Patay na Patay
Bago tuluyang umuwi, bumili muna ako ng cupcake. Medyo kasya pa naman ang pera ko.
Sayang at di ko man lang natanong ang sahod ko. Siguro ay bukas nalang total magsisimula rin naman ako bukas.
Pumara ako ng jeep at nagbayad ng walong barya sa driver. Tiningnan ko ang labas ng bintana. Ano kayang type ng lalakeng 'yon? Kadalasan rin naman kasi sa mga mayayaman, ang gusto nila ay iyong kapwa nila mayaman. Matataas ang standards nila. Kung hindi man mataas, baka ang parents rin ang mataas at gusto ay iyong katulad nilang may dugong ginto ang mapangasawa ng anak nila.
Di ako naniniwala sa pag-ibig. Para sa akin, kahibangan ang bagay na iyon. Alam ko namang ginagawa lang alibi ng mga tao ang isang pagmamahal dahil ang totoo ay may kailangan lang talaga sila. Marahil ay mahal nila ang babae para matustusan ang kanilang libog. O kaya mahal dahil kailangan lamang ng taong ipaparamdam sa kanila na may halaga sila. Palaging may rason kaya mo mahal ang isang tao.
Hindi katulad sa fairytales sa libro ang pagmamahal sa mundo. Mapait pakinggan pero iyon ang totoo.
"Para," sabi ko na ikinahinto rin naman noong jeep.
Bumaba ako at inayos ang aking dress. Sumakay ulit ako ng tricycle para makapasok sa Barangay na kinatitirikan ng aming lupa.
Bakante ng nangyari kaninang interview ang utak ko. Ang aking mga mata ay natatangay pa ng magagarang kotse na lumalagpas lamang. Kailan kaya ako makakasakay sa ganyan? Kailan kaya giginhawa ang buhay namin? Iyong wala nang alalahanin, iyong malayo sa nakasanayan ko.
Bumaba rin naman ako at nagbayad. Naglakad nalang ako ng kaonti para makarating sa mismong bahay namin.
"Welcome back, Aioni!"
"Dumeritso kana sa bahay natin, Aioni, naghihintay ang anak nating dalawa!"
Nagtawanan ang mga tambay na topless pa. Sila lang naman ang mga fans ko rito. Araw araw, sa twing dadaan ako ay palagi talaga silang may isinisigaw na akala mo ay nasa stage ako at sila itong hamak na mga supporters ko.
"Mga gago! Di kayo type niyan. Mataas ang standards niyan!" sigaw ng kung sino na di ko nalang pinansin.
Nakarating rin naman ako sa aming gate. Binuksan ko iyon at tuluyan nang pumasok. Pagpasok ko sa bahay ay nadatnan ko agad ang magulong gamit. Pinulot ko ang iilang mga nagkalat sa sahig at inilagay iyon sa sofa. Bumuntong ako ng hininga at mukhang wala na namang tao rito.
Inilapag ko ang aking mga gamit sa mesa at lumabas muli. Nagtungo ako sa malapit na kapitbahay at kumatok kina Aling Guring.
"Tao po..."
Ilang sandali lamang ay may bumukas nga noon.
"Aioni!" Napangiti agad si Aleng Guring sa akin.
"Nandito po si Lucas?"
"Ay oo! Nako, iyong Mama mo mukhang nasisiraan na naman ng bait at nag-iinom na naman! Nakikipagtsismisan doon sa kabilang kanto!" ani Aling Guring at iminuwestra sa akin ang loob.
Pumasok ako at iginala ang tingin. Nakita ko kaagad ang laruan ni Lucas sa sahig at ang mahimbing na natutulog kong dalawang taong gulang na lalakeng kapatid.
"Ano ba iyang Mama mo, di na nag-iisip ng tama! Siguro naalog na iyan dahil sa ginagawa ni Berning noon," pabiro ngunit galit niyang sabi.
Hindi ako makasagot at pinulot nalang iyong laruan. Sa tuwing naririnig ko ang pangalan ni Papa ay nalalasahan ko agad ang tabang sa aking bibig.
"Nakatulog po siya sa paglalaro?" tanong ko na ikinatango niya at namungay ang mga mata.
"Kung di lang talaga ako naaawa sa iyo ay di ko na tatanggapin iyang si Lucas sa tuwing iiwan iyan ng Mama mo rito."
Ngumiti ako kay Aling Guring.
"Salamat po. Hayaan niyo natanggap ako sa trabaho. Pag nakuha ko ang sahod ko ay magbibigay nalang po ako."
Nilapitan ko si Lucas. Marahan kong inalog ang kanyang braso.
"Lucas..." malambing kong tawag.
"Nako, hayaan mo na. 'Tsaka wala rin naman akong ginagawa rito sa bahay. Alam mo namang nasa trabaho rin ang mga anak ko. Nakakatuwa rin naman kasi iyang si Lucas! Ang supladong bata!" Tumawa si Aling Guring na ikinangisi ko sa kanya.
Si Lucas kasi iyong tipo ng batang snob sa mga taong di niya nakikita lagi.
Gumalaw si Lucas kaya ibinalik ko sa kanya ang aking atensyon.
"Lucas may binili akong cupcake!" sabi ko na unti-unti niyang ikinadilat.
Bumangon ito kaya natawa si Aling Guring. Ngumisi ako sa kapatid na nagkukusot na ng mga mata.
"Ate..." Tiningala niya ako.
"Tara. Uwi na tayo?"
Napunta ang kanyang tingin sa aking kamay at kinuha ang aking laruan. Binuhat ko siya.
"Salamat po, Aleng Guring," sabi ko nang lingunin ko ito.
"Basta ikaw, Aioni."
Nilingon ko si Lucas na nasa laruan na ang atensyon. Inayos ko pa ang nagulo nitong buhok dahil sa pagtulog.
"Mag babye kana kay Aling Guring," sabi ko sa kapatid kong iwinagayway rin agad ang kanyang kamay.
Iwinagayway niya lang ang isa niyang kamay sa tamad na paraan habang ang tingin ay nasa laruan. Tumawang muli si Aling Guring, nawiwili sa kasupladuhan ng aking kapatid.
Lumabas rin naman kaming dalawa. Ramdam ko sa aking bisig ang bigat ng aking kapatid.
"Ba't ka nakatulog? Napagod ka ba?" tanong ko sa kanya.
Umiling siya at ngumuso. "Gutom..." saka niya hinawakan ang kanyang tiyan.
"Di ka pinakain ni Mama?"
Umiling siyang muli at mas lalong ngumuso habang ang tingin ay nasa hawak na laruan.
Nakaramdam agad ako ng galit. Alam kong hindi rin naman palasalita si Lucas lalo na sa ibang tao. Kung iiwan mo siya sa isang bahay ay tahimik lang siyang maglalaro at hindi sasabihin ang nararamdaman niya. Sa akin lamang siya nagsasabi.
Mahiyain siyang bata at may pagka snob sa iba. Kahit siguro kausapin mo siya ay di ka man lang niya titingnan sa mga mata lalo na kung di ka nito kilala.
Pagkauwi naming dalawa ay inilapag ko kaagad siya sa sofa. Ipinakita ko sa kanya iyong isang cupcake na binili ko na ikinalaji agad ng kanyang mga mata.
Pumalakpak siya. "Cake!"
"Mahal ito! Anong sasabihin kay Ate?" Itinago ko ang cupcake sa aking likod.
"Please... Ate... Thank you..." sabi niya at humawak pa sa magkabilang braso ng sofa saka tumagilid ang kanyang ulo para silipin iyong cupcake.
Tumawa ako at inilabas na iyon. Lumiwanag muli ang kanyang mukha at gumalaw galaw na sa sofa.
Tinanggap niya agad iyon at kinagatan ang icing na mabilis kumalat sa kanyang labi.
"You're welcome, Lucas! Kiss ni Ate!" Inilebel ko sa kanya ang aking pisngi na mabilis niyang hinalikan. Nalipat iyong icing sa aking pisngi na pinunasan ko nalang at napangiti sa kapatid ko.
"Diyan ka lang ha. Maglilinis lang ako."
Tumango siya at hindi na ako tiningnan. Bumuntong ako ng hininga at nagtungo sa kusina. Ang mga platong hindi pa nahuhugasan ang agarang bumungad sa akin. Kahit iyong mga pinagkainan sa lamesa ay naroon pa.
Kinagat ko ang aking labi. Kaya ko 'to!
Itinali ko ang aking buhok at nagsimulang maghugas. Iyong ibang plato ay dumikit pa ang mga kaning nanigas na dahil matagal na nahugasan.
Pagkatapos ko iyong hugasan ay nilinis ko narin ang sink. Pinunasan ko iyon para matanggal ang mga mantsa gawa ng dumi.
Nagluto ako ng kanin sa rice cooker at lumabas ulit para linisin ang sala. Naglalaro na si Lucas sa sofa noong paborito niyang laruan na ako rin ang bumili.
"Alam mo ba na may work na si Ate!" masaya kong balita sa kapatid na nag-angat ng tingin sa akin.
"Work?"
"Oo, work! Para yumaman. Para mabilhan ka ng maraming cupcakes!"
Ngumiti agad siya at pumalakpak. "Cake!"
Tumawa ako at ipinagpatuloy ang pagwawalis.
"Tapos bibilhin kita ng maraming toys!"
"Yehey!"
"At damit!"
Mas lalo siyang pumalakpak. Naengganyo ako sa paglilinis at nawawala ang aking pagod dahil sa pakikipag-usap ko sa kanya.
"Hayaan mo... Aakitin ko 'yung boss ko. Mayaman 'yon, Lucas!"
"Cake!" sigaw niya pa.
"Oo bibili tayo ng marami at titira na tayo sa malaking mansyon! Tapos sasakay kana sa totoo at malaking kotse!"
"Yehey!" Pumalakpak naman ang aking kapatid kahit walang naiintindihan basta ay naririnig niya lang iyong paborito niyang cake at kotse na laruan.
Narinig ko ang pagkalampag ng gate. Mabilis akong nagtungo sa labas para pagbuksan ang kumakatok.
Pagkabukas ko noon ay tumambad agad si Mama na nakabusangot. Pumasok siya at dumaan sa aking gilid. Mukhang nakainom pa ata ito ng kaonti.
Isinara ko ang gate at mabilis siyang sinundan.
"Mama di niyo po pinakain si Lucas?"
"Pinakain!" sagot niya sa akin.
"Pero nagrereklamo po siyang gutom siya."
Marahas niyang ibinagsak ang kanyang sarili sa sofa at hinilot ang ulo.
"Pinakain ko siya! Anong tingin mo sa akin, bobita?!"
Medyo nagulat si Lucas sa kanyang pagsigaw kaya itinigil ko nalang ang pagtatanong. Hinilot niya ang kanyang ulo at isinandal doon sa likod.
"Kumusta ang lakad mo? Nakahanap ka ba ng trabaho?" malumanay niyang tanong.
Tumango ako. "Sa isang Restaurant po."
"Oh edi mabuti! Ano, malaki ba ang sweldo mo?"
"Di ko kasi natanong..."
Dumilat siya at matalim akong tiningnan.
"Dapat tinanong mo! Baka konti lang ang sahod doon para makapaghanap ka pa ng ibang trabaho!"
"Mama, minor po ako. Buti nga at tinanggap ako roon eh. Mahirap maghanap ngayon ng trabaho na may malaking sahod kung di ka pa tapos sa pag-aaral."
Pumikit siyang muli at ipinagpatuloy ang paghihilot sa kanyang ulo.
"Mama bukas na raw ako magsisimula. Paano naman si Lucas niyan kung palagi kayong wala rito sa bahay? Sabi ko naman po ako nalang ang magtatrabaho basta ay h'wag niyo lang iwanan si Lucas! Kawawa po siya."
