Maaga kaming gumayak dahil may kalayuan daw ang Tinagong Dagat mula sa bahay nila Mang Gaude (pronounced as Gau'de). Kapag maaga daw kami aalis ay makakakuha pa kami ng cottage.
Nasa loob na kami ng Van. Sa tantiya ko at sa narinig ko ay walo kaming nasa loob. Ako. Si Nanay Tina, si Maritoni. Sina Mang Gaude at ang asawa niya kasama ang tatlo niyang anak. Nakalimutan ko ang mga pangalan nila. Si Caap naman ay iniwan na lang muna naming magbantay sa bahay nila Mang Gaude. Mabuti na lang napasunod ko ito kaya walang naging problema.
Hindi kasi mawaglit sa isipan ko ang boses na narinig ko kagabi e. Isa ba siya sa mga anak ni Mang Gaude? Paano ko kaya siya makikilala? Hindi ko naman siya puwedeng hanapin dahil bulag ako. Ang hirap pala maging bulag.
"Kuya, Angelo, napapailing at napapabuntong-hininga ka riyan. Kuwentuhan na kita sa Tinagong Dagat ha? Mga isa at kalahating oras pa yata bago tayo makarating doon. Kaya sisimulan ko na ang pagkuwento ha?" si Maritoni. Nasa front seat kasi ako katabi si Mang Gaude na siyang drayber at sa likod ko naman ay si Maritoni. Boses niya kasi ang narinig ko.
"Oo na. Simulan mo na magkuwento. Siguraduhin mo lang na mamangha ako ha?" narinig ko na lamang ang paghagikgik ng mga tao sa loob ng van.
"Oo naman! Ako pa! Magsimula na ako ha? Kaya daw tinawag na Tinagong Dagat dahil hugis bilog ito na napapaligiran ng matataas na puno. Iyon daw kasi ay dahil sa may naninirahang diwatang nagbabantay sa pook na iyon. At alam mo ba kung ano ang pangalan ng diwata?" panimula niya. Seryoso naman akong nakinig.
"Ano raw pangalan ng diwata?" tanong ko.
"Naku! Huwag mo na alamin Kuya. Baka magsisi ka lang," aniya.
"Nambitin ka pa. Sige na sabihin mo na ang pangalan," pagpupumilit ko.
"Sure ka na na gusto mo malaman?" aniya ulit.
"Oo nga. Sure na sure na!" sagot ko naman.
"Maria Antonnette. Kapangalan ko! O 'di ba, mala-diyosa ang aking ganda! Pak ganern!" napahagikgik naman ako. Sabi na e. Gawa-gawa na naman ni Maritoni ang kuwentong ito. Humor ba itong kuwento ko? Hindi yata ako bagay sa pagpapatawa e. Dapat si Aries kasama nito e at hindi ako.
"Hoy! Maritoni! Pati si Angelo pinagtripan mo? Makakatikim ka talaga sa akin mamaya pagbaba sa sasakyan," si Nanay Tina. Si Mang Gaude naman at ang iba pa ay tawa nang tawa. Nakitawa na rin akong muli.
"Oo na! Sorry Kuya. Nagpapatawa lang ako. Alam mo na, maganda kasi ako e. Ang mabuti pa pakantahin na lang natin si Magda. Ate Magda, kanta ka na lang para makatulog kami habang nasa biyahe pa tayo. Tapos kapag nakatulog na kami, gisingin mo na lang kami kapag nasa Tinagong Dagat na tayo ha?" kung makapag-request ha? Wagas! Pero... Magda? Siya ba ang may-ari ng tinig?
"Sige na, Magda. Kumanta ka na. Patulugin mo na lang iyang pinsan mong si Maritoni. Nasobrahan na naman ng hangin sa utak," si Mang Gaude.
"Sige po, Itay," ang tinig niya. Pamilyar.
"Ano po kakantahin ko? Ingles o tagalog?" tanong niya. Siya na ba iyon?
"Iyong theme song namin ng nanay mo. Tagalog iyon 'di ba?" si Mang Gaude ulit.
"Sige po. Basta para po sa inyo ay kakanta ako," si Magda. Lahat kami ay tumahimik maging si Maritoni ay hindi na nagsalita.
Ikaw,
Ang sagot sa aking dasal.
Kabiyak,
nitong kalahating puso ko.
Ang lahat
ng aking hiling at dasal,
Ang sagot ay laging ikaw.
Kung may bukas mang hinihintay.
Dahil may isang ikaw.
Kulang itong ating kasal.
Dahil bawat sandali ay.
Lahat ng dasal ko sa buhay.
Lahat ng pangarap ko sa buhay.
Ang mahalin ay... ikaw.
Rumirigodon ang pintig ng puso ko. Ang tainga ko ay parang humahaba sa pakikinig. Ang mga mata ko ay parang gustong makakita upang siya ay masilayan. Napakaganda ng tinig niya. Mala-anghel kung kumanta.
Ang lahat
ng aking hiling at dasal,
Ang sagot ay laging ikaw.
Kung may bukas mang hinihintay.
Dahil may isang ikaw.
Kulang itong ating kasal.
Dahil bawat sandali ay.
Lahat ng dasal ko sa buhay.
Lahat ng pangarap ko sa buhay.
Ang mahalin ay... ikaw.
Malamig sa pandinig. Nanghahalina. Parang kapag siya ay kumakanta lahat ay inuugoy-ugoy sa duyan.
Dahil bawat sandali ay.
Lahat ng dasal ko sa buhay.
Lahat ng pangarap ko sa buhay.
Ang mahalin ay... ikaw.
Kusang pumalakpak ang aking dalawang kamay. Hindi ko mapigilang hindi siya palakpakan. Napakabanayad. Napakalinis. Nakakataba ng puso ang bawat hagod ng kaniyang boses. Nakaka-in love.
Pero... teka... bakit ako lang yata ang pumalakpak? Nakatulog ba sila?
"Salamat po sa palakpak ninyo, Sir Angelo. Pagpasensiyahan niyo na po ang boses ko," aniya.
"Naku, anak. Ngayon ka lang kasi narinig ni Angelo na kumanta. Kaya pumalakpak siya. Salamat, anak at kinanta mo ang theme song namin ng nanay mo. Tingnan mo nakatulog na lahat sila. Magpahinga ka na rin. Pati ikaw, Angelo, maidlip ka muna," sabi ni Mang Gaude.
"Mayamaya na lang po, Mang Gaude. Ang ganda po ng boses ni Magda," pagpuri ko.
"Bata pa si Magda ay hilig na talaga niya ang pagkanta. Marami siyang dinalang karangalan sa pamilya namin. Lagi siyang nananalo sa mga pakontes sa barangay maging sa kanilang paaralan hanggang sa tumuntong siya sa hayskul at kolehiyo. Sa awa ng Diyos ay nakapagtapos siya ng pag-aaral bilang iskolar sa Mataas na Paaralan ng WVSU. Iyon nga lang.." pinutol niya ang kaniyang huling sinabi.
"Tay, huwag niyo na po banggitin kay Sir Angelo. Baka maiyak na naman po kayo. Sige ka, hindi ko na kayo kakantahan," gising pa pala siya. Akala ko ay nakaidlip na siya.
"Pasensya ka na, Magda. Proud na proud lang talaga kasi ako sa iyo. Sayang nga at hindi ka natuloy sa labas upang maging sikat na mang-aawit," si Mang Gaude. Natahimik naman ako. So, talagang hilig niya ang pagkanta. Ano kaya ang dahilan at hindi siya nakalabas?
"Kalimutan na po natin iyon. Ang mahalaga ay magkakasama pa rin tayo. Ipagpaumanhin po ninyo Sir Angelo," paghingi niya sa akin ng paumanhin.
"Oo nga. Patawad, Angelo. Magpahinga ka muna. Kami na lang muna ni Magda ang magbabantay sa inyong lahat," hindi na ako muling umimik. Ramdam ko ang katahimikan nang mga sandaling iyon.
Tila may bumabagabag sa aking isipan nang marinig ko ang tinuran ni Mang Gaude. Bagay na kailangan kong malaman at matuklasan dahil baka makatulong ako sa pangarap ni Magda.
Nasa ganoon akong pagmumuni-muni nang maramdaman ko ang antok at makaidlip. Sana sa aking pag-idlip ay marinig kong muli ang tinig ni Magda.