ALAM ni Vanessa na hulog na hulog na si Frank kay Candice kung kaya nga kahit tinatawagan niya ang asawa ay hindi man lang nito magawang sagutin ang kanyang mga tawag. Isa pa, nababalitaan niyang marami itong binibili para sa babaeng 'yon-----para sa kabit nito... Nilulustay lahat ni Frank ang pera nito para sa Candice na yun at maging ang pamilya ng kabit ng kanyang asawa ay umaasa na rin dito. Oo, naiintindihan niya ang ginagawa ni Frank pero hindi niya gusto na magmahal ito ng iba lalo na sa Candice na 'yon na halos nakadikit na ang buong pamilya sa kanyang asawa. Noon pa ay kumukulo na ang dugo niya kay Candice. Kahit na bukas ang kanyang asawa sa relasyon nito kay Candice ay hindi niya pa rin matanggap ang babae. Ganun pa man ay kailangan niyang magkunwari na tanggap niya ang kabit ng asawa. Walang normal na relasyon ang tatanggap na may kabit ang iyong asawa dahil walang asawa ang may gusto na may kahati. Hinding-hindi niya tatanggapin. Nang una ay hinayaan niya lang naman si Frank dahil nasanay naman na siya sa asawa. Isa pa, kilala niya ang kanyang asawa. Kapag may nagugustuhan itong babae ay hindi iyon tumatagal, lahat ay panandalian lang pero nang makilala nito si Candice ay nagbago ang lahat. Wala ng mahalaga para sa kanyang asawa kundi si Candice. Kulang na nga lang ay magtayo ito ng rebulto ng kabit nito. Simula no'n ay nagkaroon na siya ng insecurities. Palagi niya ng ikinukumpara si Candice sa kanya. Bukod sa mas may edad siya sa kabit ng asawa ay wala rin naman itong binatbat kung ganda ang pag-uusapan. Akala niya ay pagsasawaan din ni Frank ang kahibangan nito sa babaeng 'yon pero hindi----- dahil ilang taon na itong baliw na baliw sa kabit nito. Lahat ng oras nito ay binibigay sa babaeng iyon at wala ng itinara pa sa kanya. Mabuti na nga lang at wala silang anak dahil kung meron tiyak na kawawa lang ang kanyang anak dahil makikihati ng oras sa kabit nito. Ilang taon na siyang nagtitiis dahil sa ginagawa sa kanya ng kanyang magaling na asawa. Nagtitiis siya dahil mahal niya ito---- dahil kailangan si Frank ng kanyang ama pero hindi habang buhay ay magtitiis siya. Kailangan niyang lumaban. Kailangan niyang alisin sa landas ng kanyang asawa ang kinababaliwan nitong Candice, lalo na ngayon na nagsasama na ang dalawa sa iisang bubong. Kailangan niya ng kumilos. Hindi niya na dapat hintayin na mawala ng tuluyan sa kanyang ang asawa.
Sa galit niya ay binato niya ng kanyang cellphone ang tv na nasa kanyang harapan. Nakita niyang nasira niya ang tv pero wala siyang pakialam. Kahit ano pa ang kanyang sirain ay kaya niyang palitan at lahat ng mga nasa harapan niya ay kaya niyang bilhin.
Kanina pa siya tumatawag kay Frank pero hindi nito sinasagot ang kanyang tawag. Wala namang ibang dahilan para hindi sagutin nang kanyang tawag 'yun ay dahil nasa kandungan ito ng ibang babae at nagpapakasarap.
"Pulutin mo!" sigaw niya sa kanyang maid na nasa harapan niya. Ang pinapakuha niya rito ay ang kanyang cellphone na kanyang ibinato. Dali-dali namang kinuha iyon ng maid at inabot sa kanya.
"Iwan mo ako!" sigaw niya pa.
Nang hindi niya na makita ang katulong sa kanyang harapan ay may tinawagan siyang kaibigan. Buo na ang kanyang pasya na ipapatay ang kabit ng kanyang asawa.
"I need the phone number we were talking about. I need that mistress killed," wika niya sa kanyang kausap.
"Sure," sagot sa kanya ng kausap. Ito ang nagkwento sa kanya tungkol sa mga hunters ng mga mistress.
"See you in hell," nakangisi niyang wika.
Handa siyang maglabas ng kahit magkano mawala lamang sa landas niya ang Candice na 'yun. Hindi niya na hihintayin pa ang mauna siya rito dahil ngayon palang ay uunahan niya na anv kabit ng kanyang asawa.
