Chapter Two

4065 Words
          GUSTO nang ibato ni Laiza ang cellphone niya. Sa hindi niya mabilang na pagkakataon, muli niyang-pinindot ang on button, pero umilaw lang ang LCD niyon at nanatiling blangko ang screen. Napabuntong-hininga siya. Hindi puwedeng masira ang cellphone niya, paano siya makakasagot sa mga text messages at tawag ng mga kliyente niya kung sira ito.           “Nakakainis naman eh!” gigil na sabi niya.           “Hoy, anong nangyayari sa’yo diyan?” untag sa kanya ni Lea, sabay kalabit sa kanya.           Nagkibit-balikat siya. “Eh kasi itong cellphone ko. Sira na naman ang LCD eh.” Reklamo niya.           “Sus, ano bang bago? Eh palagi naman nasisira ‘yan. Palitan mo na kasi.” Suhestiyon nito.           “Wala naman akong pambili ng kapalit eh.”           “Bakit ba kasi nagka-ganyan na naman ‘yan?” tanong nito.           “Eh kasi kanina, nung ginawang ring ng basketball nung bata ang ulo ko. Nabitawan ko ‘to, ayun, eh di tumilapon siya. Nagkagutay-gutay siya.” Kuwento pa niya.           Umingos si Lea. “Sana ako na lang ang pumunta doon, eh di sana ako ang nayakap ni Wayne.” Sabi pa nito.           “Oo nga, para ikaw na rin ang nabato ng bola.” Sang-ayon pa niya.           “Salbahe ka,” pabirong sabi nito sa kanya.           “Joke lang ‘to naman.”           “Pero, hindi nga? Super guwapo ba talaga siya sa malapitan?” usisa na naman nito.           Pagkatapos niyang manggaling sa loob ng Shop ni Wayne. Inusisa agad siya nito, at ilang beses na rin nitong paulit ulit na tinatanong kung super guwapo si Wayne.           “Oo nga! Grabe na ‘to, unli na tayo,” sagot niya.           “Hay, sana ako na lang talaga ang nag-alok sa kanya ng Insurance. Kahit ilang beses akong mabato ng bola, okay lang, basta makita ko lang siya ng malapitan.” Nangangarap wika nito.           “Nasayang nga ang sakripisyo ng bumbunan ko no? Hindi naman pala siya kukuha ng Insurance! Hmp! At ang tinamaan ng kamoteng bulok, tinawanan lang ako! Saka na lang daw siya kukuha ng insurance kapag may taning na buhay niya.” Ngingit niya.           “Aw, ang cute no?” sa halip ay sagot ni Lea.           “Cute? Anong cute doon? Ang cute kamong i-uppercut!” sabi pa niya, sabay sulyap sa loob ng Mr. Big’s Sports Center.            Napadiretso siya ng upo nang sa pagsulyap niyang iyon ay huli niyang nakatingin sa kanya si Wayne. Agad siyang nakaramdam ng pagkailang, saka mabilis na umatake ang malakas na kaba sa dibdib niya. Binaling niya sa iba ang paningin niya, pagkatapos ay pasimple niyang binalik ang tingin dito. Hindi na ito nakatingin sa kanya, bagkus, kausap na nito ang iba pang staff ng shop nito. Napatitig siya ng husto sa guwapong mukha nito ng gumuhit ang magandang ngiti nito. Wala sa loob na napapangalumbaba siya, sabay buntong-hininga. Kung nalalaman lang ni Lea, hindi lang ito super-guwapo, nuknukan ito ng guwapo. His more than just a handsome face. Alam ni Laiza, base sa ginawa nitong pagtulong sa kanya. Mabuti din ang puso nito. Bigla tuloy siyang na-curious, sino nga kaya si Wayne Castillo sa likod ng kasikatan? Eksaktong nakamasid siya dito, ito naman ang biglang tumingin sa kanya. Gulat na natutop niya ang bibig, saka agad na paiwas na binaling ulit niya sa iba ang paningin niya. “Oh no! Laiza!” impit na tili ni Lea, sabay sunggab sa manggas ng blazer niya.           “Aray naman, oy! Huwag mong hilahin ‘yan! Marupok lang ang pagkakatahi ko n’yan kanina. Bitawan mo ang manggas ko!” saway niya dito.           “Ayan na siya!” sa halip ay sabi nito, saka muling hinila siya sa manggas.           “Sino bang ‘siya’?” tanong niya.           “Siya!”           “Sino nga?”           Hindi na ito nakapagsalita pa, basta na lang itong natulala. Nang tignan niya ang dahilan kung bakit bigla itong nawala sa katinuan. Maging siya ay natulala rin. Parang isang aparisyon ang dating nito at tila nag-slow motion ang lahat habang papalapit ito.           “May himala nga,” sabi ni Lea.           “Hindi. Walang himala!” sagot niya, sabay gaya ng boses ng artistang si Nora Aunor.           Nasira ang momentum ng kaibigan niya dahil napabulanghit ito ng tawa dahil sa sinabi niya. Kasunod ng isang malakas na tunog na parang may napunit. Napahinto si Lea sa pagtawa, nang tignan niya ang manggas ng suot niyang blazer, ito pala ang napunit.           “Ang galing mo talaga!” singhal niya dito.           “Peace,” sagot nito.           Pero mabilis na nawala sa napunit na manggas ang atensiyon nila ng makalapit na ang himala, este, si Wayne pala.           “Laiza, right?” anito paglapit sa booth nila.           “Yes Sir, bakit po? Kukuha na ba kayo ng insurance?” diretsong tanong nito.           Natawa ito, sabay iling.           Kabog! Ang cute ngumiti! Lihim na kinikilig niyang sabi.           “No. Sabi ko nga kanina, hindi ako kukuha n’yan.” Sagot nito.           “Ay, ganoon ba? Sayang naman.” Sabi pa niya. “Kung hindi ka kukuha ng insurance, anong pakay mo dito?”            “I was just a bit worried about you. Gusto ko lang itanong kung ayos ka lang. The way I see you from my shop, mukhang hindi ka pa okay. Namumutla ka pa.” sabi nito.           Well, medyo totoo ang sinabi nito. Dahil hindi biro ang matigas na bola ng basketball na tumalbog sa ulo niya, kaya hanggang sa mga sandaling iyon ay medyo nahihilo pa talaga siya.           “H-ha? Uhm, halata pala, no? Oo nga eh, pero hindi okay lang ako.” Sabi naman niya.           “Baka may maitulong ako sa’yo. Puwede mo naman sabihin sa akin.”           Nagkatinginan sila ni Lea. Pagkatapos ay binalik niya ang tingin dito, tumayo siya.           “Naku eh, nakakahiya naman. Hindi mo naman dapat ginagawa ito, hindi mo kasalanan ‘yon.” Sabi niya dito.           “Nah, like what I’ve said. I felt like it’s my responsibility. I mean, sa loob ng Mr. Big nangyari ‘yon. Lalo na at alam ko na hindi ka pa okay.”           “Wala, okay lang ‘yon. Okay lang din naman ako. Mawawala din ito.” Sagot nito.           Ngumiti ito. “That’s great. Pero puwede mo ba akong pagbigyan kahit isang beses lang?” tanong nito.           “Ano ‘yon?” balik-tanong din niya dito.           Bago ito sumagot ay hinarap nito si Lea. “Uhm, Miss. Ayos lang ba kung mag-usap kami sandali ni Laiza?” tanong nito sa kaibigan niyang natulala.           Wala sa sariling tumango lang ito.           “Thanks,”           Pagkatapos ay siya naman ang binalingan nito. “Do you mind if we take a walk?” tanong nito.           “H-ha? Ah, o sige,” naguguluhang pagpayag niya.           Gustong kumunot ang noo ni Laiza. Hindi niya alam kung anong trip ng Wayne Castillo na ito. Maamo naman ang mukha nito, hindi naman siguro ito gagawa ng kalokohan sa kanya. Sabagay, magkaganoon man, kaya naman niyang ipagtanggol ang sarili.           “Ah, sandali lang.” aniya, saka hinubad ang blazer niya. Nakakahiya naman na maglakad siya kasama nito na may punit ang suot niya. Baka bigyan siya ng piso at pagsayawin ng mga tao. Mabuti na lang at may manggas din ang suot niyang blouse.           “Saan pala tayo pupunta?” tanong niya dito.           “Diyan lang,” sagot nito.           “Alam mo, hindi mo naman dapat ginagawa ito eh. Hindi ikaw ang may kasalanan.” Giit niya.           “I know. Ayoko lang kasi na may mangyayaring ganoon sa loob ng negosyo ko, na hindi ko naasikaso ng maayos. Kaya please, puwede bang hayaan mo na lang ako?”            Napangiti siya. “Sige, dahil makulit ka. Pagbibigyan kita. Baka sabihin mo naman ang choosy ko pa.” sabi pa niya.           Muli na naman natawa si Wayne. Maraming klase na ng tawa ang dumaan sa pandinig niya, pero ang tawa nito ang namumukod tanging tila isang musika ang hatid sa kanyang pandinig. Nagulat pa siya dahil dinala siya nito sa isang restaurant, na matatagpuan doon sa loob ng mall.           “Anong ginagawa natin dito?” nagtatakang tanong niya.           “Kakain, ayaw mo ba?”           Nagkibit-balikat siya. “Hindi naman sa ayaw, aba, bawal nga daw ang tumanggi sa grasya. Pero bakit tayo kakain? Nakakahiya naman sa’yo.” Sabi pa niya.           Nakangiting tinignan siya nito. “Di ba sabi ko sa’yo? Hayaan mo lang ako.” Anito.           Magsasalita pa lang siya ng marinig niya ang bulungan ng mga dalawang babae sa kabilang mesa.           “Si Wayne Castillo yan, di ba? Yung basketball player at isa sa may-ari ng MCI? Ang guwapo!” anang isang babae.           “Oo nga, pwede kaya tayong magpa-picture sa kanya. Eh teka, sino ba ‘yung babae?”           “Baka girlfriend n’ya,”           Nagkatinginan sila ni Wayne. Kasunod niyon ay saka niya napansin na sa kanila nakatingin ang karamihan ng tao sa loob ng restaurant na iyon, maging ang mga dumadaan sa labas ng establisyimentong iyon ay napapatingin din sa kanya.           “Nakakahiya, pinagtitinginan tayo. Aalis na lang ako,” wika niya. Akmang tatayo siya ng pigilan siya nito sa kamay.             Sa pagdikit ng balat nilang iyon. Ibayong kaba ang naging hatid niyon sa kanya. May kung anong mainit na pakiramdam ang dala ng kamay nito sa kanya. Hanggang sa hindi na mapakali ang puso niya. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Tanong niya sa sarili.           “Huwag mo silang pansinin, hayaan mo sila. Umupo ka. Kakain tayong dalawa.” Anito.           Napatango na lang siya, saka sumunod sa sinabi nito. Muli siyang naupo, ngunit sa pagkakataon na iyon, may kaba na sa puso niya. Para mawala ang kakaibang nararamdaman niya, kinulit na lang niya ito sa Insurance.           “Ang daya mo naman eh, ayaw mo naman kumuha ng Insurance sa akin.” Sabi pa niya.           Tumawa ulit ito. “Sabi ko nga sa’yo, hindi ko kailangan ng Insurance.” Sagot nito.           “Bakit naman hindi? Alam mo bang importante ang Insurance? Hindi naman ibig sabihin no’n may mangyayari na sa’yo. For security para sa pamilya mo, o kaya sa magiging asawa mo in the future.” Paliwanag niya dito.           “Huwag mo akong daanin sa sales talk. Pero sige, hayaan mo. Pag-iisipan ko ‘yang sinabi mo. Kung gusto mo, bibigyan na lang din kita ng referrals.” Sabi naman nito.           Sa pagkakataon na iyon, siya naman ang napangiti. “’Yon! Maging sulit man lang ang pagtalbog ng bola sa ulo ko,” pagbibiro pa niya.           Natawa si Wayne. “You never fail to make me laugh, Laiza.” Komento nito sa kanya. “Parang ang sarap mong kasama.”                Pabirong nagkibit-balikat pa siya. “Well, ganoon talaga. Partida nahihilo pa ako n’yan.” Sabi pa niya.           Nang dumating na ang order ni Wayne na pizza at pasta, nagsimula na silang kumain. Hanggang sa mapansin ni Laiza na parang natahimik ito. Nang tignan niya si Wayne, nakatitig lang ito sa kanya.           Tumikhim siya, saka pumitik sa harap ng mukha nito. “Hello, calling calling! Huwag mo akong titigan ng ganyan.” Pukaw niya dito.           “Bakit masama ka bang titigan?” nakangiting tanong nito.           “Oo. Teka nga, may gusto ka ba sa akin?” walang preno niyang tanong.           Huli na para ma-realize niya ang katabilan ng dila niya, napatutop siya sa bibig. Saka biglang nag-init ang mukha niya, alam niyang nagba-blush na siya sa mga sandaling iyon. Patay-malisya na uminom siya baso niya na may laman na ice tea.           “Hoy, joke lang ‘yon!” biglang bawi niyang sabi.           Nakangiting napapailing si Wayne. “Hindi naman siguro kataka-taka kung magkagusto ako sa’yo o kahit na sinong lalaki diyan. Maganda ka naman. Masayang kasama.” Komento nito sa kanya.           Pakiramdam ni Laiza ay pumalakpak ang tenga niya sa narinig, pati ang ugat sa puso niya ay nakipalakpak din.           Haba ng hair! Ako na ang maganda! Pagbubunyi niya sa isip.           “Actually, sabi rin ‘yan ng Mama ko.” Sagot na lang niya. “Ay naku, tama na nga iyan. Kumain na lang tayo, para makabalik na ako sa booth.” Saway niya dito.           Pero hindi pa doon natapos ang masayang usapan nila habang kumakain. Hindi maintindihan ni Laiza kung anong dahilan ng langit, kung bakit biglang pumasok sa buhay ng isang ordinaryong taong tulad niya ang isang sikat na si Wayne Castillo. Sa totoo lang, matagal na naman niyang nakikita na pumupunta ito doon sa shop niya. Ngunit hindi niya naisip na puntahan ito at alukin ng Insurance. Hanggang sa tamaan siya ng saltik sa utak at lakas-lakasan siya ng loob na puntahan ito kanina. Napabuntong-hininga si Laiza. Hindi naman sa nagpi-feeling siya, pero malakas ang pakiramdam niyang hindi pa iyon ang una’t huli nilang pagkikita. Dati ang pangarap niya ay maiahon sa hirap ang Pamilya niya, ngayon nadagdagan na iyon. Pangarap niyang ibigin siya ng isang kagaya ni Wayne Castillo.             HINDI mapigilan ni Wayne ang matawa habang nagmamaneho siya. Pauwi na siya ng mga sandaling iyon aling sa Shop. At doon ay may nakilala siyang interesanteng babae. Si Laiza. Sa totoo lang, masyado itong maganda para maging Insurance agent.           “Amazing,” aniya sa sarili na ang tinutukoy ay si Laiza.           Sa totoo lang, ilang linggo na niyang napapansin ang booth nito sa tapat ng Mr. Big’s Sports Center. Ilang beses na rin niya itong nakikita. The first time that he saw her, he already found her beautiful. Pero hindi niya akalain na mas maganda pala ito ng malapitan. And what’s amazing about her, wala itong kaabog-abog na alukin siya ng Insurance.           Hindi naman sa natutuwa siya sa nangyari dito. Pero blessing in disguise niyang maituturing ang maliit na aksidenteng iyon sa loob ng shop niya. Nagkaroon siya ng pagkakataon na kausapin ito. Mabilis na bumalik sa alaala niya ang sandaling natitigan niya ng malapitan ang mukha nito. Hindi niya makakalimutan ang magandang pares ng mga mata nito. Those brown eyes, parang natutunaw siya sa tuwing nakatingin ang mga iyon sa kanya. Matangos ang ilong nito, at mapula ang mga labi nito. Bumagay dito ang maputing balat nito at ang mahabang itim na buhok nito.           Ang mas nakakatuwa dito, sa kabila ng pagtalbog ng bola sa ulo nito. Nakukuha pa rin nitong magpatawa. She took things lightly. Hindi niya alam kung anong klase ng pagkatao mayroon ang babaeng iyon. Pero sa ilang linggo niyang pagmasid dito, napansin niya na masipag ito sa trabaho. Kahit buong maghapon na itong nakatayo doon at walang pagod sa pag-abot abot ng leaflets sa mga tao at nag-aalok ng Insurance. Hindi niya kailanman nakitang sumimangot ito. He always sees her smile. At iyon ang isa sa mga naging dahilan para gustuhin niyang makilala ito. Alam niya na hindi iyon ang huling beses na magkikita sila nito, and he’s looking forward for the day that he will see her again.                     ISANG linggo na ang matulin na lumipas, kabado si Wayne habang papunta sa Araneta Coliseum ng Final Game ng team nila sa araw na iyon. Kapag nagkataon, iyon na ang ika-anim beses na pagkapanalo nila. Ngunit bukod sa event na iyon, isa pang nakakapagpakaba sa kanya ay ang napipintong pagharap niya sa Mommy niya. Ayon sa Lolo niya ng tumawag ito sa kanya kanina, kasama daw nito ang babaeng irereto nito sa kanya. At hanggang sa mga sandaling iyon, wala pa rin siyang nahahanap na babaeng maaaring magpanggap na maging girlfriend niya.           May naiisip siyang isang babae, pero hindi naman niya sigurado kung papayag ito. Si Laiza. Nang susubukan sana niyang sabihin dito noong nakaraang araw ang problema niyang iyon, wala na ang booth nito sa tapat ng shop niya. Ang calling card na inabot nito sa kanya ay hindi naman niya matandaan kung saan niya nakita. Mas kabado pa siya sa paghaharap nila ng Mommy niya kaysa sa game nila mamaya.           Pagdating niya sa venue ng game.  Sandali niyang isinantabi ang mga alalahanin niya, at nag-focus sa laro. Hindi siya puwedeng ma-distract. Hindi siya maaaring magkamali sa gabing iyon. They want a second grand slam championship for this year. And they will make it happen.                       “SHOOT! Go Wayne!” malakas na sigaw ni Laiza habang tumatalon pa siya. Naroon sila ni Lea ng gabing iyon sa Araneta kung saan ginaganap ang Final Game ng team ng una.           Hinampas siya ni Lea sa braso. “Aray ko naman!” reklamo niya.           “Ang lakas ng sigaw mo ah! Akala ko ba hindi ka niya fan at wala kang pakialam sa kanya? Bakit ngayon kulang na lang tumalsik palabas ang ngala ngala mo sa kakasigaw diyan!” puna nito sa kanya.           “Oo nga, ganoon pa rin naman ang pananaw ko.” Sagot niya.           “Sino niloko mo? Ang sabihin mo, pagkatapos ka niyang i-date noong nakaraang linggo, na-in love ka na sa kanya.” Anito.           “Ilang beses ko na bang sinabi sa’yo na hindi iyon date? Bumawi lang nga siya sa aksidenteng nangyari doon sa shop niya.” Paliwanag niya.           Muli niyang binalik sa court ang tingin niya. Si Wayne ulit ang may hawak ng bola. Last two minutes na, kaya kabado na ang lahat. Tabla ang score ng magkabilang team. Kailangan mai-shoot ni Waye ang bola para manalo ang mga ito. Saglit itong tumigil sa pagtakbo, saka nito dini-dribol ang bola. Waring naghahanap ng tyempo na makalusot sa isang player ng kabilang team na mahigpit itong binabantayan.           “Go Wayne! Shoot!” sigaw ulit niya.           Nang maka-tyempo, tumakbo ito sa kaliwang bahagi, syempre, sinundan ito ng kalaban. Saka biglang bumwelta pakanan, kaya nalito ang kalaban. Saka mabilis nitong pinakawalan ang bola sa mga kamay nito. Parang nag-slow motion ang buong paligid nang sinundan ng lahat ng manonood ang bola habang papalapit ito sa basket. Palihim na nag-crossed finger siya. Biglang nagsigawan at nagtalunan ang mga fans ng team ni Wayne ng pumasok sa basket ang bola. Three points pa. Kaya lumamang ng tatlong puntos ang team nito.           Malakas silang tumili ni Lea. Iyon na ang pinakamasayang gabi ng buhay niya. Hindi niya alam na masaya pa lang manood ng live basketball game, lalo na at ang kuponan ni Wayne ang naglalaro, dahil punong-puno ang Araneta.  Dahil bukod sa Finals, ang team ng huli ang pinakasikat na team sa bansa. Kaya maraming salamat sa pinsan niyang nagta-trabaho sa ticket booth ng Araneta, binigyan siya nito ng free tickets kaya nakapanood sila. Front row tickets pa. Kaya kitang kita niya ng malapitan si Wayne. Kahit pawis na pawis ito, guwapo pa rin ito. Mas lalo pa yatang nakadagdag sa appeal nito ang pawisan nitong mukha.           “Ang galing ni Wayne!” masayang sigaw niya.           “In fairness, mas mukha kang fan kaysa sa akin!” sabi pa ni Lea.           “Okay lang ‘yon! Ay, tara! Punta tayo sa likod, abangan natin lumabas si Wayne. Mag-hello lang tayo tapos i-congratulate lang natin sila.” Excited na yaya niya, sabay hila sa kamay ng kaibigan.           Halos isang oras na ang nakakalipas, matapos ang game. Naroon pa rin sila ni Lea sa malapit sa locker room ng team ni Wayne.           “Tara na Marissalen! Umuwi na tayo, may pasok pa tayo bukas!” yaya na nito sa kanya.           “Sandali na lang, lalabas na sila.” Pigili niya dito.           “Nangangawit na ako ah. Tapos, sabihin mo ulit sa akin na wala kang pakialam kay Wayne Castillo.” Pang-aasar pa nito.           Lumingon siya kay Lea, sabay ngisi. “Oo, wala nga.” Aniya. “Kailangan kong gawin ito, para kapag nakita niyang todo suporta ko. Kukuha na siya ng Insurance, tapos kapag natuwa pa siya ng husto sa akin, pati mga teammates niya kukuha din. Oh di bonggang quota ako this month! May bonus ako!” masayang paliwanag niya.           Napailing si Lea, saka pumalatak. “Tiyaga mo,” anito.           “Ganoon talaga,” sagot niya.           Napahinto sila ng pag-uusap ng may dumaan sa harap nila ng mahigit sampung kalalakihan na pawang guwapo. Napatulala na lang siya, lalo na si Lea. Nang magsabog yata ng kaguwapuhan ang Diyos, nakabilad ang mga ‘to sa ilalim ng araw. Kaya nasalo ng mga ito lahat.            “Grabe girl, patay na ba ko? Nasa langit na ba ako? Bakit puro anghel yata ang mga nakikita ko?” sunod-sunod na tanong ni Lea.           “Wala pa, sinusundo ka pa lang.” pagbibiro pa niya sa kaibigan.           “Nakakaloka, umuulan ng pogi!” sabi pa nito.           Pagkatapos, sumunod na dumating ang isang may edad na babae. Kasunod nito ay isa ding babae na parang modelo sa ganda. Bigla naman siyang nanliit. Pakiramdam niya, nagmukha siyang PA ng mga ito. Binati ng mga kalalakihan ang may edad na babae at narinig niyang tinawag itong ‘Tita’.           “Where’s Wayne?” tanong nito.           “He’s still inside, Tita. But he’ll be here any minute.” Sagot ng isang guwapong Mama.           Ah, so mga kamag-anak din pala ito ni Wayne. Mas maraming prospect for insurance. Sabi pa niya sa isip.           “Sayang Lea,” baling niya dito.           “Bakit?” tanong nito.           “Hindi ako nakapagdala ng leaflets at calling card. Ang daming possible clients oh.” Sabi pa niya.           “Ang taray ah, ang sipag! Ikaw na ang employee of the century!” pagbibiro pa ni Lea.           Hindi na siya nakapag-react sa sinabi nito. Nang lumabas na si Wayne, lalapit na sana siya dito nang maunahan siya ng mga taong pinagkalooban ng magagandang mukha.           “Tara na, Girl. Hindi tayo makakasingit diyan. Baka nga hindi na tayo maalala ni Wayne eh.” Yaya sa kanya ni Lea.           Napabuntong-hininga siya. Base sa nakikita niya, mukha ngang wala na siyang pagkakataon para makausap ito. Malungkot at laglag ang balikat na tumalikod siya. Papaalis na sana siya ng muli siyang mapalingon sa mga ito ng marinig niyng magsalita si Wayne.           “Hi Mom,” bati nito.           Kung ganoon, Ina pala nito ang may edad na babae.           “Hijo, I miss you.” Anang Mommy nito.           “Me too,”           “Congratulations, hijo. You never fail to impress me. And Lynne here is also impressed.” Anang Mommy nito.           “Thanks Mom,”            “Sinama ko na siya dito para naman magkakilala kayo ng mabuti. Para kapag ki—”           “Laiza! Baby!”           Nanlaki ang mata niya. Saka parang pinako siya sa kinatatayuan niya, nagkatanginan sila ni Lea.           “Baby? Nasaan ang bata?” gulat na tanong ni Lea sa kanya.           Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko alam.” Bulong niya dito.           Malakas ang kabog ng puso niya na humarap siya dito. Lalo siyang kinabahan ng makitang papalapit ito, at wagas ang mga ngiti nito sa kanya. Hindi niya alam kung anong iniisip nito at bigla siyang tinawag ng ‘Baby’. Sa harap pa ng Mommy nito at ng ibang tao.           “Anong baby sinasabi mo diyan?” bulong niya dito paglapit nito sa kanya. Nagulat pa siya ng hawakan siya nito sa kamay ng mahigpit.           “Hindi mo naman sinasabi na nariyan ka pala,” sa halip ay sabi nito.           “Ano bang sinasabi mo?” ulit niya sa tanong niya.           “Did you enjoy the game? It’s for you!” sabi pa ni Wayne.           Naguguluhan na lumingon siya sa paligid. Maging ang mga guwapong Mama na naroon at ang Mommy nito ay tila nagulat at pawang mga nakakunot ang noo ng mga ito.           “Wayne,” usal niya.           “Wayne, who is this girl?” kunot ang noo na tanong ng Mommy nito.           Mas lalo siyang kinabahan. Nahigit niya ang hininga ng akbayan siya nito at hapitin siya nito palapit sa katawan nito.           “Mommy, meet Laiza, my girlfriend. The love of my life, and we’re getting married. Actually, we’ve decided to live together.” Sagot nito.           Ano daw?!           Parang bomba na sumabog iyon sa tenga niya. Tinanggal niya ang braso nito sa balikat niya, saka bahagyang lumayo dito. Nakahanda na siyang pabulaanan ang sinabi nito. At sabihin ang totoo na wala silang kaugnayan sa isa’t isa. Nang lalo niyang ikinagulat ang naging aksyon nito.           Daig pa niya ang tinangay ng ipu-ipo ng sa isang iglap ay sakupin nito ang mga labi niya. Pakiramdam niya ay parang may mga paru-parong lumilipad sa tyan niya.           Oh my gulay! Sigaw niya ang sa isip niya.              
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD