Magda's Point of View
"Ate Magda?" si Maritoni.
"Ate Charie?" hindi ko siya kilala pero hawig niya si Angelo. Ang mga mata niya ay nagtataka.
"Magandang araw sa inyo, Toni," binati ko na lang muna si Maritoni. Hindi ko kasi kilala ang nasa harap ko e.
"Magda, siya pala si Aries. Ang bunsong kapatid ng mga Saavedra," siya pala si Aries. No wonder malakas ang tama ni Maritoni sa kaniya. Pero sa nakikita ko ngayon ay may tampuhan ang mga ito.
"Ikinagagalak ko po kayong makilala. Ako nga pala si Magda. Pinsan ni Maritoni. Magandang araw sa iyo, Aries," binati ko na rin ang binata. Ubod ng guwapo din pala ang isang ito. Tulala pa rin siya. May bahid pa rin ng pagtataka ang mukha niya. Hindi ko kilala kung sino ang Charie na tinutukoy niya.
"Mawalang galang lang po, Nanay Tina, sino po si Charie?" iyon ang katanungang lumabas sa aking bibig.
"Ate Magda, naalala ko na. Kamukha mo po talaga ang asawa ni Kuya Prince. Si Kuya Prince ang kapatid nila Angelo at ni mayabang na ito," tiningnan niya si Aries mula ulo hanggang paa at inirapan. Napakunot naman ng ulo si Aries. Hindi na lang ito nagsalita. Bagkus ay nagtitigan na lamang sila na parang ilang sandali ay may hidwaang magaganap.
"Ipapakita ko sa iyo ang litrato ni Charie mamaya, Magda. Ang mabuti pa ay tumungo na muna tayo sa kusina nang makakain. Mamaya na ang kuwentuhan," sumang-ayon ako at tumango na lamang. Pero hindi pa rin ako tinitigilan ng mga mata ni Aries.
"Hoy! Kanina mo pa tinitingnan si Ate Magda. May gusto ka ba sa kaniya?" si Maritoni.
"Spell asa? Asa ka pa! Hinding-hindi kita magugustuhan no? At saka... ay ewan! Ipaghain mo na lang nga kami. Nagugutom na ako e baka ikaw ang makain ko," nakakatuwa ang dalawang ito. Mukhang nakahanap nga ng katapat si Maritoni.
"Ikaw! Naku! Kung hindi lang kita..." si Toni.
"May sinasabi ka?" si Aries.
"Wala! Ang sabi ko, pumunta ka na ng dining area at umupo tapos kumuha ng tinidor at itusok mo sa baga mo! Bwisit ka!" sabi na e. Hay naku ang babaeng ito parang hindi babae kung umasta. Malapit na kami sa kusina nang maulinigan namin ang sigaw na nagmumula sa itaas. Tinig iyon ni Angelo.
Dali-daling tumakbo paakyat si Aries. Sumunod na rin kaming tatlo. Pagdating sa silid ni Angelo ay naawa ako sa kaniya. Nagwawala ito. Pinipigilan siya ni Aries.
"Nay, ang injection. Bilis. Hoy, babae, tulungan mo kaya ako rito para maturukan siya ni Nanay. Magkaroon ka naman sana ng silbi!" napapasigaw na si Aries. Ako naman ay hindi alam ang gagawin. Tatlong buwan na ang nakararaan mula nang magbakasyon siya sa amin.
Masayahing tao si Angelo. Walang kasing sigla siya nang nasa amin siya. Hindi ko siya kinakitaan ng pagkabagot. Mas naging masaya pa siya nang malaman niyang makakakita na siyang muli. Ngunit, iba yata ang nangyari.
"Ayoko nang mabuhay!" si Angelo.
"Kuya! Huwag kang magsalita ng ganiyan. May pag-asa pa na makakakita ka. Hindi kami susuko. Ako ang gagawa ng paraan. Please?" pilit na inaalo at pinipigilan ni Aries si Angelo pero nagpupumiglas pa rin ito.
"Nay, turukan mo na siya!" utos niya kay Nanay Tina. Nakita ko ang maliliit na butil ng luha sa mga mata nila. Maging si Angelo ay nagtatangis na. Napaluha na rin ako.
"Anak, huminahon ka. May awa ang Diyos," si Nanay Tina.
"Iwan na ninyo ako! Wala akong silbi! Ayoko nang dagdagan pa ang mga pasanin ninyo. Mas mabuti pang mamatay na lamang ako. Wala na rin namang magmamahal sa akin e," sa pagkakataong iyon ay nagkaroon ng sariling pag-iisip ang aking mga paa at tinungo si Angelo. Ang aking mga kamay naman ay hindi napigilan sa pagsampal sa kaniya. Natigilan siya. Pero mas lalo pa siyang nagwala.
"Sige! Sampalin niyo pa ako! Gusto kong maramdaman ang sakit! Gusto kong maranasang muli ang masaktan! Sige pa! Sampalin niyo ako!" hindi ko na napigilan ang pag-agos ng mga luha ko sa aking mata. Isa na lang ang paraang pakalmahin siya. Huminga ako nang malalim at nagsimulang gawin ang alam kong paraan.
I think I have found you
I can see it from your smile
I think that I can show you
That what I have is beyond your eyes.
Tumatalab ang paraan ko. Kumakalma na siya. Tinitigan ko si Nanay Tina at nangusap ang aming mga mata. Alam niya ang ibig kong sabihin kaya naman ay ipinagpatuloy ko ang pagkanta.
In your smile,
I can see the happiness
that's in your eyes.
In your smile,
We're moving safely back to shore,
And I think I have learned to give you more.
Naiturok na rin sa wakas ni Nanay Tina ang injection. Tuluyan na rin siyang kumalma. Ihihiga na sana siya nila Aries at Toni nang magsalita ito.
"Please finish the song...Magda," lahat sila ay napatitig sa akin. Kaya muli kong binigkas ang mga lyris.
We're moving safely back to shore,
And I think I have learned to give you more.
Nakapikit na ang kaniyang mga mata nang maihiga na ito. Pinahiran ko na lamang ang aking mga luha. Nauna na akong lumabas. Hindi ako dumiretso sa kusina. Lumabas ako ng bahay at lumanghap ng sariwang hangin.
Nang makalanghap ng sariwang hangin ay inilagay ko ko ang aking kanang palad sa aking dibdib. Mabilis ang t***k nito. Tatlong buwan mula nang mawalay siya sa akin. Sa loob ng tatlong buwan at hindi siya nawaglit sa aking isipan.
"Maganda ba ang plaza ninyo, Magda?"
"Oo naman, Angelo. Masayang nagtatakbuhan ang mga bata sa berdeng damuhan. May mga mag-sing-irog na nag-de-date. May mga matatanda namang nag-de-date rin."
"Gusto kita."
"Binobola mo naman ako, Angelo."
"Alam ko bulag ako pero hindi ako sinungaling. Nang una kong marinig ang tinig mo, atat na atat na akong makilala ka kahit hindi kita nakikita."
"Pero... hindi ko alam. Hindi ko alam ang isasagot ko."
"Hindi naman kita minamadali. Kapag handa ka na ay puwede mo akong puntahan sa Tagaytay, sa Manila. Hangad ko lagi ang kaligayahan mo. Nais ko lamang sabihin sa iyo ang nararamdaman ko."
Hindi nga nawaglit sa isipan ko ang tagpong iyon nang magtapat siya ng tunay niyang nararamdaman sa akin. Alam kong puso ko ay siya ang dahilan kung bakit ako lumuwas ng Maynila. Pero sa nakita kong kalagayan niya kanina ay hindi pa ito marahil ang tamang panahon upang sabihin sa kaniya ang aking nararamdaman. Kailangan ko ring makasiguro sa damdamin ko. Ayokong sabihin niyang mahal ko siya dahil naaawa ako sa kaniya.
Ang mahalaga sa ngayon ay masaya akong nakita ko siyang muli. Gusto kong alagaan siya hanggang sa ma-realize niya ang lahat na kahit bulag ay may pag-asa ring makakita. Na kahit bulag ay deserving din na mahalin ng isang kagaya ko gaya nang pagmamahal na nararamdaman niya para sa akin.