NAALIMPUNGATAN si Laiza ng tumunog ang alarm clock na nakapatong sa ibabaw ng bedside table. Pupungas-pungas na pinatay niya iyon, saka tila tinatamad pang bumangon. Hindi na niya namalayan kung anong oras na siya dinalaw ng antok, basta nang huling beses siyang tumingin sa orasan, pasado ala-una na ay gising pa siya.
Paano nga ba siyang makakatulog agad? Unang araw pa lang niya doon ay parang roller coaster na nangyayari sa damdamin niya. Mukhang mali yata na pumayag siya na maging kunwaring girlfriend nito. Huminga ng malalim si Laiza, saka nag-inat.
"Gising Marissalen, wala pa naman di ba? Kung ano man 'yan, maagapan mo pa 'yan." Pagkausap pa niya sa sarili, saka niya tinapik-tapik ang magkabilang pisngi niya.
Matapos niyang umusal ng maikling pasasalamat sa Panginoon para sa panibagong araw na iyon. Naghilamos at nag-toothbrush na siya saka nagpalit ng pambahay na damit bago siya bumababa sa kusina.
Pagdating niya sa kusina. Gusto niyang madismaya. Wala pa nga palang laman ang refrigerator na iyon dahil hindi pa sila nakakapag-grocery. Kaya wala siyang iluluto. Napailing siya.
"Makapagkape na nga lang," aniya.
Patapos na siya sa pagtitimpla ng kape ng marinig niya ang mabibigat na yabang pababa ng hagdan.
"Hi, Good Morning." Bati nito sa kanya.
Napangiti siya. "Good Morning," ganting-bati niya dito, sabay harap dito. Ngunit agad siyang natulala ng tumambad sa mga mata niya ang ayos ng bagong gising na si Wayne.
Nanlaki ang mga mata niya. Mabilis niyang tinalikuran ito. Alam naman niyang pag-aari nito ang bahay na iyon, pero sana naisip nito na may dalagang Filipina itong kasama na hindi sanay makakita ng mga katawan na tinubuan ng pandesal. Hanggang sa TV lang siya nakakakita ng ganoong klaseng katawan. Malay ba niyang kabilang si Wayne sa mga pinagpala ng Diyos.
Napapitlag pa siya ng bigla itong magsalita. Nakalapit na pala ito sa kanya, samakatuwid, nasa tabi na niya ito. Hindi niya napigilan na mapapikit at amuyin ito. Bakit ganoon? Hindi ba ang bagong gising ay amoy panis na laway madalas? Bakit ito ang bango pa rin? Wala kayang balak bumaho ito kahit sandali lang? Pagmulat niya ng mata niya, isang nakakunot noo na Wayne ang bumungad sa kanya. Natigilan siya. Saka siya ngumiti dito ng alanganin. At bakit napakaguwapo lalo nito sa umaga? Kung kailan hindi ito nakaporma at simpleng jogging pants at walang pang-itaas ang suot nito.
"What are you doing?" nagtatakang tanong nito.
"Wala, inaamoy ko lang kung amoy panis na laway ka."
Napahiyaw siya ng bigla nitong kurutin ang pisngi niya.
"Aray ko!"
"Ang cute mo kasi sa umaga eh," natatawang wika nito.
Hinampas niya ang kamay nito. "Tigilan mo nga ang pisngi ko, saka puwede ba? Ang sando, sinusuot. Hindi sinasampay sa balikat. Huwag mong ibilad ang katawan mo sa harap ko." Puna niya dito.
Imbes na sundin ang sinabi niya. Tumawa lang ito, saka sumandal sa kitchen counter at lalong nilapit ang katawan nito sa kanya.
"Bakit? Naiilang ka?" nanunukso pang tanong nito.
"Ay naku, huwag mo ng itanong. Sundin mo na lang ako." Sagot niya.
Hindi pa rin nito sinuot ang sando nito, bagkus, ay bigla itong sumayaw na parang macho dancer. Ginigiling pa nito ang katawan nito sa harap niya. Natatawa na tinakpan niya ang mata niya.
"Tigilan mo na 'yan, Wayne! Parang awa mo na, huwag kang magsayaw! Hindi bagay sa'yo!" natatawang pang-aasar niya dito.
"Oh bakit? Ang galing ko ngang sumayaw eh!"
Tinutulak niya ito palayo sa kanya habang lumalakad siya paatras, pero lalo lang nitong nilalapit ang sarili sa kanya hanggang sa ma-korner siya nito sa may sulok ng kitchen counter.
"Wayne, isa! Tigil na!" pagbabanta niya, habang hindi pa rin siya tumitigil sa kakatawa.
Nang mapagod yata, kusa na itong huminto at lumayo sa kanya. "Grabe ka, hindi ka man lang naakit? Akala ko pa naman type mo ako." Sabi pa nito.
"Ayoko nga sa'yo, masyado kang guwapo. Baka mamaya, lokohin mo lang ako eh. Saka ang dami ko kayang kaagaw sa'yo. Maraming babaeng nagkakagusto sa'yo." Walang prenong sagot niya.
"Marami man nagkakagusto sa akin, kung sa'yo naman nakalaan ang puso ko. Wala silang magagawa doon." Seryosong sagot nito habang nakatingin ito ng diretso sa mga mata niya.
Hayun na naman ang mahiwagang kabang iyon. Kaya mabilis niyang iniwas ang tingin nito. Tumikhim siya ng malakas saka tinuon ang atensiyon niya sa kape, pinagtimpla na rin niya ito.
"Bakit ka nga pala nagising ng maaga?" pag-iiba nito sa usapan.
"Uh, magluluto sana kasi ako ng breakfast natin, kaso, wala pa nga palang pagkain." Aniya.
"Oo nga pala, di bale, mamayang uwian n'yo susunduin kita sa office mo. Tapos diretso na tayo sa supermarket, mag-grocery tayo. Okay ba 'yun?" nakangiti na naman na wika nito.
"Okay lang ba talaga sa'yong sunduin ako? I mean, pwede naman tayong mag-meet sa labas. Nakakahiya naman sa'yo, hindi naman kasama sa usapan natin 'yun. Sa harap lang naman ng Mommy mo tayo magpapanggap, di ba?"
Umiling ito, saka muli siyang hinarap. Magaan na pinisil nito ang ilong niya. "Ang dami mo naman sinabi, Marissalen. Oo ka na lang."
"Maka-Marissalen ka naman! Laiza na lang." protesta niya.
Tumawa ito. "Okay, fine. Basta mamaya, susunduin kita."
"Eh teka, alam mo ba kung saan ang opisina ko?"
"Alam kong opisina n'yo. Kaya huwag mo ng isipin 'yon."
"Okay, sige. You're the boss!"
"Good. For the meantime, habang wala pa tayong pagkain dito. Magpadeliver na lang muna tayo ng pagkain dito." Sabi nito.
"Okay"
Mayamaya biglang nag-ring ang cellphone ni Wayne. Agad nitong sinagot iyon. Nakangising ni-loud speaker nito iyon pagsagot nito.
"Daryl, ano pinsan?" bungad nito sa caller nito, ni-loud speaker nito iyon.
"Yo couz, nandito ako kay Lolo Badong. Pumunta ka dito! May huhugasan tayong kotse, tatlo 'to!" sabi pa nito.
"Kaya n'yo na 'yan!" nakangising biro nito sa pinsan.
"Pengkum ka! Kapag hindi ka pumunta dito, guguluhin ko buhay mo! Mamaya mo na guwardyahan si Laiza, hindi ka naman tatakasan n'yan eh!" pasigaw na sagot ni Daryl.
Natawa sila ni Wayne. "Oo na! Papunta na ako diyan!" sabi nito.
"I think doon na tayo kumain sa Jefti's." Anito.
"Ha? Naku hindi na, doon na lang ako sa labas kakain. Maliligo na ako para papasok na ako sa opisina." Tanggi niya.
"Huwag kang magulo. Ihahatid kita. Gusto ko kasabay kitang kumain." Giit nito.
Kinurot niya ito sa tagiliran, kaya napahiyaw ito sa sakit. "Aray! Bakit ka ba nangungurot?" reklamo nito.
"Eh feel na feel mo naman kasi na tayo!" aniya.
"Practice nga ito eh, huwag ka ng magprotesta!" sagot nito, saka siya hinawakan nito ng mahigpit sa kamay at hinila palabas ng bahay.
Habang naglalakad sila na magkahugpong ang kamay, hindi napigilan ni Laiza ang mapangiti. Kung ganito ang bubungad sa kanya tuwing umaga. Parang gusto na ulit niyang matulog at gumising.
NAPAKURAP si Laiza ng bigla siyang kalabitin ng kaibigan at kaopisina niyang si Lea. Naroon na siya sa opisina ng mga sandaling iyon. Kagaya ng sinabi ni Wayne sa kanya kanina, hinatid nga siya nito doon sa opisina nila. She somehow felt special. Alam niyang hindi na kasama sa kasunduan nila ang ihatid siya nito o magpaka-boyfriend sa harap ng ibang tao. Dahil ang palabas nilang iyon ay para sa Mommy nito at kay Lynne. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit patuloy pa rin ito sa pagpapanggap maging sa iba. Gusto sana niyang itanong dito kung bakit, kaya lang, nauunahan siya ng hiya. Baka kasi sabihin nito na feelingera siya. Naisip niya, sadya lang siguro itong mabait sa kanya.
Napabuntong hininga siya, saka pilit na finocus niya ang sarili sa pagta-trabaho.
"Hoy, okay ka lang?" kunot-noong tanong ni Lea.
"Ha? O-oo."
"Weh? Parang hindi naman."
"Okay lang ako, okay?" giit niya.
"Marissalen, huwag kang magdeny. Kanina pa kaya kita inoobserbahan. Kanina ka pa tulala." Anito.
Umiling siya. "Wala ito. Inaantok lang ako."
"Bakit? Hindi ka ba nakatulog doon? Sabi mo naman maganda ang bahay n'ya."
"Oo nga. Namamahay lang siguro ako."
"Pero in fairness, girl. Kina-career ang pagiging boyfriend ah. Hinatid ka pa talaga. At talagang pinagtitinginan daw kayo kanina sabi ng mga kasama natin." Kuwento ni Lea.
"Oo nga eh, isa pa 'yon. Nakakahiya. Pinagtinginan kami."
"Oy Laiza, sikat ka na ngayon ah! Paano mo naging boyfriend si Wayne? Nakakainggit ka naman!" sabad ng isang ka-officemate nilang babae.
"Siya lang ang sikat. Saka mahabang storya, sa isang linggo na lang ako magku-kwento!"
"Ano ka ba? Pati kaya ikaw, nakita ko 'yung picture n'yo sa internet. Noong nakaraang linggo na kumakain kayo sa isang restaurant sa Mall. Ang taray ah!"
Napailing siya. Hindi niya akalain na makukuhanan sila doon at kakalat sa internet at dyaryo ang stolen shots na iyon ng kung sino. Baka mamaya, makarating sa Pamilya niya ang mga iyon at magulat siya.
"Oy, bumalik ka na doon sa table mo. Baka pagalitan tayo ni Boss, sabihin tsismosa ka." Simpleng pagtataboy ni Lea dito.
"Ay oo nga pala, sige!"
Nang makaalis na ito, nagkatinginan sila. Napailing siya. "Tama, tayo rin magtrabaho na. Baka nga mapagalitan na tayo." Sabi pa niya.
Nagtaka siya ng paglingon niya ay nakita niyang nakatitig pa rin sa kanya si Lea.
"Hoy, ano ba 'yan? Mukha ba akong mesa at sa akin ka nakatingin?" pukaw niya dito.
