PAGKABISTO

3622 Words
CHAPTER 3   Nang nadelete na niya ang account ni Nicole ay binuksan niya agad ang kanyang official f*******:. Nakita niya sa notification ang reply ni Robert sa kanya. Natuwa siya. Kahit paano nagbigay iyon ng pag-asa na makakaahon din siya. Na may tutulong pa din sa kanya para makaangat-angat. Ngunit lalo pa siyang natuwa nang may isa pang notification. Galing kay Echo. Ngunit kaakibat ng tuwa ay ang kaba at pag-aalala. Bakit ito nagmessage sa kanya? Sa anong dahilan? Nanginginig ang mga kamay niyang binuksan ang message ni Echo. “Bro, pasensiya ka na kanina, shot tayo.” Hindi niya alam ang isasagot niya. Patulog na din kasi siya at may pasok pa kinabukasan. Isa pa hindi naman din talaga siya nainom. Ngunit kung iyon lang ang paraan para mapalapit siya kay Echo, hindi na siya dapat magpapatumpik-tumpik pa. Mabilis niyang in-accept ang friend request nito saka siya sumagot. “Okey lang ‘yon. Shot? Kailan?” “Ngayon.” Mabilis ang dating ng reply. Mukhang online pa. “Ngayon na agad?” “Oo sana. Broken ako e.” Tumingin siya sa kanyang orasan. “Gabi na kasi.” “Sige kung ayaw mo, ayos lang.” “Saan ba?” mabilis niyang reply. Ngunit wala na ito. Hindi na green ang bilog sa tabi ng pangalan niya. Napakabilis namang sumuko sa pagyaya? “Uy nasaan ka na?” Wala din kahit seen lang. Nakaramdam siya ng panghihinayang. Nainis siya sa kaartehan niya. Sana kasi pumayag na siya agad-agad kanina pa. “Saan ka ba? Papunta na ako.” Pagbabasakali niya. Ngunit limang minuto na ang nakaraan ay wala pa din itong reply. Nabuntong-hininga na lang siya. Kanina lang ipinangako niya sa sariling pamilya na muna niya ang dapat ay priority niya. Ngunit nang minsan lang na nagmessage si Echo, nawala na kaagad sia sa focus niya. Ganoon siya karupok pagdating sa taong matagal na niyang gusto. Nanlumo siya. Umasa kasi siya na iyon na ang simula ng pagiging close na nila. Pero pinaasa lang siya. Binuksan na lang niya ang message ni Robert sa kanya. Natambakan na siya ng mga message nito. “Salamat naman at nagpapilit ka din sa wakas.” “Hoy, andiyan ka pa ba o tinulungan mo na ako.” “Kaloka ka, bigla ka na lang nawawala.” “Sige na nga, bye.” Nang nabasa niya lahat iyon ay saka siya nagreply. “Naghugas lang ako ate, ingay mo.” “Alina ng hinugasan? Pekpek mo? May napasok na ba?” “Kadiri ka talaga. Ano nga, sunod ako diyan ha?” “Yes. You really made my day. Sa wakas, makakalipat na din ako sa ibang bansa ne’to.” “Anong ibig mong sabihin na makakalipat ka na?” “Gaga, ikaw ang papalit sa akin, hindi ko ba nasabi ‘yon?” “Magtataka ba ako kung nasabi mo na?” “Hayan ate, nasabi ko na.” “Huwag mo nga akong tawaging ate, di naman ako ganoon kabakla. Lalaki pa ako sa mga naging ex mo e.” “Ah, so kapag ikaw ang magsabi ng ate sa akin okey lang. Kapag ako tatawag sa’yo ng ate, galit ka.” “Ah basta. Anong nangyari sa’yo diyan? Bakit mas naging bakla ka pa sa bakla ngayon? Anong meron ang Saudi at binago ka na yata?” “E, kasi nga ako angnililigawan dito ng arabo, akong binabayaran ate. Hindi ako ang nagbabayad sa lalaki.” “Talaga?” “Pak! Interesado agad ang bakla oh.” “Hindi pwedeng curious lang?” “Naku, palusot ka pa ate.” “Huwag mo nga sinasanay ang sarili mo na tawagin akong ate. Alam mo namang di bagay sa hitsura ko. Ano nga, iiwan mo talaga ako diyan?” “Sorry, kailangan e.” “Eto naman, huwag na nga lang ako tutuloy.” “Utang na loob, huwag kang ganyan. Sige na best, please?” “Pag-isipan ko. Bakit ka kasi lilipat at saan?” “May offer ako sa Dubai, mas malaking sahod. Sandali ka lang naman dito, kahit tapusin mo lang dalawang taong kontrata mo. Then, flylalu ka na sa Dubai with me.” “Ahh gagamitin mo akong pantapal.” “Pantapal? Gaga, yung sahod ko ngayon na iiwan ko at lahat ng benefits ko, ibibigay din sa’yo.” “Sus, magkano lang naman siguro ‘yan.” “Aba nagsalita ang barya-barya ang sahod kahit accountant na sa Pinas.” “Sige try to convince me.” “Hindi ka na magsisimula sa pinakamaliit na sahod. Pinagtrabahuan kong pataasin ang sahod ko at ikaw ang makikinabang. Aarte pa?” “Bakit magkano ba ang sahod?” “8,700 Riyals, free accommodation, free transportation at 500 Riyals food allowance.” “Magkano naman ang palitan?” “Naglalaro sa 12 pesos to 13 pesos in 1 riyal” Mabilis siyang nagcompute. “Nasa 119,000 pesos? Talaga?” “Yes. Aarte ka pa?” “Monthly ‘yan?” “Natural, ano ka sinuswerte na kinsenas ‘yan” “I mean, iyan ang sasahurin ko buwan-buwan, malinis na ‘yan?” “Kung idinagdag mo yung 500 na food allowance mo sa computation, iyon lang ang bawas. Kakain ka din siyempre, bibili ng mga toiletries, pero bayad ng bahay, kuryente, tubig at kahit pamasahe dahil may sarili namang bus o company car ang kumpanya, lahat yun libre na.” “Seryoso? Gano’n kalaki?” “Ay hindi, naglolokohan lang tayo dito.” “Talaga, alam ko naman lokohan lang ‘to e.” “Patola ka gaga. So, ano aayusin mo na ang passport mo?” “Meron na ako.” “Picturan mo, send mo sa akin at ang diploma mo nang maayos na natin agad-agad.” “Diploma sa College?” “Diploma ng kinder, tanga.” “Ay naku nawawala na ‘yon. Picture nong kinder, pwede?” “Pinatulan? Ha ha ha! Basta email mo sa akin agad-agad para makuhaan ka ng visa, okey?” Biglang nagpop up ang message ni Echo. “Dito ako likod ng Sogo sa may Tulay ng Guadalupe, may inuman dito malapit. Mag-isa lang ako. Kung gusto mo, pumunta, ayos lang. Kung hindi naman, ayos din lang. Ge bro. Ingat.” Mabilis siyang tumayo. Kumuha siyang jeans at t-shirt. “Ano, send mo na agad ha?” si Robert. Panay pa din ang message niyang nagpa-pop up din. “Scan mo na lang pala para malinaw. Mga next month makakaalis ka na.” Binasa niya lang ang mga iyon. Si Echo ang gusto niyang sagutin agad-agad. “Papunta na ako. Hintayin mo na lang ako bro.” sagot niya. Binuksan niya ang kanyang pitaka, may laman iyong tatlong libo dahil sobra iyon ng sahod niya, ibinawas na kasi ang mga loans niya. Natigilan siya. May panggagamitan na siya sa perang iyon dahil mapuputulan na sila ng kuryente at wala na din silang groceries pa. Umupo siya sa kama niya. Sandaling nag-isip. “Calvs, nandiyan ka pa ba? Tinulugan mo na ba ako?” “Andito pa. Sige send ko bukas. Salamat.” “Mabuti naman. Sige na, baka matutulog ka na, uuwi na din ako dahil tapos na ang trabaho ko.” Magrereply na sana siya kay Robert nang bigla na naman lumabas ang message ni Echo. “Dalian mo ha. Baka di mo ako maabutan.” Binura niya ang reply niya kay Robert at kay Echo na lang siya sumagot. “Okey, on the way na.” Mabilis siyang lumabas. Nagulat ang kapatid niyang nagrereview sa sala nila. Nagtanong ito kung saan pupunta ngunit hindi na niya nagawang sagutin pa sa pagmamadali.   Madali niyang natunton ang kinaroroonan ni Echo. Isang inuman ito na may sumasayaw na mga babae at pwede ding mag-table ng babae. Mumurahin at cheap na club. Inuman ng mga brusko. Lasingan ng mga barako. Nakapasok na siya sa mga inuman at club pero sa mga high-end at class. Noon ‘yon. Noong college pa siya at nang nagtatrabaho siya at maayos pa ang pamumuhay nila. Naninibago lang siya, iba kasi yung amoy, hindi niya gusto. Amoy yosi, amoy ewan. Nakita niyang umiinom ng beer si Echo sa dulo. May salamin iyon. Nakikita lahat ang nangyayari sa labas ngunit mahina ang pumapasok na music. Ginawa talaga ang bahaging iyon para magkarinigan ang mga nag-uusap na umiinom habang pwede naman nilang mapanood ang mga nagsasayawang babae. Bumunot siya ng malalim na hininga pampatanggal nerbiyos. Wala nga itong kasama. Wala ding ka-table. Mukhang nasaktan talaga ito sa kagagawan niya. Bumunot siya ng malalim na hininga. Kailangan niya itong-icomfort dahil siya naman talaga ang dahilan kung bakit ito nagluluksa. Nahihiya siyang lumapit. Kumaway pa si Echo nang makita siya. Hindi niya alam kung ilalahad niya ang kamay niya pero dalawang beses na niya iyong ginawa ngunit hindi tinatanggap ni Echo. Minabuti niyang huwag na lang ulitin ngayon ang pakikipagkamay. “Upo ka.” Seryoso lang ito. Tumango lang siya at nahihiyang umupo. Tatlong bote ng beer at wala nang laman ang nakita niya sa mesa nila bukod sa hawak nitong isa pa na siya nitong itinutungga. Tahimik lang na nakamasid muna si Echo sa sumasayaw na babae.   Kung kanina sa Mall ay agresibo siya, ngayon na kaharap na niya si Echo at ito na ang kumakausap sa kanya ay bigla naman siyang nahiya. Ni hindi niya alam kung paano niya sisimulan ang pakikipag-usap. Natatameme siya. Hindi kaya dahil hindi din siya komportable sa lugar na ganito? Inilibot niya ang paningin niya sa kabuuan ng inumang iyon. Karamihan mga matatanda. Matatanda na mukhang mga pangit pa. May mga babaeng kasama ang mga ilan dito. Halos nagpapakandong na. Wala siyang makitang sexy. Naglalakihan ang mga tiyan ng mga babae. Dala siguro ng gabi-gabi ding pag-inom nila ng alak. “Okey ka lang?” tanong ni Echo sa kanya. “Okey lang naman,” nasamid pa siya. Halos maubo. “Mukha kasing di ka sanay sa ganito.” “Ayos lang.” “Mukha ka kasing sosyal e.” “Hindi naman.” Katahimikan. Sa kanya na nakatingin si Echo habang tumutungga ng alak. Diretso sa kanyang mga mata ang titig na iyon. Nagbaba siya ng tingin. Hindi niya kinakaya yung mga titig sa kanya ni Echo. “Anong sa’yo?” “Ha? Anong sa’kin?” “Iniinom?” “Ah, ayos lang ako.” “Ano? Hindi naman pwedeng umupo ka lang diyan at panoorin mo akong tumotoma.” “Ah oo nga. Okey lang ako sa beer.” “Order ka.” Utos iyon. “Ah ok, sige, order ako.” “Do’n?” ininguso ni Echo ang maliit na parang bar. “Ganito din ba?” itinuro niya ang brand na iniinom ni Echo. “Pwede para di na maghalo-halong iinumin ko.” “Ilan?” “Bucket na lang para mas makamura ka.” Sa linyahan ni Echo, mukhang siya ang magbabayad sa lahat ng maiinom. Siya itong inimbitahan siya pala ang pagbabayarin. Pero may bago ba sa kalakarang ganoon? Sinong straight na lalaki ang magbabayad sa iinumin ng baklang kagaya niya? Hindi muna siya siningil sa inorder niya. Dinala ang bucket sa table nila. Binuksan ni Echo ang umuusok na nagyeyelong beer saka nito inabot sa kanya. Matagal na siyang hindi nakaiinom uli. Itinungga niya ang beer. Masarap naman ang lamig na hagod nito sa kanyang lalamuna. Mapait pero bahagi iyon sa lasa nito. “Yown, nainom ka din naman pala e.” “Occasionally.” Sagot niya. “Culver, hindi ba?” “Oo. Mabuti naalala mo pa.” “Di ba nga matagal na kitang friend sa f*******:?” “Oo, halos dalawang taon?” “Talaga? Tagal na nga.” “Kaso, snob ka e.” tumungga siya ng alak. Pinagdasal niyang sana di mapikon si Echo. “Pag di ko personally kilala. Di ko kasi ugali makipagchat lalo na sa kapwa ko lalaki.” “Ah, naintindihan ko naman ‘yon.” “Bakit pala hindi na kita friend? Nakita ko kanina hindi na tayo friends.” “Iunfriend mo kaya ako.” “Talaga? Kasama ka siguro sa mga in-unfriend ko nang sinabi nong poser na si Nicole na dapat mga nasa friend list ko lang ay mga personal kong kakilala.” Napalunok siya. Sinabi nga niya iyon noong siya pa si Nicole. Kung pwede lang sanang hindi na nila pag-uusapan ang nilikha niyang poser account. Tumungga ng beer si Echo. Halatang nag-iisip ng sasabihin. Siya naman ay panay ang dasal na sana hindi na mababanggit pa tungkol kay Nicole. “Anong trabaho mo?” “Accountant.” “Wow, astig. Malaki sahod diyan di ba?” “Sakto lang, ikaw?” “Waiter lang.” “Hmmn, okey.” “Anong okey? Tang-ina tapos ako ng HRM pero waiter lang ang kinabagsakan ko.” “Mahirap kasi talagang maghanap ng trabaho dito ngayon.” “Sinabi mo pa. Balak ko nga, mag-abroad e.” “Ako din nga e. Inaasikaso ko na ang papers ko.” “Ayos ah. Saang bansa?” “Saudi?” “Saudi?” natawa si Echo. “Bakit Saudi? Mababa pasahod do’n ah.” “Depende yata sa trabaho yung sahod. Kapag Engineer, Nurse, Accountant mga gano’n ayos naman ang bigayan.” “Talaga, magkano offer sa’yo?” “Mga nasa 9,200, lahat na ‘yon.” “Kita mo? Ambaba di ba? Sahod ko na ‘yan bilang waiter dito, mas malaki pa diyan siguro sahod mo dito bilang accountant, tas aabroad ka pa?” “Sa riyals ‘yon.” “Ah sa riyals ba? Akala ko kasi…” itutungga na nito ang hawak niyang bote. “Magkano ‘yon sa pera natin?” “Mga nasa 115,000 to 119,000 pesos free na lahat.” Muntik nang nasamid si Echo sa narinig niya. Namula ang mga mata sa pagkagulat. “Seryoso?” Tumango si Culver. “Tang-ina anlaki ah. May pasahod pala sa Saudi na gano’n?” “Direct e. Kukunin ako ng kaibigan kong nandon na. Ako ang papalit sa kanyang iiwanang trabaho. Lipat daw kasi siyang Dubai e.” “Ah kaya. Gusto ko din do’n sa Dubai o Doha sana.” “Sa Riyadh yata ako. Bakit naman ayaw mo sa Riyadh?” “Mababa do’n. Isa pa baka reypin akong arabo mahirap na. Ikaw?” “Anong ako?” “Okey lang sa ba sa’yo na mareyp ng arabo?” “Syempre hindi. Pero, andami namang mga Pinoy doon, di naman karamihan narereyp. Meron man sigurong mga case na gano’n pero, baka nasa tao din lang ‘yan. Nasa pag-iingat.” “Sabagay, kailan alis mo?” “Di ko alam e. This month, o baka next month na.” “Bilis ah. Buti ka pa.” Bumunot ng malalim na hininga si Echo. Muli niyang pinagmasdan si Culver. “Ano palang ginagawa mo sa Mall kanina?” Tumungga muna siya. Nag-iisip ng isasagot. “Napadaan lang. Ta’s nakita kita kaya di muna ako umalis.” “Bakit?” “Anong bakit?” “Bakit mo ako binantayan?” “Kasi nga friends tayo sa facebook.” “Tang-ina.” Umiling si Echo. Uminom ng alak saka siya tumingin kay Culver, “Gano’n ka ba sa lahat ng friend mo lang sa f*******:? Pwede ka naman kumaway lang o ngumiti sa akin sabay alis. O pwedeng nakita mo lang ako at mamgmessage ka na nakita mo ako sa Glorietta.” Sandali siyang tumingin sa paligid. “Gano’n kasi ang alam kong usual na ginagawa ng mga friends lang sa f*******: e.” “E, gusto ko din tumambay do’n.” “Kalokohan,” uminom ito ng beer. “Alam kong may dahilan kung bakit ka nananatili do’n.” “Ano namang dahilan?” “Bakit mo sa akin itinatanong, ikaw ang nakakaalam niyan at iyon din ang gusto ko sanang malaman. Anong dahilan at dalawang oras mahigit ka ding nando’n habang naroon ako?” Bumunot ng malalim na hininga si Culver. Tinignan niya ang boteng hawak niya, wala nang laman iyon. Kumuha siya ng isang beer. Binuksan niya iyon at agad siyang tumungga. “Ano nga?” pangungulit ni Echo sa kanya. Tumingin muna siya sa napakagwapong mukha ni Echo. Kailangan ba niyang sabihin na ang totoo? Hindi kaya pagmumulan ng gulo o di pagkakaunawaan. Hindi niya kilala si Echo. Sa f*******: lang niya ito nakikita. Paano kung basagulero ito, nambubugbog, nananaksak? Hindi malayong mangyari iyon dahil may mga napapabalita nang gano’n ang nangyayari sa mga meet up na ganito. “Bakit hindi ka makasagot?” “Gusto kasi kita.” Walang kagatol-gatol niyang pag-amin. “Ano? Gusto mo ako?” “Oo.” “Ah tang-ina, bakla ka?” Tumango lang siya. Kahit pa alam niyang gano’n siya, parang masakit pa din talagang marinig iyon mula sa ibang tao lalo na sa taong gustung-gusto niya. “Hindi halata ah.” Umiling-iling ito. “Okey lang sa’yo?” “Na bakla ka?” “Oo. Okey lang, pero hindi tayo talo.” “Anong ibig mong sabihin?” “Bro, lalaki ako, natural babae ang gusto ko.” “Naintindihan ko.” “Kaya lang naman ako nandito ngayon kasi may taong walang magawa sa buhay na nanloko sa akin.” “Taong walang magawa sa buhay?” kinutuban na siya ng hindi maganda. “Hindi kita maintindihan, pa’nong naloko ka?” pagmaang-maangan niya. “Nasa mall ako kasi may naka-chat akong Nicole ang pangalan na dapat imi-meet ko kanina.” Hindi siya tumitingin kay Echo. Nagi-guilty siya. “Naglike kasi ‘yon sa isang profile pic ko. Dahil nagandahan ako. Ini-add ko agad. Nang una hindi ako kumbinsido na totoo yung account na ‘yon, kaso dahil may mga videos siya kaya naniwala na din ako nang naglaon.” “So, ikaw ang nag-add?” “Oo, ako din kamo ang unang nagmessage. Simpleng pangungumusta lang at pasasalamat sa pag-add niya sa akin ang sinend ko sa kanya. Andami ko nga message no’n. Hindi siya kasi siya nasagot kaya naman nakaapat agad ako.” “Anong nangyari?” kunwaring tanong lang niya. “Tinanong ko kung pwede kami maging friends. Pumayag naman. Pansin ko nga agad may gusto din siya sa akin kaya malakas ang loob kong magpalipad-hangin agad agad.” “Paano mo alam na gusto ka niya?” nag-eenjoy na siya sa pagmamaang-maangan. “Siya kata itong unang naglike sa profile pic ko. Ibig sabihin, gusto niya ako at nagpapakipot lang.” “Ah okey. Kung hindi ka naman pala kumbinsido na totoong siya yung nasa picture, bakit mo pa din itinuloy?” “Yun na nga e. Nagdududa ako kasi pati nga bilang ng friends niya anliit. 189 lang yata e sa ganda niyang iyon? Di ba kapag maganda o gwapo madami talaga nagpapa-add? Sa kanya, 189 lang at halos walang comment o likes ang mga pictures niya. Do’n lang ako nagbase sa mga videos niya na parang nag-live.” “Naiintindihan ko. Magaling lang siguro talaga siya. ” “Nagdelete pa ako ng mga friends ko sa f*******: na di ko kilala kasi sabi niya, dapat daw ang mga nasa friend list lang ay mga personal na kakilala, kaibigan at kamag-anak o kapamilya. Di ba nga pati ikaw , nadelete ko?” Tumango lang siya. Alam na niya lahat ang pinag-uusapan nila ngayon at hindi niya alam kung anong pinupunto ni Echo at kinukuwento niya lahat ito sa kanya. “Tang-ina, na-curious kasi talaga ako at nagandahan sa kanya. May sinabi pa siya na ako lang daw ang in-accept niyang hindi niya personally kakilala. Kaya naman ako lalong nagka-interes. Inabot kami ng madaling araw sa pagcha-chat. Ayaw ko na tumigil kasi kahit picture at videos lang niya ang nakikita ko, solve na ako. Napaniwala ko ang sarili ko na nahanap ko na yung gusto at mamahalin kong babae. Putcha, sa kanya lang ako nagsabi ng mga totoo at personal na mga bagay sa buhay ko. Ni ultimong pabirito kong pagkain, bilang ng naging girlfriends ko, basta lahat na yata nakukuwento ko sa kanya. Sarap kasi talaga niyang kausap. Parang swak kami sa lahat ng bagay e.” Tumungga lang si Culver ng beer. Ano nga bang sasabihin niya? Sa mga oras na iyon nga parang ginigisa na siya sa sarili niyang mantika. “Ilang gabi ding napuyat ako dahil sa walang patid na pagcha-chat namin. Hanggang sa naramdaman ko na lang na parang mahal ko na siya.” “Mahal mo na agad?” “Bakit, hindi pa ba nangyari sa’yo yung gano’n?” “Posible naman,” maikli niyang sagot. Gusto niyang patotohanan ang bagay na iyon. Nangyari din naman sa kanya iyon kay Echo. Hindi lang naman simpleng pagkagusto na lang ang nararamdaman niya kay Echo e, mahal na din niya ito hindi lang niya tuwirang masabi. “Di rin ako naniniwala dati na posible palang magmahal sa taong di mo pa nakikita at nahahawakan. Kaya bago lalalim pa ng husto ang pagmamahal ko sa kanya, tinawagan ko siya para magkita kami. Unang tawag ko di niya sinasagot, pangalawa hayon, sinagot din.” “Narinig mo naman ang boses?” bahala na pero kailangan niyang isalba ang sarili. Mahirap na baka iniisip pa ni Echo na siya ang tumarantado sa kanya. “Nakausap ko, babae naman ang sumagot.” “Babae naman pala e.” “Oo babae, maganda ang boses kaya nag-expect ako na maganda din talaga siya hindi lang sa picture kundi pati sa personal.” “Wala ka naman napansing kakaiba?” “Parang meron. Weird kasi. Pakiramam ko hindi siya ang sumasagot ng kusa? Parang may hinihintay siyang sasagot para sa kanya.” Napalunok siya. “Paano mo naman nasabi iyon.” “Nang una, di ko naman talaga napansin iyon. Ngayon, ngayon na lang nang nalaman kong poser pala siya. Bigla pang napatay ang cellphone niya na parang may umagaw?” “Hindi kaya siya naman talaga ‘yan pero may boyfriend na?” kailangan na niyang galingan ang pagpapanggap lalo na alam niyang nagdadalawang isip na ito.                 “Pwede,” tumungga siya ng alak. “O pwede ding lalaki lang din ang kausap ko at pinagtitripan lang din ako.” “Sabi mo kanina babae.” “Pwede namang ibinigay lang din sa babae ang phone nang tumawag ako, hindi ba?” Matalino nga talaga si Echo. Napalunok siya. “Kapag ka malaman ko na may nanti-trip lang sa akin, babangasin ko ang mukha no’n.” Kinabahan siya. Nakita niya sa mukha ni Echo na hindi ito nanakot lang. Hindi siya dapat aamin. Ngayong wala na ang account ni Nicole, wala na siyang magiging trace pa. “Hindi naman siguro, baka totoong babae din ‘yan. Palagay ko may boyfriend lang ‘yan kaya di nakapunta.”                 Tumungga ito ng beer. Tumitig sa kanya. Matagal. Tinging nagtatanong. Tinging nang-uusig. Bumunot ng malalim na hininga.                 “Alam mo bang ngayon lang ako natarantado? Ngayon lang ako nasaktan sa babae ta’s hindi ko alam kung sino yung babaeng ‘yon. Paano ko siya kakausapin at sabhin sa kanya na huwag naman sanang ganito. Huwag niya akong gawing tanga.” Nahalata ni Culver na tinamaan na si Echo sa iniinom niyang beer. Yung pagbigkas niya ng kanyang mga salita, may ibang bigkas na.  “Ang nakakainis pa, wala akong tropa na mapagsabihan. Kasi ipinagyabang ko na siya e. Alam na lahat nila na si Nicole ang syota ko. Ipinakita ko ang picture niya. Na dadalhin ko sa kanila at ipakikilala ko siya.” Sinaid nito ang laman ng kanyang bote. Kumuha ng isang beer. Mabilis niyang binuksan at agad niya itong itinungga. Tahimik lang si Culver na nagmamasid. Nasasaktan siya. Sobrang nagi-guilty. “ Ewan ko ba kung bakit pinabayaan ko ang sarili kong mahulog sa kanya ng husto? Kasi siguro nagkaroon kami ng kakaibang koneksiyon? Hindi na lang yung ganda niya ang gusto kong makita e. Yung nakita kong ugali niya. Yung naramdaman kong pagkamalambing niya, yung ganda ng kalooban niya. Bihira na sa babae ang gano’n e.” Napalunok si Culver. Kung yung ugali niya ang nagustuhan ni Echo at hindi yung ganda na nakikita niya, ibig sabihin may posibilidad na mamahalin siya nito. May pag-asa na maging sila. Ngunit paano? Paano niya ipararamdaman iyon? “Mahal mo siya dahil sa kanyang magandang ugali na naramdaman mo sap ag-uusap ninyo?” “Tama. Iyon kasi yung lalong kinahulugan ng loob ko. Hindi siya makulit, hindi siya palatanong. Pero kahit ganoon siya, may sarili siyang paraan para iparamdam yung pagke-care niya sa akin. May kakaiba siyang paraan para paalahanan niya ako. Iba yung sayang ibinibigay niya sa akin sa tuwing nag-uusap kami. May sense, may dating hindi yung puro pa-cute at pabebe lang kagaya ng mga naging ex ko.” “Paano kung lalaki pala siya?” “Paano kung ikaw?” “Ano?” Tumawa si Echo. “Huwag na tayong maglokohan dito. Nasa’n ang cellphone mo?” “Bakit?” “Nasaan nga ang cellphone mo?” tumaas na ang boses ni Echo. “Personal ko ‘to.” “Kung hindi mo ilalabas, ikaw ang lalabas ditong basag ang mukha.” “Anong bang sinasabi mo?” umakyat na sa ulo niya ang lahat ng kanyang dugo. Napakalakas na ng kabog sa kanyang dibdib. “Kung di mo ako pinagluluko at kung wala kang kinalaman dito, nasaan ang cellphone mo?” “Iniisip mong ako ang nagpanggap na si Nicole?” “Bakit hindi?” “Hindi talaga.” “Maniniwala ako sa’yo kung ilabas moa ng cellphone mo.” “Sandali.” Pinagpapawisan siya kahit malamig naman ang buga ng aircon at malakas pa ang ceiling fan. “Bilis.” Inilabas niya ngunit ayaw niyang ibigay agad. Marami pa sana siya gustong idelete muna na mga text. Biglang tumunog ang cellphone niya. Si Echo ang tumatawag. Nakatingin sa kanya si Echo. Tinging puno ng galit. Tinging parang handang pumatay. Napako siya sa kanyang upuan. Hindi na niya alam kung paano niya itatago ang nilikha niyang multo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD