Chapter 1

1513 Words
"MAMANG, aalis na ho ako!" Naglingunan sa akin ang tatlong kababaihang nag-uusap sa labas ng aming bahay. Isa ay ang nanay kong si Annabelle Cabrera kasama ang dalawa naming kapitbahay. "Papasok ka na? Ang mga dadalhin mo naroon sa mesa." "Nakuha ko na ho," sagot ko sabay taas sa maliit na bayong sa kamay ko. "O, Jessie, kumusta na?" nakangiting tanong sa akin ni Aleng Flor. "Gumaganda ka yata! May manliligaw ka siguro, ano?" hirit nito na ikinasimangot ko nang bahagya. "Ito namang si Flor, manliligaw agad ang ipinapasok sa isip ng anak ko! Hayaan mong makatapos muna ng pag-aaral at saka na 'yan." "Siya nga naman! Bata pa si Jessie. Pag-aaral muna ang dapat niyang atupagin," sang-ayon naman ni Aleng Dolores sa sinabi ni Mamang. Ang mga pamilya nila ni Aleng Flor ang pinakamalalapit naming kapitbahay dito sa bundok at silang dalawa ang madalas na kahuntahan ng nanay ko. Pumuputok pa nga lang ang araw ay naroon na sila para makikape at magkwento ng kung ano-ano kay Mamang. Hindi ko gusto ang ugali nilang iyon, pero masasabi kong maswerte kami dahil maaasahan sila bilang mga kapitbahay. Ang pamilya rin nila ang unang-unang dumadamay sa aming mag-iina kapag may problema lalo na noong panahong nagkasakit at namatay si Papang. "Eh, Jessie, kumusta ba ang pag-aaral mo sa unibersidad ng mga Urbano?" tanong ni Aleng Dolores. "Okay lang ho." "Maswerte ka at may ganiyang oportunidad na dumating sa'yo. Sa pagkakaalam ko ay ikaw pa lang mula rito sa barangay natin ang nakapasok sa eskwelahang 'yon." "'Yan nga rin ang alam ko, Dolores," wika ni Mamang. "At hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na isa itong anak ko sa mapapalad na nabigyan ng scholarship. Napakatalino talaga! Kaya naman ipinagmamalaki ko kahit kanino." "Dapat lang na ipagmalaki! At Jessie, minsan lang dumating ang ganiyang pagkakataon kaya pagbutihin mo para makatapos ka at makakita ng magandang trabaho sa siyudad. Para pagdating ng araw ay makaalis na rin kayo rito sa bundok." Ngiti na lang ang naging sagot ko sa huling sinabi ni Aleng Dolores. Hindi naman sa isinusumpa namin ang pagtira rito sa bundok, pero para sa mga taga-roon ay isang mabuting kapalaran ang manirahan sa patag o kaya ay magsimula ng buhay sa siyudad. "Jessie, ilang linggo ka na ring pumapasok sa unibersidad ng mga Urbano. Ano na bang balita roon? Totoo ba na may isa na namang babaeng estudyante na dating nobya ni Lucas ang nagpalaglag ng sanggol?" Nagulat ako sa tanong ni Aling Flor kaya hindi nakasagot. Si Mamang ang sumalo sa akin. "Ay, ano bang tanong 'yan, Flor? Ano bang malay ng anak ko riyan, eh, mag-aaral lang siya roon? At bakit kailangan mo pang alamin kung totoong may isa na namang estudyante ang nagpa-abort?" "Baka lang naman may naririnig si Jessabelle na mga usapan sa eskwelahan. Taon-taon na lang kasi ay may lumalabas na balita na may nabuntis ang bunso ng mga Urbano, pero pinalaglag ang sanggol. Gusto ko lang malaman ang totoo." "Kailangan pa ba nating alamin kung totoo ang mga balita o gawa-gawa lang?" sabat ni Aling Dolores. "Hindi pa ba sapat na katibayan ang nangyayari sa panganay nilang anak? Iyon ang sumpa sa pamilya nila! O, hindi ba? Ilang taon nang kasal 'yang panganay nilang si Katarina, pero bakit hanggang ngayon ay wala pang anak? Hindi man lang nagbubuntis. Balita ko nga ay nagpunta pa sa ibang bansa para magbuntis, pero wala pa ring nangyari." "Kunsabagay, tama ka. Narinig ko rin ang tungkol diyan." "At dapat lang iyon sa pamilya nila! Malulupit sila sa mga sanggol! Pati mga walang kamalay-malay, inaalisan nila ng karapatang mabuhay. Para ano? Para maprotektahan daw ang pangalan nila at h'wag mahaluan ng dugong alipin ang pamilya nila." "Naku, tumigil na nga kayong dalawa! Mahuhuli na sa eskwela itong si Jessie!" saway ni Mamang sa dalawa. "O, Jessie, lumakad ka na at h'wag ka nang makinig sa mga ito. Mag-iingat ka sa daan. At hangga't maaari ay umiwas-iwas ka rin sa mga taong malalapit sa mga Urbano. Baka nga totoo ang sumpa sa kanila, eh, pati ikaw madamay." Lumunok ako ng laway bago sumagot. "O-oho, Mamang." Bumaling ako sa dalawa at nagpaalam din sa mga ito. "Aalis na ho ako. Malayo pa ang biyahe ko." "Sige, Jessie, mag-iingat ka!" Sinimulan ko na ang mahabang paglalakad. Panibagong araw na naman iyon at aaminin kong nakakapagod ang mag-akyat-baba sa aming lugar, pero wala akong pagpipilian sa ngayon kundi ang magtiyaga. Pagbalik naman ni Teacher Evelyn ay siguradong doon na ulit ako tutuloy sa bahay niya kaya magiging madali na ulit ang pagpasok ko sa eskwela. Maya-maya lang ay natanaw ko na ang hilera ng mga bahay sa patag. Noong maliit pa ako ay mahigit isang oras kong nilalakad ang pababa ng bundok, pero ngayong malaki na ay nakukuha ko iyon nang wala pang isang oras. Siguro ay dahil mas malalaki na ang mga hakbang ko, mas mabilis at kabisado ko na ang mga tinatapakan ko. Pagbaba ko sa patag ay maglalakad naman ako ng may kalahating oras hanggang sa sakayan. Kolong-kolong ang kadalasang sinasakyan ng karamihan sa tagarito kapag pupunta sa bayan. Mula naman sa mismong bayan ay sasakay ako ng jeep papuntang universidad. Bitbit ko ang maliit na bayong na naglalaman ng mga kakanin na paninda namin ni Mamang. May ilang staff kasi ng universidad na kilala si Mamang na pinakamasarap gumawa ng kakanin sa San Miguel kaya sa tuwing makikita ako ay nagbibilin sa akin na kung pwede ay magdala ako at bibilhin nila. Walong order ng kakanin ang dala ko sa araw na iyon na nakabalot pa sa dahon ng saging at lumang diyaryo. Pero may isang nakabukod ng lalagyan dahil may pagbibigyan ako na espesyal na tao. Pawisan at gulo-gulo na ang buhok ko nang makababa ng jeep. Nagsuklay pa naman ako nang todo bago umalis kanina ng bahay, pero sa sandaling iyon ay talo ko pa ang nakipagsabunutan. Minadali ko ang paglakad patungong entrance ng university. Lakad-takbo naman ang ginawa ko sa mga hallway ng administration building para maidaan muna sa kani-kaniyang may-ari ang mga dala kong kakanin bago dumiretso sa first subject ko. Pero hindi pa man ako nakakaabot sa classroom ay hinarang ako ng isang lalake at dalawang babae na pawang mga estudyante rin ng universidad. Napahinto ako. Sila na naman. Siguradong may iuutos na naman ang mga ito sa akin kaya naroon sa harapan ko. Nagsalubong ang mga kilay ni Cindy. "What the hell? Naligo ka man lang ba bago pumasok? You look stinky!" Hindi halos maipinta ang mukha nito habang binibistahan ang ayos ko. Sa tatlo ay si Cindy ang una kong nakilala. Sikat talaga ito sa unibersity dahil agaw-pansin lagi ang hitsura na hindi lang maganda at mestiza kundi sobrang tangkad pa. Kasing-taas na nga niya ang kasamang lalake na si Zion. Nagbuga ako ng hangin. "Kung anuman ang kailangan n'yo, pwede bang mamaya na lang? Male-late na kasi ako sa first subject ko." "Inagahan mo kasi dapat ang pagpasok mo para hindi ka nale-late," taas-kilay na sabi naman ng isa pang babae na nalimutan ko ang pangalan, pero mas mukhang maldita kumpara kay Cindy. "Wait a second, ano ba 'yang dala mo?" Sinimangutan ni Cindy ang dala kong maliit na bayong. "Looks weird. 'Yan ba ang usong bag ngayon? Ang pangit naman!" At nagtawanan ang dalawang babae. Sa totoo lang, balewala sa akin na tawaging pangit o mabaho. Ang inaalala ko ay ilang minuto na lang bago magsimula ang una kong klase at ayaw na ayaw ko pa namang mahuli. Ipinagmamalaki kong sa loob ng mahigit isang buwan mula nang pumasok ako, kahit sa bundok pa ako nakatira ay never pa akong na-late. "Kung pagtatawanan n'yo lang naman ang dala ko, pwede bang paraanin n'yo na'ko? Nakakaistorbo kasi kayo." "Hey, you better watch your words! Hindi ka ba na-orient na dapat igalang ng freshman ang senior niya?" galit na sabi ni Zion. Nakilala ko ito dahil kabilang sa isang angkan ng politiko at madalas na kasa-kasama ng ama at mga tiyuhin sa pangangampanya. Maraming galit sa pamilya nila, pero katakatakang lagi pa ring nananalo sa tuwing halalan. Wala ngang makasingit na ibang apelyido sa liderato ng bayan ng San Miguel. "Gusto mo bang makarating sa council itong pambabastos mo sa amin?" nagbabantang tanong ni Cindy. Hindi ko napigilang mag-alala. May ilang dating freshmen akong nakilala na nagsabing ganito nga raw ang kalakaran sa university na karaniwan ay mga nasa senior level ng iba't ibang department ang nagpapatupad at pinapayagan daw naman ng student council. Ginagawa daw ng mga ito na utusan ang mga bagong estudyante at kapag hindi sumunod ay binibigyan ng problema. May mga dati na ring estudyante na nagparating ng issue sa pamunuan ng university, pero halatang walang nangyari. Tuloy pa rin daw kasi ang ganoong sistema sa mga college departments. Mahinahon at buong pagtitimpi akong umiling. "Pasensiya na. Ano bang kailangan n'yo?" "That's better! Ganiyan lang dapat, okay? Matuto kang lumagay sa tamang lugar." "What are you guys doin'?" Napalingon ako sa nagsalita. At kagaya kahapon nang unang beses ko siyang makaharap, tumambol nang sobrang lakas ang dibdib ko nang magkatinginan kaming dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD