Part 3: Ang ala-ala ni Ina 2

1970 Words
Sa Piling ni Lucario Aitenshi   Sa pag papatuloy ng pag babalik tanaw ni Suyon sa ala-ala ng kanyang ina..   Part 3: Ang Ala-ala ni Ina 2   Ilang tag-araw at tag-ulan pa ang lumipas sa aming buhay, kung gaano ito kabilis ay ganoon rin ang paglala ng kalagayan ng aking ina. Tila isang pasakit na makita ko siyang unti unting pinapahirapan ng karamdaman. Kada ubo, kada hinga na may halong pagdurusa ay parang isang matalim na bagay na sumasaksak ng paulit ulit sa aking puso. Wala akong magawa kundi ang mapa-iyak habang pilit itong inaalalayan. "Inay, malubha na po ang lagay ninyo, bumaba na tayo sa lungsod upang magpagamot. Paki usap inay," ang nag aalala kong mungkahi habang umuubo siya na may halong dugo.   "Anak, ayos lang ako. Masyadong malayo ang lungsod, hindi kakayanin ng aking katawan ang bumaba ng bundok," ang tugon niya habang naka ngiti bagamat ramdam ko ang kanyang paghihirap.   "Hindi na bale inay! Hintayin mo ako dito! Ako na lamang ang bababa upang humanap ng doktor!" ang sagot ko naman sabay tayo at mabilis kong kinuha ang aking tsinelas.   Takbong walang mulat ang aking ginawa. Sadyang napakahirap ang bumaba ng bundok ngunit hindi ko na ito inisip pa dahil ang utak ko ay nakatuon lamang sa paghanap ng doktor na maaaring tumingin sa aking ina. Matarik ang bawat lupa kaya naman halos masira ang aking tsinelas, wala tuloy akong nagawa kundi ang magpatuloy sa pag lalakad ng naka yapak. Ni hindi ko na ininda ang sakit at kirot ng aking talampakan dulot ng matatalim na batong aking natatapakan sa aking pagsadsad pababa.   Hingal kabayo at halos mapatid ang aking ugat sa leeg sa tindi ng pagod bago ko maraming ang paanan ng bundok. Mula dito ay lalakad pa ako sa isang daan hakbang patungo sa pinakamalapit na bayan kung saan naroon ang matandang doktor na paminsan minsan ay tumitingin kay inay.   Hindi na ako nag-aksaya ng oras, agad akong nagtatakbo upang puntahan siya.   Alas 7 ng gabi noong makabalik ako sa aming tahanan, kasama ko ang doktor na titingin kay inay, mabilis akong nagtatakbo para buksan ang pintuan, malayo palang ay tinatawag ko na ang kanyang pangalan katulad ang aking madalas na ginagawa kapag umuuwi ako galing sa paaralan. "Inay! Kasama ko na ang doktor! Magiging maayos na rin po ang lagay nyo inay!" ang pagtawag ko na punong puno ng pag-asa.   Habang nasa ganoong pag lalakad kami ay nakita kong naka-upo sina lolo at lola sa pintuan ng aming tahanan. "Lo, la nandito na po ang doktor."   Hindi sila kumibo. Si Lolo na nanatiling nakayuko. "Suyon, nagpaalam na ang iyong ina," ang wika niya.   "A-ano po ang ibig ninyong sabihin?" ang tanong ko naman na parang hindi tinanggap ng aking utak ang kanyang sinabi. "Apo, wala na ang iyong ina. Sumakabilang buhay na siya," ang wika ng aking lola.   "Hanggang sa huli ay pangalan mo at ng iyong ama ang kanyang tinatawag," malungkot na dagdag ni lolo.   Natahimik ako at panandaliang napatulala. Kasabay nito ang mabilis kong pagtakbo patungo sa kanyang silid at dito nga ay nakita ko ang aking kawawang ina na nakaratay sa kanyang lumang higaan, wala nang init ang kanyang katawan at malamig na ito. Ang kanyang labi ay may bakas pa ng dugo at ang kanyang mukha ay halatang dumanas ang matinding pag hihirap.   Natahimik ako at napatitig nalang sa kanya..   Tahimik..   Maya maya ay unti unting bumugso ang aking emosyon at mula sa isang impit na iyak ay naging nahuglgol ito habang paulit ulit na tinatawag ang kanyang pangalan. Isang malalim na kalungkutan ang lumunod sa aking buong pag katao at kahit anong gawin ko ay walang dahilan para mapahinto ito. Pakiwari ko ay lalong nagkulang ang aking pagkatao sa kanyang pagkawala. At ang pagpatak ng aking luha ay hindi sapat para siya ay muling maibalik sa akin, walang bagay na makapaglalarawan kung anong klaseng lungkot ang namamayani sa aking buong pagkatao.   