Chapter Nine
Six years ago…
Bata palang siya ay namulat na siya sa karahasan at reyalidad. Usap-usapan sa kanilang lugar na anak siya ng isang dayuhan na minsan naging nobyo ng kanyang nanay. Minsan, tinanong niya ang kanyang ina kung sino ba talaga ang tatay niya ngunit imbes na sagutin ng kanyang ina ay sampal ang kanyang nakuha. Usap-usapan din na ginahasa daw ang kanyang ina ng nobyo nito at siya ang bunga.
“Siguro nga, tama sila Aling Maritess, na-rape si nanay kaya galit siya sa akin,” sabi niya sa sarili habang tinititigan ang sarili mula sa side mirror ng isang nakaparadang motor.
Isang araw ay nagtaka siya na may bago na silang kasama ng nanay niya. Bagong kinakasama pala ito ng kanyang ina. Noong una ay mabait ito sa kanya pero kalaunan ay nakita niya ang tunay na kulay nito.
Minsan, naiwan siya sa kanilang bahay at laking gulat niya ng hinatak ang kanyang braso ng kanyang amain at hinaplos ang kanyang katawan. Pakiramdam niya napapaso siya. Nagpumiglas siya dahil hindi niya gusto ang paraan ng paghawak nito sa kanya. Mabuti na lang at nakalayo siya.
Simula noon, hindi na niya hinayaang maiwan siya na nag-iisa sa bahay. Kaya madalas ay nasa lansangan siya, dahil pakiramdam niya ay mas ligtas pa siya dito.
Nang dumating ang kapatid niya sa buhay nila ay tila gumaan ang pasanin niya. Dito niya naramdaman ang isang bagay na tinatawag nilang pagmahahal.
“Ate mahal na mahal kita!”
“Mahal na mahal din kita Rico! Mamaya kapag malaki ang nalimos ko ibibili kita ng laruan. Yung tig sampong piso doon kina Aling Josie.”
Naalala niya kasi ang laruang sundalo na nakadisplay sa sari-sari store ng kapitbahay nilang si Aling Josie.
“Talaga ate? Salamat!”
“Saka ka na magpasalamat kapag nakabili na ako.”
---
“Agapito wag mo akong iwan!” sigaw ng nanay niya. Nakita niya kung paano magmakaawa ang nanay niya huwag lang iwanan ng kinakasama nito.
“Tatay saan ka pupunta? ‘Wag mo po kaming iwanan,” sabi naman ng kapatid niyang si Rico.
Ngunit naging bingi ang amain at tuluyan nang lumisan. Simula noon, naging laman na ng pasugalan ang kanyang ina. Lagi na lang itong lasing.
“Wala ka talagang kuwenta!” sigaw ng kanyang ina at nakatikim siya ng mag-asawang sampal. Halos mahilo na siya sa lakas ng pagkakasampal sa kaniya.
Unti-unting umagos ang mga luha niya.
“Patawad po inay. ‘Yan lang po kasi ang naipon ko sa panlilimos,” sabi niya sa kanyang ina. Nanlisik ang nga mata nito at dinakot ang kanyang buhok.
“Sa tingin mo kakasya ito? Kulang nga ito pambili ng gin! Aanhin ko ang bente pesos?” at sinimulan na siyang pagbuhatan ng kamay.
Tadyak, suntok, sabunot, sampal ang inabot ng kanyang musmos na katawan.
“Sa susunod, ‘wag kang uuwi hanggat hindi ka umaabot ng limang daan!” at saka na siya nilubayan ng kanyang ina.
Masakit. Masakit ang katawan niya, pero mas masakit ang puso niya. Tinatanong niya ang sarili kung hanggang kailan siyang ganito? Habang buhay na lang ba siya ganito?
Maya-maya’y naramdaman niya ang paghaplos sa kanyang balikat. Tiningnan niya ito at kahit sa kabila ng sakit ay nagawa niyang ngumiti.
“Ate...”
“Rico.” Hinaplos niya ang nakababatang kapatid.
“Sorry, ‘di ko napigilan si nanay. Ate, bukas sasama ako mamalimos para malaki ang maiuwi mo. Para di ka na bubugbugin ni nanay.” Umiling naman siya.
“’Wag Rico. Dito ka na lang. Kasi delikado, baka masagasaan ka ng mga sasakyan. Hintayin mo na lang ako okay?”
“Pero ate—” hindi na natapos ni Rico ang sinasabi niya nang yakapin niya ito ng mahigpit.
“Ate, mahal kita.”
“Mahal din kita, Rico.”
---
“Rico!” Nanlalaki ang mata niya ng makita ang kapatid na kumakatok sa mga sasakyan habang traffic. Lumingon sa kanya ang kapatid at ngumiti.
“Ate tingnan mo, mayroon na kong limang piso. Pandagdag diyan sa kita mo.” Nilapitan niya ang kanyang kapatid at dinala sa isang tabi.
“Rico, bakit ka nandito? Baka masagasaan ka.” Bakas sa boses niyav ang pag-aalala para sa kanyang kapatid.
“Sabi ko sa’yo ate tutulungan kita para ‘di ka na bugbugin ni Nanay,” sagot nito sa kanya. Mabilis siyang umiling. Alam niyang hindi ligtas sa mga mabibilis na sasakyan ang kanyang kapatid.
Si Rico lang talaga ang nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya.
“Okay na ako dito, Rico. Ayokong mapahamak ka. Ang dapat na ginagawa mo ay maglaro lang,” sabi niya pero mabilis na umiling ang nakababatang kapatid niya.
“Ate, ayokong nakikita kang nahihirapan.”
“’Wag mo kong alalahanin dito. Kaya ko ito.” Wala nang nagawa si Rico nang dalhin niya ito pauwi sa kanilang bahay.
---
“Wow! Ate! ang sarap nito,” sabi ng kanyang kapatid habang kumakain ng yum burger at french fries.
Nakakilala siya kagabi ng lalaking mabait. Isinauli niya kasi ang nahulog na pitaka nito kaya pinakain siya sa Jollibee.
“Binili mo ba ito ate?” tanong ni Rico. Umiling naman siya.
“Hindi. Bigay yan ng isang mabait na lalaki. Si Sir Miguel,” sagot niya.
Ibang tuwa ang nararamdaman niya habang nakikita ang kapatid na nakangiti.
Mula nang makilala niya si Sir Miguel ay kahit papaano gumaan ang pakiramdam niya. Lagi siyang binibigyan ng pagkain na kanya namang inuuwi sa kapatid niya. Minsan, binibigyan siya ng pera para hindi na siya manlimos at para may maibigay sa kanyang ina.
---
Napansin niya ang kapatid na matamlay. Nilapitan niya ito at hinipo ang noo.
“Hala Rico, nilalagnat ka.” Hinanap niya ang kanyang ina at nakita itong nagbibingo sa kabilang kanto. Nilapitan niya ito at binulong ang tungkol kay Rico. Agad na tumayo ang ina at dali daling umuwi. Alam niya, na kahit ganoon ang nanay niya ay mahal naman nito ang kapatid.
Nang gabing iyon ay matiyaga niyang inaabangan si Sir Miguel para makahingi ng tulong. Pero ang hindi niya alam ay nasa abroad ito ng mga oras na iyon. Ilang araw ng hindi bumababa ang lagnat ni Rico. Ilang araw din niyang hinihintay si Sir Miguel pero hanggang ngayon ay wala pa rin ito.
Tiningnan niya ang perang napalimusan niya. Isang daang piso. Hindi sapat para madala ang si Rico sa doktor. Kahit papaano ay may nalimos siya at ibinili ng gamot ang kapatid ngunit huli na ang lahat.
“Rico...” hilam ng luha ang kanyang mukha habang tinitingnan ang katawan ng kanyang kapatid. Hindi niya akalaing ang pagyakap niya sa kapatid kahapon ay huli na pala.
Tatlong araw nang mataas ang lagnat ng kapatid, at kahapon nakita niya ang pagdugo ng ilong nito. Sinabihan niya ang kapatid na mamamalimos siya para madala niya ito sa doktor pero pagbalik niya, wala ng buhay ang kapatid. Namatay ito sa sakit na Dengue.
Umiiyak ang nanay niya habang yakap ang walang buhay nitong kapatid. Pinanlisikan siya ng kanyang nanay.
“Umalis ka dito! Hindi ko kailangan ang isang tulad mo! Simula nang dumating ka sa buhay ko minalas na ako! Bwisit ka sa buhay ko! Nagkanda letse-letse na ang buhay ko dahil sa’yo!”
---
Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Pakiramdam niya siya na ang pinakamalas na tao sa buong mundo. Malakas ang buhos ng ulan at siya ay nasa gilid ng highway. Tila wala na siyang lakas para magpatuloy pa. Hinihiling na sana bawian na din siya ng buhay. Samu’t sari ang kanyang nararamdaman. Pagod. Gutom. Lamig.
“Jemina!” Hindi niya napansin ang paghinto ng kotse sa tapat niya. Ibinaba ang bintana nito at nakita niya si Sir Miguel.
“Sir Miguel!” Lumabas ang lalaki sa kotse para lapitan siya. Paglapit ng lalaki ay wala sa sariling niyakap niya ang lalaki at tuluyan ng bumagsak ang mga luhang naipon
***
Present…
“Sir, we finally found her.” Natigil ang matandang lalaki sa pagtipa at sinulyapan ang isang babaeng nakasuot ng isang corporate attire.
Kitang-kita ng babae ang saya sa mata ng matanda.
“Really? Where is she?” tanong ng matanda sa babae.
“She’s in the province of Aurora,” sagot ng babae. Tumayo ang matanda at may mga kinuhang papeles mula sa drawer ng office table nito. “Sir, she’s not in the good condition. She's in coma.” Natigil ang matanda sa ginagawa.
“What? Why? How?” sunod-sunod na tanong nito.
Hindi sinagot ng babae ang matandang lalaki bagkus ay ibinigay ang itim na folder na naglalaman ng impormasyon tungkol sa kanilang hinahanap.
Naikuyom ng matanda ang kamay nito habang binabasa ang nga papel sa folder.
“Book me a flight. The earliest flight. I will see and save my daughter.”
END OF PART ONE.