MEETUP

3763 Words
CHAPTER 2   Nang nasa Glorietta na siya kung saan sila magkikita ay kinakabahan siya. Gusto na niyang umatras at sabihin ang totoo pero ito naman talaga ang gusto niya. Ang makita na in person si Echo. Sa kabilang banda, natatakot din naman siya. Isa kasi siyang manloloko. Ano kaya ang magiging reaction ni Echo kung malaman nitong lalaki at hindi babae ang ka-chat, katext at katagpo niya? Ang ka-chat niyang kinahuhumalingan na niya? Napaaga pa yata ang dating niya. Isa pa mukhang hindi naman niya pinaghandaan ang pagkikitang iyon dahil wala naman talaga sa plano. Nakapang-opisina pa siya. Lumang sapatos at pantalon, neck tie na wala nang tingkad ang kulay nitong itim at longsleeves na hindi din kaputian dahil sa paulit-ulit niya itong isinusuot. Wala pa siyang perang pambili ng bago. Dahil wala pa si Echo ay naglakad-lakad na muna siya baka lang mawala ang nararamdaman niyang kaba. Paikot-ikot siya doon habang hinihintay niya ang pagdating ni Echo. Kilala niya ang hitsura ni Echo ngunit si Echo paniguradong hindi dahil sa senaryong iyon, siya ang dakilang impostor, isang dakilang poser. Hanggang sa nakita na niya ang pagdating ni Echo. Napalunok siya. Nanginginig. Nanlalamig. Alam naman niyang gwapo talaga si Echo kaya nga niya ito nagustuhan e. Kaya siya baliw na baliw na makilala ito. Kahit alam niyang imposible ay gumawa pa din siya ng paraan para maging posible ang kanyang munting pangarap. Hindi lang kasi tamang gwapo lang ang nakikita niya, isang lakaking-lalaki, puno ng karisma at artistahin ang dumating na si Echo. Paano siya ngayon lalapit at magpakilala? Paano niya makukuha ang atensiyon? Kung kailan abot-kamay na niya ang kanyang pangarap ay saka naman niya gustong mag-back-out na lang. “Nasa’n ka? Dito na ako.” Text iyon ni Echo. Noon na siya naalarma. Anong gagawin niya ngayon? Walang Nicole. Hindi siya si Nicole. Paano niya haharapin ang ginawa niyang multo? Nakita niyang umupo si Echo. Palinga-linga. Naghahanap. Kung totoo si Nicole mamumukhaan niya agad ito ngunit walang Nicole. Walang darating na Nicole kaya naman siya ngayon pinagpapawisan kahit napakalamig ng aircon sa loob ng Mall.                 “Reply ka naman. Nandito na ako e.” “On the way na po,” sagot niya kahit ayaw niya sanang paasahin pa ito. Nakita niyang ngumiti si Echo. Halatang excited ito sa kanilang pagkikita. “Take your time po. Sabihin mo lang sa akin kung nasa’n ka na ha.” “Okey.” Maikli niyang reply. “Naka-gray akong jacket ako ha, white shirt at semi-fitted black jeans.” Text uli ni Echo sa kanya. Hindi na siya nagreply pa. Bahala na, kailangan na niyang lumapit. Kailangan niya itong kausapin. Kung walang darating na Nicole, at least, nandoon siya bilang pamalit. Gawan niya na lang ng paraan para mawili ito. Ito na lang yung chance na makausap niya ito in person. Kukunin niya ang loob niya. Hindi siya maaring uuwing luhaan ngayon. Baka ito na lang ang natatanging chance para sa kanya at maaring hindi na mauulit pa. Naglalakad palang siya palapit nang nakita na niyang tumatawag na si Echo. Narinig pa ni Echo ang tunog ng cellphone niya kaya ito napatingin sa kanya. Mabilis niyang inignore ang tawag at nang ibinaba ni Echo ay saka niya mabilis na pinatay na ang cellphone niya. Kumunot ang noo ni Echo. Umupo Tumabi siya kay Echo sa pantatluhang bench. Hindi man lang ito tumingin o sumulyap sa kanya. Nagtetext lang ito. Hanggang sa muling tumingin sa paligid. Naghahanap. Nag-aabang. Nakaramdam siya ng awa. Tinitigan niya si Echo nang malapitan. Napakagwapo nga nito. Malayuan man o malapitan gano’n parin ang dating nito. Ang kaibahan lang sa malapitan, mas amoy na niya ang kabanguhan nito, mas nakikita niya ang di man kaputian ngunit sobra namang kakinisan ng balat at ang magandang tikas ng katawan nito. Parang ang sarap sarap halikan ang labi nitong mamula-mula na binabagayan ng maninipis na bigote at balbas. Matangos ang kanyang ilong na binagayan naman ng nagungusap nitong mga mata. Yung katawan nitong kung siguro maghuhubad paniguradong lalaban ng sabayan kay James Reid. Biglang lumingon si Echo sa kanya nang napansin siguro nito na titig na titig siya dito. Umirap sa kanya si Echo. Mabilis siyang ngumiti ngunit poker face lang ang mukha nito. Hindi ginantihan ni Echo ang matamis niyang ngiti. Hindi niya nakuha ang atensiyon nito. Huminga siya ng malalim kasabay din ng dinig niyang pagbuntong-hininga ni Echo. Muli itong tumawag. “Pucha nakapatay pa ang cellphone. Ano ba ‘to?” dinig niyang bulong ni Echo. “Ano po ‘yon?” pangingialam niya. Sa taong kagaya niyang nag-aabang ng pagkakataon, kahit katiting pang dahilan, susunggaban niya iyon. Kumunot ang noo ni Echo na tumingin sa kanya. “Wala bro.” “Akala ko kasi may itatanong ka.” Ngumiti siya. Parang walang narinig si Echo. Patuloy lang ito sa pagtawag at pagtext. Kita na sa mukha nito ang pagkainis. Sino ba naman ang hindi maiinis kapag hindi na darating at hindi pa makontak ang katatagpuin mo? Mabuti sana kung di ito umasa. Hindi lang siya basta nagsayang ng panahon at pamasahe, nag-expect ito na sa wakas makikita na niya ang gabi-gabi niyang pinagpupuyatan, ang babaeng gusto nitong maging kasintahan. Ang masama, namuhunan na ito ng pagmamahal at tiwala. Nakaramdam siya ng pagkakonsensiya. Tama, nakokonseniya na siya sa ginagawa niyang pagpapaasa kay Echo. “May hinihintay ka?” lakas-loob na tanong niya. Kumunot ang noo ni Echo. Hindi man ito sumagot, wala mang kahit anong namutawi ng labi nito pero basa niya sa mukha nito na waring sinasabing, “Anong pakialam mo, huwag kang epal!” Bumunot siya ng malalim na hininga. Paano ba siya didiskarte? Mukhang suplado din pala ito in person at hindi lang sa f*******:. “Baka hindi na ‘yon darating.” Muli niyang pagpaparinig. Gusto niyang sa kanya na mapunta ang atensiyon ni Echo. Na siya na lang ang kausapin nito. “Anong pinagsasabi mo, bro?” “Yung katatagpuin mo, baka kako hindi na talaga darating.” “Paano mo alam?” “Sinabi mo kasi nakapatay na ang cellphone?” “Gano’n ka kapakialamero, bro?” “Narinig ko lang naman. Kung pinatayan ka na ng cellphone, baka nga hindi ka na talaga sisiputin.” “Hindi ba pwedeng nalowbat lang kaya hindi siya nakakareply? Saka sino ka ba?” “Culver.” Inilahad niya ang kanyang kamay. “I mean sino ka sa tingin mo at nangingialam ka sa akin.” “Kaibigan? Actually f*******: Friends tayo, remember?” Umiling si Echo. “Wala akong planong makipagkilala bro.” “Ouch. Sorry.” Sagot niya. Namula siya. Napahiya. Tumayo si Echo at naglakad palayo sa kanya. Patuloy pa din ito sa pagtawag. Kitang-kita niya kung paano lalo itong naging desperado sa pagtawag at pagtetext. Paikot-ikot. Pabalik balik. Hindi na mapakali. Kung sana kaya lang niyang gayahin si Nicole. Kung sana ay may kapangyarihan lang siyang maging Nicole kaya lang eto lang siya. Lalaki. Bakla. Malabong mapapansin ng guwapong straight na si Echo. Sa ginawa ni Echo na pagpapahiya at paglayo sa kanya, isa lang ang talagang sigurado. Hindi ito interesado sa kanya. Hindi siya nito magugustuhan at masakit din sa kanya na ang taong matagal na niyang gusto ay walang kahit katiting na pag-asang magustuhan o kahit man lang sana mapansin siya. Walang-wala yung pagpapahiya ni Echo sa nararamdaman niya ngayon. Ganito pala ang pakiramdam ng unwanted, broken at rejected. Hindi ba sila pwede kahit sana kaibigan lang? Halos dalawang oras na sila ni Echo doon. Bumili na din ito ng tubig at nakakain na ng shomai ngunit wala pa din kahit text lang galing kay Nicole. Napansin din ni Culver na nakailang ikot na ito sa loob ng Mall at sigurado si Culver na kahit pa tumira doon si Echo, walang Nicole na darating. Siya ang nandoon na willing kakausap dito ngunit hindi naman nito siya gusto. Madalas ngang magsalubong ang kanilang mga tingin at hindi maganda ang mga titig sa kanya ni Echo. Titig na naiinis, titig ng taong naaalibadbaran. Mas lalong nagiging masama ang tingin sa kanya ni Echo  nang sinundan niya ito sa CR at tumabi sa urinal. PInag-ipunan niya iyon ng lakas ng loob. Desperado na kasi siya. Kung hindi niya makuha ang atensiyon nito sa paraang bait-baitan, baka pwede niyang daanin sa bastusan at inisan. Tinangka talaga niyag  gustong silipan sana si Echo, yung pasimple, yung hindi halata kaso badtrip, ang taas at ang lapat lang ng harang ng urinal. Masyadong safe. Tanging masamang tingin ang nakita niya sa mukha ni Echo lalo na nang sabay silang naghugas ng kamay. “Ba’t ka ba sunud ng sunod?” inis na tanong ni Echo sa kanya. “Ako, sinusundan ka? Hindi ah.” “Hindi ah.” Ginaya nito ang tono niya. “Anong hindi ah e, pansin na pansin kita.” “Bawal ba mag-CR?” “Tingin ka pa ng tingin. Ano bang problema mo?” “Wala. Friend nga kasi tayo sa facebook.” Pagpapalusot niya. “Ano naman ngayon kung friend nga kita sa f*******:?” “Syempre may connection tayo.” Inirapan lang siya ni Echo saka ito mabilis na tumalikod. “Suplado.” Pagpaparinig ni Culver. “Ano?” mataas ang boses ni Echo. Halatang inis na inis na. “Wala!” “Wala ka diyan. Dinig kita. Wala kang pakialam bro kung suplado ako. Hindi lang tayo talo.” “Tingin mo bakla ako at gusto kita? Manigas ka.” Malakas pa sa bulong na sagot niya. “Nagpaparinig ka pa e. Hindi kita kilala kaya hindi ko kailangan maging friendly sa’yo bro. Kung suplado ako sa tingin mo, e di suplado. Wala din akong pakialam kung ano o sino ka.” Saka ito lumabas na parang wala lang. Bumunot ng malalim na hininga si Culver. Bakit ba kasi gano’n. Lantaran na siyang hindi gusto ni Echo pero bakit gano’n pa din katindi ang kanyang pagkakagusto. Bakit hindi man niya magawang maturn-off. Bakit hindi na lang din siya aalis at kalimutan na may future silang dalawa. Habang nasa CR siya ay binuksan niya ang kanyang cellphone. Napakarami nang pumasok na text at lahat iyon galing kay Echo. “Nasa’n ka na? Bakit ba naka-off na ang cellphone mo?” Napailing siya. Kawawa naman. “Nicole, darating ka pa ba?” “Sinong Nicole ang darating e poser nga ang kausap mo, baliw.” “Nagugutom na ako, kain lang muna ako shomai at inom lang ako tubig ah habang inaantay kita. Kain na lang tayo uli pagdating mo.” Napabuntong-hininga si Culver. Nagsasabi nga talaga ng totoo si Echo. Text siguro nito kanina nang kumakain siya ng shomai na may pantulak na tubig. “Traffic ba? Antagal mo e.” “Anong traffic, nandito na ako, di mo lang ako gustong kausapin, tanga.” “Ikot-ikot lang ako kasi may lalaki ditong tingin ng tingin. Text mo ako kapag nandito ka na please.” “Ahh, talagang napansin mo nga talaga ako. Chinichismis mo pa.” “Isang oras na ako dito, wala ka pa din. Sa’n ka na ba talaga?” Anong karapatan niyang mainis sa ugali ni Echo. Natural na mainit ang ulo nito dahil walang dumadating na Nicole. Kung siya ang nasa kalagayan ni Echo, paniguradong gano’n din ang mararamdaman niya. Gano’n din kainit ang ulo niya kaya pilit niyang inunawa ang kagaspangan ng ugali nito sa kanya lalo pa’t he is intruding his privacy sa pampublikong lugar. “Magdadalawang oras na oh, wala ka pa din. Dito lang ako ah. Wait kita.” Naisip niya, sobrang tiyaga talaga ni Echo. Kung iba ‘yan mahaba na yung tatlumpong minuto na gugulin sa paghihintay ngunit itong si Echo, andon lang kahit wala nang kasiguraduhan na may darating pa. “CR lang ako ha. Please, sabihan mo naman ako kung may mahihintay ba ako o wala na talaga.” Bumunot siya ng malalim na hininga. Awang-awa na siya kay Echo. Hindi niya na deserve pa itong ginagawa niya. Kailangan na niyang tapusin ang kahibangang ito. May nasasaktan na nga talaga siya. May pinapahirapan. Lalo pa’t hindi lokohan ang hinahanap ni Echo, hindi pampalipas oras at libog. Halatang mahal at gustung-gusto nito si Nicole at kung patatagalin niya ito, lalo lang niya ito masasaktan. Patuloy lang din niyang sasaktan ang sarili dahil sa guilt. “Umuwi ka na, di na ako darating. Pasensiya ka na.” reply niya habang naglalakad siya palabas ng CR. Hinanap niya si Echo. Nakatayo lang ito. Binabasa nito ang reply niya. “Bakit may nangyari ba?” reply ni Echo. Tumingin muna siya sa hitsura ni Echo na parang nababahala bago siya muling nagreply. “Wala pero ayaw ko na.” “Ayaw mo na? Anong ayaw mo na?” Umupo na ito na parang hapong-hapo. “Tama na ‘to. Ayaw ko nang makipaglokohan pa.” “Makipaglokohan. Sinong nakikipaglokohan? Seryoso ako sa’yo.” “Hindi nga kita gusto.”Masakit para sa kanyang ireply iyon ngunit sa pagkakataong iyon, alam niyang iyon ang nararapat niyang gawin. Naglakad siya palapit kay Echo. Nakita niya ang pamumula ng mga mata nito. Nagbabadya ng pagluha. Lalo na tuloy siyang nakaramdam ng awa.  “Paanong hindi mo na ako gusto. Hindi pa nga tayo nagkikita o nagkakaharap in person e. Please naman huwag naman ganito.” “Nakita na kita. Hindi kita gusto. Hindi mo din naman ako magugustuhan. Umuwi ka na lang.” Parang nadudurog ang puso niyang ireply iyon. “Ah so nakita mo na ako? Sana man lang lumapit ka at sinabi sa mukha ko na di mo talaga ako gusto.”  “Oo at hindi din ako totoo.” “Paanong hindi ka totoo? “Poser lang ako. Kaya tama na. Sorry.” “Sabi ko na nga ba e. Tama ka nga lokohan na ‘to. Kakarmahin ka din kung sino ka man!”  “Pasensiya na. Ingat na lang.” napaluha siya. Iyon ang pinakaayaw ngunit pinakatama niyang dapat gawin. Ang tapusin na ang kahibangan niyang iyon. “Okey. Bye. Salamat ha.” Iyon ang reply ni Echo. Tinignan niya si Echo. Yumuko ito. Tumabi siya. Dinig niya ang sunud-sunod na pagbunot nito ng malalalim na hininga. Alam niyang lumuluha ito. Damn! Nasaktan niya si Echo. Nasasaktan din naman siya ngunit ang pagkakaiba, batid niya at napaghandaan na niyang wala naman talaga itong patutunguhan at darating sa panahong matatapos sa ganito ang lahat ngunit si Echo, hindi gano’n iyon. Umasa ito. Namuhunan ng mas matinding emosyon. Bumuo nang pangarap. Pinaghahawakan niya ang masasaya at matatamis nilang mga palitan ng messages. Inilabas niya ang panyo niyang puti. “Heto oh.” Inabot niya ang panyo niya sa noon ay nakayuko pa ding si Echo. Tumingin ito sa kanya. Tigib ang luha sa mga mata nito. “Para saan ‘yan?” “Para sa luha mo, malinis ‘yan?” Hindi nito kinuha ang panyong ibinibigay niya.Pinunasan ni Echo ang luha niya gamit ang sarili nitong panyo. “Salamat na lang bro. Meron ako.” Ngumiti ito. Isang pilit na ngiti. “Sige, una na ako.” Tumayo na ito. “Baka kailangan mo ng kausap. Dito lang ako bro.” pagpapahabol niya. “Hindi kita kailangan. Pwede ba, tigilan mo ako. Hindi ako masama at bastos na tao pero yung ginagawa mong pangingilam hindi ko gusto.” “Kilala nga kita.” Binunot ni Echo ang cellphone niya. Sandali itong tumingin doon. “Ikaw ‘to, hindi ba?” Kinabahan si Culver. Ngayon siya natakot sa sarili niyang multo. Patay na.  Nalaman na nito na siya ang poser. Siya ang nanloko sa kanya. “Ano bro, ikaw ‘to hindi ba?” Tumingin siya sa screen ng cellphone ni Echo. “Ako nga.” Yung totoong f*******: niya ang naroon at hindi ang poser account niyang si Nicole. “Kilala mo din ako?” “Hinanap ko lang kanina kasi familiar ka e.” “Sabi ko naman sa’yo e.” “Makulit ka din kasi sa messenger, kasingkulit mo in person.” “Friends in real?” mabilis niyang inilahad muli ang kamay niya. “Una na ako.” Hindi na naman nito tinanggap ang kanyang nakalahad na palad. “Uwi ka na?” “Oo, wala na pala ako dito katatagpuin e.” “Sige, ingat.” “Ingat din.” Tumango ito saka mabilis na lumabas sa Mall. Naiwan siya sa Mall. Broken, culpable, alone and feeling undesirable. Tama lang na makaramdam siya no’n. Kun pwede lang sana magpasuntok kay Echo kanina ginawa na niya bilang kabayarang ng ginawa niyang katarantaduhan dahil lang sa kagustuhan niyang mapansin at makilala si Echo. Umuwi siyang dobleng sakit ang kanyang nararamdaman. Nakasakit na siya, hindi pa siya gusto ng kanyang gusto at walang posibilidad o kahit katiting na pag-asa na magugustuhan siya ng kanyang nagugustuhan. Bagsak ang kanyang mga balikat na pumasok sa kanilang bahay. “Ginabi ka ‘yata ‘nak,” pansin ng Mama niya. Nagmano muna siya sa may edad at nagme-maintenance nang mama niya dahil sa nagiging masakitin na din kasi ito. “Overtime po.”  Kumain ka na?” “Di ako gutom Ma.” Papasok na sana siya sa kwarto niya nang nakita niya ang Papa niya na naka-upo sa inutang niyang wheel chair nito. Hindi pa rin ito nakapagsasalita dahil nagte-theraphy pa pero batid niyang nakikita ng Papa niya ang paghihirap niyang itaguyod na ang kanilang pamilya. Ayaw niyang isipin nito na pabigat na ito sa kanya. Nilapitan niya ang Papa niya at nagmano. “Kumusta ‘Pa, nakakain ka na ba?” tanong niya sa Papa niya. Sumagot ito ngunit hindi niya maintindihan. Huminga siya ng malalim. “Sige po, magpapahinga na po ako.” Pinunasan na muna niya ang laway ng papa niya saka siya pumasok sa kanyang kwarto. Hindi kasi niya natatagalan pang makita ang dati malakas at masayahin niyang Papa na nasa ganoong kalagayan. Napilitan kasi itong mag-early retirement dahil nga sa tinamaan siya ng heart attack. Dahil doon, nalubog na din siya sa utang. Isama pa ang dalawa niyang kapatid na nag-aaral na kailangan niyang suportahan. Ibinaba niya ang kanyang bag sa maliit na mesa. Nakita niya ang mga bayarin tulad ng kuryente, tubig at tuition ng kanyang dalawang nagsisipag-aral na mga kapatid. Sumisikip ang kanyang dibdib habang inisa-isa niyang tinitignan kung magkano. Hindi niya alam kung saan pa siya kukuha sa mga pambayad niya sa mga iyon. Sumasakit na ang kanyang ulo. Gusto na talaga niyang bumigay. Si Echo na lamang ang nagbibigay sana sa kanya ng dahilan para ngumiti at lumaban sa buhay pero mukhang nganga. Kahit sana iyon na lang subalit wala talaga kahit katiting na pag-asa. Masakit man, mahirap man ang malayo ay mukhang kailangan na niyang tanggapin ang inaalok sa kanya ng kaibigan niya sa Saudi na trabaho bilang Accountant. Wala nang mangyayari pa sa sinasahod niya dito sa Pilipinas. Wala na nga siyang mauutangan pa. Si Robert ang kailangan niya ngayon. Si Robert ay kaibigan at kaklase niya na bakla din. Kagaya niya, patago lang din. Nanligaw ito sa kanya noon ngunit hindi talaga kasi siya nagkakagusto sa kagaya niyang bakla din. Kahit pa gaano kagwapo kung malalaman niyang may dugong berde ito, nawawalan kaagad siya ng interes. Nagtataka nga siya sa mga kakilala niyang nagbabaklaan. Yung bakla na ang isa, mas bakla pa ang dyowa niya. Hindi naman niya iyon kinu-question, basta siya, ayaw niyang mas bakla pa sa kanya ang magugustuhan niya.                 Nirespeto ni Robert si Culver nang sinabi nitong hindi sila talo. Naging matalik silang magkaibigan. Kung tutuusin bukod sa babaeng kaibigan niya sa trabaho, si Robert lang ang nakakaalam na bakla siya. Takot siyang magladlad. Nahihiya siyang umaktong bakla kahit pa mas bakla siya sa iba pang bakla. Nasa loob lang ang kanyang kulo. Nasa kaibuturan ng kanyang puso ang kanyang kalandian.                 Naupo muna siya. Handa na ba talaga siyang umalis? Kapag magreply siya kay Robert, dapat sigurado na siya. Ibinagsak niya ang katawan niya sa kama. Sandaling tinimbang-timbang ang lahat. Kung di siya aalis, bukas makalawa, masasaid na siya at baka pati pangkain nila poproblemahin na niya. Kailangan na talaga niyang kumilos ngayon. Kailangan na niyang magdesisyon para sa kanyang buong pamilya.                 Tinignan niya ang mga pictures ni Robert. Mukha naman itong masaya doon. Mukhang nakakaangat-angat na. Mabuti pa siya malakas ang loob. Kaga-graduate palang kasi nila nang nag-abraod na ito, kaya madami na itong napupundar, nakakapamasyal na sa iba’t ibang bansa habang siya ni pagsakay sa eroplano, wala pa siyang karanasan. Binuksan niya ang f*******: niya. Mabilis niyang hinanap sa messenger niya ang account ni Robert. “Bakla, sige na sunod na ako diyan. Anong kailangan kong ilakad na papers?” agad niyang reply sa sineen lang niyang chat nito noong isang araw. Nakukulitan na kasi siya kaya hindi na muna niya sinagot. Dahil hindi pa agad ito nagreply ay nagpalit na muna siya ng pambahay. Bumaba siya. Nagtoothbrush at naghilamos. Sinilip niya ang mukha niya sa salamin. Hindi na yung dating siya ang nakikita niya doon. Kaya siguro hindi siya magustuhan ni Echo kahit pa bi o bakla ito dahil sa napabayaan niyang kaguwapuhan. Bakas man ang kanyang gandang lalaki ngunit natabunan na nito ng kanyang impis na mukha, mahabang balbas at bigote, nangingitim na paligid at eyebag sa kanyang mga mata at ang tuyot niyang mga labi. Sa sobrang pagod sa paghahanap-buhay hindi na niya naisip pang magpagupit. Parang tumanda na agad siya ng sampung taon. “Kuya nakita mo yung mga bayarin na inilagay ko sa kwarto mo?” tanong ng kanyang kapatid. “Kakagulat ka naman. Kanina ka pa diyan?” Tumango ang kapatid niya.“Sorry kuya ha. Nagulat ka?” “Hindi. Nagising ako.” “Kuya naman e.” bumunot ng malalim na hininga ang kapatid niya. “Oh, anong drama yan?” “Paano kaya kung titigil na lang ako?” “Titigil ka?” “Opo.” “Sira ka ba? Di lalong walang mangyayari sa buhay natin.” “Naaawa na kasi ako sa’yo e.” “Bilang panganay responsibilidad ko ‘to.” “Tutal naman, First year college palang naman ako. Tulungan na muna kita?” “Hindi ka titigil.” “Paano ang mga bayarin?” “Ako nang bahala do’n.” “Pwede naman akong magtrabaho na lang kuya, eh.” “Eh, di maghanap ka ng trabaho na pwede ka pa ding mag-aral. Kung gusto mo talagang makatulong sa akin, mag-aral kang mabuti.” “Sige kuya. Salamat po.” “Tulog na ba si Papa at Mama?” “Kapapasok lang ho.” “Kausapin ko na lang sila bukas.” “Bakit kuya?” “Aabroad na lang ako.” “Aabroad ka? Saan?” “Sa Palawan.” “Kuya naman e, saan nga.” “Sa Saudi.” “Akala ko ba ayaw mong mag-abroad? Sabi mo dati hinding-hindi ka aalis.” “Kailangan na e. Iba na ang buhay natin ngayong may sakit na si Papa.” “Kaya mo ba do’n?” “Kakayanin.” “Naku kuya mahirap do’n. Mag-isa ka lang ta’s anlayo pa.” “May abroad bang nandiyan lang sa labas ng bahay?” “Bwiset. Balita ko, ambabaho daw ng tao do’n e.” “Alam mo? Galing ka na ba do’n?” “Sabi lang nila.” “Sabi lang pala e. Hayaan mong magsabi sila. Saka ano pakialam ko sa mabahong tao do’n. Trabaho ko bang amuyin sila kapag nandoon na ako?” “Ewan ko sa’yo kuya. Nalulungkot na ako nagpapatawa ka pa.” “Aba, andrama mo ah. Wala pa nga akong passport may nalalaman kapang nalulungkot. If I know, ikaw ang unang magbubukas at maghahanap ng chocolate na ipadadala ko.” “Madami ba? Kuya ah alam mo na. Saka dapat size ng sapatos ko dala mo na agad.” “Tignan mo ‘to, may arte-arte pang nalalaman kanina pero mukhang swelas ng sapatos na nakaapak ng chocolate. Sige na, magbasa ka na.” “Sige kuya. Goodnight po.” “Good night. Patayin mo mga ilaw na di mo kailangan kasi wala tayong pambayad ng kuryente. Yang gagamitin mo lang na ilaw ang buksan mo.” “Okey po.” Pagpasok niya sa kuwarto ay nakita niya ay binuksan niya agad ang cellphone niya. Umaasang mag reply na si Robert pero wala pa din. Binuksan niya ang Nicole account niya para burahin na iyon nang tuluyan. “Poser! Tang-ina mo, magpakamatay ka na kaysa mang-uto ng ibang tao.” Message iyon ni Echo. “Sorry. Ingat na lang lagi. Sana mapatawad mo ako,” reply niya. Kailangan na niyang idelete nang tuluyan ang account niyang iyon. Tama na ang kahibangan. May pamilya siyang umaasa sa kanya. Kailangan niyang mag-focus na lang muna sa kanyang pamilya. Isantabi na muna niya ang kalandian dahil hindi naman talaga siya magugustuhan ng kaisa-isa niyang gusto. Tama nang napagbigyan niya ang kanyang sarili nang minsan. Nang nadelete na niya ang account ni Nicole ay binuksan na niya agad ang kanyang official f*******:. Nakita niya sa notification ang reply ni Robert sa kanya. Natuwa siya. Ngunit lalo siyang natuwa nang may isa pang notification. Galing kay Echo. Kinabahan siya. Bakit ito nagmessage sa kanya? Sa anong dahilan? Nanginginig ang mga kamay niyang binuksan ang message ni Echo. Pakiramdam niya, naulanan siya ng limang baldeng pag-asa sa message ni Echo.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD