Ang Lihim Ni Seth
AiTenshi
Aug 7, 2015
Part 4
Ang hiwaga ng kakahuyan
Limang araw na ang lumipas mag buhat noong nawalang parang bula si Seth sa loob ng gusali. Hindi ko na ito nakita pa, maging sa aking panaginip ay wala din. Parang isang hangin lamang itong nag daan sa aking buhay pag tapos ay wala na. Tanging ang kwintas lamang niya ang ala-alang naitago ko at ito rin ang mag papa alala sa akin ng tungkol sa kanya.
Minsan sumasagi sa aking isipan na mag punta ng kakahuyan upang hanapin ito ngunit ang problema lamang ay wala akong ideya kung saan ito hahagilapin. Mabuti pa nga ang bahay ng langgam, kapag nag hanap kay may bakas kang makikita kaibahan kay Seth na walang iniwang kahit ano, maliban sa isang kwintas. Hindi ko lubos maunawaan ang aking sarili, kung bakit nitong mga nakakaraang araw ay binabalot ako ng kalungkutan kapag naalala ko siya bagamat hindi naman kami lubusang mag kakilala. Basta, mahirap ipaliwanag.. maging ang aking sarili ay labis ding naguguluhan. "Sir Ybes, nakahanda na po ang miryenda. Nag padala ng mga hinog na mangga ang mga katiwala doon sa bukid, ibigay ko daw sa iyo kaya heto ginawa kong mango shake ang iba. At nag luto rin ako ng sopas upang mainitan ang iyong sikmura." wika ni Manang Pelly habang sabay kaming lumalakad patungo sa kusina.
"Salamat po."
"Wala iyon iho, kumain ka ng marami."
Tahimik.
"Manang Pelly, gaano po kalawak ang kakahuyan doon kabilang ibayo?" ang pag basag ko sa katahimikan dahilan para panandaliang mapatigil ito sa kanyang ginagawang pag hihiwa ng sangkap at saka upo sa aking harapan. "Bakit mo naitanong iho?" mahinang salita nito.
"W-wala po. Curious naman po ako." ang tanging naisagot ko bagamat ang totoong dahilan ay nag babalak akong mag punta doon upang hanapin si Seth.."
Tumingin ng seryoso sa akin si Manang Pelly at mahinang nag salita ito. "May buhay ang kakahuyan at tiyak na naririnig nila ang ating usapan. Ayon sa mga nakasaksi, walang eksaktong sukat ang kakahuyan dahil maliit lamang ito kapag iyong ipinag masdan mula sa itaas gamit ang sasakyang panlipad, ngunit kapag pumasok ka rito ay lumalawak ito at nawawalan ng hangganan. Maraming mga kwento ang lumaganap sa buong mundo tungkol sa kakahuyang ito, sinasabing may mga kakatwang liwanag ang nag lalaro dito tuwing gabi at ayon sa mga pahayagan ay kuta raw ito ng mga nilalang na nag mula sa kalawakan. Ngunit ayon naman sa mga taga rito sa hacienda, ang kakahuyang iyon ay pugad ng mga maligno at engkanto. Ang ilan sa mga ito ay magagandang babae o kaya gwapong lalaki na nag papanggap na sila ay nasugatan upang maka hanap sila ng bagong bibiktimahin. Ngunit higit sa lahat, ang pinaka kinatatakutang nilalang sa kakahuyang iyon ay ang mga tinatawag na "MANLIKMOT" wala pang nakaka kita sa kanila ngunit sila ay lubhang mapanganib kaya't mag buhat noon, wala nang nag tatangkang pumasok sa mahiwagang lugar na iyon." kwento ni Manang Pelly na tila ba kinikilabutan sa kanyang mga sinasabi. "Pero ang ilan sa mga naisalaysay ko ay kwentong barbero lamang kaya't huwag mong masyadong dibdib iho." muling wika nito sabay tayo para ituloy ang kanyang ginagawang pag hihiwa.
"Pero paano po kung totoo nga? Yung mga nilalang na nag papanggap na nasugatan at nakikisalamuha sa mga normal na tao. Paano kung mayroon nga talagang ganoon? Paano kung mayroong engkanto?" pangungulit ko dahilan para matawa ito. "Naku iho, huwag mo masyadong paniwalaan ang mga iyon dahil ang ilang isinalaysay ko ay gawa gawa lamang ng mga taga rito. Mabuti pa ay kumain kana at baka lumamig pa ang sabaw." sagot ni Manang Pelly habang naka ngiti ito
Hindi na ako kumibo, ipinag patuloy ko na lamang ang aking pag kain bagamat nakatahimik ay paulit ulit pa rin kinakalampag ng aking isipan ang pag nanais na mag tungo sa kakahuyan at doon ay hanapin si Seth. Halos ilang araw na rin mag buhat noong nawala ito sa loob ng gusali, hindi ko tuloy maiwasang mag alala sa kanyang kalagayan. Sariwa pa ang mga sugat nito at ang ilan dito ay hindi ko naman nagamot ng maayos kaya naman binabalot ako ng pag aalala.
Bandang alas 3 ng hapon noong mag pasya akong tahakin ang daan patungo sa kakahuyan. Hindi ako siguro sa aking desisyon ngunit ito lamang ang tangin paraan upang mabawasan ang aking agam agam at pag aalala para sa taong hindi ko naman lubos na kilala. Mga ilang minuto lamang ang lakaran patungo dito at makikita mo na ang bungad ng naturang kakahuyan. Hindi naman ito ganoon kalawak ngunit habang papalapit ako sa loob nito ay nakakaramdam ako ng kakaibang lamig, pakiwari ko ay may kahalong yelo ang hangin nito kaya't halos tumindig ang balahibo sa aking buong katawan.
Nag patuloy pa ako sa pag lalakad hanggang sa tuluyan na nga akong makapasok sa loob nito. At dito ko napag tanto na totoo pala ang sinasabi ni Manang Pelly sa kanyang mga kwento na habang papasok ka loob nito ay lalong lumalawak ang paligid. Ang mga puno ay tila may mata at nakamasid sa iyong nilalakaran bagamat mataas pa naman ang sikat ng araw ay tila yata binabalot na ng kaunting takot ang aking katawan.
Tahimik..
"Seth!" ang pag tawag ko sa pangalan ng taong aking hinahanap bagamat hindi naman ako nakatitiyak na dito nga siya matatagpuan.
Tahimik ulit..
"SETH!!" muli kong sigaw ngunit walang sagot maliban sa ihip ng hangin at huni ng mga ibon sa paligid.
Napag desisyunan ko pa na lumakad sa gawi roon, sa pag kakataong ito ay wala na akong ideya kung nasaang parte ako ng kakahuyan. Basta't ang alam ko lamang ay binabaybay ko ang tuwid na daan mula sa bungad na siyang nag sisilbing palatandaan ko upang makabalik sa aking pinag mulan. Maaliwalas pa rin ang paligid at pakiwari ko ay lalo pa itong lumalawak habang papasok ng papasok sa pinaka gitna.
Nag kakalaglag ang tuyong dahon ng mga puno..
Umiihip ang banayad at malamig na hangin..
Patuloy sa awit ang mga ibon..
"Seth!!!" ang muling pag tawag ko habang lilinga linga sa paligid. At habang nasa ganoon pag lalakad ako ay may natapakan akong kung anong bagay sa lupa dahilan matalian ang aking mga paa at mabilis na bumitin patiwarik sa ere. "Bitag!! Nabitag ako!!" ang sigaw ko sa aking sarili.
"Saklolo!! Tulong! Tulungan nyo ko!!!" ang malakas kong sigaw habang nakabitin parin sa lubid na nakasabit sa sanga ng puno. Sa pag kakataong ito ay hindi ko na maitago ang labis na takot at pag alala. Baka naman hindi engkanto o "manlikmot" ang nakatira sa kakahuyang ito kundi mga kanibal na kumakain ng tao at baka isa ako sa maging hapunan nila. Ito ang sumasagi sa aking isipan kaya naman mas lalo pa akong nag wala sa aking pag kakabitin. "Saklolo! Tulong!!" ang malakas kong pag sigaw na halos atakihin na sa labis na takot.
Ilang minuto rin ako sa ganoong pag kakasabit hanggang maya maya ay may isang taong palapit sa aking kinalalagyan. Naka suot ito ng lumang pantalon at lumang long sleeves. May lumang salakot na nakasuot sa kanya ulo kaya hindi ko halos makita ang kanyang mukha. "Saklolo! Nabitag ako!! Tulong!" muli kong sigaw ngunit nag patuloy lamang sa pag lalakad ang lalaki palapit sa akin at tila natatawa pa ito. "Kapag talaga sinuswerte ka, mukhang masaganang hapunan ang magaganap mamaya!" ang salita nito dahilan para mas lalo pa akong balutin ng matinding takot at pangamba. Pilit kong inabot ang pag kakatali ng aking mga paa gamit ang aking mga kamay ngunit hindi ganoon kadali ito dahil tumatabing ang suot kong damit sa aking mukha. "Pakawalan mo ko!! Tao ako!!" ang sigaw ko ngunit hindi sumagot ang lalaki, binunot nito ang itak na nakasuksok sa kanyang tagiliran, hinawakan ang lubid na nakatali sa sanga ng puno at doon ay marahan nya itong pinutol dahilan upang mag tuloy tuloy ang aking katawan pabulusok sa lupa.
"Blagg!" ang tunong ng aking pag kakabagsak. "Arekup.. sakit.." impit na daing ko habang pilit na ibinabangon ang aking katawan nang biglang lumapit sa akin ang lalaki at hinawakan nito ang tali sa aking paa kaya naman nag pumiglas ako na parang isang uod na nilagyan nilagyan ng asin. "Bitiwan mo ko! Tang inaaaa!" ang aking galit na sigaw habang nag wawala sa kanyang pakaka hawak. "Huwag kang magulo, hindi naman kita sasaktan e." ang wika nito at doon at inalis nya ang kanyang salakot dahilan para masilayan ko ang kanyang mukha.
"Seth?!" tanong ko habang inaaninag ang kanyang mukha. "Ako nga ito tol, natakot ba kita?" sagot nya habang naka ngisi at mabilis na kinakalag ang tali sa aking mga paa. Pansin kong ibang iba na ang itsura nito kumpara noong makita ko siyang sugatan doon sa aming lumang gusali. "Maayos na ang lagay mo, mabuti naman." ang kaswal kong tugon habang bumabangon, bagamat tila binalot ako ng matinding tuwa noong makita ko siyang muli. "Dahil iyon sa pang gagamot mo sa akin, kaya heto nanumbalik muli ang aking lakas." sagot nya sabay pakita ng masel sa kanyang bilugang braso.
"Oo nga e, parang walang nangyari saiyo. Walang peklat o bakas man lang ng galos sa iyong katawan. Parang walang nangyari ah." namamangha kong tugon habang pinag mamasdang ang kanyang kaanyuan. "Teka, bakit may mga bitag dito sa kakahuyan?" pag tataka kong tanong.
"Ang totoo nun ay maraming bitag ang naka kalat dito sa kakahuyan. Ang mga iyan ay para sa mga mababangis na hayop o kaya ay panilo sa mga usa, baboy ramo o kahit na anong hayop maaaring iulam o kainin.". paliwanag ni Seth "Pasensya kana nga pala kung pati ikaw ay nabiktima ng aking patibong. Hmm, teka, ano nga ba ang ginagawa mo dito tol?" tanong nito
"Ah eh, namasyal lang ako. Nainip kasi ako doon sa loob ng hacienda kaya heto nag lakad lakad na muna ako dito sa kakahuyan." palusot ko naman, syempre alangan namang sabihin kong hinahanap ko siya. Baka isipin pa nya na namimiss ko sya. "Ganoon ba? Parang kanina kasi ay may narinig akong tumatawag ng pangalan ko. Mga tatlo o apat na beses siguro." sagot naman niya habang naka ngisi. Tila hinampas naman ng kung anong matigas na bagay ang aking ulo dahil sa kanyang sinabi. Para bang alam na alam niyang hinahanap ko siya kanina pa. Ako rin naman kasi ang may kasalanan, may pasigaw sigaw pa ako ayan tuloy malapit na mag kabukingan. "Ah e, baka guni guni mo lamang iyon. "
"Hmm, siguro nga tol. Pero boses tao talaga iyon e, parang kaboses mo pa nga." tugon ni Seth sabay tawa ng malakas.
Habang nasa ganoong pag uusap kami ay may isang lalaki ang palapit sa amin, may dala itong isang maliit na baboy ramo na nakuha mula sa pangangaso. Katulad ni Seth, naka suot din ito ng maong na pantalon at lumang long sleeve na ibinuhol lamang. May shot gun sa likod at itak sa tagiliran. "Papa." ang pag salubong ni Seth sa kanyang ama sabay kuha ng patay na baboy ramo upang isama sa ibang hayop na kanilang nahuli. "Tol, papa ko nga pala, madalas siya ang kasama ko dito sa kakahuyan para mangaso." saad pa nito at hinawakan ang aking kamay para dalhin sa kanyang ama.
"Pa, si Ybes nga pala. Siya yung naikwento ko sa inyo na tumulong sa akin noong masugatan ako sa kakahuyan noong nakaraang mga linggo." pag papakilala nito.
"Ikaw pala iyon, maraming salamat sa pag tulong mo sa aking anak. Ikinagagalak kitang makilala Ybes." pag bati ng kanyang ama sabay tapik sa aking balikat. "Wala po iyon, masaya akong nakatulong kay Seth at nag papasalamat din po ako dahil maayos na ang kanyang kalagayan ngayon." sagot ko sabay bitiw din ng matamis na ngiti.
"Nababasa ko sa iyong mata na ikaw ay mabuting tao. Pag palain ka iho."
Halos ilang minuto rin kami sa ganoong pag kkwentuhan hanggang sa unti unting kumagat ang dilim kaya naman muling mag wika ang kanyang ama. "Anak, ako na ang mag uuwi ng mga nahuli natin ngayong araw, mainam pa ay ihatid mo na lamang ang iyong kaibigan palabas ng kakahuyan dahil malapit na mag dilim." utos ng papa ni Seth kaya naman agad niyang inaabot ang mga nahuling hayop sa kamay ng ama.
"Halika na tol, sasamahan na kita pabalik ng inyong hacienda." pag yaya ni Seth ngunit tumanggi ako. "Ako na lamang ang lalakad mag isa. Alam ko naman ang daan pabalik sa labasan. Mainam pa ay tulungan mo na lamang ang iyong ama sa pag dadala ng inyong mga gamit."
"Hehe, hindi maaari tol, kailangan kitang samahan dahil komplikado ang daan palabas ng kakahuyuhan." natatawang sagot ni Seth.
"Komplikado? Anong ibig mong sabihin doon? Sa aking pag kakatanda ay tinahak ko lamang ng tuwid ang daan na iyan." wika ko sabay turo ng aking mga dinaanan.
"Mahirap maunawaan ngunit nag babago ang mga daan dito sa kakahuyan. Para itong isang malawak na palaisipan na hindi basta basta maipaliwanag. Katulad nung pag kakaayos ng puno, minsan ay nag iiba iba ito ng direksyon hanggang sa mag dulot ng kalituhan at hindi kana makalabas pa." paliwanag ni Seth habang itinituro ang nag lalakihang puno sa paligid.
"Medyo komplikado nga, kung aking titigang mabuti, ang lugar na dinaanan ko kanina ay tila nag laho na. At ngayon ay nadudulot na ito ng kalituhan sa aking isipan. Mabuti na lamang dahil nandito ka, naligtas ako sa pag kakaligaw." wika ko sabay hawak sa kanyang braso.
"Kung tutuusin ay madali lamang matunton ang daan palabas. Sundan mo lamang ang ilog na iyon at tiyak na hindi ka maliligaw. Alam mo, maraming sikreto ang kalikasan, minsan ay kailangan mo silang pakibagayan upang maging malapit sila sa iyo."
"Anong ibig mong sabihin doon Seth?" pag tataka ko.
"Basta tol, saka ko na lamang ipapaliwanag sayo. Ang mahalaga ay makabalik ka sa inyo bago sumapit ang dilim." sagot naman ni Seth at mas naging mabilis pa ang pag lalakad nito. Kaya naman wala akong nagawa kundi ang mas higpitan pa ang kapit sa kanyang bilugang braso at sabayan ito sa kanyang mabilis na pag hakbang. "Malapit na tayo sa labasan, pag dating mo sa bahay ay magpalit ka ng damit at agad mong labhan ang pinag palitan mo."
"Huh? Eh bakit naman? Malinis pa naman ang damit ko?"
"Basta tol, sundin mo na lamang ako para iwas gulo okay?"
"Teka anong iwas gulo?" muli kong pag tataka
"Basta tol, oh ayan nandito na tayo at mukhang hinahanap kana ng mga alagad ng papa mo." wika ni Seth sabay turo sa ilang tauhan ng hacienda at kay Manang Pelly na palapit sa aming kinalalagyan. "Paano tol, salamat sa pag hatid mo sa akin. Mag kikita pa naman tayo hindi ba?" tanong ko lang.
"Oo naman, nandito lamang ako sa loob ng kakahuyahan. Isang tawag mo lang ay darating ako." sagot naman ni Seth sabay tapik sa aking balikat.
"Sir Ybes, nandito ka lang pala. Kanina ka pa namin hinahanap. Halika na at uuwi na tayo." bungad ni Manang Pelly at agad akong hinatak palayo kay Set, hindi ko man lang tuloy ito naipakilala sa kanya. "May problema po ba Manang Pelly?" Nag tataka kong tanong.
"Sir Ybes, hindi dapat kayo nakikipag kaibigan sa mga tao sa loob ng kakahuyuhan. Ang ibig kong sabihin ay layuan mo ang lalaking iyon dahil hindi ito normal na tao." ang salita ni Manang Pelly na siyang nag bigay ng malaking katanungan sa aking isipan. Ano ba talaga ang mayroon sa lugar na ito? Napaka hiwaga at misteryoso, pakiramdam ko ay naka kulong ako sa isang lugar na napapaligiran ng hindi mabilang na lihim..
itutuloy..