Daphne
Paglipas ng isang linggo ay handa na ang lahat para sa gaganapin na party sa anniversary ng mga magulang ni Zachary. Dumating na rin kahapon lang iyong mga damit na pinatahi ni Zachary doon sa kakilala niyang fashion designer. Nang makita ko ito ay halos mamangha ako sa ganda ng damit na parang ako ang magkakaroon ng anniversary. Sinukat ko nga ito ng minsan at sakto pang dumating si Zachary noon at unang beses ko siyang nakitang napatitig sa akin. Sabi niya pa sa akin sa lahat daw ng mga damit ay iyon daw iyong pinakapaborito niyang isinuot ko. Ayiee! Noong narinig ko iyon mula sa kanya ay gusto kong tumalon sa sobrang kilig na aking nadarama.
Tinanong ko kay Zachary kung saan gaganapin iyong anniversary party nila Papa at sinabi niya na sa Lotte New York Palace raw. Hindi na rin naman ako magtataka kung sa isang mamahaling lugar gaganapin ang anniversary nila dahil kung tutuusin ay mayaman naman talaga ang aking asawa. Hays. Bukas na iyong anniversary at kinakabahan na ako. Sana naman sa mismong anniversary na iyon ay hindi magsungit iyong may regla kong asawa.
Kaya naman noong araw bago ang anniversary party nila Papa ay hindi ko nakikita ang anino ni Zach. Masyado siyang abala sa gaganapin na party lalo at narinig ko na parang nasa thousand ang dadalo. Wow ha? Talo pa nila iyong nanalong presidente ng America sa pagpapa-party sa sobrang dami ng mga taong pupunta bukas. Nakita ko na rin iyong magiging itsura ng loob ng Lotte New York Palace at sobrang ganda ng ginawa nilang designs doon. Excited na ako para bukas.
Katatapos ko lang ang maligo at pumanhik ako sa baba nang makita ko si Ate Perlah na abalang tumutulong sa mga hinire ni Zach na mag-aayos ng venue bukas. Isa kasi siya sa kinuha ni Zach na waiter sa mismong event.
“Hello po Ate Perlah,” bati ko sa kanya at binati niya rin ako pagkakita niya sa akin. “Ano ho iyan?” tanong ko sa hawak niyang bulaklak.
“Ito ba? Mga bulaklak lang ito na ipi-pin sa damit oras na pumasok na ang mga tao sa gusali para malaman na sila ay mga bisita. Blue para sa lalaki at pink naman na bulaklak para sa mga babae.” Tumango-tango naman ako.
“Sila Mama ho Ate Perlah nasaan ho sila?”
“Sumama ho sila kay Sir Zach para makita nila kung ano ang magiging ayos ng venue ng anniversary nila. Siya nga pala kumain ka na ba ng almusal? May itinabi akong natirang bacon at hotdog sa mesa kung gusto mo. Maaga kasing nag-almusal sila Ma’am at Sir dahil mukhang super excited na sila para bukas.” Ngumiti naman ako dahil kahit sino naman siguro ay magiging ganito ka-excited lalo na at sa malaki at mamahaling gusali pa ito gaganapin.
Dumiretso na ako ng kusina at nakita ko nga ang iniwan ni Ate Perlah na hotdog at bacon. May mga kasama pa itong mga prutas at gulay. May kasama na ring fresh milk at cereals kaya naman umupo na ako sa hapag kainin at nagsimula nang kumain. Habang kumakain ako ay tamang-tama namang dumating na sila Zach at nakita nila akong kumakain ng almusal. Naubo pa ako nang makita ko ang aking asawa na gwapong-gwapo sa suot niyang shades.
Hala iyong puso ko tatalon na sa sobrang kilig pagkakita ko sa aking asawa. Napatigil pa ako sa pagkain nang makita ko siya at iyong kasusubo kong hotdog ay agad kong nalunok ng hindi ito nginunguya kaya naman bigla na lang akong nabulunan. Agad naman akong uminom ng fresh milk at tuloy-tuloy na umubo. Nag-alala naman sina Ate Perlah at Mama sa akin kaya agad nila akong linapitan. Si Ate Perlah ay nagbigay ng tubig sa akin samantalang si Mama ay hinagod ang aking likod.
“Iha, ayos ka lang ba? Perlah kumuha ka pa ng tubig para malunod iyong kinakain niya.” Halos mangiyak-ngiyak pa ako na napatingin sa kanila Mama.
Siguro ay pulang-pula na ang mukha ko kauubo. Paano ba naman kasi kasalanan ito ni Zach e. Magsha-shades na nga lang siya iyong talagang sobrang gwapo pa niya. Ish! Kasalanan ito ni Zach e. Nang medyo ayos na ako at nakakahinga ay napansin ko na lahat sila ay nakapalibot na sa akin at si Zach na masamang nakatingin sa akin.
“Iha, ano okay ka lang ba? Kailangan ka ba naming ipa-hospital?” tanong sa akin ni Mama pero umiling na lang ako. “Sigurado ka?”
“Ayos na ho ako Mama. Salamat po. Nabulunan lang naman ho ako sa hotdog na kinakain ko.” Pagtingin ni Mama sa hotdog ay napailing pa siya at parang matatawa sa akin.
“Ate Perlah.” Napatingin kaming lahat kay Zach nang tawagin niya ang pangalan ni Ate Perlah. “Next time bumili ka ng hotdog na iyong maliliit lang at masyado kasing malalaki ang mga ito. Hindi niya talaga masusubo lahat ng iyan.” Napatingin sa akin si Zach at hindi ko alam kung may double meaning ba iyon.
Itinuloy ni Ate Perlah ang pagtulong sa mga decors at sila Mama naman ay pumanhik na muna sa kanilang kwarto upang magpahinga. Hindi raw kasi siya nakatulog kaiisip sa anniversary party nila bukas. Naiwan namang mag-isa si Zach at itinuloy ko naman ang aking pagkain. Nagulat ako nang bigla na lang siyang umupo sa tabi ko sabay inagaw sa akin ang hawak kong tinidor.
“Pati ba naman pagkain ng hotdog hindi mo alam. Next time hatiin mo kasi iyong hotdog at huwag kang magmadali na kumain dahil mabubulunan ka talaga sa laki niyan.” Nanermon nanaman po iyong rineregla kong asawa pero gusto kong matawa sa sermon niya dahil parang may double meaning talaga e. Iyong utak ko talaga iba na.
Hinati-hati niya sa maliliit iyong hotdog para makain ko ito at hindi nanaman ako mabulunan. Hindi naman iyong size ng hotdog ang problema e ikaw kaya dahil nagsuot ka pa ng shades. Ayan tuloy muntik na akong mamatay dahil sa kagwapuhan mo. Hindi naman niya kasalanan kung gwapo siya dahil nasa genes iyon ng mga magulang niya kaso sinasadya niya yata kung minsan eh. Tinuloy ko na ang kumain at ramdam ko na nakatitig lang siya sa akin na kumakain. Pilit ko siyang hindi linilingon kaso ang awkward kapag may nanunuod sa akin. Kaya naman buong tapang ko siyang liningon at tama nga ako na nakatitig nga siya sa akin. Kaso iyong titig niya para siyang nanunuod ng movie at talagang nakapatong pa iyong baba niya sa kanyang palad na nasa ibabaw ng mesa. Napalunok ako at gusto kong iiwas ang aking mga mata kaso hindi ko ito magawa.
Naibawi ko lang ang aking tingin nang bigla na lang may tumawag sa cellphone niya kaya kailangan niya itong sagutin. Kinuha niya iyong cellphone niya sabay sinagot ito at tumayo na mula sa hapag kainan kaya nakahinga ako ng maluwag dahil wala na siya. Grabe kulang na lang kainin niya ako ng buhay sa mga titig niya. Bakit naman kaya gano’n siya makatitig sa akin?
Kinabukasan ay dumating na ang pinakahihintay naming lahat. Isinusuot ko na ang aking damit at tinutulungan naman ako ni Ate Perlah na ayusin ang aking buhok. Tapos na akong mamake-upan at hiniling ko na huwag nilang kapalan ang kanilang make-up sa akin. Nasa harap ako ngayon ng isang malaking salamin at saktong natapos si Ate Perlah sa pagtali sa aking buhok ay saktong lumapit si Zachary sa amin.
Nakita kong may hawak siyang sapatos na hindi gaanong gano’n kataas at saka ilinapag niya ito sa aking harapan. Sinasabi niya ba na ito ang gamitin ko? Inalis ko ang suot kong sapatos at saka isinuot ito. Namangha ako nang pagsuot ko nito ay sobrang lambot nito sa paa at parang saktong-sakto lang siya.
“Sigurado akong tatayo tayo ng matagal doon dahil sa sobrang dami ng bisita,” simula ni Zach at napaangat naman ang tingin ko sa kanya. “Ayokong sumakit iyang mga paa mo kaya iyan ang isusuot mo. Are you wearing your necklace?” Tumango naman ako agad saka ipinakita ito sa kanya. “Good. Remember huwag kang aalis sa tabi ko hanggat hindi ko sinasabi. You are on leave Daphne, so it means you are not going to work there. Kahit may makita kang kakaiba roon ay huwag mong bigyang pansin. You are going to stand there beside me as my wife and not as an assassin. Are we clear?”
Muli akong tumango at kinuha na niya ang aking kamay at sabay na kaming lumabas ng bahay. Nakita kong naroon na sila Mama sa sasakyan at kami na lang pala ang hinihintay. Nag-hire ng limousine si Zach dahil ayaw niyang mag-drive lalo na at isang espesyal na event ang dadalohan namin. Pagsakay namin ng limousine ay nagmaneho na ang driver at saka nagmaneho na ito papunta sa Lotte New York Palace. Pagdating namin doon ay tinulungan ako ni Zach na bumaba ng limo at laking gulat ko na ang lalakaran namin papasok sa palasyo ay isang napakahabang red carpet.
“Whoah,” mahinang sambit ko.
Ipinulupot ko ang aking kamay sa braso ni Zach at seryoso lang ito habang papasok kami sa loob ng gusali. Grabe ang ganda ng gusaling ito dahil talagang bagay ito sa pangalan niyang New York palace. Mukha siyang palasyo noong mga sinaunang panahon pero pagpasok sa loob ay super modern ng mga nandito. Pagpasok ay isang napakalaking stairs ang bumungad sa amin at naka-red carpet din ito. Pagdating sa ikalawang palapag ay pumasok kami sa isang kwarto na sobrang luwang na mala-historic ang itsura. Nakita ko na ang dami na ring mga tao ang nandito at maingay na ito dahil sa mga tawanan nila at kwentuhan.
Pagpasok pa lang namin ay agad nang may sumalubong sa amin at nagpapakilala na sa amin. Tuwing napapatingin sila sa akin ay proud na sinasabi ni Zach sa kanila na ako ang asawa niya. Nagugulat sila dahil hindi nila alam na ang isang katulad ni Zach ay ikinasal. Nasa bungad pa lang kami ng kwartong iyon ay marami nang mga tao ang sumalubong sa amin. Wala pa lang kami sa gitna ay halos ma-memorise ko na lahat ng mga tanong nila sa amin at ang mga sagot ni Zach. Ang sakit na rin ng panga ko na ngumingiti samantalang wala pa kami sa mismong dulo ng kwarto. Hindi kaya mag-lock bigla iyong panga ko nito?
Naramdaman ko ang magaang pisil ni Zach sa aking kamay at napatingin ako sa kanya. “Tired?” Nahihiya akong tumango sa kanyang tanong.
“First time ko kasing maranasan ang ganitong pagtitipon. May mga pagtitipon naman sa OA pero hindi iyong ganito na ang dami nating nakaka-usap. Ang sakit na ng panga kong ngumingiti. Baka pagdating ko sa dulo ng kwartong ito ay hindi na bumalik iyong mga muscle sa pisngi ko. Maging kamukha ko pa si IT.” Natawa siya ng mahina sa aking sinabi at hindi ko mapigilang titigan siya. First time ko siyang makitang tumawa at para akong magko-kombulsyon sa kinatatayuan ko sa sobrang gwapo niya.
“That is so like you. No worries, oras na mag-start ang party ay dumiretso na tayo sa kainan. Sigurado akong makau-upo na tayo.” Napatango na lang ako sa sinabi niya.
Lumipas ang ilang minuto ay hindi pa rin nagsisimula ang party. Ang dami pa ring nakikipag-usap sa amin at nagsisimula nang sumakit ang aking likod. Buti na lang talaga pinalitan ko pa ang aking sapatos kundi ay baka manhid na ito sa sobrang sakit. Ang ganda ng binigay ni Zach dahil hindi ko ramdam na masakit na ang aking mga paa. Medyo napansin yata ni Zach na sumasakit na ang aking likuran. Ayokong sermonan niya ako pero masakit na talaga iyong likod ko.
“Are you okay?” pag-aalalang tanong niya.
“Medyo masakit na iyong likod ko katatayo,” naiiyak kong sabi. Mas gusto ko pang pumunta sa mga misyon dahil kahit papaano ay gumagalaw kami kaso ito nakatayo na parang estatwa ay para akong mapipilayan.
Hinila ako ni Zach at saka pinaupo ako sa isang upuan habang nakatayo siya sa aking tabi. Nakaramdam ako ng kilig sa ginawa niya lalo na noong hinawakan niya ang aking kamay at hindi ito binitawan. Patuloy pa rin na may nakikipag-usap sa amin pero nakatingin lang ako sa magkahawak na kamay namin ni Zach. Sana hindi na matapos itong gabing ito dahil ang sweet ngayon ni Zach. Nang medyo okay na ako ay tumayo na ako at sinabi ko kay Zach na pwede na ako ulit makihalubilo.
“Sigurado ka?” Masaya akong tumango.
Babalik na sana kami sa pakikipag-usap sa iba pang bisita nang may isang lumapit sa amin at naramdaman ko ang pagpisil ni Zach sa aking kamay ng mahigpit. Napatingin naman ako sa kanya at sa lalaking lumapit sa amin.
“Zach. Thank you for inviting me here,” sabi ng lalaki sa aking asawa.
Tinignan ko si Zach at nawala ang malumanay niyang ekspresyon sa kanyang mukha. Napalitan ito ng pagkakakunot ng kanyang noo at halata ang galit sa kanyang mga mata. Nagtataka naman akong napatingin sa lalaki na nakangiti naman sa amin.
“Long time no see, right?” Bumaling ang tingin niya sa akin at tipid akong napangiti. “Who is this beautiful young lady beside you?”
Huminga ng malalim si Zach at saka napatingin sa akin. “She’s my wife. Nero meet Daphne. Daphne meet Nero.”