"Waaaaaaaaaaahhhh!" nagising ako sa malakas na sigaw. Sigaw ni Maritoni.
"Hoy! Maritoni, bakit ka nagsisigaw diyan ha? Naistorbo mo tuloy ang ibang natutulog," si Nanay Tina.
"E, kasi. Ano," siya.
"Kasi ano?" si Nanay ulit.
"Si ano, Nay. Waaaaahhh," tili na naman niya. Parang kinikilig. Iyon ang tamang pagkaka-describe sa sigaw niya.
"Ibabato ko sa iyo itong bakya ko kung hindi mo sasabihin!" tumataas na ang boses ni Nanay.
"Oo na. Sorry po. Kasi si... si Aries," sabi niya.
"Anong nangyari sa kapatid ko?" nag-aalalang tanong ko.
"Wala naman Kuya. In-accept niya lang ang friend request ko sa sss. Iyon lang. Waaaahhh!" hay. Akala ko kung ano na. Baliw talaga itong babaeng ito.
"Aray! Nay, naman e," rinig kong daing ni Toni.
"Puwede ba, Maria Antonnette, kung hindi emergency, huwag kang tili nang tili. Para kang inahing manok na nagpipigil umitlog," natawa ako doon sa winika ni Nanay.
"Grabe naman kayo, Nay. Inahing manok na nagpipigil mangitlog? Sa ganda kong ito? At saka, ang bata-bata ko pa para maging inahing manok. Inahing manok lang? Kung inahing manok ako, e ano na lang kayo? Tandang? Matandang inahin?" at lahat kami ay bigla na lamang nagtawanan.
"Oh, siya. Tama na iyan. Nandito na tayo. Ayusin niyo na mga gamit ninyo nang makababa na tayo. Magda, ikaw na muna ang maunang bumaba at alalayan mo si Angelo dito sa pagbaba," si Mang Gaude. Ano raw? Si Magda?
"Na-naku po, Mang Gaude, kaya ko naman po bumaba. Hawak ko naman po ang sungkod ko," pagtanggi ko at agad ko ng tinanggal ang seat belt ko. Binuksan ko na ang pintuan. Bago pa man ako makababa ay may palad na dumapo sa kamay ko.
Kakaibang kiliti ang dala ng pagdampi ng palad na iyon sa aking kamay. Panigurado akong palad o kamay iyon ni Magda.
"Sana po, nakinig kayo kay Tatay, Sir Angelo. Alalayan ko na po kayo ha patungo sa cottage," siya nga. Boses nga ni Magda. Bakit pati tinig niya kung magwika siya ay napa-sweet. Ganoon ba talaga siya?
"Sa-salamat. Hindi mo na sana ginawa iyon. Kaya ko naman e. Nagmumukha akong baldado niyan e," nauutal pa akong magsalita pero bigla din akong natigilan dahil tahimik na siya. Hinayaan ko na lamang siyang alalayan ako. After all, that was the first time na naramdaman ko ang kaniyang mga palad.
Nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Ibang klase ang simoy ng hangin dito. Kahit tanghaling tapat na ay malamig sa balat. Tama nga sigurong sabihin na marami ang mga puno sa paligid.
"A, Magda. Puwede ba magtanong?"
"Puwede naman po. Ano po iyon?"
"Maaari mo bang sabihin sa akin ang nakikita mo ngayon? Gusto ko kasing ma-imagine kung gaano kaganda ang lugar na ito,"
"Sige po. Wala pong problema. Malapit na po tayo sa cottage. Pagdating po roon ay i-de-describe ko po sa inyo. Mga limang dalawang hakbang na lamang po. Naririnig niyo na rin naman po ang mga boses ng mga tao at ang tubig, hindi po ba?"
"Tama ka. Naririnig ko na nga. Salamat, Magda."
Nakarating din kami sa cottage at doon ay pinaupo niya ako. Parang ayaw ko na ngang matanggal ang mga kamay niyang nakakapit kanina sa akin e. Pero, hindi puwede. Baka sabihin ni Magda, duma-da-moves ako.
"Sandali lang po, sir Angelo ha?"
"Take your time, Magda."
Nang pansamantala akong maiwan sa cottage ay tinalasan ko ang aking pandinig. Iba't ibang tinig. May mga boses ng mga batang masayang naglalaro. May mga tinig ng matatandang nakikipagkuwentuhan. At marami pang iba.
"Sir, Angelo. Alalayan ko po kayo ulit. Igagala ko po kayo hanggang sa may baybayin," si Magda. Tumango ako at muli ko na namang naramdaman ang kaniyang mga kamay. Kung puwede ko nga lang pisilin e.
"Sisimulan ko na po ang pagkukuwento at pagsasalarawan sa lugar na ito, sir," aniya.
"Sige. Makikinig ako," all ears na ako. Gusto kong siya ang magsalita.
"Ang tinatapakan natin ay hindi kasing puti ng katulad sa boracay. Sakto lang. Malinis ang paligid. Bawal ang magkalat dito. Isa kasi itong uri ng sanctuary na pinangangalagaan at pino-proteksyunan hindi lamang ng taga-DENR kung hindi ay pati mga tagarito," panimula niya.
"Napapaligiran po ang lugar na ito ng matatas at malalaking puno. Hugis bilog. Kung baga, para siyang isang lawa na nasa gitna ng karagatan," hindi ko man nakikita nang personal pero nakakamangha pala ang ganda ng lugar na ito.
"Nandito na po tayo sa baybayin. Ang tubig dito ay tubig-alat. Kaya siya tinawag na Tinagong Dagat dahil ito ay nakatago sa gitna ng kagubatan at ang tubig nito ay katulad ng sa karagatan - maalat," yumuko ako para isawsaw ang kamay ko at tikman ang tubig. Maalat nga.
"Totoo bang may kuwento ang lugar na ito?" curious kong tanong.
"Kuwentong kutsero, marami po. Ang kadalasang maririnig mo na kuwento kung bakit ito tinawag na Tinagong Dagat ay dahil sa isang diwata," so, totoo pala ang sinabi ni Maritoni.
"Iyong diwata na sinabi ni Toni ay isa lamang sa mga kwentong gawa-gawa dito. Pero ang isang hindi mawaksing kuwento sa isipan ko na ikinuwento sa akin pa noong mga kanuno-nunuan ko ang siyang pinaniwalaan ko hanggang ngayon," may ganoon pala? Ibig sabihin may pawang katotohanan at may hindi naman.
"Sige, makikinig ako. Magkuwento ka lang," umupo muna kami sa buhanginan upang makapagkuwento siya. Ang gaan sa pakiramdam na makipag-usap sa kaniya. Hindi ako naiilang. Siya kaya, naiilang sa akin?
Ang Kuwento Ng Tinagong Dagat
as narrated by Magda
Noong unang panahon sa isla ng Lambunao, may isang nakatagong kagubatan na kung tawagin ay Tinagong Dagat.
Isang karagatang nakatago sa gitna ng matataas at mayayabong na mga puno at halaman. Ito rin ang tirahan ng mga engkanto at diwata.
Makikita ang iba't ibang klase ng mga hayop at halaman doon. Alagang-alaga sila ng nag-iisang Diwata ng kagubatan na si Malaya.
Mula sa sariwang tubig na nanggagaling sa kabundukan ay dumadaloy ito patungo sa Tinagong Dagat. Isa ito sa pinakaligtas na lugar para sa mga hayop at iba pang nilalang katulad ng mga duwende at sirena.
Masayang naglalaro ang mga duwende habang ang mga sirena'y pakanta-kanta at sisid nang sisid sa tubig. Lubos ang kagalakang nararamdaman ng diwata sa kanyang nasasakupan dahil walang naging sagabal sa kanilang katahimikan.
Ngunit, nagbago ang lahat nang makapasok ang kampon ng kasamaang pinamumunuan ni Anino. Isa siyang aninong walang mukha. Nakasuot lamang ito ng itim na kapoteng may talukbong sa ulo. Sa tuwing siya'y magsasalita, umuusok lamang ito. Ang bawat maapakan niyang anino ng mga hayop o nilalang ay namamatay.
Walang kamalay-malay ang mga nilalang sa Tinagong Dagat na nakapasok na si Anino sa kanilang teritoryo. Kasama niya ang mga tikbalang at aswang sa pagsira sa kagandahan ng islang iyon.
"Nilulusob tayo!"
"Magsitago kayo!"
"Diwata Malaya, tulungan po ninyo kami."
Sa isang iglap ay lumitaw si Malaya sa harapan nila Anino. Ngayon lang siya magpapakita dahil kailangan siya ng kanyang nasasakupan.
"Inuutusan kitang lisanin mo ang Tinagong Dagat, Anino!" may diin at ma-otoridad ang boses ni Malaya. Litaw na litaw ang angking kagandahan ng diwata ng kagubatan. Matangos ang kanyang ilong. May mahahabang buhok na hanggang baywang. Sa kanyang ulo ay may isang koronang hugis dahon at gawa sa ginto.
Ang kanyang kasuotan ay puti na napapalamutian ng mga bulaklak at sumasayaw sa ihip ng hangin habang siya'y nakalutang. Matamang pinagmasdan ni Anino ang diwatang nasa kanyang kaharap. Ilang minuto ang nakalipas, nagsalita si Anino.
"Matagal na panahon na rin kitang nais makilala, Malaya. Isang karangalan ang ika'y aking makita. Ngunit, napapanahon na ring angkinin ko ang lugar na ito dahil napakayaman ito sa mineral."
"Wala kang gagalawin na kahit anong likas na yaman sa teritoryo ko, Anino. Ako ang tagapagbantay sa lupaing ito. Akin ito!"
"Kung gano'n ay wala akong ibang iisipin kung hindi ang paslangin ka! Kaya, humanda ka!"
"Nakahanda ako, Anino. Matitikman mo ang hagupit ng galit ko kapag sisirain mo ang tahimik na lugar na ito!"
Parehong umatras ang dalawa bilang paghahanda sa kanilang laban. Isang bilog at maiitim na usok ang pinakawalan ni Anino kay Malaya. Lumikha naman ng isang malaking bolang gawa sa tubig si Malaya at ikinulong doon ang mga bolang galing sa kapangyarihan ni Anino.
Nang makulong ang mga ito, ikinumpas ni Malaya ang kanyang dalawang kamay at pinapunta sa direksyon ni Anino ang mga bolang tubig na may itim na bola ni Anino. Kumumpas ulit siya at isa-isang sumabog ito kay Anino.
Sinangga lamang ang mga iyon ng itim na kapoteng nakabalot kay Anino. Umangat si Anino at lumipad sa kinaroroonan ni Malaya. Sunod-sunod na mga bolang apoy ang pinagsasaboy niya kay Malaya.
Panay naman ang ilag ni Malaya sa bawat isinasaboy sa kanya sa pamamagitan ng paglikha ng baluting gawa sa putik at mga baging.
Gamit ang kanyang daliri, isinentro niya ito sa lumilipad pa ring si Anino. Katulad ng isang baril ang posisyon ng kanyang daliri. Lumabas mula sa dulo niya ang isang puting enerhiya na isa-isa niyang pinatama kay Anino. Magagapi na sana niya siya nang maulinigan niyang humihingi ng saklolo ang mga nasa ibaba.
"Mahal naming Malaya, tulungan po ninyo kami."
"Huwag po!"
"Aaaaahhhh!"
Nakita niyang nagsisitakbukhan ang mga duwende, at nagpupumiglas naman ang mga sirena upang sumisid sa ilalim ng dagat, pero hindi nila magawa dahil nahuli sila ng lambat. Kitang-kita rin niya ang pagsibat ng mga tikbalang sa duwende at iba pang nilalanv.
Damang-dama ni Malaya ang hinagpis ng kagubatan nang mga sandaling iyon. Umiiyak pati ang mga puno at halaman habang sinisilaban ang mga ito ng apoy. Nagbubunyi ang mga aswang at tikbalang sa baba habang ang iba'y sarap na sarap sa pagkain ng mga puso ng duwende at sirena.
"Sumuko ka na, Malaya. Ibigay mo na lang sa akin ang lupaing ito. Ayaw mo naman sigurong marami pang nilalang ang mamamatay, hindi ba?
Ibinaling ni Malaya ang atensyon kay Anino. Pinanlisikan niya ito. Isang paraan na lamang ang gagawin niya. At ito ay ang paggawa ng harang sa buong Tinagong Dagat upang hindi makakalabas ng buhay sina Anino.
Inilabas ni Malaya ang kuwintas na nakasabit sa kanyang leeg. Ito ay ang kuwintas na batong kulay berde. Bago niya gamitin ang kapangyarihang taglay ng kuwintas, nag-usal ng dasal si Malaya sa kanyang amang Bathala. Isiniwalat niya iyon sa kanyang isipan.
"Patawad, aking ama. Alam kong nalalaman ninyo kung gaano ko kayo kamahal at ang Tinagong Dagat. Iaalay ko po ang aking buhay sa katahimikan at kaligtasan ng buong islang ito. Patawad."
Matapos ang panalanging iyon ay pumailanlang si Malaya. Umikot ng tatlong beses. Ikinumpas ng limang beses ang kamay niya. Lumiwanag ang batong kuwintas. Lumabas ang butil-butil na kulay berdeng kristal at lumiwanag ang buong katawan ni Malaya.
Ipinikit ni Malaya ang kanyang mga mata. Itinaas ang dalawang kamay at umikot nang umikot sa buong kapaligiran ng Tinagong Dagat na animo'y isang ipu-ipo. Dinaanan nito ang mga tikbalang at aswang. Naikulong ang mga ito sa ipu-ipo kasama si Anino.
Ang mga butil na kristal naman ay humiwalay sa ipu-ipo at nagsiliparan sa apat na sulok na bahagi ng isla. Dumapo ang mga ito sa apat na malalaking puno at lumikha ng isang puti at mataas na harang na walang sino mang makakapasok.
Habang pataas nang pataas ang harang umangat naman nang umangat ang ipu-ipo at biglang bumulusok pababa sa tubig. Sa kailaliman ng dagat na iyon, sumabog ito. Kasabay ng pagsabog na iyon ay ang pagkamatay nina Anino at ni Malaya.
Mula noon ay bumalik ang sigla at katahimikan sa Tinagong Dagat.