ANG BARAKONG BAYARAN
CHAPTER 1
“Wahid kabsa sadik,” order niya sa isang Pakistani.
“Aiwa. Dagiga sadik,” sagot nito sa kanya.
Madaming kumakain nang oras na iyon at lahat ng mga mesa ay okupado na kaya naisipan niyang pumuwesto at tumayo muna sa gilid habang inaantay niyang maluto ang take-out order niya. Dahil pagod sa trabaho kaya nagdesisyon siyang bumili na lang ng pagkain niya. Wala na rin siyang lakas at oras pang magluto. Ramdam na niya ang sobrang gutom.
Sa kakamadali hindi na niya naisip na nasa Saudi nga pala siya. Sa baba lang naman ito ng tinitirhan niyang apartment kaya may pagdadalawang isip siya kung aakyat pa ba siya at magbihis o simplehan na lang niya ang pagtago-tago muna. Nang napansin niyang panay ang tingin ng mga dumadaang arabo sa maputi at makinis niyang hita ay nagsimula na siyang maalarma. Nagdadasal na lang siyang hindi sana siya makita at huliin ng mga mutawa. Nakasando pa pala siya. Kaya mas lalong maraming naaakit na titig na titig sa kanya.
Artistahin naman talaga siya. Hindi din siya halatang bading dahil kilos at boses lalaki siya. Bnagayan pa ito ng tangkad at maayos na tindig. Biniyayaan siya ng kahit hindi batak sa gym ay maganda din naman ang kanyang pangangatawan. Marami sa kanyang nagkakagustong ibang lahi at Pilipino pero sadyang pihikan siya. Mabibilang lang sa kanang kamay niya ang nakarelasyon at nakatalik niya. Ibig sabihin hindi siya malandi at hindi rin basta-basta nakikipagsex sa kung kani-kanino.
Natuwa siya nang nakita niyang may bakante ng mesa. Minabuti niyang umupo na muna roon nang di siya mapagdiskitahan ng mga arabong naghahanap ng mapaglalabasan nila ng kanilang kalibugan.
Dumaan siya sa mesa ng Pinoy na kanina pang nakatingin at umiiling-iling na akala mo napakalaking kasalanan ang kanyang ginawa.
Hindi na lang niya ito pinansin.
“Kabayan, baka mahuli ka niyan,” biglang pangingialam nito. Hindi na yata kasi nito kayang manahimik lang.
“Oo nga kabayan e. Salamat sa paalala.”
“Dapat kasi hindi ka nagso-short ng maiksi at nagsasando. Bagong salta ka?”
“Hindi ho.”
“Hindi naman pala. Dapat alam mo nang bawal dito.
“Medyo nagmadali lang akong bumaba kasi.”
“Baka wala ka pa niyan dalang iqama.”
“Wala nga ho.”
“Naku patay ka niyan. Kaya tayo nahuhuli e”
Minabuti niyang hiindi na lang patulan.
“ Tignan mo oh, lumuluwa tuloy ang mga mata ng mga ‘yan,” patuloy pa din ito sa pagpapapansin.
“Di nga sila maintindihan e. Sila itong sobrang istrikto ang batas pero sila itong number one na manyakis.”
“Di naman natin sila masisisi kasi nga mahirap sa kanila ang mambabae, mahirap makakita ng makinis at maputing hita at katawan. Kaya tuloy tayong mga pinoy ang pinagdidiskitahan ng mga ‘yan.”
Ngumiti lang siya.
“Anong pangalan mo?” tanong na nito sa kanya.
“Iba din talaga magpasakalye ang Pinoy,” Naisip niya. Akala niya kasi kanina ay nagmamalasakit lang ito sa kanya.
“Culver ho.” Maikli niyang sagot.
“Ah, Colvir.”
“Culver sir.”
“Colvir nga.”
Hindi talaga makuha kaya hindi na lang niya inulit pa. Colvir na kung Colvir.
“Matagal ka na dito?”
“Mga limang taon mahigit na yata?”
“Yata? Hindi ka sigurado?”
“Basta ho.”
“Pwedeng makuha number mo?”
“Bakit mo kinukuha number ko sir?”
“Wala, para kaibigan ba.”
“Sadik, here is your order,” tawag sa kanya ng Pakistani. Hindi niya alam kung paano niya ito pasasalamatan dahil inilayo siya sa isang kababayang para-paraang lang.
Hindi na siya nagpaalam pa sa Pinoy na iyon. Alam na kasi niya ang mga style ng iba niyang kababayan. Kaibigan daw pero kapag sasama sa inuman at malasing, may iba palang pakay. Ilang beses na ba siyang nabiktima noong bago palang siya sa Saudi? Balbas sarado o bagong ahit, mahaba ang buhok o kalbo, payat o mataba, pandak o matangkad, maitim o maputi, bakla o mukhang barako, kapag nag-aya ng inuman at walang maabutan na ibang bisita, ibig sabihin no’n may pakay na iba. Mahirap magtiwala dahil kung sino pa ang kababayan, sila pa ang magdadala sa kapahamakan. Kung sino pa yung katrabahong pinoy, sila pa ang hihila pababa at di nagpapansinan sa trabaho. Isang katotohanang napakahirap maintindihan sa mga ugali ng mga magkakababayan sa ibang bansa. Malayo ang mga kaugaliang ito sa kanyang inaasahan nang bagong salta siya.
“Uyy kabayan asan na nambir mu?” hinabol pa talaga siya sa labas.
“Salamat na lang sir. Hindi ko ipinamimigay ang number ko sa kung sinu-sino lang.” ipinaramdam niya ang pagkainis niya.
“Suplado naman, porki gwapu.”
“Magahanap kang mga bagong salta na mauuto mo kuya.” Nakangiti niyang sagot.
Nalulungkot siya sa buhay niyang mag-isa sa Saudi. Kakain mag-isa, matutulog na solo, papasok sa trabaho, uuwi pagakatapos ng maghapong pakikipagbuno sa mga may anghit niyang kasamahan at makipag inglisan sa mga dunung-dunungan niyang mga katrabaho. Accountant siya ngunit ang trabaho niya parang personal assistant at secretary lang na may konting accounting. Mabuti na lang at mataas ang sahod niya at magandang company din naman ang napasukan niya. Dahil may pakotse ang kumpanya nila, madami ding mga lalaking umaaligid. Nagpapansin para maambunan. Halos ipamigay na nila ang kanilang mga katawan kapalit ng ilang riyal lang na kabayaran. Status quo yata yung sa ibang bansa na kapag may kotse ang Pinoy, mataas ang sahod o maganda ang company.
Marami siyang mga kaibigang pinapatos ang mga batang bagong salta na mababa ang sahod. Ngunit siya, hindi niya gusto ang ganoong kalakaran. Kung may makakasiping man siya, yung alam niyang seryosohan na at mauuwi talaga sa relasyon hindi yung tikiman lang at magkakasiraan kapag di naibigay ang gusto. O kung magbabayad din lang naman siya, do’n na sa taong gustung-gusto na talaga niya.
Nagkagusto din naman siya kay Kurt. Kaibigan niya ngunit dahil straight ito ay hindi daw papatol sa kagaya niya ay tinuruan niya ang puso niyang tanggapin lang ang lahat. Alam niyang mahirap para sa kanya at sa straight din na ipilit ang hindi naman talaga dapat. Sasaktan lang niya ang kanyang sarili at lalayo lang din ang loob ng straight. Kapag straight, malabong mahalin ang kagaya niya. Hindi man niya nilalahat maaring may straight din na nagmamahal ng totoo sa bakla ngunit habang wala pa siyang nakikita at hindi pa nangyayari sa kanya ang ganoon, malabong paniniwalaan niya iyon. Ang straight na lalaki ay para sa babae, period.
Hindi siya natutuwa sa mga kaibigan niyang iba-ibang lalaki ang isinasama nila sa kanilang mga house party o kapag nagkakape sa labas. Nalilito na nga ang mga ito sa pangalan ng kanilang date dahil sa dami at iba’t iba nilang isinasama. Hindi naman siya pagmamalinis, nagkaroon din siya ng dalawang boyfriend sa Saudi. Minahal din naman niya ang mga iyon ngunit nang lantarang maramdaman niyang pineperahan lang siya, siya na mismo ang kumalas. Hindi siya mayaman para waldasin ang pera niya sa taong mas pangit sa kanya. Yung isa, may landing di niya inakala. Lahat na pala ng kaibigan niya ay natikman na ang boyfriend niya. Siya na lang pala ang hindi nakakaalam na ikinama na ng lahat. Mula noon, mas pinili na lang niyang magsarili dahil madami pa siyang responsibilidad sa Pilipinas. Kaya nga siya nangibang-bansa dahil sa kahirapan ng kanilang buhay. Siya na lang ang inaasahan at kung hindi siya tumino at mag-ipon ng mag-ipon habang nasa ibang bansa pa siya ay baka uuwi siyang luhaan.
Sa kabila ng pagiging matigas ng puso niya sa mga narpaparamdam na mga lalaki ay may malambot naman siyang puso sa alam niyang talagang nangangailang ng tulong. Kapag wala siyang trabaho ay tumutulong siya sa embahada para sa mga distress OFW, mga kababayang niloko, may malubhang sakit at kung anu-ano pang mga problema na kinakaharap ng ilang hindi pinalad sa ibang bansa. Nagbibigay siya sa mga nangangailan. Kinukuha niya iyon sa kanyang sariling ipon. Nagtitipid siya sa sarili niyang pangangailangan para may maiabot sa ibang alam niyang walang ibang matakbuhan. Siya ang sinasabing gwapo na sa panlabas, pogi pa sa panloob.
Pagkatapos niyang kumain ay naligo na siya para maghandang matulog. Ipinagpapasalamat niyang hindi siya tabain. Maganda pa din ang kanyang katawan kahit bihira siya magbuhat. Angkin niya ang katawang pangromansa. Ngunit bakit napakailap sa kanyang makahanap ng totoong pag-ibig. Hindi naman siya pangit pero bakit wala sa kanyang nagmahal ng totoo? Hindi kaya dahil masyado rin siyang pihikan?
Pagkatapos niyang maligo ay naglagay muna siya ng moisturizer sa kanyang mukha. Dahil sa sala sa init, sala sa lamig ang panahon ng Saudi, madaling magtuyo ang balak at labi. Kaya iyon ang hindi niya kinakaligtaang gawin bago matulog. Kung tutuusin dahil likas naman ang kinis at puti ng kanyang kutis, hindi na siya dapat naglalagay pa ng mga ganoon pero dahil nasa bansa siya kung saan madaling matuyo ang balat, kailangan isama niya iyon sa kanyang daily regimen.
Nag-f*******: muna siya pampaantok. Nakita niya ang post ni Echo na “Here I Come Saudi.” Nagulat siya. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Matagal na niyang f*******: friend si Echo. Matagal na niyang crush nang nasa Pilipinas palang siya ngunit alam niyang straight ito kagaya ni Kurt. Kilala niya si Echo, nakita na niya ito in person, nakausap at minahal. Hindi lang naging maganda ang simulain at kuwento nilang dalawa. Isang pagkakamaling hindi niya nakalimutan.
Paano pala niya nakilala si Echo?
Nag-appear lang sa people you may know ang profile ni Echo sa kanyang f*******: dahil siguro sa may tatlo silang mutual friend. Akala niya nga noong una, poser ito dahil bukod sa artistahin, kokonti lang ang picture nito sa profile niya at bihira din magpost. Sinubukan lang niyang i-add at ia-unfriend na lang niya kung sakaling mapatunayan niyang poser nga lang ito.
Umabot pa ng ilang weeks bago may notification ito na inaksep na ang friend request niya. Nakalimutan na nga niya ito. Nang naging friends sila sa f*******: ay saka niya nabigyan ang sarili niya ng pag-asa. Pag-asa na baka pwede naman, pag-asang baka mapansin siya, pag-asa na sana bi o discreet din ito para may pag-asang mahalin siya. Nakuha kasi ni Echo ang mukha at tipong hinahanap niya sa isang lalaki. Kaya niyang pagmasdan ng kahit ilang oras ang mga pictures nito sa f*******:. Nangangarap na sana maging sila. Sige, kung di pwede baka naman maaring magkaibigan lang. Okey na sa kanya yung makausap o maka-close niya ito kung hindi talaga sila pwede.
Ngunit nakailang wave na ba siya? Ilang hi, kumusta, anong atin, hello at mga simpleng pagpapansin at comment sa pictures nito ngunit walang kahit pa-like man lang. Ni hindi nito magawang buksan o basahin ang mga message niya. Iyon ang katotohanan sa f*******:. In-accept nito ang friend request niya ngunit hanggang do’n lang pala lahat. Hindi siya kinausap, hindi siya pinansin o kahit man lang i-seen ang message niyag inamag na ng panahon. Naka-ignore na siya agad hindi pa man siya nagmemessage,
Hanggang sa naisip niyang gumawa ng fake account. Baka naman sa pagiging poser ay magkausap sila. Baka iyon lang ang paraan para mapansin siya. Naghanap siya ng magagandang picture ng babae. Pati mga videos ng profile na napili niyang nakawan ng pagkakakilanlan ay dinowload niya saka inupload. Ginawa niyang parang totoo ang account na yon. Nag-ipon ng madaming friends, likes at comments at nang alam niyang handa na ang account ay naglike siya gamit ang account niyang Nicole Ayala sa isang nakapublic profile ni Echo. Walang pang tatlumpong Segundo, nakita na niya agad na nagpapa-add si Echo. Nalungkot siya. Napatunayan niyang straight nga ang crush niya. Paano ba magmahal ng isang straight? O mas magandang itanong kung paano siya magugustuhan at mamahalin ng isang straight.
In-accept niya agad si Echo. Naghintay na magmessage ito sa kanya ngunit hindi nangyari sa gabing iyon. Dahil siya si Nicole Ayala, hindi siya pwedeng maunang magmessage. Babae siya e. Nagdesisyon siyang matulog na lang kaysa maghintay siya sa wala. Nilog out niya si Nicole Ayala at nilog in niya ang kanyang account. Bago natulog ay muli siyang nagmessage ng pang 17 na di nabubuksan ni Echo. Siguro sampung buwan na mula nang nagsimula siyang mag-hi. Minsan o dalawang beses lang naman niya iyon ginagawa sa isang buwan. Yung “Hi” niyang pang-17 ay wala lang din naman ‘yon sa kanya. Hindi na siya umaasang sagutin siya. Nasanay na kasi siya ng gano’n.
Tumunog ang notification niya. Tinignan niya iyon na papikit-pikit pa dahil inaantok na siya.
“Hi bro.”
“Nanaginip na ba ako,” sinampal niya ang sarili. “Aray! Gising ako! God, pinansin niya ako! Nagreply siya ng Hi bro!” napabangon siya sa tuwa. “Oh my ano sasabihin ko? A”nong dapat isasagot ko sa “Hi bro” niya na dapat magkainteres siya na magtuluy-tuloy ang aming kuwentuhan? Ano na ang itatype ko…” bulong niya sa sarili.
“Gising ka pa pala…” Delete. Parang ambobo. Nakapagchat nga di ba?
“ Kumusta?” Boring, sasagutin lang niya ng “ok lang” tapos ang usapan.
“Ano nangyari sa buong araw mo?” Delete… “Oh God! Masyadong mahaba ang sagot niyan. Ikukuwento pa nito ang buong araw niyang ginawa. Baka mainis i-block pa ako.
“May girlfriend ka na?’ backspace… masyado nang personal.
Ano bang pwede niyang itanong sa simpleng “Hi Bro.”
“Salamat sa reply, model ka po ba?’ pinakasafe na tanong. Mga tanong na kahit hindi diretsuhan ay sinasabi niyang gwapo o maganda ang mga kuha nito, pang model. Sana sumagot.
Kinakabahan. Nawala na ang antok niya kanina. Handa siyang magpuyat.
Ngunit seen lang. Sobrang tagal na ang isang oras niyang paghihintay. Kahit inaantok ay umaasa siyang magrereply pa ito ngunit mukhang hindi na mangyayari pa.
Binuksan niya ang kanyang poser account na Nicole Ayala.
Sunud-sunod ang mga notification sa message. Lahat ay galing kay Echo. Minessage na siya ni Echo. Kaya pala seen na lang siya sa totoong account niya dahil babae ang gusto niyang kausap at hindi lalaki.
“Musta po. Salamat sa pag-accept.” Iyon ang unang message ni Echo.
“Ganda ng mga kuha mo ah. Sana maging friends tayo?
“Busy ka ba chat tayo?”
“You there?”
Apat agad? Huminga muna siya ng malalim. Kailangan niyang sagutin ang unang message ni Echo.
“No worries. Thank you sa pagrequest.”
“Ikaw din po, pangmodel ang mga kuha mo. Friends? Hmmnn tignan natin.” Pagpapakipot niya. Kinikilig tuloy siya kahit alam niyang hanggang chat lang naman ito.
“Sorry ngayon lang kasi ako nag-open.”
“Yes, I’m here na po.”
Lahat ng message ni Echo ay sinagot niya isa-isa. Wala siyang nilagpasan. Umaasa na gising pa ito at magreply. Umabot pa ng limang minuo bago ito nagreply.
“Totoong account mo ‘to?” tanong ni Echo.
Napangiti siya. Nawala na uli ang kanyang antok.
“Mukha bang hindi? May mga videos pa ako diyan.”
“Bakit konti lang friends mo?”
“189 konti ba ‘yon sa’yo? Yang 188 na nandiyan, mga family ang friends ko na close ko lang. Ikaw yung 4,899 na friend mo sa f*******: kilala mo ba lahat?”
“Hindi.”
“See, anong silbi na madami kang friends sa f*******: kung di mo naman sila kilala? Sorry ikaw lang kasi ang in accept kong hindi ko kilala.”
“Talaga? Buti in-accept mo ako?”
“Cute ka kasi at mukhang mabait.” Kinikilig na siya. Naisip niyang ang sarap palang ka-chat ni Echo. Madaling araw na nang matapos silang mag-usap. Nalaman niya ang kumpleto nitong pangalan, kung ilan na ang kanyang naging girlfriend. Mga dreams niya, likes and dislikes, favorite food at ang gusto niya sa babae. Nagpalitan din sila ng number. Iyon ang pinagsisihan niyang ginawa niya. Paano kung tatawagan siya at marinig niya ang boses niyang lalaki? Hindi naman habang-panahon na magdadahilan siya kung bakit hanggang text at chat lang siya.
Ang masaklap dahil sa sinabi niyang 189 na totoong friends niya lahat ang nasa f*******: nya, kinabukasan hindi na niya friend pa si Echo sa original account niya. Ilan na lang ang nakita niyang bilang ng friends nito sa f*******:. Gano’n kalakas si Nicole sa kanya? Kaya niyang magpuyat at isa-isahing burahin ang di niya totoong kaibigan o kakilala sa f*******: niya dahil lang sa sinabi ni Nicole. Nainis siya slight kay Nicole. Sandali, nainis siya sa sarili niya. Dapat hindi niya binigyan si Echo nang ganoong idea. Ngayon eto siya, yung real account niya ang inunfriend ni Echo.
Ilang gabi ding napuyat siya dahil sa walang patid na pagchat nila. Hanggang sa pakiramdam niya mahal na niya si Echo. Kilalang-kilala na kasi niya ito. Nagsabi din naman si Echo na magaan na ang loob nito sa kanya. Ngunit gusto niyang magkita na muna sila. Hindi siya maaring magmahal sa taong hindi niya pa nakikita o nahahawakan.