Sandali lang namin naiburol ang aking ina sa aming bahay, wala naman kasing nagpupunta para makiramay. Para sa kanila ang sakit niya ay isang salot, malas at nakakahawa. Wala ring nakipaglibing sa kanya dahil ang lahat ay takot ay makapitan ng kung anong sakit ang pumatay sa kanya. Ang lahat ay nakatanaw lamang sa bintana ng kanilang bahay o kaya ay naka silip sa isang tagong lugar. Ang tanging naglalakad lamang noon ay si Lola, Lolo at ako. Kahit pinadalhan namin ng telegrama ang aking ama ay hindi pa rin siya nag pakita.   Ang lumang kariton ni Lolo ang naging karo ni Inay ang ako naman ang nagtutulak dito paayat sa gitna ng bundok kung saan siya ililibing. Hindi ko lamang matanggap na kaawa-awa ang buhay na sinapit ng aking ina, kahit dito sa kanyang libingan ay ganoon pa rin. Bakit puro pasakit at kalungkutan ang ibinabato ng tadhana para sa kanya? Ganito rin ba ang sasapitin ko kapag ako ay tumanda? Natatakot ako na maging malungkot katulad niya at lalong natatakot ako na balutin ng matinding galit aking puso dahil sa mapanuyang buhay at sa sakit na idinudulot nito.   Ang tanging hiling ng aking ina ay bumalik si ama ngunit wala, simula noong mailibing siya ay hindi ko pa rin nakikita ang kanyang anino. Marahil ay nakalimot na nga ito at tuluyan na kaming nabura sa kanyang puso at isipan.   End of Flashback   Ngayon ay matagal na panahon na ang nakalipas, matagal na rin mag buhat noong mamatay ang aking ina, halos tandang tanda ko pa rin ang lahat ng pangaral na ibinigay niya sa akin sa araw araw, at sa tuwing hinahawakan ko ang kwintas na kanyang ibinigay ay para bang ipinararamdam sa akin nito na hindi ako nag-iisa at nandito lamang siya sa aking tabi kahit saan o ano pa ang aking ginagawa.   Ang mga ala-alang iyon ni inay ay ang mga bagay na hinding hindi ko iwawaglit sa aking isipan. At sana ay patawarin niya ako kung ang paghihintay ko kay itay ay napalitan na ang matinding galit at pagkasuklam. Noon ay bata pa ako at wala pang alam sa salitang lungkot o pagkainis, pero ngayong binata na ako ay hindi ko masisisi ang aking sarili kung bakit ang nararamdaman ko sa aking ama ay puro negatibong galit. Marahil ang lahat nga ng bagay ay nagbabago, pati ang damdamin ng isang tao at iyon ay natural lamang sa kanilang mga moral at kilos loob.   Bandang alas 2 ng hapon noong makatapos ako sa pag dadamo sa puntod ng aking ina iniayos ko rin ang lupa at pinatag ito mas magandang pag masdan. Noong makatiyak na wala nang damong nakapalibot dito ay agad naman akong tumulak sa templo upang maglinis, bukas kasi ay darating nanaman ang mga turista tiyak na magkakalat nanaman sila doon sa bakuran at sa hapon ay ako rin naman ang mahihirapan. Ewan ko ba, ayoko talaga ang may dumarating bisita sa templo dahil bukod sobrang kuripot nila ay nagagawa pa nilang manira ng mga kagamitan sa loob nito. Kaya nga nakikiusap ako kila lolo na huwag nang tatanggap ng mga turista lalo na yung mga ibang lahi dahil matitigas ang ulo nila at hindi naniniwala sa pamahiin.   Tahimik ang pag-akyat sa templo. Sa bawat hakbang patungo sa mga tarangkahan nito ay talagang makakaramdam ka ng hindi maipaliwanag na pakiramdaman. Pakiwari ko ay may kasama akong naglalakad, na hindi ako mag isa. Minsan ay nakakakilabot lalo na kung idadagdag mo pa ang tahimik na paligid na kahit ang paghinga mo ng malalim ay maririnig mo. Ang nakapag tataka rin ay kapag pumasok ka sa bakuran ng templo ay kakaibang lamig na ang iyong mararamdaman bagamat mataas pa naman ang araw sa kalangitan.   Sa isang malaking haligi sa tarangkahan ng poste ay nakasulat ang pangalang “Suyon” at sa kabila nito ay naka-ukit ang pangalang “Lucario”, ang sabi ng aking lolo at lola ay sila ang nangangalaga ng templo noong matagal na matagal na panahon na ang nakalilipas. At dito rin kinuha ang aking pangalan at ito rin ang dahilan kaya madalas akong pinagtatampulan ng tuwa o pang-aasar sa paaralan. Ang dami naman kasing pwedeng pagkuhanan ng pangalan ay dito pa ako sa templo ipinangalan, buong elementarya akong nagdurusa dahil dito.   Nag simula ako mag trabaho sa loob ng tarangkahan..   Katulad ng dati ay nilinis ko ang bakuran, ang mga nagkalaglag na tuyong dahon ay inilagay ko sa sako upang masilaban sa pinakalabas ng tarangkahan. Pinunasan ko rin at nilinis ang bawat haligi nito hanggang sa muling bumalik ang orihinal na kulay.   Patuloy ako sa pagwawalis hanggang sa mapadako ako sa pinakalikod ng templo kung saan masisilayan ang isang magandang karagatan sa likod ng bundok. Ito na yata ang pinakamapormang tanawin sa lahat dahil kitang kita ko ang asul na karagatan mula dito sa aking kinatatayuan.   Tahimik ulit.   Huminga ako ng malalim at nilanghap ang malamig na hanging nagmumula sa kagaratan. Masarap ito sa pakiramdam. Maya maya naisipan kong lumapit sa isang lumang balon na nakatirik ilang dipa ang layo mula  sa templo. Ito ay gawa sa mga lumang batong pinagpatong- patong, ni hindi ko na alam kung gaano ito katagal dahil balot na rin ng lumot ang buong paligid nito. . Marahan kong hinawakan ang balon at dito ay laking gulat ko noong maramdaman nagyeyelo ito sa lamig! Napakalamig! Nakakamangha na para bang sa tuwing humihipo ako sa mga lumang bato nito ay literal na yelo ang aking hinahawakan.   Habang nasa ganoong pagkamangha ako ay may pumapatak na kung anong malamig na bagay sa aking ulo dahilan para mapatingala ako.“Niyebe.”  kumukinang na kulay puting niyebe, marahan itong bumabagsak sa aking ulo. Ang iba rito ay sinahod ko pa gamit ang aking palad at hinayaang malusaw ito sa aking mga kamay.  Hindi ko alam kung panaginip ba ito o totoo ngunit ang makakita ng ganito pambihirang bagay ay para isang milagro.   “Suyon, hapon na, isasara ko na ang templo. Nandyan ka pa ba sa loob?” ang pag tawag ni lolo.   Nag balik sa normal ang aking ulirat at kasama nito ang pagkawala ng niyebe sa paligid, ang balon ay muling uminit at bumalik sa kanyang orihinal na temperatura. “Opo lolo nandyan na!” ang tugon ko naman sabay kuha sa aking mga gamit at dito ay tinulungan ko siyang isara ang tarangkahan sa templo. Bubuksan ito bukas kapag dumating na ang mga turista para kalatan at usisain .   "Maniwala ka sa akin lo, may niyebe doon sa templo," ang pangungulit ko sa matanda habang pabalik kami sa bahay.   "Suyon, walang niyebe dito sa bansa, doon sa ibang lugar ay may snow pero dito ay malabo iyan. Matanda na ako, huwag mo nga akong pinaglololokong bata ka," ang sagot niya sabay takot sa aking ulo.   "Pero hindi naman ako naglololoko, mayroon talaga lolo."   "Tigilan mo na nga iyan, kargahin mo na itong mga tuyong kahoy para mayroon tayong pang gatong mamaya. At bukas kapag dumating ang mga turista bukas ay huwag mong kakalimutan na sundan ang kalat nila. Baka magalit ang mga nagbabantay na espiritu doon sa templo. At bukas ng gabi ay isusuot mo ang tradisyunal na kasuotan ng ating mga ninuno at magkasasayaw ka doon sa altar." ang wika ni Lolo   "Bakit ako? Si Lola nalang ulit." ang tugon ko.   "Masakit na ang tuhod ng lola mo. Sasayaw ka lang, didikdikin ang prutas at gagawin alak ang katas nito. Madali lang naman iyon. Siguradong matutuwa ang iyong ina dahil noong kasing edad mo siya ay siya ang nagsasayaw doon sa altar. Gawin mo ito para kalugdan ka ng ating mga ninuno at hindi puro kamalignuhan ang nakikita mo," ang tugon rin ni Lolo sabay hampas ng kahoy sa aking ulo.   "Arekup," reklamo ko naman.   Hindi ako makapaniwala na ang sayaw na pinagtatawanan ko noon ay ako mismo ang gagawa ngayon. Alam kong tradisyunal ito at sagrado ngunit hindi dapat ito ipagkatiwala sa isang loko-lokong katulad ko. Baka mapahiya lang sila o kaya ay baka sumablay pa ako at magalit yung espiritung nakabantay doon sa templo. Katulad dati, may isang ninuno kami na ang kamali ng pagriritwal doon sa altar, ang naging kapalit ay minalas siya habang buhay, sana ay hindi ko naman sapitin ang ganoong kalupit na kapalaran.   Itutuloy..  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD