CHAPTER 1
Habang tinatalunton ko ang gilid na bahagi ng kalye pauwi sa aming barung-barong ay lalo kong inigihan ang pagpindot ko sa aking cellphone. Iyon ako. Hindi ako tumitingin sa mga nakakasalubong. Hindi ako nakikipag-usap sa mga nakakasabayan. May sarili akong mundo at wala akong pakialam kung anong tingin ng iba sa akin. Ang mahalaga ay ang cellphone ko, earphone at ang salamin sa mata na suot ko. Kalmado ang mundo ko kapag nakatutuok ako sa paglalaro. Wala akong naririnig na ingay sa paligid. Wala akong ibang nakikita kundi ang nilalaro kong Mobile Supremacy. Malapit ko nang mabawi ang kaharian sa mga kalaban at maililigtas ko na ang prinsesa. Lalo akong nanggigil patayin ang mga kalaban. Walang awa ko silang pinagsusuntok, binaril, sinipa at pinagsasaksak. May mga makapangyarihan akong villain na nasagupa ngunit lahat ay napatumba ko sa aking sariling taktika. Ito na lang ang bagong larong hindi ko pa natatapos. Kapag ito matapos ko at maisalba ang pamilya ng Prinsesa at ang kaharian, mawawalan na ako ng ganang laruin at maghahanap na uli ng panibago. Sana, may bago uling ilalabas.
“Ahh Yes!” napasipa pa ako nang tuluyan kong magapi ang pinakamatinding kalaban. Papunta na ako sa lugar kung saan ikinulong ang Prinsesa at pamilya nito. Matatapos ko na rin sa wakas ang laro. Panalo na ako! Nang biglang may tumulak sa akin at nabitiwan ko ang hawak kong luma ko nang cellphone.
“Hindi mo tinitignan ang dinaraanan mo ah! Ano ha? Sa’yo na ang daan?” singhal sa akin ni Cardo. Ang kapitbahay naming wala nang ginawa kundi ang pagtripan ako. Noon pang mga bata kami ay pinagpapasensiyahan ko na ang hindi makataong pagtrato niya sa akin at sa aking pamilya. Pinalalampas ko lang ang lahat. Maglalabing-walong taong gulang na ako, ganoon pa rin siya sa akin. Ibig sabihin, halos labingwalong taon na rin akong nagtitimpi sa kanya.
“Ano ha? Bakit ganyan ka makatingin? Lalaban ka? Kakasa kang baliw ka?”
Huminga ako nang malalim. Hindi ko siya papatulan. Tulad ng sinabi sa akin ni Tatay Lucas, huwag ko na lang pansinin. Tahimik kong pinulot ang aking cellphone. Ngunit muli niya iyon sinipa palayo sa akin. Tahimik ko lang sinundan ang tumalsik kong cellphone habang binibilinan ko ang sarili kong huwag ko siyang papatulan. Ngunit bago ko pa man mapulot ang cellphone at sinipa na niya ako sa aking sikmura. Hindi ako natinag. Parang wala akong naramdamang sakit. Pinulot ko pa rin ang cellphone ko. Nakaramdam ako ng silakbo ng damdamin nang makita kong medyo basag na ang screen protector nito. Ito lang ang tanging libangan ko. Ito lang yung tanging ginagamit ko para matakasan ang mundo ko at makalipat sa panibagong mundo. Nanginginig akong tumingin sa kanya. Pilit kong pinindot ang power.
“Ano ha? Sira na ba? E, kung eto pa ha?” Mabilis niyang kinuha ang aking makapal na salamin sa mata. Binitiwan niya ito saka niya mabilis na tinapakan. Wasak ang bago kong salamin.
Nanginginig na ako sa galit. Hindi ko na magawang kontrolin ang poot na aking nararamdaman. Sumasabog na ito at sa isang iglap, mabilis ko siyang binigyan ng corkscrew punch saka ko sinundan agad ng power jab. Tumilapon siyang parang inihipan ng malakas na hangin. Dumausdos pa siya hanggang sa nahulog sa kanal. Ako man ay hindi ko inakalang gano’n ako kalakas. Matagal ko nang iniisip na gawin ang lahat ng mga jabs na iyon sa akto. Yung ako mismo ang gumagawa at hindi lang sa paglalaro. Pakiramdam ko, kaya kong gawin ang lahat na strategy at technique ng mga hero na pinipili ko sa paglalaro at ang ginawa kong iyon kay Cardo ay unang pagkakataon lang pero naging swabe ang pasok niya.
“Tang-ina mo ah! Lumalaban ka na ha?” singhal niya. Pilit bumangon sa putikan. Basag ang nguso, mukhang nabunutan pa ito ng ngipin at dumudugo ang kanyang ilong. Mabilis siyang umatake para suntukin ako pero bago pa man siya nakalapit sa akin ay binigyan ko na siya ng roundhouse kick. Muling tumilapon. Nakita niyang kakaiba ang porma ko. Isang parang sanay sa laban ang tayo ko. Pumuwesto ako. Hindi talaga siya sumusuko. Nagulat ang mga tindera at mamimili ng streetfood sa tabi. Nasa amin na ang kanilang atensiyo at ayaw ko ng gano’n. Naaasiwa akong tinitignan. Hindi ako komportableng pinag-uusapan. Inilabas niya ang kanyang panaksak. Mukhang handa talaga siyang patayin ako.
Habang palapit siya ay kumalma ako. Inaaral kong mabuti kung saan ako pwedeng umilag kapag isaksak niya sa akin ang kanyang armas. Wala akong pwedeng ibato sa kanya o armas na pwedeng pantapat sa kanya. Hindi ko naman pwedeng ibato ang backpack ko kasi nandito ang mga notes ko sa school. Nag-isip ako. Tulad ng aking ginagawa kapag naglalaro ng mobile games at wala pa akong magamit na armas, distansiya ang kakailanganin ko. Umatras ako habang nag-iisip ng pwede kong gawin. Hinintay kong siya ang unang umatake para alam ko kung paano ko siya gagapiin. Nakatingin ako sa kanyang mga mata. Pormang-porma ang tayo ko. Nakahanda sa aming pagsasagupa kahit pa may hawak siyang armas at ako’y wala. Nang isaksak na niya sa akin ang kanyang patalim ay agad akong umilag kasabay ng pagsangga sa kamay niya. Nang mahawakan ko ang kamay niyang nakahawak ng patalim ay mabilis kong pinilipit ito. Nabitiwan niya ang kanyang panaksak. Dinagukan ko siya. nang yumuko ay binayo ko siya sa likod. Napaatras siya sa lakas no’n. Bago pa man siya makaporma ay binigyan ko na siya ng sipa sa mukha. Patihaya siyang bumagsak.
“Tang-ina ka! Mayabang kang hayop ka!” sigaw niya. Hindi ako nakuntento. Hindi ko pa rin lubusang nailalabas ang poot sa dibdib ko. Nilapitan ko siya. Binuhat na parang unan ko lang siyang itinapon sa kanal.
Nakarinig ako ng palakpak sa paligid pagkatapos kong iligpit si Cardo na sakit ng ulo sa aming looban. Nakatingin lahat sila sa akin. Ang iba ay hindi makapaniwala sa ipinamalas kong galing sa pakikipaglaban. Ako man, nagulat na kaya ko palang gawin iyon. Na hindi lang pala sa utak ko gumagana iyon kundi kaya rin pala ng aking katawan. Ngunit nahihiya ako sa mga tao sa paligid ko. Hindi ko kayang iharap sa kanila ang aking mukha. Wala akong lakas ng loob na humarap sa mga tao. Mabilis kong pinulot ang basag kong salamin at cellphone. Dali-dali akong naglakad palayo roon habang pinagtatawanan nila ang sinapit ni Cardo sa aking mga kamay.
Hindi ko alam kung tama ang aking ginawa pero ang sarap talaga ng aking pakiramdam. Parang walang mali. Sa matagal na panahon, parang ngayon ko lang pinagkatiwalaan ang sarili kong lakas. Ngayon ko lang napatunayan ang aking galing sa pakikipagsagupa. Matagal na akong inaapi. Matagal na akong pinagtatawanan. Nakakabit na sa pangalan ko ang nerd, misfit, baliw, may sariling mundo, weird at kung anu-ano pang itinatawag sa akin ng iba. Sa school at sa komyunidad namin, pareho lang ang mga tao. Tingin sa akin, baliw. May sariling mundo dahil madalas nagsasalita akong mag-isa habang naglalaro. Sinasagot ko ang sarili ko dahil wal akong makausap. Kakuwentuhan ko ang sarili ko dahil wala akong kaibigan. Tingin kasi nila sa akin hindi belong at walang sense kausap. Hindi makasabay sa mga trip nila kaya namuhay akong mag-isa. Dahil doon, bumuo ako ng sarili kong mundo. Naging palabasa, palalaro online at mahilig manood ng mga action movies. Hindi rin makapaniwala ang ibang teachers ko na mababasa ko at maisasa-ulo ang isang libro nang mabilisan. Kahit anong itatanong sa akin tungkol sa librong ibibigay sa akin ay masasagot ko. Memoryado ko ang bawat salitang nakasulat doon. Ang sabi nila, may photographic memory nga raw ako. Para hindi masabihing weird, geek, wizard o nerd ay sinarili ko na lang ang kakayanan kong iyon. Naging baliw ako sa tingin ng iba. Loner… misfit… maverick… eccentric lahat na yata balak itawag sa akin ngunit alam kong ito lang ako. Hindi man makasunod sa fashion, hindi man ako maka-relate sa mga kuwentuhan ng mga ka-edad ko, may damdamin pa rin naman ako. Nasasaktan sa pagturing nilang iba sa akin.
“Erron, anak? Ikaw na ba ‘yan?” Narinig kong sabi ng Nanay nang tinatanggal ko na ang tali ng pinto ng aming barung-barong. Wala naman iyon kandado dahil wala naman kaming kayamanang mananakaw sa loob. Itinatali lang namin iyon para hindi nakatiwangwang ang gawa sa pinagtagpi-tagping karton at kahot naming pintuan.
Humugot muna ako ng malalim na hininga bago sumagot, “Opo, Nay ako ‘to.”
Agad akong dumiretso sa maliit naming banyo na ang toilet ay butas lang kung saan an gaming mga dumi at ihi ay diretso sa ilog na puno ng umaalingasaw na basura at dumi ng tao.
Sinipat ko muna ang aking sarili sa maliit at basag naming salamin. Baka lang may bakas na dugo, sugat o kahit anong palatandaan na nakipagsuntukan ako sa labas. Hindi dapat malaman ni Nanay na nakipagbasag-ulo ako bago umuwi. Mahaba na talaga ang kulot at kulay ginto kong buhok. Makapal ang aking kilay na binagayan naman ng mahaba kong pilik-mata sa malalim at bilugan kong nangungusap na mga mata. Matangos ang ilong ko at maayos ang hulma ng aking mga labi. Sakto lang din ang laki ng aking mga panga. Kung susuriing mabuti ang aking mukha, may nakatago naman talaga akong kaguwapuhan pero hindi iyon napapansin dahil bukod sa payat ako, may pagkakuba pa ako. Kaya kahit anong tangkad ko wala pa rin dating. Natatabunan rin ng makapal kong salamin ang ganda ng aking mga mata at nakababawas ng pogi points ang lagi kong pagyuko kung kinakausap ako. Nahihiya kasi akong tumitig sa kaharap ko. Hindi ko kayang iharap ang aking mukha. Idagdag pa ang walang kadating-dating kong pananamit hindi dahil hindi ako marunong pumorma kundi wala talagang pamporma.
Huminga ako nang malalim. Paano ko ngayon ipaliliwanag kay Nanay at Tatay ang nabasag na naman ang bago kong salamin sa mata? Nasira na rin yata ang cellphone ko. May dala naman akong pera na allowance ko bilang bahagi ng aking scholarship sa University na pinapasukan ko pero pambili dapat iyon ng gamot ng Nanay kong isang linggo nang maysakit. Tama may luma pa pala akong salamin sa lagayan ng aking damit. Iyon na muna ang gagamitin ko. Binuksan ko ang cellphone ko. Ayaw pa rin mag-on. Sana lowbat lang.
Hanggang sa may biglang nagtulak ng pinto namin. Malakas iyon. Parang sinipa. Ikinagulat ko pero hindi ako nakaramdam ng takot. Mukhang hindi pa tapos ang labang iniwan ko kanina. Natatakot ako para kay Nanay. Mukhang nagsisimula nang hamunin ako ng pagkakataon at paligid ngunit kailangan ko ba talagang manindigan at lumaban?