Ang Lihim Ni Seth
AiTenshi
Aug 6, 2015
2:12am
Part 3
Ang Misteryosong Panauhin
Ang lalaki sa aking panaginip at ang lalaking naka handusay sa loob ng lumang gusali ay iisa. Kung gayon, totoong pangyayari ang mga nasaksihan ko kagabi doon sa kakahuyan habang ako ay wala sa aking katawang lupa. Ang bawat pag takbo, pag kakadapa at pag gulong sa lupa ng lalaking ito ay totoong naganap din at hindi lang iyon basta isang pangitain. Hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin, hihingi ba ako ng tulong o tatakbo na lamang palayo upang pabayaan ito at huwag na maki alam pa? Ngunit kung gagawin ko naman ito ay tiyak na hindi ako makakatulog mamayang gabi dahil konsensya ko naman ang siyang dudurog sa akin. At isa pa ay baka may dalihan kung bakit ako ang napiling maka saksi sa ano mang bagay na nangyari sa kanya. "Bahala na nga!" ang sigaw ko sa aking sarili at mabilis akong lumapit sa lalaki upang suriin kung malakas pa ba ang pulso nito o malapit nang ma tigok dahil sa kawalan ng dugo.
"Malakas pa ang pulso niya" bulong ko sa aking sarili kaya naman muli akong tumayo upang buksan ang bagong gusali kung saan naka lagay ang mga supply na produkto ng hacienda. Tiyak na may mga gamot doon na naka stock para sa mga taga bantay kasama ng iba pang kagamitan ng mga mangagawa. Pag bukas ko ng switch ng ilaw ay laking tuwa ko noong maka kita ng medicine box sa loob ng isang kabinet kaya naman hindi na ako nag aksaya ng panahon, agad akong kumuha ng limang balot na gasa, bulak, betadine, panlinis at iba pang pampatigil ng dugo. Binuksan ko rin ang ikalawang gusali na imbakan ng mga karne upang kumuha ng yelo para sa mga pasa ng lalaki. Dito ay may nakuha rin ako dalawang bote ng mineral water na naka plastic seal pa, marahil ay naiwan ito ng mga manggawa kanina kaya kinuha ko rin ang mga ito.
Inilagay ko ang lahat ng supply sa isang lumang basket at doon ay nag mamadali akong pumasok sa ikatlong gusali kung saan naroroon ang lalaking sugatan. Agad kong itinihaya ang kanyang katawan at nilinis ang kanyang mukha dahilan para mapa unggol ito. Ngayon ko lamang nakita ang kanyang anyo, matangos ang ilong at mapula ang kanyang labi. Hindi maipag kakailang maganda lalaki ito na parang isang artista sa telebisyon. Nag patuloy ako sa pag lilinis ng kanyang mga sugat mula sa leeg, pababa ng braso, tyan, likod at ang kanyang paa na halos napudpod na sa pag takbo. Magulo man ang aking pag iisip subalit ipinag patuloy ko pa rin ang mag salba sa sugatang lalaking ito.
Naka Apat na boteng betadine ako at limang boteng alcohol bago ko lagyan ng ointment at gasa ang sugat nito, kaya naman halos nag mukha na itong mummy sa dami ng balot sa kanyang katawan. Wala pa ring malay ang lalaki ngunit umuungol ito na ibig sabihin ay unti unting nag babalik ang kanyang ulirat kaya naman kinuha ko ang bote ng mineral water, binuhat ko ang kanyang ulo at pinaunan sa aking hita saka ko binuhusan ng paunti unti ang kanyang bibig upang mawala ang kanyang pag kauhaw. Hindi naman ako nabigo dahil lumalagok ito ng tubig na ang ibig sabihin ay tinatanggap niya ang aking ginagawang pag papainom sa kanya.
Makalipas ang halos isang oras, unti unting naging maayos ang kondisyon ng lalaki, normal na ang hinga nito at tumigil na rin ang pag durugo ng kanyang katawan. Kaya naman pinilit ko siyang buhatin sa mas malinis na parte ng gusali at doon ay pahigain. Malaking tao ito, sa aking tantsa ay nasa 5'11 to 6ft ang taas nya at tila nililok ang hubog ng kanyang katawan. May buhok sa kanyang kili kili at gayon din sa kanyang pusod pababa ng kanyang ari. Basta kahawig niya ang chinese actor na si Eddie Peng.
At dahil nga wala itong damit pang itaas ay hinubad ko na lamang ang aking sweater at ipinatong ito sa kanyang katawan. Alam kong naririnig nya ako kaya't nag paalam akong babalik na sa mansyon dahil baka nag aalala na ang mga katiwala dahil wala pa ako at upang maka kuha na rin ng pag kain para sa kanya.
Mabilis akong lumabas ng lumang gusali at nag tatakbo palabas ng bakuran ng poulty house. Doon ay nakasalubong ko sina Manang Pelly at iba pa, nag pasya daw sila sunduin na ako dahil kanina pa naka handa ang pag kain. Tinanong din nila kung saan ako nag punta kaya ang sinabi ko na lamang ay nag iikot ikot ako dahil masarap lumanghap ng sariwang hangin sa paligid. Ayun naka lusot naman kahit papaano. Pag dating sa mansyon, agad akong umupo sa hapag kainan at mabilis na kumuha ng pag kain sa aking plato, kumuha rin ako ng mga tinapay at ibang kakainin. Marahil ay takang taka sina manang Pelly kung bakit bigla na lamang akong lumakas kumain. Ang hindi nila alam ay hindi naman para sa akin ang lahat ng iyon kundi para sa lalaki doon sa gusali. Alam kong mag hapon ito sa loob noon at tiyak na wala ring laman ang kanyang tiyan maliban sa tubig na pinainom ko kanina.
Dakong alas 9 ng gabi, noong mga tiyak na nasa kanya kanyang silid na ang mga katiwala ng bahay, agad akong nag tungo pabalik ng lumang gusali dala ang mga pag kain para sa aking pasyente, may mga lutong karne, gulay at prutas. Nag dala rin ako ng kumot at ilang damit para sa kanya. Para akong mag cacamping nito, buti na lamang at hindi uso ang cctv camera dito sa bukid, kundi ay kanina pa ako napag kamalang magnanakaw sa dami ng bitbit ko.
Pag pasok sa gusali, naabutan ko ang lalaki na nakasandal sa pader, gising na ito at pinag mamasdang mabuti ang mga bundaheng nakapaikot sa katawan niya. Bagamat hindi ganoong kaliwanag ang ilaw, mas nasilayan ko nang mabuti ang kanyang mukha. Tama nga ang hinala ko kanina, magandang lalaki ito at talagang nakaka mangha ang kanyang anyo. Sa talang buhay ko ay ngayon lamang ako naka kita ng ganitong ka gwapong nilalang. Ang kanyang mga mata ay medyo singkit ngunit bilugan din ito, ang kanyang ilong at labi ay mistulang nililok sa perpektong pag kakagawa. Ang kanyang buhok ay hinahawi lamang ng kamay at ang kanyang ngipin ay pantay bagamat may maliit na pangil sa mag kabilang gilid nito. Nakaka starstruck lang..
"Mabuti naman at gising kana. Heto nag dala ako ng pag kain para sa iyo." pag bungad ko at doon ay inayos ko ang mga ito sa kanyang tabi, wala naman akong nakuhang sagot maliban sa pag titig niya sa aking mukha kaya naman nakaramdam ako ng kaunting pag kahiya.
Inilagay ko ang pag kain sa plato at ang mainit sa sabaw naman ay sa mangkok, inihain ko ito sa kanyang harapan na mistulang nag alay sa sugatang santo ngunit tinitigan lamang nya ito at saka muling ibabaling ang tingin sa akin na tila nangungusap ang mga mata. "Ah, hindi ko alam kung saan ka nag mula, ngunit wala akong balak ng lasunin ka." ang muli kong salita sabay tikim ng pag kain inihanda ko sa kanyang harapan. Iyon ay para patunayang walang lason ang mga ito kung iyon nga ang iniisip niya.
Wala pa ring sagot..
Inisip ko na lamang na naputol ang dila nya kagabi habang ginegera siya ng kung anong bagay sa loob ng kakahuyan.
Ilang minuto rin kami sa ganoong pag titinginan hanggang hindi ako nakatiis at ako na mismo ang kumuha ng sabaw para ipasubo sa kanya. "Kailangan ay kainin mo ito Mag matayan naaaaa!" ang sigaw ko sa aking sarili sabay umang ng pag kutsara sa kanyang bibig. Naka ngiti ako na animo payaso habang siya naman ay nakatitig lamang sa aking mukha.
Marahan niyang ibinuka ang kanyang bibig at isinubo ang kutsarang may sabaw dahilan para mas lalo pa akong mapangiti. Sa wakas ay kumain ang lolo nyo at take note, never akong nag pakain ng lalaki maliban kay Buknoy na aking kapatid. Ipinag patuloy ko lang ang pag subo sa kanya habang siya naman ay nakatitig pa rin sa aking mukha at tila yata hindi na mababakbak pa ito. Nakaka concious tuloy at baka may muta pa ako o dumi dito, basta nakakahiya. Ayoko pa naman sa lahat ang tinititigan ako ngunit dahil nga bugbog sarado na siya ay maaari ko na rin itong i exempted.
Matapos kumain, itinabi ko ang mga kasangkapan at marahan itong pinainom ng tubig. Naka fix pa rin ang ngiti sa aking mukha bagamat batid kong peke na ito. Umupo ako ng pa indian seat sa kanyang harapan at tinitigan ang kanyang gwapong mukha. Noong mga oras na iyon ay nais kong hawakan ang kanyang makinis na mukha at ibuka ang kanyang bibig upang icheck kung nanduon pa ba ang kanyang dila. Baka naman kasi naputol na ito kagabi kaya't hindi siya makapag salita. Titigan lang? Shet! Anong magagawa nito? Wala naman akong E.S.P para makausap siya sa mapapamigitan ng pag tingin lang hano.
Tahimik ulit..
Tiktak...
Makalipas ang ilang minutong pag tititigan namin, sa wakas ay narinig ko rin ang magandang boses nito na parang nag mula sa glorya ng langit. After 100 years sa wakas ay bumalik na rin ang dila nito na umurong yata dahil sa matinding hirap na kayang dinanas. "Salamat sa pag kain at sa gm amot." ang salita nito, hindi ko mawari kung nahihiya ba ito o ganoon lamang talaga sya. Subalit ibayong tuwa naman ang naramdaman ko noong mag pasalamat siya, atleast ay naappreciate niya ang pag tulong ko sa kanya kaya't tila nawala ang pagod ko. "Wala iyon, masaya akong makatulong. Nga pala, kung hindi mo mamasamain, maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?" tanong ko habang naka ngiti.
Muli nanaman itong tumitig sa akin at pinag masdang mabuti ang aking mukha sabay bitiw ng malalim na buntong hininga na tila ba hirap na hirap itong bigkasin ang kanyang pangalan. "A-ako si Seth."
"Nice name, bagay na bagay sa iyo ang pangalan mo. Ako naman si Ybes, pag aari ng aking ama ang haciendang ito. Ang totoo noon ay hindi ako taga rito, dayo lamang ako." pag papakilala ko sabay lahad ng aking kamay.
Inabot nya aking kamay ngunit hindi na ito sumagot pa. Muli itong sumandal sa pader at ipinikit ang kanyang mga mata. Ewan, ngunit habang pinag mamasdan ko ang kanyang anyo ay tila ba hirap na hirap akong basahin ang kanyang pag katao. Napaka misteryoso ng kanyang dating at wala akong makukuhang kahit na anong impormasyon sa kanya liban sa kanyang pangalan "Seth".
Noong mapansin kong natutulog na ang mokong, kinuha ko ang dala kong kumot at tinakip ko ito sa kanyang katawan. Mainit naman sa loob ng gusali kaya't tiyak na hindi siya lalamigin. At noong makasiguradong maayos na ang lahat ay nag pasya na akong bumalik sa mansyon upang makapag pahinga na rin.
Hanggang sa aking pag higa ay naka ukit pa rin sa aking isipan ang mukha ni Seth. Marami akong nais itanong sa kanya ngunit hindi ko na ito nagawa pa dahil sa naging mailap ito at walang ibang ginawa kundi ang titigan lamang ang aking mukha. "Mainam siguro na ipag pabukas ko na lamang ang labis na pag iisip dahil paniguradong masisiraan pa ako ng bait kapag pinag patuloy kong isipin ang kanyang pinag mulan." bulong ko sa aking sarili habang nakapako ang tingin sa wierd na larawang nakasabit sa pader. Ang kwardrong ito ay nag bibigay kilabot sa akin kapag nasisilayan ko, ang desenyong cresent moon na may piraso ng basag na kristal ay talagang kakaiba. Habang nasa ganoong pag titig ako sa kwardro ay bigla na lamang itong nahulog sa kanyang pag kakapako kaya naman bumalikwas ako ng tayo upang isabit muli ito sa ibang pwesto.
Hindi naman ito ang unang pag kakataon na nahuhulog ito, halos araw araw yata ay nalalaglag ito sa kanyang pag kakasabit. Nakatapat kasi ang kwardo sa bintana kung saan umiihip ang malakas na hangin kaya't tiyak na nagagalaw ang pag kaka kabit nito sa lumang pako. Siguro naman sa pag kakataong ito ay hindi na ito malalaglag pa dahil isinabit ko ito sa lugar na malayo sa bintana, mas bago ang sabitan at mas matibay.
"Kapag nalaglag ka pa ay ewan ko nalang." bulong ko sa aking sarili habang naka tingin sa lumang kwardo. Muli akong bumalik sa aking pag kakahiga at doon ay ipinikit ang aking mga mata. Marahil ay sa sobrang pagod kaya naging mahimbing ang aking pag kakatulog at hindi ko naranasang maglakbay o managinip ng kakaiba. Ito lang pala ang solusyon sa aking problema kaya't simula bukas ay tiyak na papagurin ko na ang aking sarili. hehe. Joke lang. Siguro ay walang latest na pangitain maliban sa lalaking tumatakbo doon sa kakahuyan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na nag katotoo ang nakita ko, ang lalaking sugatan sa kakahuyan at si Seth ay iisa. Nakakapangilabot kung iyon iisipin ngunit sino ba naman ang makaka intindi sa akin.
Kinabukasan, alas 7 ng umaga noong ako ay magising. Hindi na ako nag almusal dahil nag aapura akong mag tungo sa lumang gusali na nasa bakuran ng manukan. Halo halong emosyon ang aking nararamdaman, kaba, saya at excitement dahil nais kong malaman kung epektibo ba ang ginawa kong pang gagamot sa kanya. "May nag bago kaya sa kalagayan niya o makakausap ko na kaya siya ng matino? Bumuti kaya ang kanyang pakiramdam?" ito ang ilang katanungan sa aking isipan habang mabilis na tumatakbo patungo sa kanyang kinalalagyan.
Pag dating ko doon ay napansin kong bukas ang pintuan ng lumang gusali kaya naman agad akong lumapit dito. Marahil ay bumuti na ang kanyang pakiramdam at lumabas lamang ito para lumanghap ng sariwang hangin sa paligid. Pag tapat ko sa pinto ng naturang gusali ay nakasalubong ko ang katiwala ng mga supply palabas dito kaya naman ibayong kaba ang naramdaman ko noong mga oras na iyon dahil baka nakita nya si Seth at pinaalis nya ito. "Kayo po pala sir Ybes, kakasimula ko pa lamang mag ayos ng supply. May kailangan po ba kayo?" magalang na tanong ng taga pangasiwa.
Sinisilip ko naman ang gilid ng gusali kung saan ko iniwan si Seth ngunit malinis naman ito. "Ah may nakita ka bang.." hindi ko natapos ang pag sasalita dahil agad sumabad ang taga bantay "heto po sir. Alam ko pong pag aari mo ang kwintas na ito kaya't itinabi ko agad noong natagpuan ko ito sa gilid ng gusali. Marahil ay naiwan mo ito kahapon noong pumasyal ka dito." wika ng taga bantay at doon ay iniabot sa aking kamay ang isang kwintas na may itim na tali at singsing na pendant. Silver gold ang singsing na naka ukit ang pangalang Seth sa loob.
"Teka, noong binuksan mo ito kanina, mayroon ka bang nakitang tao sa loob nito?" ang muli kong tanong dahilan para muling lumingon ang taga bantay sa loob ng gusali at napaka kamot ito ng ulo. "Wala po sir, walang nakapasok na tao dito." muling sagot nito kaya naman muli akong pumasok sa loob ng gusali at binisita ang lugar kung saan ko iniwan si Seth na natutulog. Nakapag tataka ngunit walang bakas doon, walang kumot, sweater o kahit ang mga gamot ay wala din.
Tahimik..
Hindi ko maisalarawan ang dapat kong maramdaman ngunit pakiwari ko ba ay may kung anong lungkot ang gumuhit sa aking damdamin. Maraming namumuong tanong sa aking isipan ngunit ngayon ay tila nawalan na ako ng pag asang masagot ang lahat ng ito, maliban na lamang kung isang araw ay mag krus ang landas namin ni Seth, ang aking misteryosong panauhin.
itutuloy..