CHAPTER ONE
Napasinghap siya ng mabitawan ang pinupunasang tasa. Hindi niya sinasadya.
Hindi ko sinasadya. Bulong niya sa sarili niya.
“Anong ginawa mo? Don't you know kung magkano ang tasang iyan? Binili ko pa iyan from France tapos babasagin mo lang?” Napangiwi siya dahil sa sigaw ng kanyang biyenan. Nilapitan siya ni Madam Sol at dinuro duro at halos idiin na ang daliri sa kanyang ulo.
“Boba ka talaga. Palibhasa hindi mo alam kung gaano kamahal yan! Laking iskwater ka kasi!” sabi pa nito sa kanya. Nanatili lamang siyang nakayuko.
“Pasensya na po, Mama,” sabi niya. Tila nagpanting naman ang tainga ng biyenan sa narinig. Nanlaki ang mga mata nito dahil sa galit.
“Anong mama?! I told you don't call me that! It creeps me out kapag ikaw ang tumatawag sa akin. Arrgghh!!! Pinapa-high blood mo ako!” sigaw pa nito. Maya-maya'y dumating ang asawa niyang si Roman na kabababa lang mula sa kwarto nito.
“Ma, ano ba ‘yan? Aga-aga nagbubunganga ka.” Bumaling naman sa kanya ang asawa.
“Ipagtimpla mo ko ng kape,” utos nito at agad naman siyang kumilos. Hindi puwedeng paghintayin ang asawa niya kundi malalagot siya.
“Paano ‘yang estupida mong asawa! Binasag ang teacup na binili ko pa from France! Ang sabi ko sa kanya ipagtimpla niya ako ng tea, hindi basagin ang tea cup,” sabi ni Madam Sol. Natawa naman si Roman at napailing sa sumbong ng ina.
“If you want to have tea ay dapat ‘di ka na nagpunta dito, Ma. Alam mo namang walang alam iyang si Jemina. Why don't you have fun with your amigas? Para di ka na ma-stress.”
Masakit. Iyon ang nararamdaman niya. Alam na alam naman niya na hindi siya tanggap ng biyenan niya lalo na ng kanyang asawa. Halos araw-araw tinatapakan ang kanyang pagkatao.
Kasalanan ba niyang ipanganak siyang mahirap? Na lumaki siya sa isang squaters area?
Kahit nanginginig ang mga kamay ay pilit niyang kinalma ang sarili. Inilapag na niya ang tinimplang kape sa harap ng asawa.
“Hay nako, kung saan-saan kasi napapadpad ang ama mo. Nakapulot tuloy siya ng basura,” sabi ng biyenan at namaypay pa ito. Tahimik lang siya sa isang gilid, pinag-uusapan siya na para bang wala siya sa paligid.
“Ewan ko ba diyan kay Papa.”
Huwag kang iiyak, Jemina. Huwag kang iiyak sa harapan ng biyenan mo. Paalala niya sa kanyang sarili. Sa bahay na ito, wala siyang kakampi maliban sa kanyang sarili.
Masakit talagang marinig sa sarili niyang asawa ang mga salitang iyon. Na isa siyang basura. Ilang beses ba niyang dapat marinig ang mga salitang iyon? Mula pagkabata ay tila nakatatak na sa noo niya, sa pagkatao niya ang mga salitang iyon. Na isa siyang basura.
“Makaalis na nga. Roman sabihan mo ‘yang asawa mo na maglinis. Ang dumi-dumi ng bahay mo!" Tinapunan pa siya ni Madam Sol ng matalim na titig saka ito umalis.
“Linisin mo ang kalat mo diyan! Wala ka na ngang silbi nagbabasag ka pa!” sigaw nito sa kanya.
“O-oo!” At dali-dali niyang pinulot ang mga bubog mula sa nabasag na tasa.
Pagkatapos niyang linisin ay humarap ulit siya sa asawa niya. Nagsalubong ang mga kilay ni Roman. Alam nito na may gusto siyang sabihin at mukhang hinihintay siyang magsalita. Lumipas ang ilang segundo pero hindi pa rin niya mahanap ang lakas ng loob na magsalita.
“Ano?!” Singhal nito sa niya.
“Roman, pwede bang maghanap ako ng trabaho?” tanong niya bigla. Sa takot niya sa asawa ay mabilis ang naging pagbuka ng mga labi niya,
Sa halos limang buwang pagsasama nila ay kahit minsan ay hindi siya binigyan ng kahit isang kusing. Kailangan lang niya ng panggastos para sa kanyang sarili. Kahit pambiling kendi ay wala siya.
Nagulat na lamang siya nang bigla itong tumawa. Para bang ang sinabi niya ang pinakanakakatawang bagay na narinig nito mula sa kanya.
“Seriously? Maghahanap ka ng work? Sa tingin mo may tatanggap sayo? Eh wala ka namang pinag-aralan!” sabi nito sa kanya. Dama niya ang talim ng bawat salita nito na bumabaon sa puso niya.
“Hindi ko naman inaasam na magkatrabaho ako ng kagaya sayo. Alam ko naman iyon. Kahit anong trabaho naman ay gagawin ko. Ayoko lang na umasa ng husto sa’yo,” sagot niya. Umismid lamang si Roman sa kanya.
“Okay, then. Tingnan natin kung may tatanggap sa isang mangmang na katulad mo.”