Ang Lihim ni Seth
AiTenshi
Part 2
Ang Lalaki Sa Panaginip
"Sir Ybes, gising na po.. Nandito tayo sa kainan. Mukhang nakatulog na po kayo ng mahimbing dahil sa layo ng ating byahe." ang wika ni Mang Fred habang kinakalabit ang aking balikat.
Tila nagulat naman ako noong ako ay magising, pakiwari ko ba ay biglang nanumbalik ang aking ulirat noong masilayan ko ang aking normal na paligid. Ramdam na ramdam ko pa rin ang mabilis na pag t***k ng aking puso dulot ng matinding kaba ngunit gayon pa man ay pinilit ko pa ring ikalma ang aking sarili. Bumaba ako sa sasakyan at sinabayang kumain ang mga tauhan ni papa. "Isang oras na lang po at mararating na natin ang probinsya. Matagal po kasi ang byahe ngayon dahil na sira ang short cut kaya't umikot pa tayo." paliwanag ni Mang Fred.
"Ayos lang po iyon. Nakatulog naman ako at nakapag pahinga." tugon ko naman sabay bitiw ng matamis na ngiti. "Oo nga po sir, nahimbing naman po kayo ng tulog kanina kaya't tiyak na nakabawi kana ng lakas." sagot naman ni Mang Fred habang nag sasalin ng kanin sa kanyang plato.
"Kumusta po pala ang hacienda? Ang farm house at iba pa?" tanong ko lang dahilan para mapahinto sa pag kain si Mang Fred. "Maayos naman po sir, masagana pa rin ang mga manukan at mga supply. Kaso nga lang nitong mga nakakaraang araw ay tinamaan ng sakit ang hayop sa farm kaya may ilan doon ang namatay at ang ilan namam ay inihiwalay dahil baka makahawa ang mga ito. Huwag po kayong mag alala dahil hindi naman ito naka apekto sa ating negosyo. Isa pa rin tayo sa pinaka malaking supplier ng karne sa mga merkado." muling paliwanag ni Mang Fred.
"Sakit? Paano nangyari iyon?" pag tataka ko naman. "Dulot lamang po iyon ng matinding init at lamig, sinisipon at nag kakasakit ang mga hayop sa bukid lalo na yung mga kasisilang pa lamang. Alam mo naman doon sa paanan ng bundok, malamig kung sa malamig, mainit kung sa mainit." sagot ni Mang Fred
Ilang minuto rin kaming nag bidahan tungkol sa mga latest sa hacienda hanggang sa mag pasya na kaming ituloy ang aming pag bibyahe pauwi doon. At dahil nga puro bukirin na ang aming dinaraanan ay minabuti kong ibaba na lamang ang aking bintana upang makalanghap ng sariwa at malamig na hangin. Ang sabi sa akin ni papa ay mabuti raw ito sa baga kaya naman ninamnam ko ang pag tama ng ihip nito sa aking mukha.
Makalipas muli ang ilang minuto, narating na namin ang paakyat ng bundok kung saan naroroon ang pag aaring lupain ni papa, nasa dalawa o tatlong beses pa lamang akong nakakarating dito kaya't masasabi ko na mas naappreciate ko ngayon ang mga tanawin dito. Marahil ay nag mature na kasi ang aking isip dahilan para mag bago na rin ang aking pananaw sa mga bagay sa aking paligid. Manghang mangha ako sa ganda ng kapaligiran, halos gumuhit ang ngiti sa aking labi habang nakalawit ang aking ulo sa labas ng bintana at sinasalubong ang malamig na hanging dumdampi sa aking mukha.
Habang nasa ganoong excitement ako ay unti unting nabaling aking tingin sa isang parte ng kakahuyan na may matataas na puno katulad ng sa aking panaginip, parehong pareho ang mga senaryo at paki wari ko ay galing na ako doon kanina lamang. Ang mga puno at pag kaka ayos nito ay kawangis na kawangis ng kinatatayuan ko kanina noong nag lakbay ang aking kaluluwa. "Mang Fred, may ilog ba rito sa kakahuyan?" tanong ko kay Mang Fred, baka sakaling mag katugma nga ang lahat.
"Mayroon po sir, nandoon sa kabilang parte pa ng bundok. Malamig ang tubig doon at masarap maligo. Misteryoso ang ilog na iyon dahil ang tubig nito ay nagiging kristal sa gabi at sinasabing may mga engkanto ang naninirahan dito kaya kalimitan ay kumukuha sila ng buhay bilang alay. Pero iyon ay ayon lamang sa alamat. Wala pang nangyayaring ganoong insidente dito, para makasigurado ay mabuting agahan natin ang paliligo at umahon din tayo pag agat ng dilim. Mahirap na dahil baka mainlove pa kay sir Ybes ang isang engkanto doon." biro ni Mang Fred sabay tawa ng malakas..
Tawanan..
"Kung gayon, ano kaya ang nais ipahiwatig sa akin ng aking panaginip? Ang lalaki kayang nakita ko sa tabing ilog ay isang engkanto? O baka naman gawa gawa lamang ito ang aking malikot na pag iisip dahil kadalasan ay praning na rin ako sa mga nakikita ko kapag ako ay nakapikit. Hay ewan, ngunit sa kabila ng lahat ng ito, mukhang magiging exciting ang pananatili ko sa lugar na ito." wika ko sa aking sarili habang nakapako ang aking tingin sa kakahuyan.
Makalipas pa ang ilang minuto ay narating namin ang lupain kung saan nakatirik ang haciendang iniwan ng aking lolo at lola. Wala pa ring pinag bago ang lugar na ito, maganda pa rin at maaliwalas ang paligid. Hindi naman maipag kakaila na ga-palasyo ang bahay na tinitirhan ng aking ama, nakatayo ito sa isang maluwang na bakuran na napapaligiran ng magagandang uri ng puno. Sa di kaluyuan naman, doon mo makikita ang bukirin ng palay at sa kabilang ibayo naman ang farmhouse at mga hayop naroroon katulad ng baboy ramo, baka, kabayo, usa, ostrich at tupa. 13 hektarya ang lawak nito na hinati hati sa iba't ibang hayop. At ang natitirang 8 hektarya naman ay inilaan sa poultry house at mga gusaling tambakan ng supply para sa mga alagang hayop. Bukod pa roon ay malaking hektarya din ng lupain ang inilaan nila lolo upang kupkupin ang maraming pamilya sa loob ng hacienda at bigyan ng maayos na ikabubuhay ang mga ito.
Katabi naman ng bakuran ng mansyon ay ang isang maliit botanical garden at fish pond. Ito ang pinaka paborito kong tambayan noon ako ay bata pa lamang. Naalala ko tuloy na madalas pag talunan nila mama at papa ang pag tira sa lugar na ito. Ang gusto ng aking ama ay dito lamang kami manirahan sa hacienda dahil marangya at masagana ang pamumuhay dito, subalit tinutulan naman ito ng aking ina dahil nandoon daw sa siyudad ang negosyong ipinamana naman ng kanyang mga magulang kaya't kahit anong pag pilit ni papa ay hindi talaga sila mag kasundo. Bukod pa rito ay kung anong bagay rin silang pinag tatalunan na hindi ko maintindihan dahil ako ay bata pa lamang noon ay walang kamuwang muwang.
"Sir Ybes, tawag na po kayo ng iyong ama." ang wika naman ni Manang Pelly ang matandang katiwala naman ni papa sa loob ng mansyon. "Ang laki mo na pala at napaka gandang lalaki mo pa. Salamat naman at binisita mo kami." ang tuwang tuwang dagdag nito sabay yakap sa akin. "Kayo po pala Manang Pelly, kumusta na po kayo?" tanong ko naman habang nakayakap dito.
"Maayos naman ako iho, heto malakas pa rin ang tuhod bagamat paminsan minsan ay nakakaramdam na ako ng pagod. Tama nga sila, kalabaw lamang ang hindi tumatanda. Tayo na sa loob ng hacienda at nag handa ako ng masarap na pag kain para saiyo."
"Salamat po manang Pelly, nga po pala nasaan si papa?" tanong ko naman. "Nandoon po sa sala, nag papahinga dahil noong isang araw pa ito nilalagnat, pabago bago kasi ang panahon dito sa kakahuyan. Tayo na po sa loob at tiyak na nag hihintay na siya doon sa loob." tugon nito
Magkasabay naming tinahak ang bakuran patungo sa loob ng mansyon. Samantalang sila Mang Fred naman ay abala sa pag bibilang ng mga bagong dating na supply para sa mga hayop at iba pa. Ang ilang trabahador naman ay naka tingin lamang sa aking pag lalakad na animo inuusisa ang aking kilos at anyo. Habang nasa ganoong pag pasok kami sa loob ay sumalubong naman si papa sa aming pag dating, bakas na bakas sa mukha nito ang ibayong saya noong makita ako bagamat mahahalata mo nga na may sakit ito dahil namumula ang balat at tila kababangon pa lamang sa kanyang higaan. "Anak, maligayang pag dating sa iyo. Mabuti naman at pinaunlakan mo ang aking imbitasyon ng hindi ako inuulan ng tawag at text sa mama mo. Alam mo naman na ayaw na ayaw niyang bumibista ka dito." pag salubong ni papa sabay yakap sa akin.
"Pa, kumusta ang pakiramdam mo? Sana po ay hindi ka bumangon sa iyong higaan upang hindi ka mabinat. Huwag po kayong mag alala dahil pumayag naman si mama, ayaw lamang niyang pasamahin Buknoy dahil umiihi daw ito sa salawal at tiyak na magiging abala pa. Tayo na po sa loob upang makapag pahinga ka." tugon ko naman.
"Sandali lang Ybes, nais kong ipakilala sa aking mga kasamahan dito sa hacienda. Dapat lamang na makilala ka nila bilang aking anak." wika ni papa at inakay ako nito sa harap ng balkunahe upang ipakilala. Pinalapit niya ang lahat ng mga manggawa sa buong lupain at doon ay buong lakas itong sumigaw. "SIYA SI YBES, ANG AKING ANAK. Nais kong irespeto niyo siya katulad ng inyong pag respeto sa akin. Ang ano mang pag aari ko dito sa lupaing ito ay kanya rin kaya't sana ay turuan niyo siya ng mga bagay na nais niyang malaman. Maraming salamat sa inyo."
Ngumiti naman at pasimple kumaway sa kanila. Samantalang ang mga manggawa naman ay nakatingin lamang at tila mga tuod na walang kibo. May iba naman ay nag bubulungan habang pasimpleng nag tatakip ng bibig upang hindi makita ang kanilang pag sasalita. Samantalang sila mang Fred naman at ilang katiwala ni papa ay abot tenga ang ngiti at pumapalakpak pa. Sadyang iba iba talaga ang reaksyon ng tao lalo na kapag isang estranghero ang nakaharap sa kanila. Gayon pa man isang kaaya ayang pag pansin pa rin ang isinukli ko sa kanila at kasabay nito ang taos pusong pag papasalamat.
Kinagabihan, isang masaganang hapunan ang ipinahanda ni papa para sa aking pag dating. Bagamat hindi naman talaga kailangan ng ganito, sya lamang ang mapilit. Isa pa ay baka mahighblood pa ako dito dahil buhat kanina ay purong karne na ang nilalantakan ko. hehehe. Noong gabi rin iyon ay nagkaroon kami ng pag kakataon ni papa upang mag kausap ng masinsinhan tungkol sa mga bagay bagay dito sa loob ng hacienda, at dito nilinaw ko rin sa kanya na dalawang linggo lamang ang maaari kong itagal sa lugar na ito dahil kinakailangan kong bumalik sa siyudad bago matapos ang buwan. "Pasensya kana anak kung pati ikaw ay naabala ko. Ayoko namang iwan ang hacienda ng walang nag babantay na kapamilya ko. At isa pa ay nais ko ring masanay ka sa pamamahala nito dahil pag dating ng araw, ang lahat ng ito ay mapupunta sa iyo." wika ni papa habang nakatanaw sa kaluyuan.
"Malamig po pala dito sa labas kapag gabi.hehe" tugon sabay bitiw ng mahinang tawa. "Ayos lang naman po sa akin iyon papa. Nag aalala lamang ako sa kalagayan mo dahil may sakit ka. Talaga bang kinakailangan mo pang bumalik ng siyudad para sa negosyo natin doon? Baka makasama pa ito sayo. Hindi lang ito basta simpleng ubo at sipon, nararamdaman ko iyon kaya't bukas na bukas rin ay mag papasama ako kay Mang Fred upang kumuha ng mahusay na doktor doon sa bayan." pag aalala ko.
"Anak, hindi na kailangan iyon. Kaya ko naman ang aking sarili. Bukas na ang balik namin nila Fred sa siyudad kaya't doon na lamang ako mag papagamot. Isa pa ay nandoon naman ang mama mo kaya't maalagaan ako nito. Hindi ko alam kung bakit ngayon lamang ako tinamaan ng sakit, ubo at sipon lamang ito ngunit makirot ang aking kalamanan. Siguro ay dala lamang ito ng matinding pagod. Huwag kang mag alala dahil maaayos din ang lahat." wika ni papa sabay tapik sa aking balikat.
Makalipas ang ilang minuto, sinamahan ko si papa sa kanyang silid at inabutan ito ng gamot bago mahiga at mag pahinga. Samantalang ako naman nag ayos ng aking mga dalang gamit upang ilagay ito sa cabinet dahil tiyak matatagalan pa ang pag uwi ko sa aming siyudad. Malaki ang aking silid, ang desenyo nito ay gawa sa mga kahoy at ang bintana ay yari sa kapis. Kung iyong pag mamasdang mabuti ay para itong isang sinaunang bahay ng mga espansyol na nirenovate at ginawang mas moderno. Marahil ay ayaw ipagalaw ng aking lolo at lola ang dekorasyon nitong bahay upang manatili ang kanilang alala. Nag patuloy ako sa aking pag iikot sa silid at doon ay nakapukaw sa aking pansin ang isang kwadrong larawan na hindi ko maintindihan ang pag kakaguhit. Basta para itong isang crescent moon na mayroong mga piraso ng basag na kristal na idinikit sa bawat paligid nito. Maganda ngunit weird ang pag kakagawa kaya hinayaan ko na lamang dahil palamuti lang naman ito sa silid.
Matapos ang aking pag aayos ng gamit, agad akong dinalaw ng matinding antok. Marahil ay dala ito ang aking pagod sa pag bbyahe kaya naman nag tungo na ako sa aking kama para mag pahinga. Ngunit bago ako tuluyang matulog ay nag dasal pa ako at hiniling na sana ay maging mahimbing ang aking pag tulog. Ang ibig kong sabihin ay walang pag lalakbay o masamang panaginip na mangyari sa akin sa buong mag damag. AMEN.
Habang nasa ganoong pag dadasal ako ay bigla na lamang humangin ng malakas at nahulog ang kakaibang kwardro sa kanyang pag kakasabit. Kaya naman muli akong tumayo upang ibalik ito sa kanyang kinalalagyan. Batid kong ala-ala ito ng aking lolo at lola, marahil ay gusto lamang nilang ipabatid na pag ingatan ko ang lahat ng kanilang mga gamit kabilang na ang mga antigong larawan, muwebles at iba pa.
Muli akong humiga sa kama at doon ay nag simula akong hilahin ng antok kaya ipinikit ko ang aking mga mata at muling iwinaksi ang mga bagay na gumugulo sa aking isipan. Ordinaryong panaginip lamang ang sumalubong sa akin at hindi ito makatotohanan kaya naman hinayaan ko na lamang ang aking sarili sa ganoong pag kakahimbing.
Tahimik..
Hindi ko na alam kung ilang oras na ako natutulog at sa pakiwari ko ay normal naman ang
lahat at walang istorbo maliban sa malamig na hanging nag mumula sa aking bintana.
Habang tumatagal ay kapansin pansin na lumakas ang ihip nito kaya naman nakaramdam
na ako ng matinding ginaw dahil para bigla akong bumalikwas ng bangon at abutin ang
kumot na nasa aking paanan para ibalot ito sa aking sarili..
"Ang lamig pala talaga dito sa bundok. Tama nga si mama kaya't pinag dala niya ako ng
maraming sweater at jacket." ang pag mamaktol sa aking sarili habang binabalot ng
kumot ang aking katawan. Muli na sana akong mahihiga ngunit laking gulat ko noong
makita ko ang aking katawan na nakahiga pa rin at natutulog dahilan para muli akong
balutin ng matinding kilabot. Habang nasa ganoong posisyon ako ay bigla na lamang
tinangay ng hangin ang aking katawan na parang isang magaang papel palabas ng
bintana.
Ano pa ba, heto nanaman ako sa astral form ala insidious pero mas susyal ako dahil wala akong hawak na lampara kasi ang katawan ko mismo ang nag liliwanag na parang ilaw. Nag patuloy akong tangayin ng malakas na hanggin hanggang sa mapadpad ako sa gitna ng madilim na kakahuyan, ramdam na ramdam ko ang lamig na bumabalot sa aking katawan este kaluluwa pala. Nandun pala ang katawan ko sa kwarto at nakatutulog pa. Malinaw ko ring naririnig huli ng mga hayop at kuliglig.
Habang nasa ganoong pakikinig ako ay laking gulat ko ng biglang may isang lalaki ang dumaan sa aking harapan at mabilis itong natatakbo sa palayo. Naka suot ito ng maong na pantalon, puro dugo ang paa at pati na rin ang kanyang katawan. Para itong binugbog o sinaksak ng maraming beses. Mabilis ito tumatakbo patungo kung saan dahil naririnig ko ang pag tapak niya sa mga tuyong dahon sa kanyang dinaraanan. Pinilit kong makita ang kanyang mukha ngunit bigo akong masilayan ito subalit batid kong siya rin ang lalaki doon sa tabing ilog na nakita ko kanina ayon na rin korte at porma ng magandang katawan nito.
Ipinag patuloy ko ang pag sunod sa misteryosong lalaki sa aking panaginip at doon ay halos maawa ako dahil sa dami ng sugat at dugo sa kanyang katawan. Paminsan minsan ay nadarapa pa ito at gumugulong sa batuhan na nag bibigay sa kanya ng ibayong sakit at hapdi. Hindi ko makita ang mga humahabol sa kanya ngunit ramdam kong may kinatatakutan ito na kung ano at ang masaklap pa ay wala akong magawa para tulungan siya. Sinubukan ko siyang tawagin ngunit hindi tila hindi niya ako nakikita hanggang sa makalabas na ito ng kakahuyan at mag tatakbo patungo sa farmhouse ng mga hayop na alaga nila papa. Pagulong gulong pa rin ito at hinang hina sa kanyang pag takbo habang napapaluhod at tumatagas ang dugo sa kanyang katawan.
Takbo lang ang kanyang ginawa hanggang sa makarating ito sa poultry house at mabilis na binuksan ang pintuan sa gusali ng mga supply at doon ay pumasok ito sa loob nito. Lalapitan ko sana ang gusali nang muli akong tangayin ng malakas na hangin pabalik sa aking katawang lupa. Bigla lamang akong napabalikwas ng bangon at doon napansin kong umaga na pala at may kataasan ang sikat ng araw. "Sir Ybes, mabuti naman at gising na kayo. Mukhang nahimbing ka ng tulog ah, alas 10 na po ng umaga at nag hihintay na ang papa mo sa ibaba dahil paalis na raw sila." ang bungad ni Manang Pelly habang nakatayo sa pintuan at nag babate ng itlog.
"G- g- ganoon p-po ba? Sige po pababa na." sagot ko naman habang pilit na ikinakalma ang aking sarili. Parang kanina lang ay kalaliman pa ng gabi. Samantalang umaga na pala at hindi ko man lamang ito namalayan, pakiwari ko ay hindi man lang ako nakatulog dahil hinahabol ko ang aking pag hinga na tila lumahok ako sa track and field.
Matapos mahimasmasan, agad akong bumaba at nag paalam kay papa. Inihabol ko rin ang mga pag laruang binili ko sa stop over kahapon upang ibigay kay Buknoy dahil tiyak na iiyak iyon kapag walang pasalubong para sa kanya. Marami akong ibinilin kay papa upang maging maayos ang kanyang kalusugan ewan ko lang kung natandaan nya ito dahil nag aapura sila sa pag alis.
Matapos ang almusal, agad akong lumabas upang bisitahin ang buong kabukiran katulad ng palaging ginawa ni papa sa umaga. Nais ko rin kasing matutunan ang pasikot sikot dito sa buong lupain upang habang maaga ay makasanayan ko na. Hindi naman ako nahirapan sa pag hahanap ng makakasama dahil inihabilin na pala ako ni papa sa ilang taga bantay bago ito umalis kaya't agad naming sinumulan ang orientation seminar sa kabukiran hehe.
Una naming binisita ang mga fish pond at ang mga pananim na palay sa bukirin. Halos mamangha ako sa aking nakikita dahil wala akong ideya na ganito pala kalawak ang nasasakupang lupain ng aking angkan dito sa probinsya at dahil dito ay nawala sa aking isipan ang bagay na nakita ko sa aking pag tulog. Hindi ko na rin inisip pa ang tungkol sa lalaki sa aking panaginip, marahil ay isang senyales lamang ito o pahiwatig ng kung anong maaaring maganap na pag babago sa aking hinaharap. Ang sabi nga sa akin ng mga eksperto ay may kahulugan ang bawat nakikita natin kapag tayo ay tulog, maaaring babala ito o kaya ay mga bagay na dapat nating baguhin sa ating mga sarili. Matagal na akong nakakaranasan ng mga ganoong bagay ngunit wala pa dito ang malapit sa katotoohanan kaya makabubuting kalimutan na lamang ang mga ito.
Halos abutin kami ng mag hapon sa pag iikot at pamamasyal sa bukirin at sa farmville ng aking ama, mag kahalong saya at pagod ang aking naramdaman bagamat labis akong nag enjoy sa pag bisita sa mga ito. Ang huling pinuntahan namin ay ang poultry house kung saan nang gagaling supply ng mga itlog at gatas sa buong lungsod. Katulad ng lupang inilaan sa mga hayop sa farm ay ganoon din halos kalawak ang manukan, at bakahan ng hacienda. Itinuro sa akin kung paang kumuha ng mga itlog mula sa mga ibat ibang lahi ng manok. May native, cal at cob chicken pa silang tinatawag ang iba ay hindi ko na maalala. Ipinakita rin sa akin ang tamang pag gatas sa mga baka at kalabaw kaya naman manghang mangha ako habang pinag mamasdan ang mga ito. "Sir dito sa unang gusali naka tago ang ating mga supply at produkto na kinakailangan sa pag aalaga ng mga hayop. At sa ikalawang gusali naman ay ang mga itlog at gatas na nag mula sa kanila. Doon din naka preserve ang mga karneng na dinadala sa merkado tuwing umaga. At ang nasa dulong gusali naman o ang ikatlo ay mga tambak kagamitan at kung ano anong basura na lamang po ang nakalagay. " ang paliwanag ng katiwala
"Iyon lang po muna sa araw na ito sir Ybes, magagabi na po at tiyak na nag hihintay na si Manang Pelly doon sa mansion. Kailangan na po nating bumalik." ang wika naman ng isa pang katiwala samantalang ako naman ay napako ang tingin sa ikatlong gusali na kawangis ng nasa aking panaginip.
"Sir Ybes, tayo na po." muling pag yaya ng mga ito ngunit tila may bumubulong sa aking isipan na puntahan ang ikatlong gusali upang mapatunayan ko sa aking sarili kung may katotohanan bang ipinahihiwatig ang aking mga pangitain kagabi kaya naman doon nag desisyon akong maiwan saglit at lapitan ang naturang lumang gusali. "Ah mauna na kayo, susunod na lamang ako." sagot ko naman habang nakapako pa rin ang tingin sa gusali.
Umalis naman ang mga katiwala at iniwan akong nakapako sa aking kinatatayuan. At noong makatiyak na wala na sila sa paligid ay kusang gumalaw ang aking mga paa at tinahak ang lugar kung saan naka tirik ang luma at ikatlong gusali na kawangis ng nasa aking panaginip. Tila ay kung bagay ang namumuo sa aking dibdib noong mga sandaling iyon. Binabalot ako ng matinding kaba at takot subalit sa kabila nito ay namamayani pa rin ang aking pag nanasa na mapatunayan sa aking sarili na walang katotohanan ang mga bagay na aking nakikita kapag ako ay natutulog kaya naman hinawakan ko ang doorknob ng pinto at marahang binuksan ito.
Madilim ang loob at hindi kaaya aya ang amoy. Natural, dahil tambakan nga ito ng mga lumang gamit sa bukid. Tahimik dito at walang ni ano mang kaluskos na maririnig subalit hindi pa rito natatapos ang lahat dahil nag pasya akong pumasok dito at pag masdang maigi ang loob bagamat tagaktak ang malamig na pawis sa aking mukha dahil sa kaba at init sa loob ng naturang gusali.
Tahimik akong lumakad sa gilid at kinapa ang switch ng ilaw dahilan para sandaling kumislap ang bumbilya ngunit namatay din ito bigla kaya naman muli ko inulit ang pag pindot switch at doon ay muli nanamang kumisap ang ilaw sa pag kakataong ito ay nagtuloy tuloy na ang pag sindi nito.
Tahimik ulit..
Kasabay ng pag tama ng liwanag sa bawat sulok gusali ay siya namang pag bulaga sa akin ng isang lalaking nakahandusay sa lupa, naka dapa ito at walang malay. Nakasuot ng maong na pantalong sira sira at walang pang itaas na damit. Ang kanyang paa ay balot ng sugat at dugo gayon din ang kanyang katawan na maraming galos na tila sinaksak ng paulit ulit. Halos himatayin ako sa aking nakita dahil ang lalaki sa aking panaginip at ang lalaking nasa aking harapan ay iisa.
itutuloy.