BINUKSAN ko nang maluwang ang pinto ng apartment na tinutuluyan ko matapos makita na si Ate Cora ang nasa labas at kumakatok. Nakita ko agad ang marami niyang bitbit pagpasok niya ng bahay. Umuwi siya kahapon ng San Miguel para kumuha ng ilan niyang gamit at kumustahin na rin si Mamang. Pero sa tingin ko, umuwi talaga siya para ikuha ako ng isa sa cravings ko nitong nakaraang araw.
"Hindi ko alam na babalik ka agad. Akala ko bukas ka pa."
Apat na oras mahigit ang biyahe mula sa San Miguel patungo sa apartment. Ang bayan na kinaroroonan namin ngayon ay mas maunlad nang di-hamak sa ibang mga karatig-bayan ng SAn Miguel sa aming probinsya at ngayon lang namin narating sa talambuhay namin ni Ate Cora.
Kunot-noong tiningnan ako ni Ate Cora. "Bakit? May nangyari ba habang wala ako? May pumunta ba rito?"
"Wala! Sinong pupunta rito, eh, si Ma'am Katarina lang ang nakakaalam kung nasaan tayo."
"Gano'n ba? Siyempre babalik agad ako. Nagalit nga si Mamang sa akin nang makita ako kahapon. Bakit daw hindi kita isinama pauwi? Bakit daw iniwan kitang mag-isa? Sana raw dalawa tayong bumiyahe. Ang dami-dami pang sinabi!"
"Nag-aalala lang 'yon siyempre."
"Sa'yo, oo, pero sa'kin, hindi," maanghang na sagot niya na ikinatahimik ko. Isa sa mga madalas isumbat sa akin ni Ate Cora ay halatang mas paborito ako ni Mamang kaysa sa kaniya.
"O, heto na 'yong cravings mo noong isang gabi. Kalamay Lansong ni Mamang. Pakiusap, Jessie, h'wag ka namang hihingi ng hindi ko mahahagilap sa malapit. Mahirap bumiyahe baka akala mo."
"Pasensiya na. Sinabi ko rin naman sa'yo na h'wag mong isipin kung anoman ang pinaglilihian ko. Natural lang naman daw 'yon dahil nagbabago ang hormones ng babaeng buntis."
"Hindi pwede, ano? May kasabihan ang mga matatanda na kailangang ibigay sa naglilihi ang bawat magustuhan kung ayaw mong lumabas na may depekto ang bata. Hindi pwedeng magkaroon ng depekto ang batang ilalabas mo. Baka mamaya magdalawang-isip si Ma'am Katarina na kunin 'yan."
"Kumusta na si Mamang?"
"Ayos naman. Sinasamahan siya sa gabi ng ampon ni Aleng Dolores."
"Si Mikay? Maaasahan na bata 'yon. Mabuti kung gano'n. Eh, kumusta ang mga kapitbahay natin sa sitio? Pangarap ko ring tumira tayo sa patag, pero makaka-miss din pala ang hangin at ang tanawin sa bundok, ano?" Nilingon ko si Ate Cora. Napansin ko ang biglang pananahimik niya. "Bakit?"
Para siyang natauhan sa tanong ko. "Anong bakit?"
"Bigla ka kasing tumahimik. Anong meron?"
"May... nabalitaan kasi ako kahapon no'ng umuwi ako ng San Miguel."
Kinabahan ako. "A-ano 'yon?"
Normal na mga sintomas ang nararanasan ko sa pagbubuntis ayon sa OB-Gyn na tumingin sa akin. Si Ate Cora pa rin ang kasama ko hanggang sa mga check-up ko, pero tuwina ay tinatawagan siya ni Ma'am Katarina para alamin ang resulta.
"Salamat, Ma'am Katarina. H'wag kayong mag-alala dahil inaalagaan ko si Jessie at ang sanggol." Ibinaba niya ang cellphone at inilagay sa bag.
Kapag minsan ay naisip ko na hiramin ang cellphone ni Ate Cora para matawagan si Lucas kaya lang ay hindi ko naman alam kung ano ang numero niya. Kabisado ko ang mga numero sa university at kung magtatanong ako roon, baka sakaling ibigay. Baka lang. Hindi ako sigurado. Kaya hindi na rin ako sumubok.
Isa pa, siguradong malalaman ni Ate Cora oras na kontakin ko si Lucas. Tiyak na pag-aawayan namin iyon. Ang inaalala ni Ate Cora, kapag nalaman ng mga Urbano na anak ni Lucas ang pinagbubuntis ko, ipapa-abort din nila ang bata at ang perang ibabayad sa akin para manahimik ay hindi naman sasapat para makapagsimula ako ng bagong buhay. Hindi raw ako sasagipin ng tapang ko o ng bantang pagdedemanda. Makapangyarihan ang mga Urbano. Kaya walang mas mabuting choice kundi ang makipagkasundo kami kay Ma'am Katarina. Nailatag lahat ni Ate Cora ang gusto niyang mangyari. Malinaw ang lahat ng kondisyon na iyon kay Ma'am Katarina. Malaking halaga ang iiwan niya sa akin na ang kapalit ay hindi lang ang sanggol na ipapanganak ko kundi pati ang habanghuhay na pag-iingat ko sa aming kasunduan. Walang ibang makakaalam na ako ang nagsilang ng batang ipapakilala niyang anak.
Ang hindi alam ni Ma'am Katarina, sariling dugo rin niya ang batang gustong ampunin.
Dumating ang ika-limang buwan ng ipinagbubuntis ko. Sa unang pagkakataon ay bumisita sa apartment si Ma'am Katarina. Iyon ang pangatlong beses na nakaharap ko siya mula nang makipag-meet kami sa kaniya ni Ate Cora sa isang pribadong restaurant sa San Miguel. Mas madalas, sila lang ni Ate Cora ang nagkikita. Para rin daw iyon sa safety ko, sabi ng ate. Wala daw kasing kinalaman ang isang estudyanteng gaya ko sa mga negosyo ni Ma'am Katarina. Samantalang siya, iisipin lang daw ng mga taong makakakita na baka may trabaho siya para sa babaeng Urbano.
"Are you taking good care of yourself and the baby?" mahinahong tanong sa akin ni Ma'am Katarina. Siya lamang ang pumasok sa apartment namin, pero sa pagkakaalam ko ay may personal driver siyang kasama.
"Oho," marahang sagot ko. "Sabi ng doktor, malusog at walang problema sa kaniya."
"Good. Anyway, Jessabelle, hindi ko pa naitanong ito sa'yo noong mga unang pagkikita natin. Sino at taga-saan ang lalakeng nakabuntis sa'yo?"
Natigilan ako at hindi agad nakasagot. At bagaman may usapan na kami ni Ate Cora kung ano ang sasabihin, pinangunahan pa rin niya ako.
"Isang dayo sa San Miguel, Ma'am Katarina. Nakilala lang ni Jessie sa party ng kaibigan niya na nagyaya sa kaniya. Pinsan daw ng isa sa mga bisita at nagbakasyon lang mula Maynila. Hindi na raw ulit sila nagkita pagkatapos ng nangyari. Nalaman na lang ni Jessie na may nabuo dahil madalas na siyang mahilo sa eskwelahan."
"Is that true?" tanong ni Ma'am Katarina na nakatingin sa akin. Wari ko ay hinihintay niya na sa bibig ko mismo manggaling. "Ibig bang sabihin ay hindi alam ng lalake na nabuntis ka niya?"
Animo naging mapait sa pandinig ang tanong. Umiling ako. "Hindi ho niya alam. Wala ho siyang alam at sa tingin ko... hindi rin niya gugustuhing malaman."
May pagsimpatiyang tumango ito. "I see. Well, tinitiyak ko lang na walang maghahabol ng anak sa'yo. Because once you deliver the child, sa akin na siya. Anak ko na siya..Kakalimutan mo na ring nagsilang ka."
Lumunok ako at pinigilan ang anumang emosyon na gustong umahon sa aking dibdib. "Naiintindihan ko, Ma'am Katarina."
"Ma'am Katarina, may gusto pala akong itanong sa'yo."
Halos sabay naming nilingon si Ate Cora. More or less, alam ko na kung ano ang itatanong niya sa bisita.
"What is it, Corabelle?" malumanay na tanong ni Ma'am Katarina. Para rin siyang si Lucas. Hindi mo iisipin na sa likod ng perpektong buhay nila, nagtatago ang maraming baho ng pamilya. Mabait kasi siyang kausap. Walang bakas ng pangmamaliit sa mga salita niya. Kaya siguro malakas ang loob ni Ate Cora na makipagkasundo at magsabi ng mga kondisyones dahil alam nitong madaling kausap si Ma'am Katarina.
"May nabalitaan po kasi ako mula sa mga taga-San Miguel. May project daw na itatayo ang mga Urbano malapit sa may sitio namin. Ang sabi ng mga tao, ipapapatag daw ang parte ng bundok kung saan nakatayo ang komyunidad namin. Malamang sa malamang daw na paaalisin ang mga nakatira sa sitio."
"Oh. Gano'n ba? Well, to be honest, alam ko ang tungkol sa project ng isa sa companies ni Dad, pero hindi ko alam na may madadamay na community sa bundok. But if ever, siguradong may plano na ang kompaniya kung saan ililipat ang mga nakatira roon."
"Paano kung wala, Ma'am? Mahihirapan kaming magsimula nang panibago kung sakali. Hindi sasapat ang perang ibabayad n'yo kay Jessie dahil sa pag-aaral niya iyon gagastusin. Wala na siyang aasahan na scholarship pagbalik namin sa San Miguel."
Natahimik sandali si Ma'am Katarina. Maya-maya ay marahan itong tumango na tila nauunawaan naman ang punto ni ate. "Alright. I understand what you want to say, Corabelle. Don't worry, guys. Kakausapin ko ang abogado ko tungkol sa concern n'yo. Maybe we can revise something in the agreement."
Hindi ako kumibo. Nakita ko naman ang kakaibang kislap sa mga mata ng ate ko senyales na nagtagumpay ito. Hindi ko tuloy maiwasang mag-alala. Paano kung sa kahihingi ng kondisyones ni Ate Cora ay biglang magbago ang isip ni Ma'am Katarina? Oo, at hindi mahihiwalay sa akin ang anak ko, pero handa na ba ako sa sasabihin at mararamdaman ni Mamang kapag nalaman niya? Handa na rin ba akong maging ina?
Maya-maya ay tumayo na si Ma'am Katarina. "I must be going. Mahaba pa ang ibibiyahe ko pauwi sa San Miguel. Siguro ay bibisita na lang ulit ako bago ka magsilang, Jessabelle. Ingatan mong mabuti ang anak ko."
Nalungkot ako sa huling tinuran niya. "O-oho, Ma'am."
Si Ate Cora na lang ang naghatid dito palabas.
At sumapit ang huling buwan ng last trimester ko. Hindi rin nagtagal ay unti-unti kong naramdaman ang mga senyales na malapit na akong manganak. Halo-halo ang nararamdaman ko. Bukod sa sakit na dulot ng ilang oras na pagle-labor na kalaunan ay nauwi sa emergency CS, naroon din ang pananabik at lungkot sa aking dibdib. Pero sa ibabaw ng lahat-lahat ay ang panghihinayang.
Sa isang sulok ng puso ko ay naroon ang pag-asam na sana ay si Juan Lucas ang kasama ko habang pinagdadaanan ang lahat ng iyon. Pero wala siya. Ni wala siyang alam sa nangyayari sa akin. Hindi na rin kailanman madudugtungan ang bagay na sinimulan naming dalawa dahil siya mismo ang nagtapos.
Ako naman ay walang ibang pagpipilian kundi ang sumuko at kalimutan na lang ang madilim na bahaging iyon ng aking kabataan. Magsisilbing aral na lang ang mga iyon sa akin na dadalhin ko sa pagtanda at sa patuloy na pakikipaglaban sa buhay.