Isang araw ay nagulat na lang siya nang biglang tumawag si Echo sa kanya. Mabuti at kasama niya ang katrabaho at matalik niyag kaibigan na babae. Hinila niya ito.
“Bakit?”
“Sagutin mo. I –speaker ko. Isesenyas ko ang sagot mo ok? Sabihin mo lang na ikaw si Nicole.”
“Sinong Nicole?”
“Gaga, si Nicole yung kinukuwento kong ako na poser sa’yo.”
“Ah so, ito si Echo na kachat mo bilang si Nicole.”
“Sa wakas nagamit din ang utak..”
“Ah so ganyanan? E di ikaw ang kakausap.” Ibinalik niya kay Culver ang tumigil na sa pagring niyang cellphone.
“Hayan, nawala tuloy.”
Biglang tumunog uli ang cellphone.
“ Hayan natawag uli. Sagutin mo na bilis!” pinindot niya ang cellphone at naka-speaker ito. Iniabot niya ang cellphone sa kaibigan niya.
“Hello.” Buo ang boses na nrinig nila ng kaibigan niya. “Hello, Nicole, Echo ‘to.”
Hindi nila napigilan ng kaibigan niyang babae na kiligin sa ganda ng boses nito. Barako. Lalaking-lalaki.
“Hello?”
“Sumagot ka na kasi, hello na siya ng hello.” Bulong niya sa kaibigan niyang natameme.
“Hello Echo, nag –eecho ka kasi e.” sagot ng kaibigan niya at muntik na niya itong masipa sa kawalang kuwenta nitong kausap.
“Baliw. Ano kita tayo mamaya?”
Sinenyasan niya ang kaibigan niyang hindi pwede.
“Oo naman, saan ba at anong oras?” nang marinig niya ang sagot na iyon ng kaibigan niya ay gusto na niya itong sakalin.
“Mamayang 6, Glorietta tayo?”
Gusto na niyang agawin ang cellphone.
“Sige mamaya na lang 6. Text mo san tayo magkita sa Glorietta ha?”
Inagaw na niya ang cellphone.
“Sure.”
Pinatay niya na agad.
“Anong ginawa mo? Nakakainis ka naman e.”
“So ano, seseryosohin mo ‘yan tanga? Pinaglalaruan mo ang buhay mo at buhay nong tao. Itigil mo nga ‘yan. Alam mong noong nagkukuwento ka pa lang e di na ako pumapayag diyan sa ginagawa mong ganyan.
“Anong gagawin ko? Sarap mo talagang kalbuhin e.”
“E, di pumunta ka do’n. magpakilala kang ikaw si Nicole. Sabihin mong niloko mo lang siya. Na ikaw ay isang malaking joke. Isang manloloko at nananakit ng kalooban.”
“Hindi ko yata kaya ‘yon.”
“Hayan nga sinasabi ko, kahit isipin mong mabuti, walang patutunguhan ‘yan. Masasaktan lang kayong dalawa. Habang maaga itigil mo na ‘yan.”
“Paano ko tatapusin?”
“Sinabi ko na yung una kanina. Makipagkita ka at sabihin mo na ang totoo o kaya’y, dahil sa chat lang naman kayo nagkakilala, doon mo na lang din tatapusin. Delete mo na agad yung account mo na yan pagkatapos mong aminin sa kanya ang totoo. Kawawa din yung babaeng ninakawan mo ng pictures. Ginagamit mo sa kalokohan mo. Naku kundi ka pa ma-Carmi Martin niyan di ko na alam”
“Antanda ng Carmi Martin ah.” Natawa siya. “Oh God! Ang hirap naman.”
“Mahirap talaga. Mas mahirap pa kung patatagalin mo pa ‘yan.”
Bago mag-alas singko, nakapagdesisyon na siya.
Magkikita sila ni Echo.