Chapter 3: Pissed

2443 Words
MAAGANG nagising kinabukasan si Dana. At habang nagwawalis ng mga tuyong dahon ay nagkakape siya. Sunod niyang ginawa ay nagdilig din siya. Pagkatapos niya sa gawaing bahay ay naligo siya sa dagat. Halos isang oras ang itinagal niya sa tubig bago umahon. Kailangan pa niyang kunin ang lisensya niya. Hindi pwedeng iwanan niya ito doon. Kailangan niya ito sa trabaho. May sarili siyang sasakyang ginagamit kapag nagtatrabaho o may misyon. Alas-nuebe ang sinabi sa kanya ng officer na iyon ang oras ng releasing kaya bago mag-alas-nuebe ng umaga ay nasa LTO office na siya. Naghintay pa siya para sa releasing. Nakapila na rin siya. Siya na ang sunod sa pila kaya napatayo na siya. Lumapit na siya nang makitang umalis na ang sinundan sa counter. Kaagad niyang tinanong kung magkano ang babayaran niya. "I'm sorry, ma'am, hindi ko po maire-release ngayon. Sa susunod na araw pa po yata pwede. Wala po kasi dito. Hindi pa yata nafo-forward dito." "Ganoon? Paano kung aalis na ako bukas? Kailan ko naman 'yon mababalikan, huh?" Alam niyang bawal magtaas ng boses pero nagawa niya dahil sa sobrang inis. "Wait po at tatanungin ko kung nasaan ngayon." "Yes, please. Nagbakasyon lang po talaga ako dito, e." "Sige-sige. Tingnan ko ang magagawa ko." Tumayo siya at may pinuntahan. Naupo muna siya habang hinihintay ang officer na nag-assist sa kanya. Nang makita ito ay tumayo din siya kaagad. "I'm sorry, Miss San Jose, wala pa po rito. Mukhang nakasama yata file na pinadala sa Office of the Mayor. First time daw po kasing nangyari kaya… baka ipatawag daw kayo." "Ano?!" bulalas niya nang marinig ang sinabi nito. Siya, ipapatawag sa Office of the Mayor? Hindi pwede! Magkikita sila ni Eric kapag nagkataon! My God! "Baka sa Monday pa daw po ang release kung sakali pala. Pero kung gusto niyong kunin ngayon, punta na lang daw po kayo sa Office of the Mayor. Kung ayaw niyo po, sa Monday pa po talaga mapapasa sa akin kapag hindi kayo pinatawag." "Monday? Boss naman, aalis na po ako bukas." "Pasensya na, Miss. Sana kasi hindi kayo nag-violate kung aalis din pala kayo kaagad." Oo nga naman. Hindi siya pwedeng magwala dito dahil siya naman talaga itong may mali. Wala siyang nagawa kung hindi ang hintayin na lang ang Monday. Bumalik siya sa bahay nila na wala sa mood. Saktong tumawag ang Ate niya na pauwi na sila ni Maliyah dahil wala na itong pasok. Sumigla tuloy ang araw niya. Kaya naman nagluto siya ng makakain para sa kapatid at sa anak. Pasado alas-singko noon nang makatanggap ng text message mula sa secretary ng Mayor ng Caramoan. At ayan na nga, invited siya bukas. Jusko naman! Tinakpan na lang muna niya ang mga niluto at nagpunta ng aplaya. Na-stress siya bigla sa natanggap na text. Inabot pa siya ng dilim bago bumalik. Nagbibihis siya noon nang may narinig na tunog ng chopper. Napangiti siya nang maalalang parating nga pala ang anak at kapatid niya. At malamang na sila na ang sakay ng chopper. EXCITED na sinalubong niya ang anak na nasa Hotel De Astin. Kasama pala ng mga ito ang mag-asawang Madrid at ang pinsan niyang si Kendra kasama rin ang pamilya nito. Kakaligo lang niya sa dagat pero naligo ulit siya dahil sa anak na excited kahit na gabi na. Lagpas isang oras din silang nagbabad na mag-ina, hindi pa kasama ang paglaro nito sa buhanginan. Kaya naman, pagkatapos nitong magbanlaw at magbihis ay nakatulog din, at sa bisig niya pa. Sa duyan kasi nila sa labas sila tumambay. At dahil na presko, nakatulog din kaagad ang bata. “Ako na ang bubuhat,” ani ng Kuya Ezekiel niya na noo’y palapit sa kanila. “Thank you, Kuya.” Hinatid niya nang tanaw ang dalawa. Parang anak na kasi nila talaga si Maliyah. Kaya hindi siya takot na iwan ang anak sa kanila. Napahilot siya sa mga braso niya kapagkuwan. At akmang tatayo siya nang lumapit ang kapatid niyang si Ate Diane kasama ang Kuya Dane niya. “Nakatulog na?” nakangiting tanong ng Ate niya. “Jusko! Wala pang limang minuto sa bisig ko, nakatulog na kaagad,” kwento niya. “Ikaw ba naman magbabad sa dagat, e.” ani naman ng Ate niya. “Ang tagal din kasing hindi ‘yan nakaligo ng dagat.” Si Dane naman iyon. Matagal-tagal talaga. Kaya sinulit. Bukas na naman nga daw ng umaga, maliligo ang anak niya pagdating ng ilang kaklase niya. Kaya paniguradong magiging negra ‘yan. Ang dami nilang pinagkuwentuhan na magkapatid tungkol sa naging buhay nila dito. Silang dalawa ng Ate Diane niya na naupo sa duyan habang si Dane at Daniel naman ay sa bench. Balak nilang dumalaw bukas sa libingan ng magulang nila. Kaya maaga silang mamalengke at magluluto. Kaso… “W-wala pala akong lisensya, Ate.” “Huh? Paano ‘yan? Naiwan pa naman ni Dane ang lisensya niya.” “Ako na lang, love. May sasakyan naman, e,” ani ni Kuya Ezekiel na bagong dating. “Pwede naman sana, love. Kaso gusto ko sana naka-motorsiklo. Nakaka-miss ang hangin kasi dito. Mamalengke lang naman. Pagpunta na lang ng cementeryo tayo gumamit ng sasakyan,” “Pwede naman yata ‘yong ticket ko ang ipakita, ‘di ba?” “Pwede naman siguro. Bakit ba kasi hindi na-release kaagad ang lisensya mo?” tanong ng kapatid sa kanya. “Ah– eh, nasa office of the mayor daw Ate.” “Tawagan mo kaya si Mayor Eric, Ate? ‘Di ba, magkaibigan naman kayo?” singit ni Dane. “No!” mabilis na sagot ni Kuya Ezekiel. “Love, ang tagal na no’n. ‘Wag mo sabihing naiinis ka pa rin sa kanya?” “Yeah? Hindi ko kasi nakalimutan ang ginawa niyang paghalik sa ‘yo…” Ang dami pang sinabi si Kuya Ezekiel. Parang nagkuwento na ng naging buhay ng Ate niya dito noon kaya napatayo siya. Wala siya sa mood makinig ng kwento kapag tungkol kay Eric. “Bukas, Dana. Puntahan natin si Mayor Eric. Gusto mo?” ani ng Ate niya. Mukhang walang nagawa ang asawang si Ezekiel. Naririnig niyang kumukontra kanina ang asawa ng kapatid, pero hindi ito nagwagi. “Um, ‘wag na, Ate. Ako na lang po. Nakausap ko naman na ang secretary niya, at pinapunta ako.” “Good. Ikaw na lang, Dana.” Si Kuya Ezekiel na ang sumagot. Sumilay din ang magandang ngiti na ikinasimangot ng Ate niya. Kaagad naman itong sinuyo ang kapatid nang maupo sa duyan. Ang buong akala niya, hindi nila maita-topic ang ama ni Maliyah, pero nagawa pa ring ungkatin ng Ate niya. “Ang tagal na, Dana. Hindi mo ba sasabihin sa amin kung sino ang ama ni Maliyah?” “Ate,” “Oo nga, Dana. Akala mo ba, hindi nagtatanong si Maliyah sa amin? Nagtatanong siya kung nasaan ang Papa niya.” Napahilot siya sa sintido niya sabay sabing, “pag-iisipan ko pa,” mahinang sabi niya. “Wow. Ang tagal na pero hindi mo pa napag-isipan kung kailan mo ipapakilala ang anak mo sa ama niya.” Sinabayan iyon nang iling ng Kuya Dane niya. GAYA nang napag-usapan nila bago sila natulog, motorsiklo ang gamit nila nang mamalengke. Siya ang nagmaneho at ang Kuya Dane niya ang sakay niya. Habang sa isang motorsiklo ay ang Kuya Ezekiel at Ate Diane nila. Mga alas-tres naman sila aalis para pagdating nila ng libingan ay hindi mainit. May tent naman silang dadalhin para sa mga bata. Saka okay lang naman na gabihin doon, maliwanag at safe naman. Saka nasa bungad lang ang libingan ng magulang nila. At dahil may appointment siya sa office of the Mayor, naghiwalay na sila ng kapatid na si Dane. Nagpaiwan siya sa Poblacion habang ang mag-asawang De Leon ay nauna na. Ang mga ito na lang daw ang magluluto ng mga babaunin nila. Napangiwi siya nang mag-angat nang tingin sa pinaka taas na palapag ng munisipyo. Sa pagkakaalam niya, doon ang opisina nila Mayor. Kinompirma naman iyon ng guard kahapon. Matagal na siya sa kinatatayuan niya pero walang balak na humakbang ang paa niya. Naiinitan na nga siya, e. Tumingin siya sa LTO building na katabi lang ng munisipyo. Nagpakawala muna siya ng malalim na paghinga bago tinungo ng LTO. Uunahin niya na lang muna doon. Baka biglang nagbago ang isip nila Mayor at binaba ulit sa LTO. Laglag ang balikat niya nang sabihin ulit ng officer na wala nga daw sa mga ito. At sa pagkakaalam nito, doon nga daw talaga niya kukunin. Kaya naman bumalik siya sa harap ng building kung saan naroon ang opisina nila Mayor. Tatlong beses na katok siya sa isang pintuan na may nakalagay na Office of the Mayor. Kaagad namang bumukas iyon at bumungad sa kanya ang staff ni Mayor. Hinanap ng mata niya si Eric pero hindi niya makita. Pero may isang silid. Dahil malayo, hindi siya sigurado kung pangalan ni Eric ang nakasulat doon sa may pintuan. “Dana San Jose?” Hinanap niya ang boses ng babae na nagbanggit ng pangalan niya. Napaawang siya ng labi nang makita si Kara Lopez na Ate ng kaklase niya noon sa college. “Ate Kara?” “Ako nga. Kanina pa kita hinihintay– I mean ni Mayor. Kaso may kausap pa siya sa loob. Kaya tsikahin muna kita, dali!” Hinila siya nito. Noong college siya, lagi siyang tumatambay sa bahay ng mga ito. Si Krina kasi, laging uwing-uwi kaya ang ending, sa bahay ng mga ito sila tumatambay pagkagaling ng Loglogan. Ilang minuto din siyang nakipag-usap dito habang nakaharap ito sa computer nito. Sa una lang siya naging interesado sa kwento nito dahil sa kapatid nitong nakapag-asawa na. At mismong crush pa nito. Pero pagkatapos no’n nawala na siya sa konsentrasyon dahil nakita niya sa salaming bintana ng opisina ng Mayor na may tumayo na doon. Meaning, ilang sandali lang ay magkikita na silang dalawa. Napatayo bigla si Kara nang may lumabas sa opisina nito. Iniluwa no’n ang magandang babae na sopistikada. “Good morning, Mayor. Nandito na po pala si—” Hindi na nito natuloy ang sasabihin dahil inunahan na ni Mayor Eric si Kara. “Ihahatid ko lang Dhalia sa bahay. At paki-cancel ng lahat ng meeting ko for today. Alright?” “P-pero sabi mo po kakausapin niyo si Dana pagdating niya?” Matagal na natigilan ang Mayor. Pero nang makahuma ay inilinga nito ang paningin. At napako na nga iyon sa kanya kaya nagtama ang kanilang paningin. Seryoso pa siya noon habang nakaangat nang tingin sa kanya. “Oh– sorry. Nakalimutan kong pupunta siya. Balikan na lang kita, Kara, kung kailan niya ako pwedeng balikan.” Halatang nagmamadali itong umalis. Napatayo siya dahil sa narinig. “Ano? Pinapunta-punta mo ako dito tapos ika-cancel mo lang?” Parang gusto niyang pagalitan ang sarili. Tumaas na ang boses niya, kaya tinaasan siya ng kilay ni Mayor. Hello, Mayor kaya ng town na ito ang kaharap niya! Tapos ganoon ang asal niya? Baka imbes na ibigay nito ang lisensya niya, hindi na lang. “A-aalis na po kasi ako mamaya pabalik ng Maynila,” pagsisinungaling niya. “Ganoon ba.” Kunwa’y nag-isip ito. “O sige, ganito na lang. Sumama ka sa bahay ngayon. Doon na lang tayo mag-usap after ng lunch. Ano sa tingin mo?” “P-pero, m-may lakad ako mamayang hapon.” Ayaw niya ngang pumunta sa bahay nito– Ang ibig niyang sabihin pala, ayaw niyang magsolo sila ng Mayor na ito! Kumunot ang noo ni Eric. “kakasabi mo lang na babalik ka na ng Maynila. Right? So, ibig sabihin, desperada ka nang makuha ang lisensya mo. Right? Pero bakit ang sabi mo ngayon ay may lakad ka? Don’t tell me… nagsisinungaling ka?” Hindi siya nakasagot sa sinabi nito. “C’mon, Eric. Nag-text na ang Mama mo. Luto na raw ang pagkain. Hayaan mo na ang secretary mo dyan.” Napatingin siya sa babaing nagsalita. Sino naman ito? Asawa ni Mayor? Napahilot naman ang Mayor sa ulo niya dahil sa sinabi ng babae. Pero naglabas ito ng telepono nito at inilahad sa kanya. Ano ‘yan, lantarang pinapakita nito sa asawa na hinihingi ang number niya? Ah, petmalu– este malupit talaga ang Mayor na ‘to! “Ibibigay niyo po sa akin ang cellphone niyo?” kunwa’y tanong niya. Tumingin pa siya sa babaeng kasama nito na hindi nagugustuhan ang nakikita. “Eric, sa secretary mo na lang sabi ipakuha ang number niya,” ani na naman ng babae. Pero hindi ito pinakinggan ni Mayor. “Pakilagay ng number mo,” anito sa kanya. Parang gusto niyang taasan ng kilay si Mayor. Kaso nasa opisina pala siya nito. “May number po ako kay Miss Kara.” Bumaling siya kay Kara. “Paki-send na lang–” “Gusto mo bang makuha ang lisensya mo o hindi?” putol na naman nito sa sasabihin niya. Lumunok siya dahil seryoso ito. Baka mamaya itago nito ang lisensya niya talaga kapag hindi siya nakinig. Napakagat siya ng labi. Wala talaga siyang choice kung hindi ibigay na lang ang numero dito. Kaya naman kinuha niya iyon at tinipa ang numero saka mabilis na ibinalik ang telepono sa kamay nito. Titig na titig ito sa kanya nang ilapat nito ang cellphone sa tainga nito. Tinatawagan yata nito ang numero niya. Napatingin ito sa bulsa niya nang may tumunog doon. “Hindi mo ba sasagutin?” tanong nito mayamaya. “Magkaharap na po tayo, Mayor. Kaya hindi na kailangang sagutin. I-save ko na lang po mamaya.” Humakbang ito palapit sa kanya kaya napaatras siya. Pero tumigil din siya dahil may mesa na sa likuran niya. “Sasagutin mo o hindi?” tanong nito na ikinalunok niya. Paano ba naman kasi, ang lapit-lapit sa kanya ng mukha nito tapos pabulong pa. Ah, kinikilabutan siya! Nginitian niya ito ng pilit bago kinuha na lang ang telepono at sinagot iyon. Pinakita pa niya dito. “Save it,” utos pa nito. Aba at may panahon pa itong makipag-kulitan sa kanya, e, halatang banas na banas na ang asawa nito. Outside the kulambo talaga ito mamaya sa asawa. “Done,” aniya at pinakita ang inilagay na pangalan. Mayor E lang ang nilagay niya. “Good.” Nginitian siya nito bago binalingan ang kasama nitong babae. “Let’s go.” “At last,” halata ang iritasyon sa boses nito. Naikuyom niya ang kamao habang tinatanaw ang mga ito. Ang dami kasing kaartehan ng Mayor na ito. Ibibigay lang, e, dami pang seremonya! Sa labas sana patulugin ng asawa. Tapos biglang uulan, na may kasamang kulog at kidlat. Kung pwede rin sana, Lord, patamaan mo na rin!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD