Prologo:
Nahiwalay sa tunay na magulang nang ako ay musmos pa lamang.
Lumaki sa poder ng mababait na mga Martinez.
Pinag-aral hanggang sa makatapos mula elementarya, hayskul at kolehiyo.
Nawalan ng foster parents pero hindi ipinagkait sa akin ang tunay kong pinagmulan.
Nakatagpo ng babaeng minahal ko ng buong-buo hanggang sa nagkaalaman at ang tunay niyang minahal ay ang aking kakambal na si Prince.
Natagpuan ang sarili sa dalawang magkaibang trahedya. Pinili ang magsakripisyo para sa kapakanan ng aking Kuya at hinayaan ang taong minahal sa taong gusto niya.
Ang pinakamalaking sakripisyo ko? Ang ibigay ang dalawang mata ko sa kakambal ko na siyang naging liwanag sa makulay at masayang pagmamahalan ng taong noon ay minahal ko rin at ngayon ay asawa na ng kapatid ko—si Charie Dimla.
Magkagayunpaman ay wala akong pinagsisihan. Mas lalo akong minahal ng mga tunay kong magulang at kapatid maging ng babaeng minsan ay naging pag-ibig. Ngunit hindi na ngayon. Dahil ako ay isa nang bulag.
Oo, bulag na ako! At hinihiling kong sana ay makatagpo rin ako ng babaeng tatanggapin kung sino ako noon at kung ano na ako ngayon.
Then, one day... when my eyes cannot see, I heard her voice and MY HEART SAYS IT'S HER.
Kaya kaya niyang ibigin ang isang bulag na katulad ko?
Ako si Angelo at ito ang aking kuwento.
...
Chapter One: Saying Goodbye For A While
Nandito ako ngayon sa isa sa mga rest house ko sa Tagaytay. Simple. Tahimik. Maaliwalas. Presko ang simoy ng hangin. At higit sa lahat tanaw na tanaw ko ang lawa ng Taal.
Dalawang taon na rin ang lumipas mula nang ikasal si Kuya Prince kay Charie. At dalawang taon na ring madilim ang aking nakikita. Pero sa kabila ng kadilimang iyon ay hindi naman nawala sa aking tabi si Aries. Siya ang bunso naming kapatid na umalalay sa akin nang mga panahong iyon.
Alam kong hindi niya dapat obligasyon na alagaan ako at bantayan pero ginawa niya pa rin. Pinagsasabay niya ang kaniyang trabaho at ang pag-aalaga sa akin na walang reklamo. Ganoon kabait at mapagmahal ang aking kapatid na si Aries. Iyon nga lang ay pilyo pa rin at mahilig magpatawa. Bagay na gustong-gusto namin sa kaniya.
Dalawang taon.
Kain. Tulog. Pagsusulat. Pakikinig ng musika at pag-aaral ng Braille method para sa mga bulag na kagaya ko ang naging rutina ko. Sa paraan ding iyon ay nakakapagbasa ako. Matalas din ang pakiramdam ko at pang-amoy sa mga bagay-bagay. At dahil din iyon sa regalong natanggap ko mula sa mag-asawa—si Caap. Pinangalanan namin siyang Caap na kombinasyon ng pangalan namin nina Charie, Angelo, Aries at Prince. Isa siyang pure breed dog, half Siberian at Alaskan na tanging sa malamig na lugar o klima lamang sila puwede.
Minsan nga naiiwan dito si Caap kapag luluwas kami nina Aries sa Maynila. Dalawang story lang ang bahay o rest house na ito dito sa Tagaytay. Minana ko ito sa mga Martinez, ang pamilyang nag-aruga, nagpalaki at nagpaaral sa akin.
Malambing at sobrang talino ni Caap. Siya ang naging gabay ko dito sa loob ng bahay kapag may pasok si Aries. Mayroon din naman kaming kasama dito sa bahay, si Nanay Tina. Halos siya na ang nagpalaki sa akin. Kaya kilalang-kilala ko na siya. In short ay yaya ko siya. Ang mga Martinez ang pumili sa kaniya at siya na rin ang halos umasikaso sa rest house na ito.
Kahit hindi ko na nasilayan ang ganda ng rest house na ito, alam kong maganda pa rin ito dahil inaalagaan ito ni Nanay Tina. Para ko na rin siyang pangatlong ina. Mabait din siya at maasikaso. Hindi ko nga alam kung nakapag-asawa ba siya o nagkaroon ng anak nang mga panahong nasa Amerika na kami namalagi noon kasama ang aking foster parents. Pero isa lang ang alam ko, sobrang nasaktan siya at umiyak nang umiyak nang malaman niyang patay na ang tumayong magulang ko.
Humugot na lamang ako nang isang malalim na buntong-hininga habang nakaupo dito sa terrace. Nilalanghap ang preskong simoy ng hangin at ini-imagine na lamang ang buhay ko na parang nakakakita pa rin ako. Minsan nga naiisip ko, habang buhay na ba talaga akong mabubulag?
"KUYA!" bigla akong napabalikwas ng bangon nang marinig ang boses ni Aries. Siya lang naman ang kilala kong sumisigaw na parang natataranta.
"KUYA! Nasaan ka ba? Kuya Angelo!" sigaw na naman siya nang sigaw. Kaya naman ay hinayaan ko na lamang siya. Nanira na naman ng moment siguro. Pumikit na lamang akong muli at ipinagpatuloy ang pag-i-imagine ko nang may marinig akong mga yabag paakyat dito sa terrace. Panigurado si Aries na iyon.
"Kuya naman e. Bakit hindi ka sumasagot? Kinabahan na naman ako sa iyo e," hindi ako nagsalita. Alam kong nakapamaywang na naman siya na parang tatay na naiinis.
"At ikaw, half-Alaskan, half-Siberian dog, bakit hindi ka tumahol?" at si Caap naman ang binalingan niya. Hinimas-himas ko na lamang ang alaga naming aso. Napapatawa na naman ako ng kapatid kong ito.
"Aries, halika nga rito. Lapit ka dali!" Pagtawag ko sa kaniya. Lumapit naman siya sa akin. Nang maabot ko na ang kamay niya ay agad ko itong hinila at niyakap-yakap ko siya at kiniliti.
"Ku-kuya. Ano ba! Nakikiliti ako. Ha-ha. Hahaha. Kuya. Ku-kuya, tama na. Na-nandiyan sila sa baba," wika niya. Natigil lamang ang pagkikiliti ko sa kaniya nang may marinig na naman akong mga yabag papunta sa amin.
"Angelo, Aries. Para kayong mga bata. Anak, kumusta ka na? Na-miss ka namin ng tatay mo," si Nanay. Inalalayan akong tumayo ni Aries upang mayakap ko si Nanay.
"Kuya!" Boses nina Charie at Prince. Narito na pala sila. Kay tagal din nang huli kong marinig ang kanilang mga tinig.
"Ma, Dad," tinig ng isang anghel. Siya na marahil ang anak ng dalawa.
"Quennie, say hi to your Tito Angelo and Tito Aries. Kiss them as well," si Kuya Prince. Naramdaman ko na lamang ang paglapat ng bibig ni Quennie sa pisngi ko saka ko siya kinarga. Dalawang taon na rin pala ang batang ito.
"Hephep! Tama na iyan! Ako naman ang magkakarga kay Quennie. May mahalaga kasi silang sasabihin sa iyo, kuya kaya naparito sila," si Aries. At kinuha niya sa akin si Quennie matapos ko itong paghahalikan at panggiggilan. Sabay-sabay kaming bumaba sa sala upang doon na mag-usap. Pagdating roon ay isa-isa na pala kaming pinagsilbihan ni Nanay Tina. Hindi ko iyon nakikita pero nararamdaman ko lang.
"Angelo, isasama na namin sa makalawa si Aries dahil malaki ang offer sa kaniya sa labas sa trabahong pinapasukan ko," malungkot ang boses ni Kuya. Ako naman ay natigilan. Kasi kapag wala na si Aries, sinong mag-aalaga sa akin? Alam kong nariyan pa naman si Nanay Tina at si Caap pero iba pa rin kapag kapatid mo.
"Okay lang iyon, Kuya," ang tanging nasambit ko.
"Sus! Si Kuya Angelo talaga. Alam ko malulungkot ka. Kaya papatay na muna ako para mahanapan ka ng dalawang mata," bigla naman akong nagulantang sa sinabi niya at dinig na dinig ko pa ang magkasabay na saway sa kaniya nila nanay, tatay, Charie at Prince.
"Kayo naman hindi na mabiro. Siyempre, good boy kaya ako. Ang ibig kong sabihin, may papalit naman sa akin. Hindi ko puwedeng iwanan ka na walang mag-aalaga sa iyo," si Aries. Loko-loko talaga tong kapatid ko na ito.
"Pasensya ka na, Angelo. Wala pa rin kasi kaming mahanap na eye donor o recipient sa mga mata mo e. Kung hindi mo --" si Kuya. Ako na ang nagsalita dahil alam kong sisisihin na naman niya ang sarili niya.
"Kuya, wala akong pinagsisihan sa pagbibigay sa iyo ng aking dalawang mata. Mas masaya nga ako kasi sa kabila ng sitwasyon ko ay hindi rin kayo sumusuko na hanapan ako ng mata," pampalubag-loob ko kay Kuya.
"Tama! Gusto mo mata ko na lang, Kuya Angelo?" nagloko na naman ang isa.
"ARIES!" Napasigaw na lang kaming lahat sa inasal niya.
"Peace Yow! Joke lang. Huwag kasi masyadong ma-drama. Nakakaiyak e. Konti na lang papatak na ang sipon ko mula sa mata ko! Joke ulit! May solusyon na si Nanay Tina. Hindi ba, Nanay?" Agad namang nagsalita si Nanay Tina.
"Tama sila, anak. Kinuha nila ang serbisyo ng aking nag-iisang anak na babae. Isa siyang registered nurse at nagtatrabaho sa PGH sa Maynila. Napa-oo ko siya bilang pagtanaw na rin ng utang na loob ko sa iyo," aniya.
"Alam mo Kuya. Bagay na bagay kayo ng anak ni Nanay Tina. Maganda siya. Matangkad. Maputi at mabait din. Sa makalawa nandito na siya bago ako umalis papuntang Amerika," lumamlam ang boses ni Aries nang banggitin niya ang mga huling salita niya. Napayakap pa siya sa akin nang mahigpit.
"O, baka nag-jo-joke ka naman diyan ha? Umiiyak ka ba?" Hindi siya sumagot. Ramdam ko na ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Narinig ko rin ang pagpigil ng kanilang mga damdamin na huwag umiyak. Alam kong kahit hindi sila magsalita ay nalulungkot sila dahil hindi na si Aries ang makakasama ko. Pati ang aso naming si Caap ay iba rin ang ungol. Halatang nalulungkot din sa hindi inaasahang balita.
Sana nga... sana ay bagay kami ng anak ni Nanay Tina. At sana magkapalagayang-loob kami. Kung sino man siya, sana ay matanggap niya ako.