PAWISAN na ako sa pinaghalong nerbiyos at init sa loob ng library. Naka-off na kasi ang aircon sa silid at ang hirap pang hanapin ng mga libro ni Cindy. Dagdag pa na nag-iingat ako na h'wag mahuli kaya hindi mawala aang kabog sa dibdib ko.
Ngayon ako nagsisisi na sumunod-sunod na naman sa utos nina Zion dahil kapag minalas na mahuli ako, hindi ko alam kung saan ako pupulutin. Anong sasabihin ko kay Miss Diaz? Maniniwala ba sila sa akin na inutusan lang ako ng ilang seniors? Baka matanggalan pa ako ng scholarship dahil dito. O baka ma-expel ako kapag pinagbintangang nagnanakaw ng libro. Dapat talaga ay pinanindigan ko ang sinabi ko kay Lucas na hindi na ako susunod sa anumang ipapagawa nina Zion. Ang problema kasi sa akin ay naduduwag na ako kapag kaharap ang grupo nila.
May ilang minuto na ang nakalipas, pero isang libro pa lang ni Cindy ang nahahanap ko. Siguro ay nahihirapan ako dahil hindi makapag-focus at baka nga biglang sumulpot si Miss Diaz ay mahuli ako. Kaya naman nang makita kong isa-isa nang namamatay ang mga ilaw sa library ay nataranta na lalo ako at humanda na ring lumabas. Bahala na sa sasabihin ko kina Zion. Mamaya kasi ay mapagsarhan pa ako at makandado sa loob.
"HESUS GINOO!" bulalas ni Miss Diaz nang muntik na akong mabunggo.
Napatalon din ako sa gulat. Ramdam ko pa ang biglang pagtakas ng dugo sa mukha ko sa takot. Saktong paglabas ko kasi sa pinakadulong shelf ay naka-face-to-face ko na nga ang de-salamin na matandang dalaga na siyang iniiwasan kong mangyari.
"Por Dios por Santo, sino ka?!"
Gulat na gulat pa rin ako. Ang lakas ng kabog ng puso ko. Huling-huli niya akong nasa loob gayong sarado na ang library.
"Anong ginagawa mo rito?!" Mas tumaas pa ang boses ng librarian.
Hindi lalo ako nakasagot. Nanatiling nakaawang ang bibig ko habang nagsasalimbayan ang mga salita sa aking utak.
"We apologize, Miss Diaz, if we scare you."
Napakurap-kurap ako nang marinig ang pamilyar na boses ng isang lalake. Noon ko lang natanto na papaiyak na pala ako marahil ay sa sobrang takot. Subalit ang takot na iyon, nabantuan nang sandaling makita ko ang mukha ni Lucas.
"M-Mr. Urbano? K-kasama mo ba ang estudyanteng ito?"
"Yes, Miss Diaz. Pasensiya na kung basta na lang kami pumasok. Sasabihin ko pa lang sana na may kailangan akong hiramin na libro, pero nakita mo na ang kasama ko."
Hindi ako halos makatingin kay Lucas habang palabas na kami ng campus. Madilim na at inabutan na nga ako ng gabi dahil sa pagpapauto kina Zion. Hiyang-hiya tuloy ako kay Lucas dahil sa nangyari. At kung hindi niya ako pinagtakpan kanina sa librarian ay malamang matanggalan ako ng sholarship at hindi na tanggapin sa eskwelahan.
"Nasa parking ang kotse ko. I'll take you home."
Siya na mismo ang bumasag ng katahimikan. Lumunok ako at nahihiyang tumingin sa kaniya.
"Salamat, Lucas, pero... h'wag na lang. May masasakyan pa naman ako pauwi."
"Bakit magsasakay ka pa kung ihahatid na nga kita? Halika na. Sumabay ka na sa'kin at h'wag ka nang mahiya."
Tipid akong ngumiti. "A-ang totoo... nahihiya nga ako sa nangyari kanina sa library. Sorry, Lucas. Naisip ko lang baka malagay ka sa alanganin dahil doon. Baka mag-report si Miss Diaz."
"Don't worry about that. Nagkaintindihan naman kami ng librarian. But to be honest, nainis ako kanina."
Natigilan ako nang ilang saglit at maya-maya ay tumango. "Alam ko. Naabala kita nang sobra. Kinailangan mo pa tuloy magsinungaling para sa akin."
"It's not what I'm referring to," paglilinaw ni Lucas. "Naiinis ako kasi nagpadala ka naman kina Zion. Akala ko hindi ka na susunod sa mga utos nila. Bakit gano'n ang nangyari? Kung hindi pa kita nakita kanina at kung hindi kita sinundan hindi ko malalaman na hindi mo rin pala ginagawa ang sinabi mo."
Mas lalo akong nakadama ng hiya. "I'm sorry. Alam ko naman na sinabi ko mismo 'yon. Akala ko kasi madali lang na deadma-hin sila, pero hindi pala. Nag-aalala rin ako na baka makarating sa student council at palabasin pa nila na binabastos ko ang seniors ko. Iniisip ko lang ang kalagayan ko rito sa university. Isa pa, nangako rin sa akin 'yong friend mo na si Bryan Buenavente. Ang sabi niya huling utos na daw 'yon sa akin nina Zion kapag ginawa ko kaya sinunod ko na lang."
Nagbuga ng hangin si Lucas at umiling. "Kalimutan na lang natin. Halika na sa kotse para maihatid na kita."
Hindi na ako tumanggi sa alok ni Lucas. Tahimik lang akong sumunod at sumakay nang pagbuksan niya ng pinto ng kotse. Bumibiyahe na kami nang banggitin ko naman ang tungkol sa debate competition na sinalihan niya.
"Ang sabi ng mga babaeng nag-uusap sa canteen, bukas pa ang uwi mo dahil ngayong araw ang tapos ng tournament."
"Actually kahapon pa natapos at kaninang umaga lang ako nakabalik dito sa San Miguel. Nagpahinga lang ako maghapon tapos naisip ko na pumunta rito sa university."
"Ano palang... nangyari? Nag-enjoy ka ba?"
"Nag-enjoy? Okay lang naman."
"Nanalo ka ba?" di-napigilang tanong ko pa.
Tumango lang si Lucas. Halos malaglag naman ang panga ko sa pagkamangha at admirasyon.
"Wow! Congratulations!"
"Salamat. You're one of those first people to know. Kahit sa mga kaibigan ko walang may alam at hindi alam na nakauwi na ako."
"Salamat. Karangalan na isa sa mga pinagsabihan mo ng good news. Lalo mo akong pinahanga."
Nilingon niya ako at tipid na nginitian. Bigla ko namang na-realize na mali ang nasabi ko. Parang nag-confess na rin ako kay Lucas tungkol sa malaking paghanga ko sa kaniya.
"A-ah... di-dito mo na lang ako ibaba..." Gusto ko kasing maglaho sa hiya. Hindi ko pa napigilan ang pagkautal kaya alam kong halatang-halata na ako.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Why? Malayo pa ang sa inyo, hindi ba?"
"O-oo, pero dito na lang ako. Masyado kang mapapalayo kung ihahatid mo pa ako sa may bukana ng sitio namin. Paanan na ng bundok itong dinadaanan natin."
"I know. But is it safe here?"
"Oo. Kakilala ko rin ang mga taga-rito."
"Are you sure?"
Tumango ako. "Mahihirapan ka nang magmaneho kapag dumirecho ka pa. Lubak-lubak na pati ang mga daan dito."
"All right."
Hindi na siya nagpumilit. Paghinto ng sasakyan ni Lucas ay nilingon ko ulit siya. "Maraming salamat ulit. Ang dami ko ng utang sa'yo. Hindi ko na alam kung paano ako makakaganti. Kung sapat ba ang kakanin lansong para makabawi man lang."
"H'wag mo na kasing isipin 'yon, Jessie. Hindi ako nagpapabayad. Kapag may kailangan ka, sabihin mo lang din sa akin. H'wag kang mahihiyang lumapit."
Ngumiti ako. "S-sige." Sininop ko ang mga dala. Natagalan lang ako sa pagtanggal ng seatbelt at kung hindi pa ako tinulungan ni Lucas ay hindi ako makakawala. Siya nga rin ang nagkabit noon sa akin kanina.
"P-paano pala..." Tinuro ko naman ang pinto na hindi ko rin alam kung paano bubuksan. Sa mga sandaling iyon ay hindi ko talaga maitatago ang pagiging ignorante. Hindi kasi ako laging nakakasakay sa ganoong sasakyan. Kanina naman pagsakay ko ay pinagbuksan niya ako.
Inalis ni Lucas ang seatbelt niya. "Allow me," aniya at dumukwang sa may gilid ko upang maabot ang pinto ng kotse.
Halos magkadikit ang mga mukha naming dalawa dahilan para bulabugin ng malalakas na kabog ng aking dibdib. Nasagi pa ng mabalahibong braso niya ang braso ko. Mas lalo ko ring nasamyo kung gaano siya kabango at wari ko ay may boses na nagsabi sa akin na yakapin ko siya, pero mabuti na lang at hindi ko ginawa.
"There you go."
Mahigpit akong napalunok. "S-salamat."
Hindi ko halos maalala kung paano ako nakababa ng kotse. Naiwan pa sa isip ko ang sandaling pagkakadikit ng mga braso namin ni Lucas. Pakiwari ko pa ay kumapit sa akin ang bango niya.
"Mag-iingat ka pag-uwi mo."
"O-oo. Ikaw rin. Ingat ka sa pagmamaneho."
"I will."
"G-good night, Juan Lucas."
Natigilan siya sandali at ngumiti nang tipid sa akin. "Good night. Jessie."
Pag-alis ng kotse ni Lucas ay nagsimula na rin akong maglakad pauwi. Dati, napapaisip ako kung totoo o hindi ang mga kwento tungkol kay Lucas, pero sa mas madalas na pagkakataon ay isinasantabi ko ang tungkol sa mga iyon dahil hindi naman ako interesado sa buhay ng ibang tao.
Ngayon, bukod sa interesado ako kay Lucas ay alam ko na rin sa sarili ko kung anong paniniwalaan. Walang totoo sa mga balita. Chismis lang ang mga iyon dahil ang totoo ay wala namang nakapagpatunay na maraming babae ang na-involve kay Lucas na nabuntis at pinaagas ang sanggol. Mga taong galit o inggit lang sa mga Urbano ang gumagawa ng mga ganoong kwento.
Dumaan ang weekend. Pagpasok ng panibagong linggo sa university ay hindi ko na naman napagkikita si Lucas at balita ko ay bumibisita siya sa iba't ibang malalaking universities sa mga karatig-lalawigan. Kasama niya ang ilang school officials para ibida ang pagkakapanalo sa National Speech and Debate Competition. Aminado akong nalulungkot kapag lumilipas ang maghapon na hindi ko man lang siya nakita, pero wala akong magagawa dahil hindi ordinaryong estudyante ng university ang lalaking aking hinahanggan.
Isang buong linggo ko siyang hindi nakita. Mabuti na lamang na kahit wala si Lucas ay payapa ang buhay ko dahil hindi na ulit ako ginugulo nina Zion. Sa tingin ko ay kinausap sila ni Lucas noong gabing inutusan nila ako sa library. Kahit ang ibang grupo ng seniors ay walang lumapit para mang-istorbo sa akin.
Sabado. Naglalakad na ako pauwi bitbit ang maliit na bilao at isang bayong na wala ng laman maliban sa mga dahon-dahon ng saging. Dapat ay dalawa kami ng ate kong si Corabelle na nag-deliver ng mga kakanin sa patahian sa bayan, pero nagpaalam ito kanina kay Mamang na may pupuntahan. Magtatanghalian na at gutom na rin ako kaya naman minamadali ko ang paglalakad pauwi, pero isang pamilyar na kotse ang biglang huminto sa aking tabi.