"Ang galing mo namang mag-narrate. Parang totoo ang kuwento a. Si Malaya pala ang diwata ng Tinagong Dagat. Siguro, kasing ganda mo rin siya," aliw na aliw ako sa pakikinig sa kuwento ni Magda. Kaya naman ay magiliw akong nagsabi na siguro nga kasing ganda niya si Malaya.
"Kaya lang... bulag ako at hindi ko nasisilayan kung gaano ka kaganda."
"Bolero ka rin pala, sir Angelo. Pero para sa iyong kaalaman, simple lang akong babae. Matangkad pero mas matangkad ka sa akin. Morena. Simple lang talaga ako," aniya.
"May nanligaw na ba sa iyo? I mean may kasintahan ka na ba?" walang prenong tanong ko.
"A. E. Wala pa po sa isip ko ang magkaroon ng kasintahan. Marami naman po ang nanliligaw pero hindi ko po tinatanggap," saad niya.
"Bakit naman? Kung maraming nanliligaw e di maganda ka nga sa personal," ngiting-ngiti ako. Ewan ko ba kung bakit. Basta magaan ang loob ko sa kaniya. Sa tuwing bumibigkas siya ay parang musika iyon sa aking pandinig. Kapag kakanta naman siya ay parang gamot sa aking puso.
"Pasensya na po, sir. Hindi pa ito ang tamang panahon na ikuwento ko sa inyo ang personal kong buhay. Masyado pong ma-drama at baka hindi ninyo magustuhan," ramdam ko naman ngayon ang lungkot sa tinig niya.
"Maganda ang boses mo. Alam kong may pangarap ka. Baka makatulong ako, puwede kang magsabi sa akin. Ano nga pala ang tunay mong pangalan?" in-assure ko na lang siya na maasahan niya ang tulong ko. "O, huwag mong sabihin bawal malaman ang tunay mong pangalan?" Pinatawa ko na lamang siya pero mukhang hindi yata natawa e. Tahimik lang siya.
"Hoy! Kayong lovers diyan, kakain na po tayo. Mamaya na ang lambingan," si Maritoni.
"Anong lovers pinagsasabi mo diyan, Antonnete?" si Magda.
"You know what I mean, ate Magda. Ha-ha. Kakain na po tayo. Alalayan mo na raw po si Kuya Angelo sabi ni Nanay," at unti-unti akong pinatayo ni Magda habang papalayo naman sa amin ang mga yabag ni Maritoni.
Gamit ang sungkod ko ay inangat ko rin ang sarili ko pero sa kasamaang palad ay natapilok yata ako at ang sumunod na nangyari ay hindi ko inasahan. Gulat na gulat ang aking isipan sa nagawa ko. Peste naman o! Ang bilis naman yata. Agad akong humingi ng paumanhin dahil nadaganan ko si Magda.
"Sorry. Sorry s-s-sa nagawa ko. Hi-hindi ko sinasadyang matapilok at ma-out balance tayong dalawa." Todo hingi talaga ako ng pasensya dahil awkward ang posisyon namin. Ako ang nasa ibabaw niya at naglapat ang aming mga labi. Wala pa yatang dalawang segundo iyon pero ramdam ko talaga ang paglapat ng labi naming dalawa.
"Pa-pasensya na rin, sir. Nakalimutan ko po kayong alalayan. Okay lang po ba kayo?" ako talaga ang tinanong na okay e siya ang nadaganan ko. Mabigat kaya ako.
"O-oo. Okay lang ako. Ikaw, o-ookay ka lang ba? May masakit ba sa iyo? Mabigat ako. Kaya baka nabalian ka," alaalang-alaala talaga ako sa kaniya. Baka mapagalitan pa ako ni Mang Gaude kapag may galos siya o sugat.
