CHAPTER 4
“May narinig kasi akong boses. Egor ang hinahanap eh. Sino kaya ‘yon, Nay?”
“Hindi ko alam. Wala naman akong narinig eh. Baka naman anak, mali ka lang ng dinig at baka mga kapitbahay. Hindi kita tinawag eh. Hindi rin ang Tatay mo.”
“Sige ‘Nay, baka nga ho mali lang ang dinig ko.”
Hindi ko na ipinilit pa kay Nanay ang narinig ko.
` Itinabi ko ang painting na dadalhin ko bukas sa school.
Kinabukasan, 18 na ako pero parang walang ganap sa bahay. Wala naman talaga ni isang birthday ko ang aming ipinaghanda. Parang dumaan lang iyon na wala lang kasi hindi naman naming talaga alam kung ang araw na ito talaga ang aking kapanganakan. Ito lang kasi yung araw na napulot ako. Iyon na rin ang sinabing birthday ko. Pinakain ko lang si Nanay ng noodles saka ako umalis. Maaga rin kasing umaalis si Tatay. Binati rin naman ako ni Nanay ng Happy birthday bago ako umalis.
Dala ko ang painting sa school. May kalakihan ang painting na iyon. Kalahati kasi ito ng aking katawan at may kabigatan ngunit hindi ko alintana ang bigat. Wala naman ako pwedeng i-present na visual art kundi ito lang.
Nang ako na ang tinawag ng aming professor para i-present ang visual art na dala ko ay kinakabahan ako. Parang may kung ilang libong kabayo ang nagkakarerahan sa dibdib ko. Nakatingin at nakangiti sa akin si Fate na para bang sinasabi niyang kaya ko. Na hindi ako dapat magdalawang isip sa kakayahan ko.
“Yes Erron. Please show us your visual art and tell us what can you say about it.”
Bumunot ako ng malalim na hininga baka naman maibsan ang nerbiyos ko. Nang magsimula akong magsalita ay bigla na naman parang may kung anong bumara sa lalamunan ko. Nag-uugat kasi iyon sa kawalan ko ng tiwala sa aking sariling kakayahan. Ilang beses na akong nalagay sa kahihiyan dahil doon at hindi ko alam kung paano ko lalabanan.
“Yes Mr. Erron Dimapili. Tell us about your magnificent painting.”
“Ahm ahhh Thi-thi-this pe-pain-painting is ahm…” huminga ako nang malalim.
“Wa-wa-wat is da-da-that?” banat ng kaklase kong si Damon. Ang kaklase kong nambu-bully sa akin mula nang First Year College ako.
Nagtawanan ang lahat. Nag-apiran pa sila ng kanyang mga katabi.
“Sorry Ma’am,” bulong ko saka ako nagmamadaling bumalik sa upuan ko.
Masama ang tingin ko kay Damon. Punum-puno na ako sa ginagawa niya sa akin ngunit hindi ko alam kung paano ko siya patitigilin sa ginagawa niya sa aking pagpapahiya.
“That’s it, Mr. Dimapili? Hindi mo na sa amin ipe-present ang inyong visual art?”
“Sorry ma’am but I can’t.”
“Hi-hihindi siya ma-makapagasalita ma’am. Hindi mo ma-mama-pili si Dimapili.” Ginaya muli ni Damon ang boses ko pati ang actuations ko dahilan para muling magtawanan ang lahat.
“Quiet. Don’t make fun of him kasi hindi ninyo alam na ang pinagtatawanan ninyo ay mas mataas pa ang grado sa kahit sino sa inyong lahat dito!”
Nilingon ko si Damon. Gusto kong gawin sa kanya yung ginagawa ko sa kalaban ko sa mobile games. Isang roundkick lang ‘yan siguradong sasabit sa blackboard. Sobra na kasi ang ginagawa niya sa akin. Napupuno rin ako. Nandiyang buhusan ako ng Juice, agawan ng pagkain, kinukuwelyuhan at inaambaan ng suntok saka pagtawanan. Minsan kapag sinasagot ko siya, dinadagukan ako. Ilang beses na rin niya akong binuhusan ng tubig o ihi sa CR o kaya ay pinapatid kapag dumadaan. Lahat iyon pinalipas ko. Lahat tiniis ko. Kaya naman ako nahihiya sa lahat lalo na sa aking mga kaklase ko kasi pakiramdam ko, kahit halos ma-perfect ko ang lahat ng exam namin ay napakabobo ko pa rin. Kahit ako ang top sa mga written output at performance task pero pagdating sa speaking ability, napipilipit ang dila ko. Alam kong isa mga dahilan ay ang pambu-bully sa akin ng mga kaklase ko mula nang Elementary ako. Iniisip kong hindi ako kasinghusay nila, hindi kasinglakas at hindi kailanman magiginng kagaya nilang normal.
Naramdaman kong tumabi sa akin si Fate. Bakante ang magkabilang katabi kong upuan. Ayaw nilang katabi ako. Weird daw kasi ako. Walang ring may gustong kaibiganin ako. May ilang nagtangka pero ginagamit lang akong kopyahan at madali kong ma-sense iyon. Ako na ng umiiwas at lumalayo. Ngunit si Fate, hindi kailanman siya gano’n. Iba siya sa kanila.
“Pwede bang makita ang painting mo uli?” bulong niyang sinabi sa akin.
Ibinigay ko sa kanya. Hindi ko siya magawang titigan.
“You know what, the place in your painting is actually familiar. Hindi ko lang alam kung saan ko ito nakita at kailan. Basta parang nakita ko na siya dati o napuntahan.”
Hindi pa rin ako kumibo kahit sana gusto kong sagutin siya para mas magkakilanlan kami, para magkaroon man kami ng moment to know each other better kaso wala akong maapuhap na sasabihin.
“Sayang naman. Napakagandang painting pero hindi mo na-present dahil sa bully nating kaklase.”
Tinignan niya ako. Sandali ko lang siyang tinitigan saka ako yumuko. Nilaro-laro ko ang ballpen ko.
“If you don’t stop him treating you that way, lalala lang ang lahat hanggang tuluyan ka niyang sirain. Matalino ka, matangkad payat pero malayong mas matangkad kay Damon. Don’t let him abuse you. Lumaban ka. Ipakita mo sa kanya na kaya mo siyang labanan. Kaya ka niya ginaganyan kasi hindi ka umaangal. Walang ibang magtatanggol sa’yo kundi ikaw lang. Don’t let hurtful words beat you down.”
“Ka- kaya ko kaya siya?” Sa wakas nakapagsalita rin ako.
“Finally, kinausap mo rin ako. Akala ko magmumukha akong tanga rito na kumakausap sa’yo. Why not? Kaya mo kung iisipin mong kaya mo.”
“So-sorry.” Huminga ako nang malalim. Pumikit. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko dapat sayangin ang pagkakataong ito. “Nahihiya lang ako at di ko alam ang sasabihin ko kahit ilang beses kong sinubukan na kausapin ka. Para kasing may kung anong takot at hiya akong naramdaman sa’yo eh.” Nagulat ako sa naisatinig ko. Sa isip ko lang ba iyon?
“That was great Erron. Iyan na yata yung pinakamahaba kong narinig sa’yo. About Damon, labanan mo siya kahit minsan lang. Show him na kaya mo ang sarili mo and learn from the situation and never see yourself as a victim again. Gain strength from the experience because you will be a target again. All bullies are really cowards who lack self-control and self-discipline. They attack anyone who is perceived to be either a threat or appear weak and vulnerable. It is mainly about control and domination. A bully needs to control others to project a false sense of fear and power over their victims. Now, if you do it the other way around, titigilan ka niya at baka matigil na rin ang pambu-bully niya sa iba pang kagaya mo na biktima niya. Stand firm for others. Be an inspiration to fight back.”
Ipinatong niya ang kamay niya sa akin. Pinisil niya ang kamay ko. Biglang parang lumiwanag ang painting ko na hawak niya at dahil sandali lang niyang hinawakan ang kamay ko, biglang nawala ang pagliliwanag ng painting. Hindi ko alam kung nakita niya iyon pero ako, nakita kong parang umilaw. Parang may kung anong nangyari sa painting.
“Are you okey?” tanong niya sa akin.
Tumango ako. Tinignan ko siya saka ko muling ibinaba ang tingin ko sa painting. Parang sa tingin ko, mas nagiging vibrant ang kulay ng painting. Mukhang mas naging bago.
Gusto kong gawin niya uli sa akin ang ginawa niyang paghawak sa kamay ko para lang makita ko muli at masiguro na tama ang aking nakitang pagliliwanag ng painting ngunit hindi niya ginawa. Hindi ko naman kayang gawin iyon sa kanya dahil nahihiya ako.
“Okey, lets continue with our discussion.” Pagsisimula ng Professor naming. Pumunta siya sa harap. “Now that you all have presented the paintings you brought, my question is, what is the importance of studying visual arts? At dahil ikaw Mr. Damon Cruz ang nakarami kanina sa pagtawa sa mga dala ng nga kaklase mo, gusto kong ikaw ang sumagot.”
“Ma’am?” nagkamot siya.
“You know the rule. Kapag hindi nasagot ang tanong, tumayo hanggang matapos ang klase kung iyon ang gusto ng makakasagot.”
“What? Prove me that you are far better than your classmate that you just have bullied. The question is simple, what is the importance of studying visual arts?”
Tumayo siya. Nagkamot ng ulo. Alam kong may bilang si Ma’am na five seconds bago siya tatawag ng ibang sasagot. Kapag may bilang na, dapat ibuka mo na ang bibig mo para hihinto siya. Nangyari na ito ng ilang beses. Napakaraming pagkakataon na gusto kong sumagot at gantihan si Damon kahit sa ganitong paraan lang ngunit hindi ako nagkakaroon ng lakas ng loob na gawin iyon. Kapag may nakakasagot naman in his behalf, pinapaupo siya dahil sa takot. But not now. Iniisip ko ang sinabi sa akin ni Fate. Hindi ko na hahayaan pang i-bully niya ako. Ngayon na finally 18 na ako, dapat ilaban ko rin ang sarili ko. Hindi talaga ako nagtataas ng kamay kahit alam ko ang sagot. Kahit walang magtatas na iba, hindi ako sumasagot. Kunbg tatawagin, isusulat ko pa ang sagot ko sa papel saka ko ipapabasa sa aming teacher. Pero ngayon, hindi na dapat. I need to do this para sa iba pa naming kaklase na binubully niya.
“Wow, tama ba ang nakikita ko Erron? You are finally raising your hand?”
Ngumiti ako at mabilis na yumuko.
“Okey Erron, give me your answer.”
Huminga ako nang malalim. Kailangan kong buong masabi ang bawat salita. Tinignan ako ni Fate. Nakita kong ini-encourage niya akong magsalita, na kaya ko.
“Erron? Your answer please.”
Huminga ako nang malalim. Wala pa rin akong tiwala sa aking sarili na kaya ko.
Nagsimula ang teacher naming na bilangan ako ng 5 seconds.
“5… 4….”
“Hindi naman din niya alam Ma’am eh!” tawang banat ni Damon.
“Keep quiet. Ang lakas mong mam-bully eh ikaw mismo hindi mo alam ang sagot. 3… 2…”
“The importance of…” tumigil ako.
Tumigil din si Ma’am sa pagbibilang. Nakita kong interesado siya sa aking sasabihin.
Huminga muli dahil sa lakas ng kaba sa aking dibdib. Lahat sila nakatingin sa akin. Lahat sila, inakalang puro lang simula ang sasabihin ko. Hindi ako mabubuo ng isang sentence kagaya ng mga nakaraan kong recitation, kakabahan lang ako, magso-sorry at uupo. Saka nila ako muling pagtawanan.
“Yes Erron, the importance is what?” tanong muli ng professor namin.
Kinagat ko ang labi ko. Tumingin ako sa tumatawang si Damon na nakikipag-apir pa sa mga kasamahan niyang mga bully.
Tinignan ko si Fate. Tumatango sa akin. Nakangiti.
“The importance of studying visual is art is to help us understand our history, our culture, our lives, and the experience of others in a manner that cannot be achieved through other means.”
Lahat sila napatulala sa akin. Yung bitaw ko ng salita, kahit ang pronunciation at enunciation ko ay tumpak na tumpak.
“Visual arts are fundamental component of the human experience reflecting the world and the time in which we live. The visual arts are a significant component of the humanities and decades of studies reveal that effective arts education promotes self-directed learning, sharpens critical skills, and develops self-awarenes.” Pagtatapos ko.
Parang nakanganga ang iba.
Natahimik si Damon.
Pumalakpak ang professor namin.
Ngumiti si Fate at pumalakpak din.
“Very good. Great answer indeed. Ano ang desisyon mo para kay Damon?”
“He’ll remain standing hanggang matapos ang klase, Ma’am,” matapang at buo ang boses na sagot ko.
Bago sa lahat iyon. Nagkatinginan sila. Hindi sila makapaniwala na kaya kong gawin iyon sa kinatatakutan ng lahat na kaklase namin. Anak lang naman ng Mayor si Damon. Siya lang naman ang team captain ng basketball. Ang kinatatakutan ng lahat ng student ng aming university. Pero hindi ako. Hindi na ako.
“Well, that’s his decision. So, Damon you remain standing.”
Nagbulungan ang ilan. Natakot sila para sa akin.
Pagkatapos ng klase ay lumabas na akong classroom. Dahil hindi ako nakapag-agahan kanina, agad akong pumila sa canteen para kakain ng lugaw. Iyon lang kasi ang kaya ko. Sampung pisong lugaw. Ibinigay sa akin ang lugaw at naghanap ako ng mauupuan. Mainit ang lugaw. Bagong luto. Kakukutsara ko pa lamang nang biglang nagulat ako na dumating si Damon. Nasa harap ko na siya. Galit.
Mabilis niyang kinuha sa harap ko ang lugaw at bigla niyang ibinuhos sa ulo ko.
Ramdam ko yung init.
Ramdam na ramdam ko ang galit.
“Ano? Masarap ba? Tamang-tama ang init hindi ba?”
Nagtawanan ang lahat ng kanyang kasama.
Nakatingin ang lahat sa akin.
Naghihintay kung anong aking gagawin.
Yung mga katulad kong biktima ni Damon, tumayo. Gustong lumayo. Natatakot na pati sila madamay.
Yung mga may crush kay Damon at kakilala niya, natawa. Nag-cheer pa sila para kay Damon.
Tumayo ako.
Salubong ang kilay.
Labas ang mga litid sa kamay.
Matigas ang aking kamao.
At nang araw na iyon, napatunayan ko na may nakatago talaga akong galing sa suntukan at lakas na hindi ko alam kung saan nanggagaling. A bizarre power. A supernatural power, indeed.