After ng kulitan kay Aries kanina at ang biglaang pagdating ng aking minamahal na pamilya pati na rin ang balitang muli na naman akong mag-iisa ay heto ako ngayon malalim ang iniisip.
Iniisip ko kung paano ang kinabukasan ko. Ano kaya kung mag-isa na lang ako? Makakaya ko ba? Magagawa ko bang kumilos ng wala sila? Maaalagaan ko ba ang sarili ko? Magtatagumpay ba ako sa larangang nais ko gaya nang nakasanayan ko noong ako ay nakakakita pa?
Mapoprotektahan ko ba ang sarili ko kapag dumating ang hindi inaasahang pangyayari? Makakaya ko ba? Magagawa ko ba?
Pero ang higit na bumabagabag sa akin ay kung may tao bang magkakagusto sa akin sa kabila ng kalagayan ko? Matatanggap ba niya ako nang buong-buo? Mamahalin nang tunay at tapat? Kaya niya ba akong ipagmalaking kasintahan niya, irog, iniibig o kahit ano pa mang matatawag sa sinisinta? May tao kayang darating para ipadama sa akin na hindi ako nag-iisa? Na may magmamahal pa sa isang bulag na kagaya ko?
"Malalim yata ang iyong iniisip, Angelo," si Kuya Prince iyon. Tandang-tanda ko ang tinig niya.
"Kuya, ikaw pala. Saan ka? Upo ka muna rito sa tabi ko," paanyaya ko habang umuusog nang kaunti para makaupo siya. Naramdaman ko naman ang pag-upo niya. Tinapik niya pa ako sa balikat.
"When was the last time we talked? Hindi ko yata maalala e. Siguro noong bago ako maaksidente no?" tumango ako. Ramdam kong may nais siyang sabihin. Hinayaan ko lang siya. Then, inakbayan niya ako at niyakap nang mahigpit.
"I owe you my life. If it was not for you, hindi ko makakasama si Charie. Na hindi kami magkakaroon ng anak na si Quennie. At higit sa lahat hindi sana ako ngayon nakakakita," panimula niya.
"Kung nakakakita ka sana ngayon, malalaman at malalaman mong nakuha din ni Quennie ang mga mata mo. Minsan nga binibiro ko si Charie kung anak ko ba si Quennie e. Kaya ayun nababatukan ako palagi kapag ganoon ang tanong ko. Ha-ha," tumawa siya. Mahina lang iyon pero masaya siya.
"Sabi ko noon nang nasa ospital pa lamang ako ay ikaw ang unang-una kong pasasalamatan kapag nagtagumpay ang operasyon. Pero hindi ko na iyon nasabi sa iyo. Kaya heto ako ngayon at taos-pusong nagpapasalamat sa iyo sa liwanag na ibinigay mo sa aking landas. Habambuhay ko itong tatanawin na utang na loob. Hindi man pera ang mahalaga ay paulit-ulit na nagpapasalamat ang aking puso at isipan sa iyo," tumutulo na pala ang mga luha ko nang hindi ko namamalayan.
"Kuya, ginawa ko lamang po ang ginagawa ng isang tunay na kapatid kapag nasa bingit na ng kamatayan o kapag kailangang dugtungan ang buhay ng isang tao. Siguro nga ito ang purpose kung bakit ako nabuhay. Kung bakit ako binuhay ay dahil sa laki ng pagmamahal ko sa pamilya natin. Alam kong hindi tayo lumaki sa iisang bubong pero isa lang ang dugong nananalaytay sa ating dalawa. Hindi utang na loob ang ginawa ko at kahit kailan hindi ko ito inisip na magiging utang na loob mo sa akin ang pagbibigay ko sa iyo ng mata," dalang-dala na ako sa mga sinabi ko. Matagal na rin kasi nang huli nga kaming mag-usap na dalawa.
"Angelo, napakabuti ng puso mo. Ipapanalangin namin na sana kahit ganiyan ang kalagayan mo ay may babae pa ring tunay na magbibigay ng halaga sa iyo. Maliban sa amin ay gusto kong ang taong iyon na darating sa iyong buhay ay tatanggapin ka nang buong-buo, walang labis at walang kulang. Huwag ka ring panghihinaan ng loob. Kung sakaling wala pa kaming makikitang recipient na mag-do-dinate sa mata mo, huwag kang mawalan ng pag-asa. Nandito pa rin kami at alalayan ka namin. Mahal na mahal ka namin, Angelo," niyakap na niya ako nang mahigpit. Nagsipatakan na lamang ang mga luha naming dalawa.
"Oo nga, Kuya. Hindi ka namin pababayaan. Iiwan ka man namin ay pansamantala lamang. Hindi ka namin iiwan habambuhay. Ang magkapatid ay hindi naghihiwalay," boses na naman ni Aries. Sumusulpot na lamang siya nang hindi namin alam. Pinahiran na lamang namin ang aming mga luha.
"Kuya Prince, kami naman ni Kuya Angelo ang mag-usap. Masyadong ma-drama ang convo ninyo. Nakakaiyak. Ha-ha," tinawanan na naman kami ng bunso namin.
"Oo na! Angelo, tandaan mo ang sinabi ko ha? Maiwan muna kita kay Aries then after ninyo diyan ay bumaba na kayo nang sabay-sabay na tayong makakain. Okay?" magkasabay namin kaming sumagot ng Oo ni Aries bago umalis si Kuya.
"Yes! Masosolo na naman kita, Kuya Angelo," nag-umpisa na siya. Nasa terrace na naman kasi ako e.
"Aries? Bakit ka nga pala nandito?" tanong ko.
"Payakap nga sa Kuya ko. Na-miss kita Kuya. At ma-mi-miss kita," nagulat ako dahil agad niya akong niyakap. Hindi ugali ni Aries na mang-akap pero ngayon nagawa niya. Kami palagi ang nangyayakap sa kaniya. Hinayaan ko lang siya. Ginantihan ko na rin ang yakap niya. Akala ko saglit lang pero tumagal yata nang limang minuto ang pagyakap niya. Then, I realized na humihikbi na pala siya.
"Aries? May problema ba? Nasasaniban ka ba?" sinubukan ko siyang patawanin pero wa-epek yata e.
"Umiiyak ka ba? May gusto ka bang sabihin sa akin? Kung tungkol ito sa --" hindi ko na tinapos ang sasabihin ko dahil kumawala na siya sa pagyakap sa akin. Narinig ko pa ang pagsinghot-singhot niya.
"Kuya, salamat ha?" aniya.
"Bakit ka nagpapasalamat e ako nga dapat ang magpapasalamat sa iyo?" sagot ko.
"Kuya, huwag ka magagalit sa akin ha? Pansamantala muna kitang iiwan," ibang Aries na ngayon ang kausap ko. Ito ang Aries na malungkot at ramdam ko ang senseridad sa kaniyang mga tinuran.
"Hindi naman ako galit sa iyo e. Nagtatampo lang ng slight. Ha-ha. At saka ako nga dapat ang nagpapasalamat sa iyo dahil hindi mo ako iniwan," akala ko ubos na ang luha ko pero nagsisimula na naman silang maglandas.
"Kuya, sa loob ng dalawang taon ay wala akong pinagsisihan na alagaan ka. Hindi iyon utang na loob dahil kapatid kita. Isa iyong tanda ng aking pagmamahal sa iyo na matagal kang nawalay sa amin. Na hindi kita nakita. Na magkamukha tayo. Kaya ang ginawa ko ay isang ekspresyon ng pagmamahal," lumabas naman ang other side niya.
"Alam kong nahihirapan ka pero tahimik ka lang at hindi nagsasalita. Alam ko ring mahihirapan ka na ngayon dahil mawawala ako pansamantala sa tabi mo. Pero hindi ito nangangahulugang susukuan na natin. Bulag ka man ngayon sa pisikal na kaanyuan, hindi naman bulag ang puso mo para makita ang nais mong makita," ano raw? Ang lalim a!
"Ang ibig kong sabihin, nagawa mo mang ibigay ang mga mata mo kay Kuya Prince upang maging maligaya ang taong minahal mo rin na si Ate Charie, darating at darating din ang babaeng tatanggap at mamahalin ka kahit bulag ka. At kahit bulag ka at hindi mo makikita ang pisikal niyang wangis, mararamdaman at makikita ito ng busilak mong puso para mahalin siya at ganoon din ikaw sa kaniya," a iyon pala. Ang lalim niya talaga mag-isip.
"Parang dagat Pasipiko lang iyan. Hindi mo malalaman kung gaano kalalim ito kung hindi ka mag-da-dive sa ilalim niyon. Ganoon din sa pag-ibig, pantay ito kung magmahal. Hindi mo malalaman kung hanggang saan mo kayang magsakripisyo kung sarado naman ang utak at sarili mo na sugalan ito. Hangad naming lahat ang kasiyahan mo at ipapanalangin naming dumating ang babaeng nararapat sa kabutihan ng puso mo," at matapos ang pananalita niyang iyon ay niyakap ko na siya nang buong higpit.
"Mga anak, Angelo, Aries! Bumaba na kayo diyan at kakain na tayo!" Si Nanay.
"Bababa na po! Kuya, ako ang best man sa kasal mo ha?" bumalik na ang dating si Aries. Nagpapatawa na naman ito. Inalalayan na niya ako upang sabay na kaming bumaba.
"Aries, salamat sa iyo. Ma-mi-miss kita!"
Kung ganoon lang sana kadali ang mga sinabi nina Kuya Prince at Aries. Sana nga may tao talagang nakalaan para sa akin. At kung kailan siya darating? Diyos lang ang nakakaalam.