Sa Piling ni Lucario
AiTenshi
Part 2: Ang ala-ala ni Ina
Maaga palang ay nagtungo na ako sa libingan ng aking ina sa gawing itaas ng bundok. Mabilis kasing tumubo ang d**o sa lugar na iyon lalo na kapag ganitong tag-ulan. Mahiwaga ang bundok kung saan nakatayo ang matandang templo, alam naman iyon ng mga tao sa aming baryo kaya hindi na sila nagtataka sa mga kakaibang bagay na ipinapakita nito.
Ang himlayan ng aking ina ay walang lapida, ang tanging pananda lamang dito ay ang krus na ginawa ko, iyon ang nakatirik sa lupa kung nasaan ang kanyang labi. Maraming nakalibing sa lugar na ito ngunit ang ilan sa kanila ay hindi nakita pa ng mga kaanak dahil habang tumatagal ay kumakapal ang mga d**o, kaya heto ang ginagawa ko tuwing Linggo ay magtabas ng d**o para mapangalaan ang kanyang libingan. Madalas ko ring itinatayo ang krus na nakatirik dito dahil kapag malakas ang hangin ay nabubuwal ito kaya’t tatalian ko nanaman upang hindi mahugot. Kada babalik ako dito ay lagi ko nalang hinahanap ang kahoy na krus na iyon sa damuhan habang ako ay nagtatabas. Kung bakit naman napakamahal ng lapida at ang gawaan ay malayo rin sa aming lugar, hindi ko tuloy mabigyan ng maayos na libingan ang aking ina.
Tahimik..
"Inay, kamusta ka na? Parang kailan lang noong umalis ka at hanggang ngayon hinahanap hanap pa rin kita. Pero hindi na ako nalulungkot dahil alam kong nandito ka sa aking tabi at lagi akong binabantayan. Pasensiya ka na rin kung hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magawang harapin ang aking ama, talagang mayroon akong sama ng loob sa kanya dulot ng pag-iwan niya sa ating dalawa. Kung totoo nga na ang oras ay nakapaghihilom ng mga sugat, umaasa ako na balang araw ay mawawala ito. Ngunit sa ngayon ay mas mabuting dumistansiya at umiwas sa mga bagay na makakasama sa aking loob," ang wika ko habang inaayos ang lupa sa kanyang libingan.
Hanggang ngayon ay tandang tanda ko pa rin ang mga masasayang araw na kasama ko ang aking ina, kung maibabalik ko lamang ang mga sandaling iyon ay gagawin ko, kahit ano pang maging kapalit nito. Ang kanyang yakap at haplos na hindi mapapantayan, nakakapag-alis ng sakit at kalungkutan sa aking puso. Sariwa pa rin ang bawat eksena sa aking isipan at sa aking pagtulog ay paulit ulit rin itong nagbabalik.
FLASH BACK
"Suyon, anong nangyari sa iyo? Bakit may pasa ka na naman sa mukha?” ang bungad ni Lola noong makauwi ako galing sa paaralan, hila-hila ko ang aking mga gamit na nakalagay sa lumang bag.
"Ano pa, edi nakipag-away nanaman iyan sa mga kaklase niya. Away bata, kaya mahirap magkaanak ng lalaki dahil mahilig makipagbasag ulo," ang wika naman ni Lolo.
"Lagi nila akong tinutukso, ang ama ko raw ay isang kapre at maligno na nakatira sa templo. Halos lahat ng kaklase ko ay pinagtatawanan ako kaya ipinagtatanggol ko lang ang aking sarili," katwiran ko habang pinupunasan ang aking sugat at bugbog sa mukha, gulo-gulo rin ang aking buhok at punit ang aking puting damit na medyo madilaw na dahil sa kalumaan.
"Pinagtatanggol mo nga ang iyong sarili pero sa huli ay ikaw pa rin ang nabubugbog ng labis. Tingnan mo nga iyang itsura mo, sa putikan ka ba nila isinubsob? Minsan ang paglaban ay hindi nakakabuti lalo na kung alam mong matatalo ka lang, ang pag-iwas pa rin ang pinakamagandang paraan para makaiwas ka sa sakit ng katawan," wika ni lola.
"Hindi tama iyon, kung iiwas ako ay habang buhay akong iiwas. At kapag hindi ako lumaban ay iisipin nila na ayos lang na saktan nila ako ng paulit ulit. Wala namang magtatanggol sa aking sarili kundi ako lang rin," ang sagot ko naman na may halong hinagpis.
"May katigasan talaga ang ulo ng anak mo Luisa," ang wika ni lolo dahilan para matawa ang aking ina. Ipinakita niya sa akin ang kanyang banayad na ngiti at dito ay unti unting humupa ang galit sa aking dibdib.
"Suyon, hindi maganda para sa isang batang nasa ika-apat na baitang ang makipag-away. Halika rito at gamutin natin ang mga sugat mo," ang wika ni inay kaya naman lumapit ako sa kanya at hinayaan siyang linisin ang aking mga pasa.
Si inay, madalang siyang lumabas ng bahay, madalas ay nakaratay siya sa higaan. Paminsan minsan ay nakikita ko siyang umuubo at nahihirapan ng husto pero sa tuwing tumitingin ako sa kanya ay ngumigiti ito kahit batid kong hindi mabuti ang kanyang kalagayan. Maganda ang aking ina, siya ang pinakamagandang dilag sa aming baryo noon. Kahit naging payat ang kanyang katawan ngayon ay bakas pa rin ang kagandahan sa kanyang mukha.
Ang aking ama naman ay ang pinakagwapong binata dito sa aming lugar, nagkaibigan sila ng aking ina at nag bunga iyon. Noong ipinagbubuntis ako ng aking ina ay parang bulang lumisan ang aking ama, ang sabi sa akin ni ina ay naghanap ito ng maayos na trabaho sa siyudad ngunit hindi na siya bumalik. Minsan ko lamang siya nakita, noong dumalaw siya sa aking ina kasama ang isang babae. Nagalit si Lolo noon at halos mapatay niya ang aking ama at ang babaeng kasama nito. Mag buhat noon ay wala na akong balita sa kaniya.
Pinangarap ng aking ama na magkaroon ng babaeng anak, iyon ang parati niya hinihiling sa aking ina noong buntis ito. Ngunit hindi natupad, nagalit siya noong malaman niya na isa akong lalaki, pakiwari ko tuloy ay ako ang dahilan kung bakit siya lumisan.
Si Inay ang nagpalaki sa akin, binusog niya ako sa pangaral at walang kapantay na pag mamahal. Ang kanyang mga yakap ay mabisang gamot na nagpapakalma sa aking puso at ang kanyang ngiti ang pinakamagandang tanawin sa lahat na hindi ko pinagsasawaan.
"Inay, pagkatapos mong gamutin ang aking sugat, pwede ba akong magtungo sa templo para maglaro?" tanong ko habang nakangiti.
Umubo si inay at huminga ng malalim bago sumagot. "Anak, hindi ka dapat nag lalaro sa templo, ito ay sagradong tahanan ng mga Diyos, baka magalit sila sa iyo," ang tugon niya sabay haplos sa aking pisngi.
"Bakit naman sila magagalit? Eh kapangalan ko yung templo. Hindi ba't dito kinuha ang pangalan ko?" ang tanong ko
"Oo nga anak, ngunit nangangamba lamang ako na bumalik nanaman yung kaibigan mong hindi namin nakikita," ang wika ni inay habang natatawa.
"Kaibigang hindi nakikita? Wala naman akong ganoong kaibigan, wala akong maalala inay."
"Malamang ay nagka-amnesia ang batang iyan noong mahulog siya sa bangin. Milagrong nakaligtas ka ngunit nawala naman ang ala-ala mo. Pero gayon pa man ay hindi mo dapat gawing laruan ang templo dahil ang bawat bahagi nito ay mahalaga. Tiyak na magagalit ang ating mga ninuno," ang wika ni lola.
"Suyon, ang mabuti pa ay tulungan mo na lamang ang lolo mo na manguha ng mga kahoy na panggatong. Magluluto ako ng masarap na hapunan mamaya," ang naka ngiting wika ni inay.
Napakabait ng aking ina, ni minsan ay hindi ko siya magawang suwayin. Bagamat paminsan minsan talaga ay nagiging sakit ako ng kanyang ulo dahil sa aking madalas na pakikiaway sa aking mga kaklase. Madalas kasi akong napagtatampulan ng tuwa at pang-aasar dahil kami ang nangangalaga sa templo ng kababalaghan doon sa bundok. Wala rin silang nakikitang tatay ko kaya ang tukso nila ay galing ako sa mga engkanto o kaya ay lamang lupa. Kaya ayun, madalas akong nabugbog dahil ipinagtatanggol ko ang aking sarili. Pero gayon pa man ay lumaki naman akong matatag at may matibay na pangangatawan, at natutunan ko rin na ipagtanggol ang aking sarili sa lahat ng oras.
Lumipas ang maraming tag-ulan at tag-araw. Grade 6 ako noon, habang nakatanaw sa templo ay madalas kong nakikita ang imahe ng isang lalaki na nakatayo dito, hindi ko maaninag ang kanyang mukha na para bang laging may hinihintay. Parang isang aparisyon na bigla na lamang mawawala kapag naalis ang aking tingin sa lugar kung saan siya naka tayo.
Tahimik.
"Suyon, dalhin mo ito sa iyong ina, baka nagugutom na iyon," ang wika ng aking lola.
Kinuha ko ang tray ng pagkain, mayroon itong mainit na sabaw at gulay na parang wala namang lasa.
Agad akong nagtungo sa silid ni inay kung saan nakaratay ang kanyang parang butot balat na katawan. Ang kanyang buhok ay parang naging pilak na dahil sa araw araw na hirap na pinagdaraanan. Lumapit ako sa kanya at marahang ibinangon ang kanyang katawan.
Humawak siya sa akin at inalalayan rin ang sarili upang hindi ako mahirapan. "Salamat anak, kumain ka na ba? Gusto mo bang sabayan ako?" ang tanong niya
"Tapos na ako inay, kumain po kayong mabuti," nakangiti kong tugon.
Pinanood ko ang aking ina habang kumakain, nanginginig ang kanyang kamay at paminsan minsan ay natatapon ang sabaw sa kutsara kaya naman ako na mismo ang kumuha nito at nagsubo sa kanya.
Tahimik.
"Suyon, kung sakaling umuwi isang araw ang iyong ama, handa mo ba siyang patawarin?" ang tanong ni niya.
Hindi agad ako nakasagot. Nag kibit balikat ako. Ang totoo noon ay hindi naman talaga ako galit kay itay, ang ibig kong sabihin ay hindi ganoon kalalim ang aking tampo o pagkamuhi sa kanya. "Siguro po, gusto ko na rin kasi na magkasama sama tayo at mabuo muli bilang isang pamilya." tugon ko
"Iyan rin ang gusto ko Suyon, alam mo kahit na niloko ako ng iyong ama at iniwan ay hindi nagawang magtanim sa kanya ng sama na loob. Siguro ay dahil pinahahalagahan ko lamang ang bawat oras o segundo sa aking buhay, nais kong maging maganda ito o masaya. Alam mo anak, maiksi lamang ang ating buhay kaya dapat ay matuto tayong mag patawad at umalis sa lugar kung saan magiging miserable ang ating buhay dahil sa kalungkutang dulot ng galit. Masarap mabuhay na maluwag ang dibdib at walang kahit na anong negatibong bagay na dinaramdam ang ating mga puso," ang wika ni inay
"Hinihintay mo pa rin ba si itay?" ang tanong ko na may halong pagtataka.
"Oo naman hijo, ang iyong ama ang una at huling lalaking minahal ko. At masaya ako tuwing nakikita kita, dahil kawangis mo ang iyong ama. Iyon nga lang ay talagang babaeng anak ang kanyang pinapangarap noon pa. Gayon pa man ay ikaw pa rin ang nagpapaalala sa akin ng kanyang wangis at imahe. Kapag kasama kita ay parang kasama ko na rin siya," ang naka ngiti wika niya.
Tahimik.
Inayos ko ang kumot ni inay sa kanyang katawan. At nilinis ko rin ang mga natapong pagkain lumang tray. "Suyon, kapag lumaki kana ay magmahal ka ng malaya at huwag mong limitahan ang sarili mo pagdating sa pag ibig. Iyan ang bagay na magpapasaya sa iyo anak," ang wika ni inay at maya maya ay gumalaw ang kanyang kamay at may kinuha sa kanyang lumang lalagyan ng damit.
Isang lumang kahon.
Hindi ako kumikibo, pinanood ko lamang siya sa kanyang ginagawa. Kada galaw na kanyang ibinibigay ay umuubo ito ng paulit ulit kaya naman mas lalo akong naawa sa kanyang kalagayan.
Binuksan niya ang lumang kahong iyon at dito ay tumambad sa aking paningin ang isang kwintas. Yari ito sa ginto, manipis na parang sinulid ang pinaka tali at ang pendant naman parang hugis baryang bente singko sentimo na yari rin sa ginto. "Halika hijo, ang kwintas na ito ay ibinigay sa akin ng isang kaibigan doon sa templo noong dalaga ako. Gusto kong isuot mo ito at ingatan," ang wika niya at marahang ikinabit sa aking leeg ang kwintas.
Noong saktong maikabit sa akin ni ina ang kwintas at bigla na lamang kumabog ng malakas ang aking dibdib at kasabay nito ang isang tinig na tumawag sa aking pangalan.
"Suyon," tinig ng isang lalaki, malayo ang boses na parang nagmumula kung saan.
Napalinga ako na parang may hinahanap na kung ano. "Bakit anak? Ayos ka lang ba?" tanong ng aking ina
"A-ayos lang po ako inay," ang tugon ko na parang may hinahanap pa rin. "Huwag po kayong mag-alala dahil iingatan ko ito," dagdag ko pa sabay yakap sa kanya.
Bata pa lamang ako ay mga bagay na talaga akong hindi maunawaan sa aking sarili. Katulad na lamang na paulit ulit na may tumatawag sa aking pangalan o kaya ay mga panaginip na hindi ko maunawaan. Gayon pa man ay pilit akong kumilos ng normal sa harap ni inay.
Marami pa kaming pinagkwentuhan ng aking ina nahiga ako sa kanyang tabi hanggang sa ako ay makatulog. Naramdaman ko na lamang na inayos niya ang aking damit at kinumutan ang aking mga paa upang hindi ako lamigin.
Itutuloy..