*************
WORK FROM HOME---- iyon ang drama nilang magkakapatid ngayon. Kapwa sila nasa kani-kanilang mga kwarto habang nagtatrabaho. Tiningnan niya ang kanyang personal email at nakita niya ang bagong pasok na email sa kanya. Binuksan niya ang unang email nito.
"I called last week at sinabi ko sayong pag-isipan mong mabuti ang inaalok ko sayo. Sampung milyon kapalit ng buhay ng kabit ng asawa ko. Makikita mo sa attachment ang picture ng babaeng papatayin mo. Tawagan mo ako kung pumapayag ka na sa trabahong gusto ko. Huwag mo sana akong bibiguin Mr. Ivann Villarica, nagustuhan pa naman ng kaibigan ko ang trabaho mo."
Napatitig siya sa monitor ng kanyang laptop. Hindi niya maaaring makalimutan ang babaeng tumawag sa kanya at inalok siya ng sampung milyon kapalit ng pagpatay niya sa kabit ng asawa nito.
Biglang siyang pinagpawisan kahit na malamig naman ang aircon sa kanyang kwarto. Kahit magkano pa ang ialok sa kanya ay hindi niya susundin ang inuutos nitong pumatay ng tao. Kahit pa recommended siya ng kahit sinong tao. Gusto niya pang matulog ng mahimbing sa gabi. Isa pa, hindi naman siya nagdidildil ng asin para pumayag sa gusto ng kanyang kliyente. Hindi pa siya desperado.
Gustong-gusto niya ng tawagan ang kanyang kliyente at sabihing hindi pa rin siya pumapayag pero minabuti niya munang buksan ang attachment na pinadala nito. Nang pindutin niya iyon ay natigilan pa siya at nanlaki ang kanyang mga mata. Ilang beses siyang kumurap-kurap baka mamaya ay namamalik mata lamang siya pero hindi---- dahil ang larawan na nakatambad sa kanyang harapan ngayon ay walang iba kundi ang larawan ni Candice.
Ang kabit na gustong ipaligpit ng kanyang kliyente ay walang iba kundi ang babaeng nagpapagulo sa kanyang isipan. Nanghina siya sa nalaman.
"Kabit si Candice? Pero nino?---- Ni Frank?" pagkakausap niya sa sarili. "Oh, f**k!"
Sumakit bigla ang ulo niya. Hindi niya alam ang gagawin. Paanong kabit si Candice samantalang ang alam niya ay boyfriend nito si Frank? Isa pa, hindi siya naniniwalang kabit lamang si Candice dahil sigurado siyang hindi ito papayag. Isa pa--- siya ang nakakuha ng virginity ng babae.
Gulong-gulo siya.
Dahil hindi makapaniwala sa nalaman ay nilakihan niya pa ang picture na nasa kanyang harapan. Gusto niyang siguraduhin si Candice talaga ang nasa larawan pero kahit anong zoom in ar zoom out at si Candice talaga ang nasa larawan.
Napahilamos siya ng mukha. Pakiramdam niya ay namutla siya ng mga oras na iyon. Ang babaeng itinakas niya sa resort na mukhang may iniiwasan ay isa palang kabit.
Bigla siyang napaisip.
Paano kung kaya pala tumatakas si Candice ng gabing iyon ay dahil nalaman ng legal na asawa na may kabit si Frank? Sa itsura ni Candice ng gabing dumating ito sa kanyang cottage ay mukhang galing ito sa pagtakbo. Walang kahit anong dala maliban sa cellphone nito. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pumayag si Candice na maging kabit lamang ng Frank na iyon? For what? For money? Ganun na ba ito kadesperado? Kung pera lang din naman ay may pera naman siya. Kaya niya itong bigyan ay hindi nito kailangan na maging kabit.
"Pero bakit ko gagawin yun? Bakit ko siya tutulungan? Kabit si Candice at galit ako sa mga babaeng naninira ng pamilya."
Huminga siya ng malalim. Masisiraan yata siya ng bait. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Bigla siyang nakaramdam ng stress. Pakiramdam niya tuloy ay nakasalalay sa mga kamay niya ang kaligtasan ng babae.
"Kapag hindi mo tinanggap ang trabaho ay pwedeng ipapatay niya sa iba si Candice, Ivann. Mag-isip ka. May pera ang legal na asawa at mamamatay si Candice. Gusto mo ba yun? Gusto mong mamatay ang babaeng minsan ay inangkin mo? Ang babaeng nagbigay sayo ng init at sobrang pagnanasa na hanggang ngayon ay pinagnanasaan mo?" usig ng kanyang isipan.