"May sugat ka ba o galos sa braso o tuhod o paa?" muli ko na naman siyang tinanong matapos kaming tumayo na dalawa. Narinig ko pa ang paghagikgik niya. Pati ba naman sa pagtawa, cute din? Naku po! Pigilan ninyo ako. Okay na ako sa kiss. Ay mali! Ano ba itong pinagsasabi ng utak ko? Ang halay! Whew!
"Nakakatawa po kayo, sir. Wala po sa akin iyon. Tara na po, aalalayan ko na po kayo ulit para makabalik na tayo sa cottage," tumango na lamang ako. Alam kong nangangamatis na ang tainga ko sa sobrang hiya.
"Ang tunay ko nga palang pangalan ay Angela Magdalena Laurente. Friends na po tayo, sir Angelo."
Ngumiti na lamang ako. Pati pangalan may something in common. Angelo meets Angela. E di wow! Ako na may compatibility sa pangalan niya. E sa puso kaya, maging compatible ba kami?
"Ang tagal naman ninyong lovebirds. Kanina pa kami naghihintay dito. Gutom na kami," si Maritoni. Hindi ko na talaga alam ang gagawin namin sa pilyang ito.
"Hoy! Sina Magda at Angelo naman ngayon nakita mo. At saka bakit si Magda ang umaalalay kay Angelo e ikaw ang nars niya?" mukhang mag-uumpisa na naman silang dalawa.
"Okay lang po iyon, Nanay Tina. Hayaan mo na pong mag-enjoy si Maritoni dito. Hindi naman po abala sa akin kasi nag-usap din naman po kami ni sir Angelo kanina sa baybayin. Kinuwento ko lang ang tungkol kay Malaya," si Magda na ang nagsalita. Ako sana ang magsasabi niyon pero naunahan na niya ako.
"Tama po si Magda, Nay. Sinamahan niya lang po akong maglibang. Kabisado nga niya ang lugar na ito e. At saka wala naman pong nangyari," pagpapaliwanag ko.
"Mabuti naman kung ganoon. Naikuwento na rin sa iyo ng matino ni Magda ang tungkol kay Malaya. Hindi katulad ng iba diyan na hanggang satsat lang, nakalimutan pa at iniba pa! Hmmmpp," pinaringgan niya na lamang si Maritoni habang kaming dalawa ni Magda ay lihim na napangiti.
"Grabe naman kayo, Nay. Anak ninyo ako. Parang hindi ninyo ako anak a. Anong walang nangyari, may nangyari kaya sa kanila doon," natigilan ako. Pakiramdam ko ay namumula na naman ang tainga ko.
"Anong nangyaring sinasabi mo Maritoni? Umayos ka!" tumaas na naman ang boses ni Nanay Tina.
"Wa-waala pong nangyari sa amin doon. Nakaupo lang kami habang nagkukuwento ako sa kaniya," tumango rin ako bilang pagsang-ayon. Madaldal pala talaga itong Maritoni na ito. Baka nga nakita niya ang nangyari sa amin kanina.
"Akala ninyo wala ha? Pero meron! Meron ate Magda. Meron!" nagloloko na naman siya.
"Maria Antonnette! Gusto mong makakita ng lumilipad na kutsara at tinidor na may kasamang takip ng kaldero?" naiinis na si Nanay Tina.
"Nay, sanay na sanay na po ako sa nagliliparang kutsara at tinidor. Okay lang sa akin kasi plastik naman iyan e. At saka, duh! Takip ng kaldero? E wala nga tayong kaldero dito e. Ang kanin natin luto na nang dalhin natin dito tapos nag-ihaw-ihaw lang tayo," patay na! Binara na naman niya ang nanay niya. Hagalpak kaming lahat sa kakatawa.
"Basta ang nakita ko kanina, akin na lang iyon. Gutom na ako! Maawa kayo sa tiyan ko. Kumain na tayo, please?" hindi na lang sumagot si Nanay Tina. Marahil ay hiyang-hiya na naman siya sa anak niya.