Sa Piling ni Lucario
AiTenshi
Sa tuwing bumabagsak ang niyebe mula sa itaas ng kalangitan ay nagkukusang tumaas ang aking mga kamay upang saluhin ito. Gustong gusto kong nalulusaw ang mala diamanteng yelo sa aking mga kamay habang binabalot ng kakaibang lamig ang aking katawan.
Ang kapaligaran ay puting puti kabilang na rito ang aking kinatatayuan, bagamat sa kada hakbang na aking ginagawa ay nahahaluan ng pulang kulay ang lupang balot ng niyebe dulot ng pagpatak ng dugo na nagmumula sa aking katawan. Bagamat wala akong maramdamang sakit dahil sa matinding lamig ay tuloy pa rin ang pagtagas ng dugo mula dito, mukhang pati ang lamig ng yelo ay hindi ito kaya patigilin.
Maya maya napahinto ako sa paglalakad at kasabay nito ang isang malalim na paghinga dulot ng pagkapatid ng hanging aking nilalanghap.
Isang sulyap sa kalangitan ang aking ginawa bago ko tawagin ang pangalan ng lalaking pinaghuhugutan ko ng lakas at kaligayahan. Sa kaparehong dahilan ay siya ang taong nanakit ng labis sa akin.
"Lucario," ang bulong ko at dito ay marahang bumagsak ang aking katawan sa makapal niyebe. Ang talukap ng aking mata ay unti unting bumigat at binalot ng pamamanhid ang aking puso..
Hindi ko alam kung ayos lang ba ito, siguro ay wala na akong mararamdaman pa dahil sa labis na pamamanhid ng aking katawan. Wala na ang sakit o luha na dadaloy mula sa aking mga mata.
Siguro ngayon ay tuluyan na akong makakalayo sa piling niya.
Part 1: Ang Lalaki Sa Templo
Isang madilim at malamig na gabi, natagpuan ko ang aking sarili na nakatayo sa labas ng isang lumang templo. Ito ang tinatawag na "Templo ni Suyon", isang misteryoso at matandang gusali na binabalot ng makapal na hamog kapag sumasapit ang gabi. Ang sabi ng matatanda sa aming baryo ay huwag magtutungo sa lugar na ito lalo't kakagat ang dilim dahil mababalot ka sa isang sumpang hinding hindi mo matatakasan.
Patuloy akong naglakad sa lumang tarangkahan ng naturang templo, habang palapit ako ng palapit sa lumang gusaling iyon ay parang palamig ng pamalig ang paligid. Parang may yelo, namamasa ang sahig na aking tinatapakan bagamat sementado ito. Ang hamog sa paligid ay mas kumakapal at namumuo kasabay nito ang pagbagsak ng kumikinang na bagay mula sa kalangitan. Ang mga bagay na ito mistulang mga Kristal na marahang nahuhulog sa iba’t ibang direksyon, mula sa aking ulo pababa sa aking mga paa.
Dahil sa sobrang nakakaakit ang mga bagay na iyon ay nagawa kong sahurin ito gamit ang aking mga kamay. Malamig ito, parang mga niyebe, bagamat hindi pa ako nakakakita ng ganitong uri ng mga bagay . Ang katulad kong nakatira sa isang bundok na napapaligiran ng mga lumang templo ay salat sa mga magagandang bagay. Ngunit nakakamangha pa rin lalo na kapag nalulusaw ito sa aking mga palad, wari'y nag-iiwan ng kumikinang na tubig. Labis akong ikinasaya kaya nalibang ako sa pag sahod ng mga ito at hayaang matunaw sa aking palad.
Habang nasa ganoong posisyon ako ay may narinig akong boses na tumawag sa aking pangalan. Isang malambing at malamig na boses ng isang lalaki. "Suyon," ang wika niya kaya naman agad akong humarap kung saan nag mula ang tinig.
Paglingon ko doon ay may nakita akong isang lalaking nakatayo sa harap ng templo, kumikinang ang kanyang katawan kaya hindi ko lubusang makita ang kanyang mukha. Bagamat malinaw na malinaw sa aking paningin ang kanyang imahe na nakatayo sa hindi kalayuan. "S-sino ka?!" ang tanong ko habang marahang lumalapit sa kanya. Nasisilaw ako noong mga sandaling iyon, tila hindi ko masyadong maidilat ang aking mga mata kaya’t kahit malapit na ako ay hindi makita ng maayos ang kanyang mukha.
"Suyon, umalis kana sa lugar na ito. Mapanganib," ang wika niya.
"Sino ka ba? Anong ibig mong sabihin? Saka magkakilala ba tayong dalawa?" ang tanong ko na may halong pagtataka.
"Sundin mo ako Suyon, lumabas kana sa tarangkahan ng templong ito," ang wika niya na para bang nakikiusap. "Pero bakit? Hindi kita maunawaan," sagot ko naman at maya maya ay biglang nawala ang lalaki sa aking paningin.
Kasabay nito ang pagkawala ng malamig na klima sa paligid, ang mga niyebe ay biglang natunaw at laking gulat ko noong biglang mag apoy ang buong paligid! Gumapang malakas na apoy palibot sa templo na animo may sariling buhay!
At mula sa malakas na apoy na iyon ay lumabas ang isang nilalang na matangkad, mahaba ang buhok at may sungay na animo isang demonyo. Ang kanyang katawan ay binabalot ng apoy at gayon rin ang kanyang mga kamay.
Ibayong takot ang aking naramdaman kaya naman napaatras nalang ako. Ang aking binti ay naninigas na para bang hirap ako sa pag hakbang. Parang may pumipigil sa akin na kung anong pwersa kaya’t kahit natatakot ay wala akong magawa.
Lumapit sa akin ang nilalang na iyon ibinukas niya ang kanyang bibig at bumuga ng malakas na apoy. Dahil sa takot ay lalong hindi ko na nagawang kumilos pa. Ramdam na ramdam kong matinding init dulo't nito. Lalo na noong bumalot sa aking katawan ang apoy dahilan para mapasigaw ako, sinusunog nito ang aking katawan! Mainit! Mamatay na ako!!
"Tulong! Tulong!" ang sigaw ko habang nakakadama ng pagkatusta ng aking mga balat. Halos naihi na yata ako sa aking salawal dahil kakaibang takot na nararamdaman.
Patuloy ang pag kalabog ng aking dibidb..
Habang nasa ganoong pag sigaw ako ay naramdaman kong may humawak sa aking kamay, malamig ito at sa paligid ay nagsimula na namang bumagsak ang niyebe.
Naglaban ang lamig at init.
"Umalis kana Suyon, pakiusap!" ang wika ng lalaki.
"Salamat sa pagtulong mo sa akin. Sino ka? Pakiusap sabihin mo sa akin ang iyong pangalan," ang tanong ko habang pilit na inaaninag ang kanyang mukha.
"Hindi ko maaaring sabihin sa iyo, kailangan mong alisin ang sumpa. Magkikita tayong muli. Ngunit sa ngayon ay kailangan mong gumising at lisanin ang lugar na ito," ang wika niya. Pilit ko pa ring sinisilip at kinikilala ang kanyang mukha, ngunit wala talaga. Pati ang kanyang magandang tinig ay hindi ako rin kilala. Pero ang nakapagtataka ay tila may nagbubulong sa aking isipan na kaming dalawa ay dati nang magkakilala.
"Pamilyar ka sa akin, kilala ba kita? Hindi ko maipaliwanag ang pagtibok ng puso ko. Parang isinisigaw nito na matagal na kitang kilala!" wika ko pa ngunit hindi ako nakasagot. Hinawakan niya ang aking dibdib at tinulak ako palayo.
Para akong isang papel na nilapad ng hangin noong mga sandaling iyon. Gayon pa man ay hindi ko pa ring magawang ipikit ang aking mga mata lalo na noong makita kong nagsagupaan ang dalawang nilalang sa harap ng templo, isang nababalutan ng malamit na puting aura at isang kulay pula na animo lava na ang liligabgab.
Nag-abot sa gitna ang kanilang kapangyarihan dahilan para yumanig sa paligid at isang malakas na pagsabog ang naganap. Kasabay nito ang pagmulat ng aking mata at agad na bumalikwas ng bangon sa aking higaan.
Isang misteryosong panaginip.
Ang akala ko ay katapusan ko na.
Huminga ako ng malalim at pilit na ikanalma ang aking sarili bagamat ang mabilis na t***k ng aking puso ay hindi pa rin humuhupa. Pakiwari ko ay lalabas pa rin ito sa aking dibdib kahit na alam kong hindi totoo ang pangyayaring iyon.
"Suyon! Tanghali na hijo," ang wika ng aking lola.
"Nandiyan na po!" ang sagot ko habang inaayos ang aking sarili. Humarap ako sa salamin at dito ay pinagmasdan ko ang aking anyo, maayos naman ito. Ang akala ko talaga ay nasunog na ako dahil hanggang ngayon ay damang dama ko pa rin ang init at gayon rin ang lamig. Mabuti na lamang at panaginip lamang ang lahat. Mukang totoo ngunit nagkataon lamang siguro. Kung minsan kasi ang mga panaganip ay mahirap ipaliwanag lalo na kapag sobrang ganda nito ay tipong mas nanaisin mo pa ang manatiling tulog kaysa magising at kapag masama naman ay hinihiling mong sana ay magising kana.
Tahimik..
Hinawakan ko ang salamin at pilit na hinaplos ang aking mukha sa repleksyon. Muli akong nag labas ng isang malalim na buntong hininga hanggang sa tuluyang humupa ang mabilis na pagtibok ng aking dibdib.
Ako si Suyon, 19 taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa isang simpleng baryo malapit sa paanan ng isang bundok. Ako ay may taas na 5'8 at may maayos na pangangatawan. Ang pinakamagandang parte raw ng aking mukha ay ang aking mata na namana ko sa aking ina kaya naman tuwang tuwa ako sa tuwing maririnig ko ito. Hindi ako pumapasok sa kolehiyo dahil masyadong malayo ang siyudad sa aming bayan. Pero nakatapos naman ako ng highschool, sabi ng aking lolo at lola basta raw marunong kang magsulat at magbasa ay ayos na, kailangan lang ay lakipan mo ng pagsisikap at diskarte ang iyong mga gagawin sa buhay tiyak na mag tatagumpay ka.
Malaking bagay sa akin ang kolehiyo, batid kong darating ang araw na makakapag aral ako at iiwan ko ang buhay dito sa itaas ng bundok para hanapin ang kapalarang nakalaan para sa akin.
Simple ang pamumuhay ng aking pamilya, katulong ako ng aking lolo at lola (sa mother side) sa bukid at pangangalaga ng isang lumang templo sa itaas ng bundok. Ang templong ito ay itinayo raw maraming taon na ang lumipas at ang aming mga ninuno ang nag-aalaga nito na nagpasalin -salin lang sa paglipas ng mga henerasyon. Ngayon ay patuloy pa rin kami sa paglilinis at pag-aalaga nito lalo't naging pasyalan na ito ng mga turista o dayuhang nagnanais na makakita ng isang makasaysayang lugar.
Kami lamang tatlo ng aking lolo at lola ang namumuhay ng magkakasama. Ang aking ina ay pumanaw dahil sa isang malubhang karamdaman. Matagal na silang hiwalay ng aking ama na noon ay sumama sa ibang babae na nakatira sa siyudad. Mas gusto raw ng aking ama ang isang kaaya-ayang pamumuhay na malayo sa dito sa kabundukan na payak at kadalasan ay umaasa lamang sa magandang ani ng pananim na gulay o palay.
"May darating na turista bukas doon sa templo. Siguro ay mas makabubuti kung lilinisin mo ito," ang wika ng aking lolo habang sisibak ng kahoy.
"Maaga ko po itong lilinisin, basta ayokong abutan ng dilim doon sa templo. Kagabi ay napanaginipan ko na naman yung dalawang engkanto na nakatira doon, isang nag-aapoy at isang nag-yeyelo. Grabe, parang totoo ang mga eksena sa aking panaginip Lo, natatakot na tuloy akong gabihin doon," ang pagkukwento ko dahilan para matawa ang matanda. "Bakit matatakot ka e kinalugdan ka ng templong iyon. Alam mo ba na noong ipinanganak ka ng iyong ina ay nagliwanag ang buong templo kaya nga ang pangalan mong "Suyon" ay kinuha namin doon. Sa unang pag-iyak mo palang ay nag milagro na agad ang templo kaya alam namin na pinoprotekhan ka nito." ang wika ni Lolo sabay gusot sa aking buhok.
"Milagroso talaga ang "Templo ni Suyon" kaya nga dito namin isinunod ang pangalan mo. At naalala mo ba noong 5 taong gulang ka palang ay madalas mong sinasabi sa amin na mayroon kang kaibigan doon sa templo. May isang lalaking parating nakipapagkwentuhan sa iyo at parati ka niyang binibigyan ng masasarap pagkain. Minsan nga ay umuwi ka pa rin na umiiyak dahil masakit ang iyong tiyan sa kabusugan," ang wika ng aking lola habang natatawa. “Pero alam mo inisip ko talaga noon na baka kinakain mo lang yung mga alay doon sa altar at yung kaibigan na sinasabi mo hindi naman talaga totoo. Kung sa bagay ang mga batang katulad mo dati ay talagang malalawak ang imahinasyon.”
"Hindi ko na maalala ang mga ganyang bagay lola, siguro ay dala lamang iyon ng aking malikot na imahinasyon bilang isang bata. Wala na akong nakikitang kahit ano ngayon, maliban lamang sa mga hindi maipaliwanag na panaginip. Napapadalas ito at halos gabi gabi akong dinadalaw. Minsan kahit mapikit ako sa ilalim ng isang puno ay nananaginip pa rin ako ng masama," tugon ko na may halong pagtataka.
"Kung minsan ang panaginip ng isang tao ay may simbolismo o kaya ay kahulugan. Kung ano man iyon ay walang nakakaalam at madidiskubre mo na lamang ito sa itinakdang panahon. O siya, bago ka mag tungo sa templo para maglinis ay dumaan ka muna sa libingan ng iyong ina, damuhan mo ito ay baka hindi na natin ito makilala pa. Magtatampo iyon kapag hindi natin siya nabibisita ng madalas," ang utos ni Lola
"Opo lola, bakit ba kasi hindi pa namin lagyan ng panandang lapida ang libingan ni Inay?" tanong ko naman.
"Hijo, sa kabilang siyudad pa bumibili ng ganoon, hayaan mo kapag bumaba ang lolo mo sa bayan ay iyon agad ang aasikasuhin niya. Sige na lumarga kana at baka abutin kana naman ng hapon sa paglilinis ng templo. Huwag mong kalimutan na maglagay ng mga sakong basurahan sa gilid sa tarangakahan dahil alam mo naman ang turista, maraming dalang mga basura na ikinakalat nila sa paligid ng templo kaya’t tiyak na magagalit ang Diyos nakatira dito," ang utos pa ni lola kaya naman agad kong tinapos ang aking almusal. Kinuha ko ang gamit pandamo at panlinis ng templo. Sa tuwing may mga bisitang dumarating ay dalawa hanggang tatlong beses kong nililinis at pinupunasan ang malalaking haligi nito, pinaka nakakapagod na gawain sa lahat.
Paulit ulit ang buhay ko dito sa kabundukan, minsan ay nakakasawa na rin kaya madalas ay tumatayo ako sa pinakamataas na parte nito kung saan makikita ang malawak na bagin at dito ko isinisigaw ang aking sama ng loob sa mga bagay na hindi ko makamtan. Pakiwari ko ba ang lahat ay limitado, ang lahat ng pangarap ko ay malabong magkatotoo dahil nakakulong ako sa isang magandang paraiso katulad ng templong iyon na habang panahon ko na yatang kasama.
Mahangin..
Habang nakatayo sa parte ng mataas na bangin na iyon at nakatanaw sa kawalan ay dumarating rin sa puntong nagbabalik tanaw ako sa aking nakaraan, pero may mga pangyayaring blangko sa aking isipan at kahit anong pag-alala ang gawin ko ay hindi pa rin umuubra.
Tahimik..
Bata palang ako ay naglilinis na ako ng templo, basta ang alam ko lamang ay madalas akong nagtutungo doon. Iyon nga lang ay wala na akong matandaan pa bukod sa isang kaganapan na hindi maalis sa aking isipan. Malabo na ito ngunit naalala ko pa rin kung paano lumutang aking katawan sa ere noong aksidenteng mahulog ako sa bangin malapit sa likod ng templo. Buhat noon ay wala na akong maalala pa sa aking pagkabata. Ang lahat ay nawala sa isang kisap mata, ganoon kabilis.
Gayon pa man, ang bawat ala-alang iyon na natitira sa aking isipan ay pilit kong iniingatan, natatakot lamang ako na dumating ang araw makalimutan ko ito katulad ng ibang memorya sa aking isipan na wari'y tinangay ng hangin patungo kung saan, sa lugar na hindi ko na matagpuan pa
.
Itutuloy..