MADALING nakagaanan ng loob ni Laiza ang buong Pamilya ni Wayne. Bukod sa mga pinsan nito, wala ng may alam pa tungkol sa palabas nila. Hindi lang niya sigurado sa Lolo at Lola nito, dahil alam niyang inoobserbahan siya ng mga ito. Isang dahilan kaya medyo naiilang siya.
Nang hapon na iyon ay naroon siya sa tindahan sa tapat ng bahay ni Lolo Badong. Kasama niya ang mga babaeng kaibigan ni Wayne, napag-alaman din niya na halos lahat sa mga ito ay girlfriends ng mga pinsan nito. Maliban sa isa, si Kim.
"In fairness ah? Ang galing pumili ni Wayne ng girlfriend. Beautiful." Puri sa kanya ng nakikilala niyang si Jhanine.
Napatungo siya. Dahil bago pa siya doon sa lugar na iyon, medyo nahihiya pa siya kaya hindi siya makabangka ng husto.
"Naku, Salamat." Aniya.
"Sus, ikaw naman Laiza. Huwag kang mahiya sa amin. Mababait naman kami, saka kakampi mo kami. Sinu-sino pa ba ang magiging magkasundo kung hindi ang kapwa magaganda din." Sabi pa ng isang mukhang Bombay na babae. Sumi ang pangalan nito.
"Korak!" sang-ayon ni Marisse.
"Pero question lang, paano ka napapayag ni Wayne? Siguro brinibe ka n'ya no?" tanong naman ni Sam, ang girlfriend ni Jefti.
Napangiti siya. Naalala niya noong halos magmakaawa ito sa kanya pumayag lang siya na maging so-called "girlfriend" nito. Napailing siya. "Kung alam n'yo lang." sagot niya.
"Ay, sabi ko na nga ba eh." Ani Kamille, nobya ito ni Jester.
"Pero day, hmmm? Ingat lang sa pagpapanggap. Baka mamaya, ang palabas sa entablo ay maging isang makatotohanang pagganap." Paalala pa ng dentista at girlfriend ni Marvin na si Razz.
Bigla niyang naalala ang paalala din ng kaibigan niyang si Lea. Iyon din ang sabi nito sa kanya.
"Sabi ko nga sa kaibigan ko, guwardiyado ang puso ko." Sagot niya dito.
"O sige, tignan natin ah." Ani Kim.
"Magkano pusta n'yo?" tanong ni Marisse sa mga ito.
Nagkatinginan sila. "Anong pusta?" natatawang tanong niya.
"Limang daan ako, magkakatuluyan si Laiza at si Wayne." Sabi pa ni Marisse.
"Sige, pusta din ako. Three hundred lang sa akin ah. Kay Marisse ako." Sabi naman ng bagong dating na si Nicole, ito daw ang girlfriend ni Glenn.
"Hindi sila magkakatuluyan," sabi naman ni Kim.
Sabay-sabay silang napatingin dito. "Ano? Nasaan ang fighting spirit mo? Akala ko ba magkakampi tayo dito?" protesta agad ni Sam.
"Pengkum ka ba? Kaya nga pustahan eh, 'yung kabilang side salungat sa isa. Paano magiging pustahan 'yon kung pare-pareho tayong aayon!" tungayaw nito.
"Oo nga! Ako na mali! Ang daming sinabi!" pabirong singhal ni Sam kay Kim. Nagtawanan sila. "O sige, para may kakampi ka, sa'yo ako pupusta. Kahit na alam kong sila din ang magkakatuluyan." Dagdag pa nito.
"Teka nga, pwede bang sumingit? Paano naman kayo nakakasiguro diyan sa iniisip n'yo? Eh kung hindi naman ako type ni Wayne." Aniya.
"Ay dear, napakaraming storya na kaming natunghayan dito sa Tanangco. Ang mga naglakas loob na kalabanin si Pusong Nagmamahal. Hindi nagwagi." Sagot naman ni Razz.
"Oo, makinig ka diyan. Si Lola Basyang 'yan eh." Pang-aasar ni Marisse dito.
Natawa siya. Napuno ang buong kalyeng iyon ng tawanan nila. Sa maikling sandali, nakasundo niya ang mga ito. Tama si Wayne, masarap manatili sa lugar na iyon. Ilang oras pa lang ang nilalagi niya doon. Agad na napanatag ang loob niya doon sa Tanangco.
"Teka nga, nasaan ba si Wayne?" tanong niya sa mga ito.
"Baka nasa loob," sagot ni Marisse.
Tila naging hudyat ang tanong niyang iyon, dahil biglang lumabas mula sa loob ng bahay si Wayne. Kasama ang ilang mga pinsan nito.
Nagtatawanan pa ang mga ito. Hindi nagpahalata si Laiza sa mga kasama niya, ngunit, agad na dumagundong ang puso niya. Parang nag-slow motion ang buong paligid habang naglalakad ito palapit sa kanya. Sa totoo lang, ilang gabi na rin siyang hindi pinapatulog ng mahiwagang damdamin na iyon. Ayaw siya niyong patahimikin. At napapansin niya, sa tuwing nakakaharap niya si Wayne, saka lang niya nararamdaman iyon. Pasimple siyang huminga ng malalim. Ano bang nangyayari sa'yo, Laiza?
"There you are, babe!" nakangiting sabi nito ng makalapit sa kanya.
"Babe ka diyan, wala dito ang Mommy mo." Pambabara niya dito.
Tumawa lang si Wayne. "Oo nga pala." Anito.
"Mga hirit mo, boy!" pang-aasar naman ni Wesley dito.
"Sorry, na-carried away ako."
Binalingan siya nito. "Tara umuwi muna tayo." Yaya nito sa kanya.
"Bakit? May nakalimutan ba tayong ayusin?" tanong niya.
"May pag-uusapan tayo." Sagot nito.
"O sige,"
Habang naglalakad sila palayo, patuloy na inaasar sila ng mga pinsan nito.
"Laiza, ingat ka diyan!" sigaw pa ni Karl.
Pagdating nila sa bahay. Pumunta sila sa kusina, at binuksan nito ang refrigerator.
"Kailangan natin mag-grocery," sabi pa nito.
"Eh di samahan kita." Aniya. "Nga pala, anong favorite mong pagkain?" tanong niya.
Kumunot ang noo niya, saka umupo ito sa isang bakanteng high chair sa kabilang bahagi ng kitchen counter. "Bakit? Ipagluluto mo ako?" nakangising tanong nito.
Pilit siyang ngumiti dito. "Hindi, tititigan natin 'yung pagkain."
Sumimangot ito. Siya naman ang ngumisi dito. "Joke lang, 'to naman. Oo, ipagluluto kita."
Parang batang lumabi ito, saka tumalikod at naglakad paakyat ng hagdan, tila nagtatampo ito sa kanya. Napailing si Laiza. "Nag-drama pa talaga ang damulag na 'to, tsk!" aniya. Hinabol niya ito.
"Hoy! Joke lang 'yon!" natatawang sabi niya, saka niya hinarangan ito sa daraanan nito.
"Hindi, ganyan ka na. Wala pa man, inaaway mo na ako." Kunwa'y nagtatampong wika nito.
"Ang arte talaga, hindi bagay." Aniya.
Mayamaya, ngumuso ito saka pumikit.
"O, ano 'yan?" kunot-noong tanong niya.
"Kiss. Kiss mo na lang ako para hindi ako magtampo sa'yo." Sagot pa nito.
"Ah kiss," ulit niya.
Lumapit siya dito, sinadya niyang paglapitin ng husto ang mukha nilang dalawa, saka hinawakan niya ang isang pisngi nito. Pinakatitigan din siya ni Wayne, pagkatapos ay hinawakan siya nito sa beywang. Alam ni Laiza na nagbibiruan lang sila, ngunit, hindi pa rin niya mapigilan ang pusong pumitindig ng mabilis. Aaminin niya, gusto niyang nakikita ng malapitan ang magagandang mga mata nito. Para kasing may nais na ipahiwatig ang mga iyon sa kanya.
"Babe," sadya niyang ginawang mapang-akit ang boses.
"Yes babe?" nakangiting sagot nito.
"Kiss mo pader!" sabi niya, sabay tulak ng mukha nito sa pader. Natawa siya ng malakas, dahil muntikan na nga nitong mahalikan ang pader.
"Ang daya mo! Teka, lagot ka sa akin!" ani Wayne.
Napatili siya ng malakas nang habulin siya nito. Tumakbo siya, agad siyang nakapagtago sa silid niya saka sinarado ang pinto niyon para hindi siya maabutan nito. Ilang segundo pa ang lumipas, tumahimik sa labas ng kuwarto niya. Naisip niya, baka umalis na iyon. Pipihitin pa lang niya ang doorknob, nang biglang may humawak sa beywang niya.
"Huli ka!" sigaw ni Wayne mula sa likuran niya, nahawakan siya nito sa beywang saka siya nito binuhat at binagsak sa kama.
Napatili siya ng malakas.
"Hoy teka, joke lang 'yon!" tumatawang sabi niya.
Kiniliti siya nito ng husto sa tagiliran. "Tama na, Wayne!" awat niya dito habang tumatawa ng malakas.
