Prologue
Hired
Simula noong bata pa ako, nangangarap na ako ng marangyang buhay. Iyong mamumuhay ka bilang isang prinsesa sa isang magandang malamansyon na bahay at pinagsisilbihan ng mga katulong. Iyong hindi mo na kailangang gawin ang mga bagay na nakakapagod dahil may sariling gagawa noon para sa'yo.
Kumikinang palagi ang aking mga mata sa mahahaling bagay. Mahahaling bag, sapatos, damit, alahas at kung ano ano pa na nagkakahalaga ng mahal at hindi afford ng mga ordinaryong tao.
Lahat naman siguro ay ganoon ang pangarap. Iyong hindi mo na kailangang magcommute dahil may hahatid at susundo sayong sasakyan. Iyong hindi mo na kailangang makipagsiksikan sa palengke dahil afford mo naman sa Mall. Iyong hindi mo na kailangang magtiis sa hulog piso na internet dahil may sarili kayong wifi at may sarili kang gadgets. Iyong kahit ang iyong pinapasukan na paaralan at nakakasalamuha ay mga kauri mong mayayaman.
Masyado bang mataas ang pangarap ko? O masyado talaga akong ambisyosa, katulad nga ng sabi ng iba.
Pumasok ako sa isang Restaurant na namataan kong medyo malapit doon sa magandang paaralan na BTSU, nagbabakasakali akong baka tanggapin nila ako.
Binuksan noong gwardya ang pinto. Ngumiti ako sa kanya saka ko iginala ang aking mga mata. Sumalubong agad sa akin ang lamig, ang magandang interior design na nagpalaglag sa aking panga.
Kuminang agad ang aking mga mata sa sobrang pagkamangha. Ayan na naman... nabubuhay na naman ang pagiging ambisyosa ko at nag-iisip na naman ako ng kung ano ano. Ano kayang masarap orderin dito?
Binalingan ko iyong grupo ng mga babaeng nagtatawanan at nakauniporme pa. Ayun, ang isa ay naka Balenciaga na bag, iyong isa naman ay Gucci, iyong may mahabang buhok ay naka Hermes at lahat ay nakaiphone. Meron pang nakabrace at puro mukhang mayayaman.
Syempre, kabisado ko ang mga mamahaling bagay dahil iyan ang mga pangarap ko. Okay lang na masabihang ambisyosa at least may pangarap!
Tama na nga iyan! Nagtungo na ako roon sa counter na pwedeng mapagtanungan ng aking pakay.
Inilapag ko roon ang aking folder. Tumingin naman sa akin ang mga babae.
"Yes Ma'am, may I help you?" tanong nito.
"Ah... May vacant kayo?"
Nagkatinginan sila. Sa aking ayos, para rin naman kasi akong kakain. Syempre hindi pwedeng mukhang dukha akong tingnan. Nagdress ako ng maganda at ibinagsak ko ang buhok kong maalon ang dulo. Buti nalang talaga at maputi ako, alagang silka!
"Nandiyan ba si Sir?" tanong noong isa.
"Oo meron... Kaso baka tulog iyon."
"Teka ichecheck ko sa office niya." Umalis iyong isa kaya ibinalik ko ang tingin sa dalawang babae.
Ayaw ko talaga sa mga ganitong trabaho. Ayoko sanang magtrabaho ng maaga kaso no choice na ako! Kung hindi ko ito gagawin, baka kinabukasan ay sa kalsada na kami pupulutin. Ayoko namang sa tulay nalang manirahan 'no! Sa ganda kong ito!
"This way, Ma'am..." anang babae na ikinabalik ko sa aking sarili.
Kinuha ko ang aking folder at nagtungo roon sa kanyang tinutukoy. Sumunod ako sa isang pasilyo. Tumigil kami sa isang pinto at siya ang bumukas noon. Ngumiti ako at natuwa sa kanyang ginawa. Gusto ko talaga iyong pinagsisilbihan ako.
Pumasok rin naman ako sa loob. May nakita akong lalake na nakaupo sa may silya, bagot na bagot at nakatuon ang atensyon sa hawak na cellphone. Nagulat ako sa kanyang imahe. Akala ko matanda na ang narito sa loob. P-Pero bakit parang nasa 18 o 19 pa ata ito?
Nag-angat siya ng tingin sa akin. Ang kanyang mga matang malamig ay malalim agad ang paninitig. Sumenyas siya sa upuan nang walang sinasabi kaya tumango ako at umupo roon.
Hindi ko maiwasang punahin ang kanyang suot. Naka button down white shirt ito, bukas ang dalawang botones at nakikita ang suot na mamahaling kwintas. Sa left wrist naman ay ang kumikinang na rolex. Sa isang taenga ay kumikinang rin ang isang suot na earring at maputi ito, kaso singlamig ng yelo kung makatitig ang kanyang mga mata.
Ang guwapo naman! Siya ba talaga ang may-ari? O baka naman anak? Sinuswerte ata ako ngayong araw!
Inilapag ko ang folder. Bumagsak ang tingin niya roon pero di man lang ginalaw saka siya muling nag-angat ng tingin.
"Bata ka pa ah? Di kami tumatanggap ng minor," deritso niyang sabi at nalaglag ang tingin sa may parteng dibdib ko.
"Uh... Kaya ko namang magtrabaho... Kahit tuwing gabi lang sana kasi wala akong pangtustos sa pag-aaral ko..." sabi ko habang siya ay wala na sa akin ang tingin at naroon na sa telepono na nagring.
Itinikom ko ang aking bibig. Pinanood ko siyang humilig sa kanyang upuan. Medyo singkit ang kanyang mga matang malamig makatingin pero nakakaakit titigan. Matangos ang ilong nito, ang nakadepinang panga... ang medyo magulong buhok pero bagay naman sa kanya. Badboy looking!