Tumawa lang ito. "Wala lang, pinagmamasdan lang kita. Ang saya kasi ng mga mata mo eh. Mas mukha kang inspired kaysa puyat." Sabi pa nito.
"Ay naku, huwag nga kung anu-ano ang iniisip mo. Magtrabaho ka na lang. Hindi iyong ako ng ako ang nakikita mo." saway niya dito.
"In love ka no?"
Marahas siyang napalingon dito. "Hindi ah!" mabilis niyang sagot.
"Uy, defensive."
"Tigilan mo ako Lea!"
"Wala kang gusto sa kanya?" tanong pa nito.
"Wala,"
"Talaga? Hindi ka maiin-love sa kanya?"
"Hindi nga," giit niya.
"Sa guwapo at sa bait niyang iyon, imposibleng hindi mo siya hangaan." Sabi pa ni Lea.
"Oo, paghanga. Pero hanggang doon lang 'yon." Sabi pa niya.
"Weh?"
"Lea, kaibigan ko siya. Mabait at maalaga siya. Ayokong samantalahin ang kabaitan niya. Kayang hanggang doon lang ang pwedeng mamagitan sa amin." Paliwanag niya dito.
"Ako ba talaga ang kinukumbinsi mo? O ang sarili mo?" tanong pa nito.
Hindi siya nakakibo. "Binalaan na kita noon, delikado ang pagpayag mo na maging kunwaring girlfriend niya. Mahuhulog ang puso mo." Sabi pa nito.
"Hindi kaya," halos pabulong na tanggi niya.
Hindi alam ni Laiza kung "love" na nga bang matatawag iyon. Hindi pa naman siguro. Kailan lang sila nagkakilala ni Wayne. Imposibleng mahulog ang loob niya ng ganoon kadali.
Iyon ang paulit ulit na sinisiksik ni Laiza sa isip niya. Kahit na ang totoo ay hindi siya pinatatahimik ng imahe ni Wayne sa utak niya. At kahit na anong taboy niya ay ayaw pa ring lumisan nito sa isipan niya.
Laiza, huwag mong kakalimutan. Nagpapanggap ka lang na girlfriend niya. May bayad ang ginagawa mo, kaya ginagalingan mo lang. Iyon lang 'yon, wala ng iba. Hindi nahuhulog ang loob mo sa kanya. Kapag nakaalis na ang Mommy niya, tapos na rin ang trabaho mo. Hindi na kayo magkikita ulit ni Wayne, okay? Pilit niyang pangungumbinsi sa sarili.
"WHAT are you planning to do, Wayne?" seryosong tanong nakatatandang pinsan niyang si Gogoy.
Naupo siya sa bakanteng single sofa na nagsisilbing receiving area ng pribadong opisina ng pinsan niya. Kasama niya doon ang iba pa niyang pinsan, katatapos lang ng Board Meeting nila.
"About what?" balik-tanong niya.
"Laiza, Tita Eve and Lynne." Sagot nito.
Bumuntong-hininga siya. "I'm taking good care of it." Seryosong sagot niya.
"Kailan mo planong sabihin kay Tita ang totoo?" tanong naman ni Miguel.
Nagkibit-balikat siya. "I really don't know. I mean, habang nandito si Lynne at hindi lumulubay sa anino ni Mommy. Hindi ko pa puwedeng sabihin sa kanya ang totoo. Ayoko din naman ng ganito, ayoko patuloy na magsinungaling kay Mommy. Pero hangga't nandito ang babaeng iyon, at sinabi ko sa kanya ang totoo. Igigiit niya si Lynne sa akin." Paliwanag niya.
"Now that Tita Eve met Laiza. Why doesn't she just send Lynne back to America? Nang sa ganoon ay matapos na lahat ng problema mo. And you can finally court Laiza for real." Sabi naman ni Mark.
"Ano naman ang ibig mong sabihin diyan?" kunot-noong tanong niya sa pinsan.
"C'mon man! You know very well what I'm talking about. Hindi mo maikakaila sa amin na attracted ka kay Laiza." Sagot ni Mark.
