IT is dark. I cannot see anything. Where am I? Sinubukan ni Brianna na igalaw ang kanyang mga kamay pero hindi niya maramdaman ang mga iyon. Itinaas niya iyon sa mga mata para pakatitigan pero wala siyang makita. Nalito siya.
Pagkuwa'y mga paa naman niya ang iginalaw, sumipa, pero wala man lang siyang naramdamang sensasyon sa kahit anong parte ng kanyang katawan. What is happening to me? Mom? Siniklaban na si Brianna ng takot.
Dad? Bradley? Alfred? Hello? Anyone? Alam niyang sumisigaw siya nang malakas pero parang walang lumalabas na boses sa kanyang lalamunan. Ang tahimik. Sobrang tahimik pero nabibingi siya. Natatakot. Where am I? Mom?
Napakislot si Brianna nang may marinig na kaluskos sa dako niyang likuran. Kaagad siyang humarap doon, naghintay.
Footsteps? May naririnig siyang yabag nang pagtakbo papalapit sa kanya. Gusto niyang magkubli pero madilim, wala siyang makita, kaya nanatili na lang siya sa pagkakatayo. Sa bawat yabag ay nagpapalakas sa t***k ng kanyang puso. Napalunok siya. Bumilis ang kanyang pulsuhan, gayon din ang pagtaas-baba ng dibdib sa antisipasyon.
Biglang lumiwanag sa kanyang harapan, tila spotlight na sinusundan ang yabag ng kung sino mang papalapit sa kinaroronan niya. Tinakpan ni Brianna ang mga mata gamit ang braso, iniwasang tingnan ang nakabubulag na liwanag. Subalit lalo siyang kinabahan dahil papalapit ang liwanag sa kanya, parang...parang siya talaga ang sadya. Napaatras siya.
"HUWAG! Ayoko! Tigilan mo ako!” Tinig na pumailanlang sa ere. Luminga si Brianna sa paligid para hanapin ang may-ari ng tinig.
Samantala, malapit na ang liwanag kay Brianna, parang bubunggo sa kanya. Natilihan siya. "STOP!" sigaw niya sabay pinagkrus ang mga braso sa mukha para harangin iyon pero biglang tumigil ang liwanag mismo sa kanyang harapan.
Mas lalo pang nagimbal si Brianna nang mapagtantong hindi lang basta liwanag iyon, hindi bagay, kundi tao...at babae.
"A-ayoko niyan. Ayokong maging kauri ninyo. Maawa kayo, tigilan ninyo ako..." Lumuhod ang babae, nagmamakaawa.
Tumingin sa paligid si Brianna, wala siyang makitang iba pang naroon kung hindi ang babae lang at siya. Who is she talking to? Is it me? Who is she running from anyway? And why is she so scared? Kinausap na niya ang sarili habang pinanonood ang babae.
Pamilyar ang mukha ng babae para kay Brianna. Parang nakita na niya ito, at nagsasalita ito sa wika ng kanyang ina. Nahihinuha niyang mga seventeen or eighteen years old marahil ito. Nakadamit ito ng bestidang puti at mahaba, parang pantulog. Mahaba ang itiman nitong buhok, na lalo lamang tumingkad dahil sa liwanag na nakapalibot dito.
Maganda ang babae. Kaaya-ayang titigan ang mukha nito, maamo pero matapang. Kung may isang salita na pwedeng ilarawan ang babae, it would be majestic. Pero may luhang tumutulo sa mukha nito. Umiiyak.
"Ayoko sabi!" Nakita ni Brianna na sigaw ng babae.
Pero wala pa rin itong kausap. Wala siyang makita. Napaisip na si Brianna. What is happening? Where are they? Who is that girl? Mga katanungang gumugulo sa kanyang isipan. Nilapitan niya ang babae, nais kunin ang atensiyon nito. Ikinaway niya ang kamay sa mukha nito para magpapansin pero, hindi siya nito nakikita. Hindi nito alam na naroon siya't pinanonood ito. Sinubukan niya itong hawakan subalit tumagos lamang ang kanyang kamay sa mukha nito.
No! She stepped back and looked at her hand, and then to the girl.
Naguguluhan na tiningnan niya ang sariling kamay pero katulad noong una, wala siyang makita. Kaya ba tumagos ang kamay niya sa mukha ng babae nang subukan niya itong hawakan? Patay na ba siya? Kaluluwa na lang ba siya?
"Hindi ako papayag na manatili sa inyong sumpa. Ayokong maging katulad ninyo. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa akuin ang inyong sinasabing tadhana. Hindi ako halimaw!" sigaw ng babae, tsaka hinawakan ang pendant ng suot na kuwintas.
Muling natuon sa babae ang pansin ni Brianna.
"MARILAG." Isa pang tinig ang pumailanlang sa paligid.
Aaah! Natakpan ni Brianna ang mga tainga. Nasaktan siya sa tinig na iyon, masyadong malakas at naghatid nang nakabibinging batingaw sa kanyang pandinig.
"Aaaaa!" Malakas ding sigaw ng babae. Tinakpan din ang mga tainga dahil sa nasasaktang pandinig.
"Isa kang Marilag. Ikaw and itinakda ng Buwan. Ang itinadhana ay hindi mo dapat labanan. Ikaw ang napili para gampanan ang tungkulin ng isang Marilag. Ang dugong nananalaytay sa iyong ugat ang siyang tanging patuloy na mag-uugnay sa mga taong-lobo. Ikaw ang tagapangalaga ng punla na ibibigay sa iyo ng mapipiling isang lalaking Alpha. Ang mabubuo sa iyong sinapupunan ang siyang magpapatuloy sa dugo ng sangkalobohan." Mahabang pahayag ng malamig na tinig.
Idiniin ni Brianna ang mga kamay sa tainga. Nanunuot sa bawat himaymay ng kanyang pandinig ang tinig. Iyon marahil ang dahilan ng p*******t ng kanyang sentido, nahihilo siya.
"Hindi! Ako ang may hawak ng buhay ko. Akin ang dugo ko. Hindi ako papayag na maging kasangkapan ninyo para maipagpatuloy ang inyong lahi. Ayoko! Hindi ako papayag. Tigilan mo ako!" sigaw ng babae.
"Sa kabilugan ng buwan ngayong gabi, tutuntong ka sa iyong ikalabin-walong taong edad. Isasalin sa iyo ang pulang bato, na siyang pinagsama-samang dugo ng mga naunang Marilag, mga tagapangalaga mula pa man noong simula, na siyang ilaw at liwanag na gumagabay at nagpapatuloy sa buhay ng mga katulad natin sa mundong ito." Patuloy ng mahiwagang tinig.
"Ha! Kung gayon, ang pagtanggi ko sa pulang bato ay nangangahulugan ng kamatayan at katapusan ng mga katulad ninyo sa mundo!" Tumawa ang babae, tila natuwa sa katotohanang nalaman.
"Ang dugo mo ay nabibilang sa isang Marilag, napili dahil sa liwanag na bumabalot sa iyong katawan. Ang liwanag na iyan ang umakit sa pulang bato. Kapag tumanggi ka, manghihina ang bato at oo...unti-unti ring mababawasan ang mga lahi natin kung walang magpapatuloy na mga Marilag."
Lalong lumakas ang tawa ng babae, animo baliw sa sobrang galak. "Kung gayon, mas lalo pala akong dapat tumanggi. Kahit ang maging kapalit ay ang buhay ko, hinding-hindi ako papayag sa sumpa ninyo. Sabay-sabay tayong mamamatay!"
"Kapag tumanggi ka, mawawala ang liwanag na bumabalot sa iyong katawan. Mawawala ang pagiging Marilag mo. Mawawalan ng kapangyarihan at karapatan. Isusumpa at mananatiling mababa, traydor at kalaban ng lahi." Paliwanag ng tinig.
"Wala akong pakialam. Kung mawawala man ang mga katulad natin, mas maigi pa ngang gayon ang mangyari. Kaya iwanan mo na ako!" Mariing bigkas ng babae.
Binalot ng liwanag ang buong paligid. Isang bolang apoy ang pumalit sa kadilimang nakapalibot sa kanila. Sa loob ng bolang apoy, doon sa pinakagitna ay isang pulang bato na hugis puso at tila pumipintig. Pinalilibutan ito ng pinaghalong dilaw at puti na animo mumunting dila ng mga apoy.
Namangha si Brianna nakikita. Naaakit siya sa batong nagliliyab. Naeengganyong lapitan at hawakan. Kaya naman lumapit siya at sinubukang hawakan iyon. Subalit bago niya maabot ang bato, lumakas ang pagliyab niyon. Ang mumunting dila ng apoy ay lumaki nang lumaki na halos hindi na niya makita ang pulang bato, tila pinoprotektahan sa sinumang hahawak niyon.
"O makapangyarihang bilog na Buwan,
Isilaw ang iyong liwanag sa Sangkalobohan.
Ihandog ang Pulang Bato sa napiling Marilag,
Upang maipagpatuloy ang buhay na tanging hangad.
Ikaw na nagbibigay buhay,
At siyang humuhubog at gumagabay.
Buwan na lumikha sa Kalobohan,
Ialay na ang bato sa Marilag na nasa iyong harapan."
Mabilis na naglikot ang bolang apoy. Tumaas-baba sa hangin at tila bumubuwelo sa pagharap doon sa babae. Naramdaman ni Brianna ang mabilis na paghapyo ng damdamin. Namamangha siya sa nakikita, pero hindi rin maiwasang kilabutan. Parang may pumipigil sa kanyang humigop nang hininga.
"Huwag...ayoko...layuan mo ako. Ayoko sabi!" Unti-unting lumalapit ang bolang apoy sa babae. Umaatras ito habang nahihintakutan.
Tumigil ang bolang apoy, tila nakikipagtitigan sa babae. Pagkuwa'y mabilis itong umangat sa ere at sa isang iglap, lumipad patungo sa babae, handang pumaloob sa katawan nito at isakatuparan ang sinasabing itinadhana para rito.
Subalit handa rin ang babae. Bago pa man ito madampian ng bolang apoy, iniharang nito roon ang hawak-hawak na kuwintas. Sa pendant ng kuwintas nadampi ang liwanag at tila bola itong tumalbog na bumalik sa pinanggalingan.
"HANGAL!" mataginting na tinig ng bolang apoy, galit at nanunumbat.
Nakita ni Brianna ang namamaga at mamula-mulang mga kamay at braso nang babae, paso at lapnos ang mga iyon sa init na nanggaling sa bolang apoy. Ngunit sa mga kamay nito ay hawak pa rin ang pendant ng kuwintas at nanghihinang napaupo.
Kumislap ang pendant, tila salamin sa tingin niya subalit nakapaloob sa isang makintab at tila kulay abo na metal. It looked more like a silver, a silver mirror and it seemed familiar to Brianna like she had seen it before, even felt it.
"Estel...sa iyong pagtanggi kapalit ay sumpa ng kamatayan. Hindi sa iyong sarili, kundi sa punla na iyong bibigyan ng buhay. Mamamahinga ang pulang bato hanggang sa may panibagong liwanag na makaaakit dito, at bagong Marilag na maitatakda. At ikaw..." saad ng tinig.
Nakita ni Brianna ang takot na bumakas sa mukha ng babae. Masakit pa rin sa pandinig ang mga naririnig niya mula sa hindi nakikitang boses, subalit naiintindihan niya ang mga nangyayari.
"Hindi...patayin mo na lang ako. Hindi ako papayag na pati ang kinabukasang naghihintay sa akin ay madamay. Patayin mo na lang ako!" sigaw ng ng babae, nagwawala.
"Sa bawat babaeng iyong bibigyan ng hininga,
Kahirapan at pasakit ang sa kanila'y nakaamba.
Kamatayan ang siyang nararapat na makamtan,
Ito ang sumpa na iyong masasaksihan.
Palarin mang sila'y mailuwal nang buhay,
'Di naman lalaon 'pagkat sila'y mamamatay.
Dahil iyong nilabanan ang itinadha ng Buwan,
Kamtin mo ang galit ng Pulang Bato na iyong tinalikuran.
Damhin ang pait na iyong ibinigay,
Sa 'ming Marilag na iyong nilumbay.
Tumangis sa sakit nang pagkawala ng mahal,
Iyan ang kaparusan ng isang tulad mong hangal!
Pagtatapos nang mahiwagang tinig. Kung gaanong basta na lang iyong sumulpot, ganoon din kabilis iyong naglaho. Muling natahimik ang paligid, at alam ni Brianna, wala na ang malakas na tinig.
"Hindi! Bawiin mo ang sinabi mo! Bawiin mo ang isinumpa mo sa akin. Nasaan ka na? Bumalik ka at bawiin mo ang sinabi mo. Pulang Bato! Lumabas ka!" sigaw ng babae na tinawag na Estel ng boses kanina.
Unti-unting naglaho ang liwanag na nakapalibot sa katawan ng babae hanggang sa tuluyan nang nagdilim sa paningin ni Brianna ang presensiya nito. Tanging ang puting bestida na lamang nito ang naaaninag niya sa kadiliman at ang pagtangis nitong naririnig niya.
"Hindi...bawiin mo... bawiin mo ang sumpa..." paulit-ulit nitong wika.
"BRIANNA, anak?"
Ah! Napakislot si Brianna. Panibagong tinig iyon. Panibagong kaba ang lumukob sa kanyang dibdib.
"Bree, gumising ka anak. Huwag kang susuko. Hindi ako bibitaw."
Napabalikwas si Brianna. Nagulat sa pamilyar na tinig na kumuha sa kanyang atensiyon. Tila iyon humigop sa kamalayang nakatutok sa sa babae kanina.
Mom? Mom! Nilikuban siya nang matinding kasiyahan. It felt like forever since she heard her mother’s voice.
"Please wake up, anak. Ilang buwan ka nang nakapikit at nakahiga sa kama. Idilat mo ang mga mata mo, Bree, please don't leave me. Hindi ko kaya...hindi ko na makakaya kapag nawala ka rin sa akin." Pagtangis ng kanyang ina.
What do you mean by that, Mommy? What are you trying to say? Where am I, really? Why can’t I see you? Sigaw ni Brianna. Subalit hindi siya naririnig ng ina. Ni hindi rin niya maramdaman ang sariling presensiya. Ano ba siya?
Muling nilamon nang kadiliman ang kanyang kapaligiran. Sinubukan niyang mangapa sa kawalan. Nagsimulang lukubin nang takot ang kanyang kamalayan. Pakiramdam niya ay nakakulong siya sa isang lugar o bagay na hindi niya mapangalanan.
"Estellita..."
Muling napakislot si Brianna. May iba pang tinig na sumali bukod sa kanyang ina. Pamilyar din iyon. Narinig na niya. Mataman siyang nakinig, hinintay na muli iyong magsalita.
"It's time to give up. It's been over three months; she will not wake up anymore. Even the doctors said only a miracle can wake her up. Let's cut the breathing machine, Estellita. It's time to let her go."
Oh, it's Dad. Wait-what? What are they talking about? Whose life needs a miracle. Who is not waking up anymore? Naguguluhang isip ni Brianna.
"No, Greg, I am not giving up on her. Brianna is the last daughter we can have. I can't afford to lose her, not when we already lost two of our daughters. She was brave enough to have reached this age, fought her way up till this day. I am not giving up on my Brianna." sagot ng kanyang ina.
W-what? What's the meaning of this? Am in a coma or something? N-no. Mom! Dad! I'm here. Look at me! I'm here! Sinubukang kumaway ni Brianna kahit pa alam niyang hindi naman siya naririnig ng magulang.
Muling natahimik ang kapaligiran ni Brianna. Wala na uli siyang naririnig. Maging kaunting kaluskos ay naglaho. Nabibingi siya sa sobrang katahimikan.
Hello? Mom! Dad! Where are you? Talk to me, please? Please! Napadausdos si Brianna sa hindi nakikitang sahig. Umiyak. Gusto niyang mabaliw. Where am I? What am I? What is happening to me!?