[Makalipas ang walong taon]
Maaliwalas ang hanging nagpapaikot-ikot sa buong Horizon University— ang isa sa mga prestihiyosong unibersidad na bukas sa lahat ng matatalino at masisipag na estudyante. Maririnig sa paligid ang pagtatawanan ng mga kabataan habang naglalakad patungo sa kaniya-kaniyang klase.
Sa kabila ng 'stress' dulot ng mahihirap na subject, mapa-major man o minor, nakagagaan pa rin sa pakiramdam ang nagtatayugang puno na makikita sa bawat sulok ng unibersidad. Nakapagbibigay ito ng pansamantalang kapayapaan sa mga estudyante katulad ni Mia-- nasa ikaapat na taon sa kursong Computer and Information Techonlogy.
Simple lang siya bilang mag-aaral na nabiyayaan ng kasipagan. Kaya nga kahit 'di ganoon katalino, bawing-bawi naman siya sa mga extracuricular acivities. Lalo na at kasali siya sa pinaka-in-demand at kinaiingitang club— ang 'Geeks Club'. Iyon ang ipinangalan sa samahan ng mga estudyanteng mahilig sa computer at technology kagaya niya.
Habang naglalakad papasok sa building ng department nila, kaagad ding bumagsak ang balikat ni Mia nang maalala ang sunod-sunod nilang quiz mamayang hapon. Kung bakit ba naman kasi hindi siya kasingtalino gaya ng mga kaibigang sina Angel at Nick?
Pagkaakyat sa hagdan ng ikalawang palapag, sakto at nakita niya ang lalaki na mukhang patungo na rin sa club's room.
"Nick!" pagtawag niya kaya agad itong napalingon.
Bumungad sa kaniya ang blankong ekspresyon nito. May itsura man ang lalaki, itinatago naman 'yon ng makapal nitong salamin.
Patakbo na siyang umakyat para makasabay ito. "Oi, may notes ka ba para sa quiz ni Prof. Ursula?"
Nangunot ang noo nito. "Sa pagkakaalala ko, wala tayong professor na ganiyan ang apelyido."
"Okay. Okay." Napataas siya ng dalawang kamay. "Ang KJ mo, ano? Prof. Dominguez. Sa bagay, may mas matindi pang prof. dito kaysa sa kaniya. The prof. who must not be named!" dagdag ni Mia na napahagalpak ng tawa.
Nagpatuloy naman sa paglalakad ang lalaki kaya agad na rin siyang humakbang. "So, pahihiramin mo naman ako ng notes, 'di ba?"
"Pag-iisipan ko," simpleng tugon ng lalaking bihirang umimik.
Napangiwi na lang tuloy siya.
Nang makarating sila sa tapat ng pinto ng club's room, pareho naman silang natigilan nang may marinig mula sa loob.
"Hmmm... Hhhmm..."
Nagkatinginan pa silang dalawa ni Nick.
Dahil sa kuryusidad, idinikit ni Mia ang tainga sa pinto. Mas lalo niyang narinig ang malinaw na pag-ungol mula sa loob. Ang hula niya, kung 'di 'yon nanonood ng porn, malamang may dalawang nilalang ang gumagawa ng kababalaghan doon.
Ididikit na sana niya ang suot na smartwatch sa reader na nasa gilid ng pinto-- upang mabuksan 'yon, pero agad pinigilan ni Nick ang kamay niya.
"Bakit ba?" bulong niya na pinanlakihan niya ito ng mata.
"Ang sabi mo, hihiram ka ng notes. Nasa locker ko. Tara." Para itong robot habang iwas na iwas tumingin sa mata niya.
Napangiti si Mia dahil sa inaasal nito. "Hindi ka ba naku-curious kung anong mayroon sa loob?"
Napanganga na lang siya nang biglang katukin nang malakas ni Nick ang pinto.
"Ano ka ba!?" bulyaw niya dahil sa pambabasag nito ng trip.
Wala siyang choice kundi ang mabilisan 'yong buksan.
Pagkabukas nito kasabay ng matining na tunog, tumambad naman sa kaniya ang 'di pangkaraniwang eksena. Naroon sa club room sina Francis— ang president ng club at si Rachel—ang girlfriend nito.
