CHAPTER 2
“Erron! Erronnn!” sigaw ni Tatay. Halatang galit. Alam kong nabalitaan na niya ang nangyari sa labas.
“Bakit ka ba sumisigaw at nagagalit?” tanong ni Nanay.
“Nasaan ang batang ‘yan?”
“Nasa banyo. Kadarating lang, bakit ba?”
Lumabas ako at hinarap ko na lang si Tatay. Nakita kong ibinagsak niya ang kanyang kalakal sa tabi ng aming sira-sirang pinto. Nilapitan niya ako.
“Ano ‘yung ginawa mong pag-aamok sa labas?”
“Tay, hindi ho ako ang nagsimula.”
“Binilinan kitang umiwas sa gulo, hindi ba?”
“Oo, Tay. Alam ko ‘yon.”
“Oh, alam mo naman pala. Bakit mo ako sinuway.”
“Tay, sobra na ho yang Cardong ‘yan. Hindi na makatao ang ginagawa niya sa akin mula nang bata pa ako. Hindi ko na kayang tiisin pa.”
Huminga nang malalim si Tatay. “Gusto mo bang maging sentro ka ng usap-usapan sa labas? Malalaman nila kung anong lakas meron ka? Kung anong pwersa ang taglay mo? Ikinatutuwa mo bang malaman ng lahat na ikaw ay isang…” Nanginginig ang kanyang pang-ibabang labi na para bang may mga gusto siyang sabihin sa akin ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili.
“Ano, ‘Tay? Na ako ay isang ano?”
“Sana kasi, makinig ka na lang sa akin. Umiwas ka. Paano kung napatay mo ‘yang si Cardo. Makukulong ka. Paano kami ng Nanay mo?”
“Paano naman ako ‘Tay. Paano naman tayo? Palagi na lang bang ganito? Tinatakot? Inaapi?”
“Bakit parang bigla kang nagbago? Hindi ka ganyan sumagot dati sa akin ah?”
“Tay, punum-puno na ako. Hindi naman pwedeng habang-buhay na lang akong nagtatago. Habang buhay kong kinikimkim ang galit. Hindi ko masabi ang lahat ng mga gusto kong ipahayag at ikukulong ko na lang sa isip at dibdib ko ang lahat ng aking mga gustong ikilos. Hindi ba dapat, ipinagtatanggol ko rin ang sarili ko? Hindi ba kailangan ko ring lumaban kung kinakailangan na?”
“Oo. Iyon ang dapat pero anak, hindi ka ordinaryong nilalang. Hindi…”
“Bakit hindi ninyo ituloy? Maalala ko, nang bata ako ganyan na naman ang sinasabi ninyo sa akin dahil sinuntok ko ang kaklase kong nam-bully sa akin at muntik itong namatay. Ikinintal ninyo sa utak ko na iba ako sa lahat. Na hindi ako ordinaryo. Tay, bukas, mag-eighteen na ako. Buong buhay ko, iniisip ko lagi, iba ako. Hindi ako kagaya ng mga batang naglalaro sa labas. Hindi ako makasabay sa kanilang mga trip. Hanggang nabuhay akong aloof sa ibang tao. Nahihiya akong iharap ang mukha ko kasi alam kong mas mababang uri akong tao sa kanila, na may mali sa akin. Hanggang kailan ako magiging ganito, Tay? Anak ninyo ako, dapat kayo ang nagsasabi sa akin na hindi ako iba sa lahat. Kayo dapat ang bumuo sa tiwala ko sa aking sarili.”
Humugot ng malalim na hininga si Tatay. Umupo siya sa papag kung saan nakahiga si Nanay. Yumuko. Tumingin muli siya sa akin. “Tama ka, kaarawan mo na nga pala bukas. Siguro kailangan mo na ring malaman ang katotohanan.”
“Lucas, huwag. Huwag muna. Nakikiusap ako.” Pilit umupo si Nanay. Hinawakan niya ang braso ni Tatay bilang pagpigil sa pagsasabi nito ng katotohanan.
“Tess, kailangan na niyang malaman. Hindi natin ito pwedeng itago sa kanya habang-buhay.”
