nagtagal ka dito, baka sabihin mo ayaw mo nang umalis diro." Sabi pa nito.
"Tignan natin."
"Wayne!"
Kapwa sila napalingon sa tinig ng isang matanda na tumawag dito. Paglingon ng una, awtomatikong ngumiti ito sa isang matandang lalaki na may hawak na tungkod.
"Lolo."
Nilapitan nito ang bagong dating at nagmano ito dito. Agad na tumingin sa kanya ang matanda, awtomatikong ngumiti siya dito. Ngunit nakaramdam siya ng takot ng mapansin niya ang tila nanunuring mga mata nito.
"Uh, Good Morning po," bati niya dito.
"Good Morning hija," ganting bati din nito.
"Lolo, I want you to meet Laiza. Babe, this is my Lolo, Badong Mondejar," pagpapakilala nito sa kanilang dalawa.
Siya ang unang naglahad ng kamay, na siya naman tinanggap nito agad. "Please to meet you po," aniya pagkatapos ay nagmano siya sa matanda.
"Ako rin, hija. Kaawaan ka ng Diyos," sagot nito, pagkatapos ay binalingan nito si Wayne.
"Naipakilala mo na ba siya sa mga pinsan mo?" tanong nito.
"Yes Lolo, they've already met. Noong Finals namin."
Mayamaya sumingit ang isa sa mga lalaking nakita niya doon sa Coliseum. "Pare, your house is already finished. Bakit hindi n'yo i-check ni Laiza? Hindi ba doon kayo lilipat?" sabi nito.
"Thank you, Kevin." Sagot ni Wayne. Pagkatapos ay binalingan siya nito. "Halika, tignan natin ang magiging bahay natin." Sabi nito sa kanya.
Mabilis silang nagpaalam sa Lolo nito. Bahay natin? Grabe na 'to!
Nang hawakan nito ang kamay niya, agad na bumilis ang t***k ng puso niya. Hindi niya maintindihan, ngunit kaysarap sa pakiramdam na magkadaop ang mga palad nila. Nag-uumpisa pa lang ang trabaho niya, pero nag-eenjoy na agad siya. Kagaya noong una silang magkasama sa mall, sa bawat taong nadadaanan nila. Hindi maaaring hindi lilingon ang mga ito. Hindi niya naiwasan na humawak ng mas mahigpit sa kamay ni Wayne. Napalingon ito sa kanya.
"Hey, are you okay?" tanong nito.
Tumingin siya dito, saka tumango. "Oo, medyo nahihiya lang ako." Sagot niya.
"Don't be. Kilala ko ang mga tao dito, mababait sila. Bago ka lang kasi kaya ka nila tinitignan." Anito.
"Eh, saan ba 'yung bahay na sinasabi mo?" tanong ulit niya.
Hindi muna ito sumagot, basta na lang ito huminto sa paglalakad. "We're here." Sagot nito.
Pagtingin niya sa harap, tumambad sa kanya ang isang three-storey house. Kulay puti ang pintura ng labas ng bahay, itim ang ibang parte na nagsisilbing disenyo, at may rooftop din. Habang ang bakuran ay wala pang mga halaman.
"Wow, bahay mo 'to? Ang laki ah! Ang ganda! Sino kasama mong titira dito?" manghang tanong niya.
"Sino pa, eh di ikaw." Sagot nito.
Natigilan siya, saka dahan-dahan lumingon dito. "Ano?" tulalang tanong niya dito.
Nahigit niya ang hininga ng umakbay ito sa kanya, at hapitin siya nito palapit sa katawan nito. "Hindi ka pa sanay? Remember? We're living in together. So, basically, hindi lang ako ang titira diyan. Kung hindi pati na rin ikaw. In short, ikaw ang makakasama ko diyan." Paliwanag nito.
"Oo nga pala," halos pabulong na sagot niya.
"Halika na, pumasok na tayo sa loob." Yaya nito sa kanya.
Sa loob ng bahay ay kumpleto na ang mga gamit. Magkasama silang lumibot sa buong kabahayan.
"And here is my room. I mean, our room." Nakangiting sabi nito pagbukas ng isang pinto. Sa loob niyon ay may malaking kama, kulay puti din ang bedsheet niyon.
"Anong our? Ayoko nga no? Hindi ako papayag na magkasama tayo sa iisang kuwarto!" protesta agad niya.
Tumawa si Wayne. "Relax, ikaw naman. Alam ko 'yon, kaya nga pinagawan ko ng paraan kay Kevin ang secret door." Anito.
"Secret door?"
Ngumiti ito. Doon sa loob ng walk in closet ni Wayne, may pinto doon na kung sa unang tingin ay hindi halatang pinto pala dahil kakulay nito ang dingding. Lumagos iyon sa kabilang kuwarto, doon daw siya matutulog kapag wala ang Mommy niya doon sa bahay.
"Ano? Okay ba 'yun sa'yo?" tanong nito sa kanya.
"Pwede na," usal niya.
"Mamaya, darating si Mommy. Doon tayo magdi-dinner sa bahay ni Lolo. Kapag nag-usisa siya, alam mo na ang sasabihin mo." Paalala nito.
"Oo, alam ko na 'yun. Pero paano kapag nagtanong ang mga pinsan mo at ang Lolo't Lola mo?"
"Huwag kang mag-alala. Hindi magtatanong ang mga iyon." Sabi nito.
"Sigurado ka ha? Basta, back-up-an mo ako kapag nahalata mong ninenerbiyos ako." Paniniguro pa niya.
"Yes, I promise." Sagot nito.
Huminga siya ng malalim. Ito na yata ang pinakamahirap na trabaho ang napasok niya. Dahil dito, magpapanggap siya. Kung hindi nga lang niya kailangan ng malaking perang kikitain niya sa pagpapanggap na iyon. Kiber na gawin niya ito. Kaya lang, isa lang siyang ordinaryong mamamayan ng Pilipinas. Kumakayod para sa pangangailangan ng Pamilya.
"Tara, labas na tayo. Kunin na natin ang gamit ko, para maayos na natin dito." Sabi pa niya. Akmang tatalikod siya dito, nang pigilan siya nito.
"Wait."
"Hmm?"
Nagulat siya ng bigla siya nitong ikulong sa mga bisig nito. Ang bilis ng t***k ng puso niya kanina ng hawakan nito ang kamay niya, ay mas dumoble ngayon.
"Thank you so much for doing this for me, Laiza. Alam kong hindi madali itong gagawin mo. Pero pumayag ka pa rin kahit hindi mo ako lubusang kilala. At nagpapasalamat ako sa tiwala mo. Pangako, habang narito ka sa poder ko. Akong mag-aalaga sa'yo." Seryosong sabi nito.
Tumagos sa puso ni Laiza ang mga sinabi nito, lalo na ang huling mga kataga. Hindi niya alam kung anong bukas ang naghihintay sa kanya sa gagawin niyang ito. Pero kailangan niyang araw-araw na ipaalala sa sarili, na hindi dapat niyang mahalin si Wayne Castillo.