"Yes, Ma. Oo... Babae..." Saka niya ako tiningnan. "Minor... Anong klaseng interview?" Bagot na bagot ang kanyang pagsagot.
"Okay," tangi niyang tipid na sagot at ibinaba na iyon.
Humilig siya sa mesa at tiningnan ako ng maigi habang ang mga kamay ay nakasalikop na. Naamoy ko kaagad ang manly niyang mamahalin na pabango!
"Gaano ka kasipag?" tanong niya ng deritsahan, na ito na ang interview para makapasok ako.
"Kaya ko pong mag advance ng isang oras bago ang duty ko, Sir," palaban ko namang sagot.
Nalaglag ang kanyang tingin sa folder. Binuksan niya iyon at binasa ang aking pangalan.
"Marione Santillan?"
Tumango tango ako at ngumiti ng matamis. Isinara niya iyong muli at binalingan ang cellphone niya sa gilid na tumunog.
Dinampot niya iyon at muling sumandal sa upuan, nasa kawalan na ang tingin.
"Oh gutom ka? Oh sige ipapadeliver ko sa'yo ang gitnang daliri ko. Patay gutom," matigas niyang sabi sa kabilang linya at pinatay na ang tawag.
Ang harsh naman nito.
Pinanood ko siyang may kuning ballpen at papel pero noong akmang magsusulat siya ay inilahad niya iyong dalawa sa akin.
"Write down your sched," aniya sa tamad na boses.
Lumaki ang aking mga mata at mabilis iyong tinanggap. So hired ako? Ganoon lang?!
"Hired na po ako?" gulat kong tanong.
Tumango siya. "Are you studying?"
"Opo... Pero pwede naman po ako tuwing gabi... Kaya ko," sabi ko na ikinahawak niya sa kanyang pang-ibabang labi.
"M W F, 7pm to 12pm. T Th S, 4pm to 9pm."
Mabilis ko iyong isinulat. Tumunog naman ulit ang kanyang cellphone na hindi niya na sinagot.
"Thank you po. Pagbubutihan ko po..." Ngumiti ako lalo ng matamis sa kanya kaso di man lang ito tumitig at tumango lang habang nasa cellphone ang buong atensyon.
"You can leave now. Just start tomorrow," sabi niya at mukhang pinuputol na ang interview.
Sayang naman... Hindi ba ito mahilig sa babae? At anak pa ng may-ari pa ng Restaurant! Pag siya ang naging boyfriend ko instant yaman agad ako! Ano kayang taste nito?
Nag-angat siya ng tingin sa akin. Ang supladong mukha ay may ikakasuplado pa pala kaya tumayo na agad ako.
"Thank you po, Sir..." Ngumiti ako sa kanya na ikinatango niya lang at ibinagsak ulit ang tingin.
Bago pa man ako makalabas ay may bigla nalang pumasok. Napatingin ako sa lalakeng naka puting cotton Tshirt, short at tsinelas habang hawak hawak ang magulong buhok na gumulo lalo. Nakapambahay ata ito at wala man lang suot na relo o kung ano mang mamahalin sa kanyang katawan. Wala akong naaninag na mamahaling bagay na suot niya. Ang napansin ko lamang ay iyong kuminang na dalawang earring sa kanyang isang tenga. Iyon lang.
"Nagugutom ako, Wayt..." bigkas niya saka ako tiningnan.
Kumpara roon sa magiging boss ko, siya itong kumikislap ang mga mata at sa mukha palang ay halata na ang pagiging playboy. Eh kasi naman, ngumingisi pa sa akin. Matangos rin ang kanyang ilong at maayos na nakadepina ang panga. Ang katawan ay hindi payat at sakto lamang. Medyo pawisan pa ito. Teka, naglakad lang ba siya? So wala siyang kotse o ano?
"Bumili ka, pataygutom," sagot noong nagngangalang Wayt sa kanya.
Siya ba iyong tumawag kanina?
Napansin ko kung paano nagtagal ang titig noong kakapasok lamang na lalake sa akin. Binasa niya ang pang-ibabang labi na nakangisi parin ng pilyo sa akin at iba na ang tingin. Ang manyak naman nito.
"Wala akong pera eh," wala sa sarili niyang sagot at hindi maalis alis ang mga mata sa akin.
"Edi magtrabaho ka. H'wag mo akong gawing sugar daddy mo."
Humalakhak ito at pinasadahan ng haplos ang buhok. Umirap ako para matigil ang kakatitig niya sa akin. Oo guwapo, mabango at may dating pero aanhin ko naman ang katulad niya kung walang pera? Nagpapalibre pa oh. Siguro kaibigan niya iyan?
"Aalis na po ako..." malambing kong paalam kay Sir Wayt or Wayt na tumango lang at di na ako tiningnan.
Tumalikod na ako. Kitang kita ko kung paano ako tiningnan noong manyak na kaibigan niya at nagawa pang sumipol. Umirap akong muli at lumabas na. Papansin rin! Eh wala ngang pambili ng pagkain tapos nagagawa pang lumandi! Sa mukha palang, halatang palaging nagpapalibre!
Para kasi sa akin ay may dalawang uri ng gwapo. Iyong gwapo lang pero walang pakinabang at iyong gwapo na mayaman pa. Doon ako sa full package, syempre.
Buti pa iyong si Wayt... Pag nagsimula ako rito, magiging maganda ang future ko pag siya ang nabingwit ko! Baka mas maliwanag pa sa Meralco ang magiging kinabukasan ko pag naging kami! Naeexcite na tuloy akong magtrabaho!