Tinignan ko sina Nanay at Tatay. Sa tinginan nila at sa tingin nila sa akin, ramdam kong mali. May mga itinatago nga sila sa akin na noon ko pa ramdam ngunit takot akong magtanong.
“Ano hong katotohanan? Tay? Nay? May mga hindi pa ba kayo sinasabi sa akin? May dapat ba akong malaman?”
“Anak, patawarin mo kami kung naglihim kami sa’yo.”
“Diretsuhin na lang ho ninyo ako.”
“Anak, hindi ka galing sa amin.”
“Hindi ninyo ako totoong anak.” Kompirmasyon lang ang itinugon ko. Hindi iyon isang tanong.
“Alam mo na?”
“Ramdam ko.”
“Ramdam mo? Pero hindi namin ipinaramdam na hindi ka namin anak. Paanong…”
“Oo, minahal ninyo ako at tinanggap bilang anak. Pero Tay, may mali sa aking panlabas na anyo. Medyo kulot ang light blonde na buhok ko, matangkad ako, maputi, patpatin. Wala akong nakuha na kahit anong facial features sa inyo. Hindi ko kayo kamukha. Iyon ang laging gumugulo sa isip ko. Hindi ako nagtanong dahil ayaw kong malaman ang totoo pero masakit pa rin pala na malamang hindi nga talaga ninyo ako anak,” malungkot kong sinabi iyon. Umupo ako sa tabi ni Tatay.
Naramdaman kong ginulo niya ang buhok ko. Inakbayan niya ako.
“Patawarin mo ako, kami ng Nanay mo anak ha? Patawarin mo kami kung kailangan naming ilihim ito hanggang sa ikalabingwalo mong kaarawan. Hindi namin gustong isipin mo na hindi mo kami kadugo, na hindi ka galing sa amin ng Nanay mo. Mahal ka namin. Minahal ka namin at sana naramdaman mo iyon.”
“Naramdaman ko ho.”
“Salamat. Pasensiya ka na. Mahirap nga lang ang buhay natin at hindi namin naibigay ang magaan na buhay sa’yo ngunit alam kong marami kang natutunan sa ating pagdarahop. Natutunan mong magbanat ng buto, dumiskarte para makakain, ayusin ang pag-aaral para makasabay sa iba pa. Kaya lang, habang tumatagal, parang naging pabigat na kami sa’yo. Imbes na kami ang magbibigay sa mga pangangailangan mo, ikaw ang nag-iisip at gumagawa ng paraan para sa ikabubuhay natin. Pamilya lang ang naibigay namin sa’yo anak pero hindi ang maalwang pamumuhay.”
“Wala pong kaso sa akin, Tay. Inalagaan ninyo ako. Itinuring na inyo at kahit pa ipinagtapat ninyo sa akin na hindi ninyo ako tunay na anak, kayo pa rin ang itinuturing kong mga magulang. Kayo pa rin ang nag-alaga, nagpalaki, nagpaaral at nagmahal sa akin. Katotohanang hindi ko makakalimutan hanggang nabubuhay ako. Gagawin ko ang lahat Tay, Nay para bumuti ang ating pamumuhay.”
“Salamat sa pag-iintindi anak. Hindi kami nahirapang ipaintindi sa’yo ang lahat.”
“Dahil noon pa man nararamdaman ko ho, malakas ang kutob ko, hindi tayo magkadugo.”
“Oo nga naman. Bakit nga ba ako magtataka. Sa talino mo at kakaibang mga katangian na wala sa karamihan, alam kong sinasarili mo lang ang lahat at hinihintay na kami na mismo ang aamin. Bata ka pa lang nakitaan ka na namin ng kakaiba. Maagang naglakad, maagang tumakbo, magsalita, magbasa at gumamit ng mga gadgets kahit wala sa’yong nagtuturo. Sana, kung may mga pagbabago sa katawan mo, sa buong ikaw, lagi mong uunahing gamitin ito,” Itunuro niya ang puso ko, “Bago ito.” Saka naman niya itinuro ang isip ko.
“Makakaasa ka Tay. Pero siguro naman, pwede na akong magtanong.”
“Ano ‘yon?”
“Kung hindi ho kayo ang magulang ko, Nay at Tay? Sino ho mga tunay kong mga magulang?”