Hindi nila namalayan na halos nag-wrestling na pala sila sa ibabaw ng kama. Natigilan sila pareho ng ma-realize nila pareho ang ayos nila. Nasa ibabaw kasi siya ng matipunong katawan ni Wayne. Kapwa sila tumigil sa pagtawa, at napako ang mga mata sa isa't isa. Isa lang ang hiling niya sa mga sandaling iyon, huwag sanang maramdaman o marinig nito ang malakas na paghuhurumentado ng puso niya.
"Ah, uhm...Sorry." Halos pabulong na sabi niya dito. Mabilis siyang tumayo at agad na naglakad patungo sa pinto. Pababa na siya ng hagdan ng habulin siya ni Wayne, hinawakan siya nito sa braso.
"Laiza, wait."
"A-A-no 'yon?" kandautal na tanong niya. Malakas na malakas pa rin ang kabog ng dibdib niya sa mga sandaling iyon. Kahit hindi niya tignan sa salamin, alam niyang namumula ng husto ang mukha niya, kaya hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon para humarap dito.
"Promise me one thing, do not fall in love with me. Dahil baka hindi na kita pakawalan pa, at manatili ka habang buhay sa piling ko."
Hindi napigilan ni Laiza ang sarili na lumingon dito. Tinitigan niya ito, ngunit hindi siya sumagot. Ano nga ba ang isasagot niya? Hindi niya alam, walang ma-produce na salita ang utak niya. Basta ang gusto niya sa mga sandaling iyon ay pansamantalang makalayo dito, dahil baka sumabog ang dibdib niya sa sobrang lakas ng pagkabog niyon.
Mabilis siyang tumakbo palabas ng bahay, at saka pa lang siya nakahinga ng maluwag. Napapikit siya. Bigla ay gusto niyang mag-dalawang isip sa pagpayag niya sa pagpapanggap ng girlfriend nito. Hindi yata niya kakayanin. Baka mahulog ang loob niya dito. Delikado.
Huwag naman po sana.
"LAIZA!"
Nakangiting lumingon siya sa Mommy ni Wayne. Naroon sila sa bahay ni Lolo Badong. Napagkasunduan ng Pamilya nito na mag-dinner, para pormal siyang ipakilala sa buong Mondejar.
"Yes, Ma'am?" magalang niyang sagot.
"Oh please, drop the Ma'am. You can call me, Tita Eve." Pagtatama nito sa kanya.
"Sige po, Tita Eve." Sagot niya.
"So, gaano na kayo katagal nitong aking anak?" tanong nito.
"Uhm, tatlong buwan na po." Sagot niya.
"Eh anong trabaho mo, hija?"
"I'm an Insurance Agent po." Sagot niya, binanggit pa niya ang pangalan ng kompanya na pinagta-trabahuhan niya. Mabuti na lang ang kompanyang iyon, kahit paano, may maipapagmamalaki siya sa Mommy ni Wayne.
Eh ano naman sa'yo ang mga sasabihin ng Mommy niya. Nagpapanggap lang kayo, di ba? Kastigo sa kanya ng isip niya. Oo nga naman.
"Did you finish college?" tanong ulit nito.
"Uhm, hindi po. Third Year College na po ako noong huminto ako. I have to give way for my younger siblings. Kinailangan kong tulungan sa pagta-trabaho ang mga magulang ko, para makapag-aral ang mga kapatid ko." Kuwento niya.
"That's so sweet," sarkastikong sabad ni Lynne, sabay irap sa kanya.
Tinignan lang niya ito, ngunit hindi niya ito pinansin.
"So tell me, Wayne. Where did the two of meet?" sabad na naman ni Lynne.
"Right, ikuwento mo nga sa akin." Sang-ayon nito sa tanong ni Lynne, sabay baling nito sa anak nito.
Nakangiting lumingon sa kanya si Wayne, saka hinawakan siya nito sa isang kamay. Ang kinuwento nito ay ang tunay na una nilang pagkikita.
"Since then, hindi na ako natahimik. I just want to see her everyday. Nang hindi ko na mapigilan ang nararamdaman ko, I asked her out. Then, I courted her. At ako na yata ang pinakamasayang lalaki sa mundo ng sagutin niya ako." sabi pa ni Wayne.
I just want to see her everyday. Patuloy na nagre-replay sa utak niya ang mga katagang iyon. Ano nga kaya ang pakiramdam kung tunay na sinabi nito sa kanya iyon at hindi isang palabas lamang?
Nahigit niya ang hininga ng iangat nito ang isang kamay niya na hawak nito at halikan ang likod ng palad niya. Napangiti siya. Ang simpleng ginawa nitong iyon, tunay man o hindi. Nagdulot iyon ng isang kakaibang saya sa puso niya.
"By the way, anak. Kaninong idea na magsama kayo?" tanong na naman ng Mommy nito.
"It was actually my idea, Mom. The truth is, wala dito sa Maynila ang Parents niya. Nasa Bulacan pa. Kaya nakikitira siya sa bahay ng bestfriend niya. Kaya ng maggawa ang bahay ko, I've decided na dumito na lang siya. Mas mapapanatag ako. And most important is, makakasama ko na siya." Paliwanag nito.
"Mabuti at napapayag mo itong si Laiza."
"Uhm, noong una nga po tumanggi ako. Nahihiya po kasi ako. Kaya lang, nagpumilit poi tong si Wayne. Palagi daw po kasi siyang nag-aalala sa akin." Sagot niya.
"Oh well, mabuti na rin iyon. Mahirap na ikaw lang ang mag-isa dito sa Manila. Kung nandito ka sa poder ni Wayne, at least safe ka. Isa pa, mas mapapanatag ako dahil alam kong may mag-aalaga na sa aking anak." Sabi pa ng Mommy nito.
Nagkatinginan sila ni Wayne. Mukhang madaling nakumbinsi ang Mommy nito tungkol sa relasyon nila, at dahil doon, mukhang mapapaaga din ang tapos ng pagpapanggap niya. Bigla ay may lungkot siyang naramdaman. Ngunit agad na nawala doon ang atensiyon niya ng biglang tumayo si Lynne at padabog na naglakad palabas ng bahay.
Alanganin ngumiti ang Mommy ni Wayne. "I'm sorry for that, she's a brat." Anito.
"Kung bakit ba kasi sinama-sama mo pa ang babaeng iyan, Evangeline." Sabi ni Lola Dadang.
"Mama, eh anak po siya ng kaibigan ko. Saka, akala ko naman kasi walang girlfriend itong si Wayne." Depensa nito.
"Kuu! Ikaw eh, kahilig hilig mong ireto ang anak mo sa babaeng iyan. Hamo ngang siya ang pumili ng babaeng gusto niya. Noon pa ma'y ayaw ko na sa Lynne na 'yan. Haliparot!" dagdag naman ni Lolo Badong.
Nagtawanan ang mga pinsan ni Wayne dahil sa sinabi ng matanda. Siya naman ay pinigil niyang tumawa.
"Papa! Don't say that! I'll talk to her." Sabi nito. "Excuse me."
AGAD na napasalampak ng upo si Laiza sa sofa, pagdating nila ni Wayne sa bahay nito. Hindi talaga matatawaran ang kaba niya kanina habang nagdi-dinner kasama ang Mommy nito. Mabuti na lang, walang nakahalata na ninenerbiyos siya habang kuntodo interview sa kanya ito.
"Okay ka lang?" tanong ni Wayne sa kanya, bago ito umupo sa kabilang single sofa.
Tumango siya. "Oo, okay na ako."
Tumawa ito. "Ninerbiyos ka no?"
"Naman! Daig ko pa ang dumaan sa Panel Interview. Grabe mag-interview ang Mommy mo." Komento niya.
"Ganoon lang talaga siya. Pasensiya ka na, mausisa talaga si Mommy." Anito.
"Wala 'yon, natural lang naman 'yon. Siyempre, ngayon lang kami nagkita. Anak ka niya, so natural lang na magtanong siya sa taong nakakasama ng anak niya." Paliwanag niya.
Hindi ito nagsalita, bagkus ay tinitigan lang siya nito.
"Oh bakit? May nasabi ba akong masama?" tanong niya.
Umiling ito. "Wala naman. Naisip ko lang. Your Parents are so blessed to have you as their daughter. Mabait ka, maalalahanin at maalaga sa mga mahal mo. Kahit hindi pa tayo nagkakasama ng matagal na panahon. Alam ko nang ilan lang 'yon sa mga magagandang katangian mo." Seryosong wika nito.
Ngayon, siya naman ang natigilan. Heto na naman ang isang ito. Magsasalita ng seryoso tungkol sa kanya, na siya naman tatagos sa puso niya.
"Uhm, Sa-lamat." Nauutal na sagot niya. "Sige, una na ako sa kuwarto ko. Medyo inaantok na rin kasi ako." Pagpaalam niya.
Hindi na niya hinintay pang sumagot si Wayne. Basta na lang siya nagmamadaling tumakbo paakyat ng silid niya. Pagdating niya doon, agad niyang sinarado ang pinto at sumandal sa likod niyon. Hindi niya alam kung anong meron si Wayne, at nagagawa nitong bulabugin ang nananahimik niyang puso.