Pero kataka-takang nasa magkabilang sulok ng silid ang mga ito. Imposible 'yon dahil madalas, palaging naka-glue ang mga ito sa isa't isa, pero ngayon ay magkalayo na parang nasa magkabilang mundo?
Ang lalaki ay abala sa pagpindot sa harap ng monitor malapit sa pinto ng computer lab. Habang ang babae, naroon sa tapat ng bookshelf sa kabilang side ng room, binibilang yata kung ilang libro o alikabok ang naroon.
Malakas na tawa ang pinakawalan ni Mia. Pailalim tuloy siyang tinitigan ni Rachel, kaya agad niyang napansin ang bahagyang pagkabura ng suot nitong orange lipstick. Nag-sway lang ito ng mahaba at may pagkakulot nitong buhok --na parang sa mga manika. At para na itong modelong naglakad palabas ng club room.
Ibinalik niya ang tingin kay Francis na ipinagpapatuloy ang pagpapanggap sa nangyari. Nagkukunwari pa rin ito sa pagpapakaabala sa harap ng monitor. Pero alam niyang deep inside, inis na inis ito dahil sa pang-iistorbo nila ni Nick. Madalas niya itong maihambing sa mga bampira. Napakaputi kasi ng lalaki na maging ang bibig nito, madalas walang kulay. Ngayon alam na niya ang dahilan kung bakit nagiging orange kung minsan ang manipis nitong labi.
"Huwag kasing gagawing motel ang club room," parinig niya saka siya dumiretso sa loob ng computer laboratory kung saan nauna na si Nick, na patay-malisya as usual sa mga pangyayari.
Kahit siguro masunugan sila, wala pa rin itong magiging reaksyon. Ang tanging nakapagpapadaldal lang at nakapagpapaimbiyerna sa lalaki ay kapag iniinis ito ni Angel. Pero, wala naman ngayon ang bestfriend niyang naroon sa ospital dahil sa pagsuko ng appendix nito.
***
"OMG! OMG! Can you believe this?"
Narinig ni Mia ang matining na tinig na pamilyar sa kaniya. Nasa cubicle siya dahil sa pagtawag ni Mother Earth at ito ang bubungad sa kaniya? Malamang si Hailey iyon, isa sa maarteng BFF ni Rachel.
"What?" Boses iyon ni Rachel.
"Umuwi pala si Yohan this weekend?"
"Ah, iyan? Narinig ko na 'yan. Ano naman?" tugon ng babae na tila walang pakialam sa bagay na iyon.
"Hindi ba na-involved si Yohan sa bestfriend mong si Mia?" wika ng isa pang kasama ng mga ito na si Francine.
"Iyon ang sabi-sabi nila, pero malay natin kung alam ba ni Yohan iyon." Narinig niya ang paghalakhak ni Rachel kaya nagpanting ang tainga ni Mia.
"And excuse me, hindi ko na siya bestfriend, okay?" patuloy ng babae.
"Eh, 'di Ex-BFF," wika ni Francine.
Mas lalo pa tuloy umusok ang kaniyang ilong. Gusto niyang lumabas para sugurin ito, pero what's the point? Magsasayang lang siya ng energy kung kakalbuhin niya ang mala-chaka doll nitong buhok.
"I heard pupunta sila sa Elite's Bar mamaya, to catch up lang with his friends." Muling nagsalita si Rachel.
"Talaga? How did you know?" tanong ni Hailey.
"I heard from his friend George na actually ka-blockmate ko. Hindi n'yo ba kilala iyon?" tugon ni Rachel.
"Anyway, tara na. Magre-review pa tayo para sa quiz mamaya," pag-aya ni Hailey at mayamaya pa, narinig na niya ang tunog ng sumarang pinto.
Kaagad na ring lumabas si Mia mula sa cubicle. "Ha! Anong sabi niya! Hindi alam ni Yohan na naging kami? Siraulo iyon, ah?" Halos magpuyos na siya sa galit.
May oras talaga ang babaeng iyon sa kaniya. "At ano? Mag-aaral sila? Bago iyon, ah? Puro lang naman pagme-make up ang alam ng mga iyon. Mga 'IT Girl' daw? Ang kakapal naman ng make-up, singkakapal ng mukha! Puweh!"