NAKITA ko ang paglapit sa akin ni Ate Cora. Alas onse na ng gabi at naroon ako sa kapirasong balkonahe na nasa second floor ng aming bahay. Nakatanaw ako sa kadiliman bagaman sa malayo ay may iilang ilaw akong nakikitang nakabukas. Malayong-malayo ang tanawin ko ngayon doon sa dating tirahan namin sa bundok. Doon kasi ay walang linya ng kuryente at kung hindi sa mga donasyong solar panel ng ilang charity groups ay hindi kami makakatikim man lang ng ilaw sa bahay. "Bakit gising ka pa, Jessie?" tanong ni Ate Cora. "Hindi ka ba makatulog? H'wag mong sabihing namamahay ka dahil sariling pundar mo ang bahay na'to." Marahan akong natawa. "Baka nga gano'n, Ate. Nasanay kasi ang likod ko sa makitid na tulugan ko sa dorm. 'Yong kutson pa na gamit ko sobrang nipis kaya parang 'yong mismong bakal