CHAPTER 3
Tumayo si Tatay. May kinuha siya sa taas ng aming lumang aparador. Nakabalot ito ng mga plastic at papel. Nang binuksan niya iyon ay isang maalikabok na kuwadradong painting. Nakikita ko na iyon noong bata pa ako. Nagagandahan nga ako kapag pinagmamasdan ko ang isang parang paraiso na nasa painting at may babae doon na parang napakalungkot ng kanyang mukha. Sa likod niya ay may isang napakagandang kastilyo. Isang parang paraisong kaharian. Napapanood ko lang ang ganoong kastilyo sa mga fantasy movies. Hindi makatotohanan dahil wala naman akong nakikita sa Pilipinas na ganoong mga castle. Siguro sa mga ibang bansa katulad ng Germany ngunit imposibleng may ganoon sa Pilipinas.
Kapag pinagmamasdan ko ang painting na iyon ng babaeng maganda, parang gumagaan ang aking pakiramdam. Iba kasi ang mukha ng babaeng iyon sa painting, parang siyang totoo. Parang nagsasabog ng pagmamahal. Magaan ang loob ko kapag pinagmamasdan ko noon ito. Buhay na buhay ang mga mata kahit pa parang may kung ano sa kanyag mga mata na kalungkutan at pagkasabik. Iniabot sa akin ni Tatay ang painting. Tumingin ako sa kanya.
“Bakit ho?”
“Sa’yo ‘to, ‘nak.”
“Akin ho ito?”
“Oo. Paano hong naging akin?”
“Nang matagpuan ka namin ng Nanay mo sa tambakan ng basurahan, nakita namin iyan na yakap nang babae na kasama mo. Umiiyak ka noon. Kaya ka namin nahanap. Kapag itinatabi nga namin yang painting na ‘yan sa’yo tumitigil ka na para bang pinatutulog ka nito.”
“Talaga ho?” Huminga ako nang malalim. “Yung sinasabi ho ninyong babae na nakayakap ng painting na ito? Nakilala ba ninyo? Nakausap?”
“Hindi e. Wala na siyang buhay noon. Dinala pa rin naman namin sa hospital ngunit hindi na umabot pa. Patay na raw nang makarating kami sa hospital.”
“Siya ba yung nasa painting na ito?”
“Hindi e. Hindi sila magkamukha?”
“Hindi kaya Nanay ko ang namatay na iyon?”
“Hindi namin alam anak,” sabad ni Nanay. “Hinananap naman namin ang tunay ninyong mga magulang, nagpanawagan pa kami sa mga istasyon ng radio ngunit wala namang naghanap sa inyo. Dinala namin kayo sa ampunan kasama ng isang sanggol rin dahil ayaw sana namin na madamay pa kayo sa paghihirap namin.”
“Kayo? Ibig sabihin, may sanggol pa akong kasama noon?”
“Oo, nak. Meron.”
“Hindi kaya kapatid ko ‘yon ‘Nay?”
“Walang nakakaalam. Hindi rin namin alam kung magkapatid kayo. Wala kaming mapagtanungan.”
“Nasaan na ho ang kasama kong sanggol?”
Nagkatinginan sina Nanay at Tatay. “Inampon ng ibang pamilya. Kami naman ang umampon sa’yo. Nagkahiwalay kayo, anak. Hindi kasi namin kayang alagaan kayo ng sabay. Ikaw lang ang kinuha namin kasi sa tuwing binibitiwan at iniiwan ka ng Nanay mo, ikaw ang umiiyak ng sobra. Naawa kami sa’yo kaya nagdesisyon kaming ampunin ka na lang namin. Nang gusto naming balikan ang kasama mong sanggol noon, hindi na namin nadatnan. Ayaw rin kasing sabihin sa amin kung sino ang umampon. May privacy daw kasing dapat nilang sundin.”
“Ibig sabihin, wala talaga akong pagkakakilanlan?”
“Ikinalulungkot namin anak. Wala kaming impormasyon tungkol sa mga magulang mo.”
Nanlumo ako pero hindi ko dapat ipakita kina Nanay at Tatay na nalulungkot ako. Kailangan kong ipakita sa kanila na okey lang ako. Na hindi ako nalulungkot sa nalaman ko. Na hindi dapat magbago ang tingin ko sa kanila.
“Tay, Nay, heto nga po pala yung allowance ko sa scholarship ko. Ibili na lang ho ninyo ng kailangan sa bahay at gamot ni Nanay.”
“Hindi na anak. May pera pa ako. Itabi mo ‘yan ng kailangan mo sa pag-aaral. Huwag mo kaming isipin ng Nanay mo.”
“Pero, Tay…”
“Mas kailangan mo nga iyan.” Itinulak niya ang kamay ko. “Sige na. Magpalit ka na at magluluto na ako nang makakain na ang Nanay mo at makainom ng gamot. Kunin mo ‘yang painting na ‘yan at baka makatulong sa’yo sa paghahanap mo sa iyong mga magulang.”
“Sige, ho, magpapalit muna ho ako.”
Kinuha ko ang painting. Nakita kong parang nagbago ng posisyon ang babaeng nasa painting. Iyon na ang dati kong ipinagtataka nang una kong makita ang painting na iyon. Para kasing buhay na buhay ang nasa loob ng painting at gumagalaw ito. Tinandaan kong mabuti ang ang ayos ng babae sa painting. May photographic memory ako kaya alam ko kung may magbabago kahit katiting lang na bahagi ng painting.
Ipinatong ko ang painting sa papag na hinihigaan ko. Kumot lang ang harang nito sa papag nila Tatay. Kinuha ko ang luma kong salamin para may magamit. Kanina pa kasi ako nahihilo at hirap umaninag. Maya’t maya ang paglingon ko sa painting. Baka lang kumilos uli ang babae ngunit mukhang steady naman. Humiga ako. Pilit kong inayos ang cellphone ko baka kasi gumana pa. Natuwa ako nang mag-on ito. Hayon! Sa wakas, gumagana pa nga.
Binuksan ko ang group chat namin. Nagbasa ako ng announcement ng aming guro. Nabasa kong nire-remind kami ng aming guro sa Humanities na magdala ng isang painting na pwede naming i-present sa harap ng klase. Taman-tama. Ang painting na lang na ito ang dadalhin ko. Pag-aralan ko na lang mamaya kung paanong presentation ang gagawin ko. Bumallik ako sa f*******:. Nag-scroll ako sa wall ko. Nakita ko ang profile ni Kate Lopez. Ang ganda talaga niya. Maputi, makinis, mayaman, sopistikada, soft spoken at parang laging kalkulado lahat ang kilos niya. Kaya lang, alam kong malayo sa akin ang estado si Kate. Hindi niya kailanman mapapansin ang nerd at misfit na kagaya ko. Kaya lang naman ako nakakapag-aral sa mamahaling private university na iyon na pinapasukan ng mga mayayamang kagaya ni Kate dahil matalino raw ako. Lahat kasi ng subject ko, halos lahat uno. Palagi akong nanalo sa mga competition. Math wizard, computer geek at language subject savvy. Pakiramdam ko nga, kahit sa sport, okey sana ako kung nag-try out ako. Kahit pa sa mga combat competition pwede ako, kaya lang, nahihiya ako. Natatakot masabihan ng weird. Ayaw kong nakakarinig ako g negatibo tungkol sa akin. Hindi pa nga ako tumodo, lagi na akong pinagtr-tripan at pinagtatawanan. Ako ang madalas nilang i-bully sa klase. Kung pwede akong iiwas, iiwas ako. Kung may mapagtatambayan sa school na ako lang, doon ako at kapag may lumalapit, umiiwas na agad ako. Si Fate, kaklase ko ngunit hindi ko pa nakakausap. Kapag nilalapitan niya ako, ako na ang kusang lumalayo. Kapag alam kong siya ang makakatabi ko sa classroom, kahit pagalitan ako ng professor namin, lilipat ako. Hindi kasi ako makahinga sa tabi niya. Hindi ako mapakali. Parang may kung anong naghahabulang kabayo sa dibdib ko.
Maalala ko nga, si Fate lagi ang nagpapatigil sa mga kaklase kong nambu-bully sa akin. Siya ang naninigaw kapag nakikita niyang binubuhusan ako ng juice. Siya ang nagagalit kapag pinagpapasa-pasahan nila ang bag ko at matatapon ang baon kong kanin na may ulam na kamatis, itlog o isang tuyo. Dahil lahat sila mayaman, hindi ako kailanman maging belong. Wala akong karapatang lumaban. Wala akong boses kahit pa ako ang pinakamatalino. Wala akong lakas na banggain sila. Sino ba ako? Isa lang naman akong mahirap at may sariling mundong poor nerdy misfit student.
Hinawakan ko ang painting. Buo na ang loob ko. Eighteen na ako bukas. Baka naman pwede na akong lumabas sa shell ko. Pwede ko nang harapin ng taas-noo ang ibang mga tao. Labanan ang kung sino mang mam-bully sa akin. Pakiramdam ko kasi, bigla akong lumakas. Bigla akong may kung anong kapangyarihan. Alam kong mahirap, batid kong kailangan kong mag-ipon ng lakas ng loob at kapal ng mukha ngunit kailangan kong ipagtanggol ang sarili at humarap ng nakataas-noo. Baka kasi kapag makita ni Fate na may self-confidence na ako, makita niya na buo na ang boses ko at tumitingin na sa mga kaklase ko kapag nagpe-present na ako, magbago ang tingin niya sa akin at mabuo ko na rin ang taas ng tingin ko sa aking sarili. Tinitigan ko ang painting. Inaral ko kung paano ko ipre-present ito nang parang biglang gumalaw ang babaeng nasa painting.
“Egor! Egor!”
“Nay? Tinawag ba ninyo ako?”
“Hindi. Bakit?”
Kung hindi si Nanay, kanino galing ang boses na iyon? Pero Erron ang pangalan ko at hindi Egor? Anong kababalaghan meron ang painting na ito? Anong nakatagong sikreto sa aking pagkasino?