"She is beautiful," sabi naman ni Marvin.
"She's more than just a pretty face." Wala sa loob na wika niya habang tumatakbo sa isipan niya ang nakangiting mukha ng dalaga. Sa isang iglap ay nagkaroon siya ng pagnanais na makita ito.
"See, you like her." Sabi pa ni Jester.
"Every man will like her, mabait naman siya." Dagdag pa ni Kevin.
Umiling siya. "Saka ko na muna iisipin 'yan. Ang mahalaga, maniwala si Mommy at Lynne na girlfriend ko si Laiza." Sabi pa niya.
"Bakit hindi mo kaya sabihin sa Mommy mo ang totoo? Maiintindihan ka naman sigurado ni Tita." Suhestiyon ni Jefti.
"Alam ko naman 'yon. Gaya nga ng sabi ko, hindi ko magagawa iyon habang nandito si Lynne. Hindi makikinig kay Mommy 'yon, ipipilit pa rin niya ang usapan ng Mommy ko at Mommy niya."
Napailing si Glenn. "Malala na ang isang 'yon, kaya bantayan mo si Laiza. Baka mamaya makatiyempo 'yon, ayawin siya."
"Oo, kakausapin ko si Laiza mamaya. Ang by the way, 'yung pangako n'yong pagkuha ng insurance sa kanya. Aasahan ko 'yan." Paalala niya sa mga ito.
"Kailangan ba talaga no'n? gagawa ka lang ng kalokohan kung bakit ba kasi kailangan idamay kami." Protesta ni Karl.
"Naka-oo na kayo sa akin, wala ng atrasan 'to." Sabi pa niya.
"By the way, Mark. Naka-ready na ba ang promotion para sa raffle natin next month?" pag-iiba ni Gogoy sa usapan.
"Oh yeah, i-lay it down to you tomorrow. Hindi ko lang dala ang presentation." Sagot nito.
"Advertise ko na rin sa website natin," suhestiyon ni Wesley.
"Mag-meeting na lang ulit tayo this Sunday, doon na lang sa bahay ni Lolo." Sabi pa ni Gogoy.
Agad na tumayo si Wayne sa kinauupuan ng masipat ng mata niya ang oras. "I gotta go, guys. Susunduin ko pa si Laiza." Paalam niya.
"Wow ah? Seryosohan na 'to. Huwag kang magtaka kung magka-developan kayo." Tukso pa ni Marvin sa kanya.
Tumawa lang siya. "This is just all for the show. No personal feelings involved." Sabi pa niya.
"Huwag kang pakasiguro. Tandaan mo, pare. Once love strikes you, you'll never get away with it." Paalala pa ni Miguel.
"Nice, coming from SPO1 Miguel Despuig. That's really something, huh?" tumatawang sagot niya. "I have to go, bye! See you later."
Hindi na hinintay pa ni Wayne na sumagot ang mga pinsan niya. Nakahinga siya ng maluwag ng makalabas siya ng silid na iyon. Muling nanumbalik ang mga katagang sinabi niya.
All for the show. Hindi nga, Wayne? Huwag mong lokohin ang sarili mo. Sabi pa ng isang bahagi ng isip niya.
Sa parking lot, bago niya paandarin ang kotse. Dinaial niya ang number ni Laiza. Sinagot naman nito iyon, kaya lang hindi niya ito marinig.
"Laiza, hello!"
Pagkatapos, binaba nito. Napakunot-noo siya. "Loko 'yon ah, binabaan ako." Sabi pa niya. Mayamaya, may nareceive siyang text. Sira ang cellphone ko kaya hindi kita marinig. Text ka na lang. Sabi niro sa mensahe.
Okay. Papunta na ako diyan para sunduin ka. See you, babe. Reply niya, nilagyan pa niya ito ng smiley.
Babe ka diyan, palagay mo sa akin biik. Reply din nito. Natawa siya sa text nito. Kung mayroon man nagbago sa kanya simula ng makilala niya ito. Iyon ay mas lalong sumaya ang buhay niya.