"Oo na oo na... Nawili lang talaga ako roon kina Delya. Alam mo naman ako... Ang lungkot ko rito sa bahay!" madamdamin niyang sabi.
Sumimangot ako. "Kasama mo naman si Lucas..."
"Haynako Marione! Anong tingin mo sa akin limang taong gulang! Di ko malalabasan ng problema ko si Lucas! Gusto ko iyong may kausap ako... May katawanan... Pagbigyan mo naman ako! Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito kasayang buhay pagbabawalan mo pa!"
Lumingon si Lucas sa kanya at bumusangot. Marahil ay narinig niya ang kanyang pangalan.
Kahit labag sa aking loob iyang ginagawa niyang pangangapitbahay para dayuhin iyong mga kaibigan niyang tsismosa ay wala rin naman akong magagawa. Ngayon niya lang naramdaman ang ganyang kalayaan, ang nakakapagsaya nang walang nagbabawal sa kanya.
"Wala na sana ang ama mo pero sa tuwing mag-isa ako, nalulungkot ako. Namimiss ata ng katawan ko ang pambubugbog niya." Mapaklang tumawa si Mama at nailing habang ang palad ay nakapatong nalang sa kanyang noo.
"Bakit mo mamimiss ang lalakeng sinasaktan ka, Mama? Hindi lamang emosyonal kundi pati pisikal!" Napangiwi ako at ramdam ko ang pamimintig ng aking kilay sa sobrang pagkafrustrate.
"Papa mo parin iyon!" Pinandilatan niya ako ng mga mata. "Kahit anong ginawa niya sa akin, galing ka parin sa laman niya! Di ka mabubuo kung di dahil sa kanya!" sumbat niya.
Gumapang agad ang galit sa aking sistema. Bakit ba ang manhid manhid niya? Bakit nagtitiis siya sa lalakeng halatang wala nang natirang pagmamahal sa kanya? I've seen his wrong doings! Ama ko nga siya pero ang sakit sakit ng mga pinaggagawa niya. Ipinakita niya sa akin na ang pag-ibig ay isang malaking kahibangan.
"Pero sinasaktan ka parin niya!"
Huminahon ang kanyang mukha at nag-iwas ng tingin sa akin, naguguilty sa kanyang karupukan.
"Mama... Alam mong si Papa ang dahilan kaya tayo mawawalan ng bahay at lupa ngayon! Kung hindi lang siya nalulong sa sugal edi sana ay hindi ang mga ito ang ipambabayad natin sa kanyang mga utang—"
"H'wag mong isumbat lahat sa Papa mo! Wala kang utang na loob sa kanya! Bakit mo isinisisi ang lahat ng ito sa ama mo?" galit niya akong tiningnan.
Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi. Ang galit na nararamdaman ko para sa aking ama ay mas lalo lamang lumaki. At ang pagmamahal na binubulag ang aking ina ay mas lalo ko lamang kinasusuklaman. Ganoon na siya kahibang na kahit sinasaktan lang naman siya, kahit niloloko, kahit ito na ang rason ng aming pagkalugmok ay mahal niya parin!
Alam kong nabuo ako dahil sa kanilang pagmamahalan, kami ni Lucas. Pero hindi ko maintindihan kung bakit nagagawa niyang saktan si Mama, nagagawa niyang lokohin. Hindi ko maintindihan kung bakit tinitiis niya lang rin ang lahat! Kinasusuklaman ko ang pag-ibig. Ipinakita nito sa akin na kaya mong itali ang isang tao at bihagin ito sa pamamagitan lamang ng pagmamahal.
Bakit ka magpapatali sa pag-ibig na maaaring dudurog sa'yo? Kahibangan!
Nagluto ako ng ulam. Si Mama naman ay mukhang nakatulog na roon sa sofa. Si Lucas ay nakaupo sa carpet at nawiwili sa kanyang laruang kotse.
Naalala ko bigla ang pambubugbog ni Papa kay Mama. Palagi kong natatagpuan si Lucas na nagtatago lamang sa may pinto at umiiyak. Ako ang palaging nagpapatahan sa kanya. At sa bawat pagpatak ng luha niyang sinasalo ko ay nadudurog ang aking puso. Mas lalong lumalaki ang galit ko kay Papa, kay Mama.
Galit ako kay Mama dahil nagagawa niyang magtiis sa pagmamahal na papatay sa kanya. Galit ako sa kanya dahil sa kabila ng sakit na ibinubuhos sa kanya na parang asido ay tinitiis niya lamang.
Sila ang sumira ng tingin ko sa matamis na pag-ibig. Wala kang mapapala sa lalake. Kung gusto mo mang matali, doon ka nalang sa maibibigay sa'yo ang lahat ng wala ka. Kahit h'wag nalang iyong pagmamahal na aalipinin ka lang naman.
"School, Ate?"
"School na si Ate para may pambiling toys kay Lucas..." sabi ko habang sinusuklay ang aking buhok.
"Play!" Itinaas niya ang kanyang laruan.
Nang matapos ako ay yumuko ako at pinagpipisil ang kanyang pisngi.
"Sorry pero di pa ako pwedeng makapaglaro sa'yo. Kailangan ko mag school para pag nakapagtapos si Ate ay mapag-aaral kita sa Private School! Gusto mo yon?"
Tumango tango siya at ngumiti, lumalabas ang dimple sa kaliwang parte ng bibig.
"Play, ate!"
Napasimangot ako. Buti pa ito, walang inaalalang iba. Ayoko rin namang matulad sa akin ang kapatid ko. Gusto ko, pag laki niya ay maginhawa na ang kanyang pamumuhay. Gusto kong maging maganda ang kanyang mundo, hindi katulad ng nakagisnan ko.
Pumasok rin naman ako. Grade 11 na ako sa pinapasukang Public School na malapit lang rin dito sa amin.
Nasa gate pa lang ako ay sumipol na naman iyong mukhang engkanto na si Jeric. Inirapan ko kaagad ang kanyang grupo lalo na't nagtatawanan na. Hindi lang naman mga tambay ang fans ng kagandahan ko, marami rin dito sa eskwelahan.
"Di ka makakapasa sa standards niyan! Mayaman ang gusto niya," aniya, isa sa mga kaibigan ni Jeric.
"Mabubuhay ko naman siya," si Jeric at nakipagtawanan sa mga kaibigan niya doon sa bench.
Mapapatay naman kita.
Hindi ko na iyon isinatinig at mas binilisan nalang ang aking paglalakad hanggang sa hindi ko na naririnig ang kanilang usapan.
Wala akong pakialam kung huhusgahan ako ng mga taong nakapaligid sa akin. Wala akong pakialam kung sabihan nila akong gold gidder, assuming, mataas mangarap, social climber, o kung ano ano pang pwede nilang ipangalan sa ugali ko.
Okay sana kung iyang panghuhusga nila ay nagiging pera at matutulungan ako sa aking problema pero hindi naman. Nagfofocus nalang ako sa mga mahahalagang bagay. Iniisip ko ang kapakanan ni Lucas, ang bahay at lupa namin, at ang kagustuhan kong makapagtapos. Bahala sila. Palibhasa mga walang silbi. Puro lang panghuhusga ang alam.
"Mahal na Prinsesa!" tawag sa akin ni Eunecia nang makapasok na ako.
Pabiro kong hinawi ang aking buhok na tumama pa sa kanyang mukha.
"Ang bango natin ngayon ah!" sabi niya at tumawa.
"Syempre alagang downy!"
Humagalpak agad siya ng tawa. "Eh paano naman ang buhok? Mabango rin!"
"Ganoon talaga pag alagang Dove!" Ngumisi ako ng matamis na mas lalo niyang ikinahagalpak.
Tumawa narin ako at umupo sa kanyang tabi. Mabilis siyang humilig sa desk ng aking upuan at tila naghihintay na ng kwento.
"Nag-apply ako at natanggap..." Ngumisi ako sa kanya.
"Expected ko na iyon! Ikaw pa, iba ang kamandag mo! Oh tapos? Kumusta naman?"
"Ayun... Gwapo ang boss ko."
Lumaki ang kanyang mga mata. "At kailan ka pa nahilig sa lalake Marione?!"
Alam niya ang galit ko sa mga lalake. Alam niya rin ang problemang nagkakapatong patong ngayon sa aking buhay kaya napipilitan akong magtrabaho sa murang edad.
"Naisip ko lang kasi... Pag naging kami noon ay giginhawa na ang buhay namin at no need na akong magtrabaho. Hindi lamang iyon, mababayaran agad ang utang namin at masasalba ang aming bahay at lupa. Ang ganda ng plano ko 'di ba!" Kinindatan ko siya at nginitian ng matamis.
Tumango tango naman siya at manghang mangha.
"Pero papatol ka sa matanda? Grabe... Wala bang asawa ang boss mo at matandang binata ito?"
Tumawa ako at umiling.
"Hindi naman iyon matanda. Anak ata iyon ng may-ari ng Restaurant. Medyo suplado pero pag nakuha ko ang loob noon at nalaman ang mga hilig niya ay mahuhulog din iyon sa akin. Napapaano nga ang mabangis na leyon tao pa kaya," confident kong sabi.
"Kung ganoon, ireto mo narin ako sa kapatid nang parehas tayong makaahon sa kahirapan!"
Bigla akong napaisip. Meron ba iyong kapatid? Kahit nga girlfriend ay hindi ko alam kung meron ba. Iyong mukhang m******s niya lang na kaibigan ang nakita ko roon.
"Kaibigan lang eh..." wala sa sarili kong sabi habang nakatingala kakaisip.
"Kaibigan?" Tumagilid ang kanyang ulo at sinilip ang aking ekspresyon. "Gwapo rin ba? Sure ako mayaman din. Doon nalang!"
Umiling agad ako at mabilis na bumalik sa aking sarili lalo na't naalala ko ang ngisi ng malanding iyon.
"Hindi mayaman eh. Pang average lang. Parang nandiyan lang sa mga kanto, ganoon... Iyong madalas nagpapalibre at pataygutom."
"Huh? Pang average lang? Hindi gwapo?"
Umiling ako. "Hindi gwapo. At may pagka m******s pa. Halatang alam mo na... fuckboy."
Ang kanyang pagkamangha kanina ay mabilis na gumuho at naging iba na ang timpla ng ekspresyon.
"Sayang naman."
"Halata ngang dumidikit lamang doon sa boss ko kasi mayaman tas may benefit siya. Medyo mayabang pa ang dating. Basta."
Tuluyan nang nawala ang pag-asa niya at sobra na atang nadiscourage. Humagikhik naman ako.
"Pero iyong boss ko grabe mala Diyos ang kagwapuhan! Ang perpekto ng mukha Eunecia! Tapos may suot pang rolex na relo at ang boses grabe... Siguro pag isinangla ko ang lalakeng iyon ay instant milyonarya agad ako! Amoy palang kasi halatang mamahalin na!" Kulang nalang ay tumili ako sa aking pagkukwento.
"Pag iyon naakit mo ambunan mo nalang ako ng swerte ah!"
"Oh sige ba! Mga isang buwan baka nga patay na patay na iyon sa akin!" Humalakhak ako.
"Gaga. Baka sa isang bywan doon pala sa kaibigan niya ang bagsak mo!" Tumawa narin siya na mabilis kong ikinabusangot.
Bakit naman ako mapupunta sa lalakeng iyon? Hindi ko nga type eh! Hindi niya abot ang standard ko at imposibleng magustuhan ko ang katulad niya.
"Imposible. Magpapaputol ata ako ng ulo kung doon ako mapupunta." Nailing ako.