"Kyle, tingnan mo nga ang mga 'yon at baka pareho ng nilamon ng lupa roon," utos ni Angelica sa kaibigan.
"Hoy, sumama ka sa akin!" pagbaling sa kanya ni Kyle kaya tumayo siya sa sofa at naglakad kasunod nito patungo sa kusina.
Natigilan lang sila sa paglalakad nang makarating sila sa may pinto. Bigla nang napahagalpak ng tawa ang babaeng kasama niya dahil sa eksena.
Naka-brief na nagsasayaw kasi roon ang isang lalaking mukhang wala pang edad na trenta, at palagay niya ay wala rin ito sa wisyo. Sa kaniyang pagkakaalam, may tiyuhin si Heidi na nakatira kasama ng pamilya nito, kaya palagay niya, iyon ang taong iyon.
Feel na feel nito ang pagkembot at sa tuwing tumatalon ito ay tumatalbog sa ere ang may kahabaan nitong buhok.
Pasimple naman itong bini-video-han ni Heidi gamit ang hawak nitong video camera, habang si Lolly ay pigil na pigil sa pagtawa.
Mukhang hindi ito ang unang pagkakataon na nakita ng mga ito ang uncle ni Heidi na high sa droga at nakahubo. Normal na siguro 'yon sa magbabarkada.
Batid niyang normal na rin sa mga babaeng ito na makakita ng lalaking nakahubad. Madalas niyang marinig ang pagpapasahan ng mga ito ng porn videos na nakukuha sa mga kaklase nilang lalaki.
Nilingon naman siya ni Kyle na nakaguhit sa mukha ang nakakairitang pagngiti. "Ngayon ka lang nakakita niyan, ano?"
Saka niya lang naalala na mag-iwas ng tingin.
Lalong napatawa sa kanya si Kyle. "Huwag kang mahiya, hindi naman mukhang tao si Uncle Basty. Para lang siyang puno na nagkataong tinubuan ng kabute doon sa harapan niya!" turan pa nito habang hawak pa rin ang tiyan.
"Bakit ba palagi niyang ginagawa 'yan? Pangarap niya bang maging macho dancer?" tanong ni Kyle saka lalong lumapit sa mga ito.
Napalingon tuloy si Heidi sa kinatatayuan niya. At hindi niya gusto ang kakaibang pagkakatingin nito.
"Alam ko na kung anong magiging surprise ko sa party ko. May naisip na ako," pahayag ng babae na may pilyang ngiti sa labi habang nakatingin sa kanya.
Hindi niya alam kung bakit nga ba siya naroon, pero inaya pa siya ng mga ito na mag-meryenda. Nagpa-order ng pizza at chicken si Heidi para sa kanila. Kahit gusto niyang tumanggi ay wala naman siyang magawa nang samaan siya ng tingin ng mga ito.
Kanina pa siya nagsasabi na gusto na niyang umuwi, pero, makailang ulit lamang siyang pinagbantaan ng mga ito.
Nagtataka din siya sa paminsan-minsang pagbabait-baitanan ng mga ito sa kanya. Kesyo isasali raw siya ng mga ito sa grupo nila kapag naging successful ang balak na surprise ni Heidi na kasama siya.
Sinabi niyang hindi kailangan, pero muntik lang siyang mapaliguan ng softdrinks ni Angelika. Iniabot na lamang 'yon ng babae saka plastic na ngumiti sa kanya. Pinapili pa siya nito, kung juice o softdrinks ang iinumin niya at dahil hindi naman siya umiinom ng sofdrinks ay ang juice ang kinuha niya.
Pagkatapos nilang magmeryenda, patuloy pa rin ang pagtatawanan ng magbabarkada. Samantalang siya na nakaupo sa isang tabi, bigla nang nakaramdam ng kakaibang pagkahilo, o baka naman sadyang umiikot lamang ang paligid niya?
Mayamaya pa, mas lalo pang tumindi ang nararamdaman niya. Unti-unti na ngang lumalabo ang lahat para sa kaniya. Ngayon ay nakikita na niya ang mga babaeng kasama na pumapalakpak sa kanyang harapan.
Pero, bakit nila ginagawa 'yon?
Nakangiti sina Angelika sa kaniya at tila masaya ang mga ito.
Bakit kaya?
Unti-unti na rin siyang napangiti.
Saka naman biglang nawala ang lahat ng bigat na nararamdaman niya. Ang lahat ng kaniyang hinanakit sa mundong ito ay tila bigla na lamang naglaho. Para na nga siyang nasa alapaap at ngayon, may maganda siyang musika na naririnig sa kung saan.
At nababatid niyang kailangan niyang sabayan ang saliw ng tugtog na 'yon.
***
Kinabukasan, nagising si Nica mula sa inakala niyang napakagandang panaginip.
Ngunit hindi, sapagkat isa 'yong bangungot!
Bangungot na sana ay hindi na niya nagisingan pa.
Habang narito siya sa kaniyang madilim na silid, nakatingin siya sa computer monitor na padala ng kanyang ate noong isang taon. Mula roon ay napapanood niya ang isang maselang video kung saan kasama niya ang tiyuhin ni Heidi. Noong umpisa ay nagsasayaw lamang sila habang parehong naka-underwear, pero kalaunan, nauwi ang tagpong 'yon sa ibabaw ng kama.
Napahawak na lamang si Nica sa bibig habang impit ang pagpigil sa pag-iyak. Patuloy naman sa pagdaloy ang malalaking patak ng luha sa kaniyang pisngi.
Bakit hindi man lang siya tumatanggi o umiiwas man lamang?
Bakit hinayaan niyang gawin 'yon ng taong iyon sa kaniya?
"Anong gagawin ko!" wika niyang hindi na napigilan ang mapahagulgol. "Anong sasabihin ni Ate kapag nakita niya ito?" tanong niyang napapasapo sa kanyang ulo.
Bakit ba siya sumama sa mga babaeng 'yon?
Bakit hindi niya naisip na posibleng humantong sa ganito ang paglalaro ng grupo ni Angelika?
Lalo ngayon at kumalat na sa website ng university ang kasuklam-suklam na video. Naroon na rin 'yon sa isang kilalang website ng mga kabataan, kung saan marami ng nakapag-iwan ng mga komento at masasakit na salita.
Gaya ng;
[Malandi pala ang babaeng 'yon? Is she a prostitute? He is with an older man? Eww! ]
[This girl sucks! Is she really a student in our university?]
[Of course she is! I saw her once! Hindi naman kagandahan, at mukhang maarte!]
[Is she a prostitute? Magkano kaya ang ibinayad sa kanya para makipaghalikan sa isang mongoloid?]
[Wow! Bakit putol? Nasaan 'yong buong clip? Share naman d'yan?]
[w***e! Kapag nakita ito ni Mom, baka ipa-transfer niya ako ng ibang university!]
[What an eyesore! Two freaks kissing? Gosh! Nakakasuka!]
[Kung ako sa kanya, hindi na ako papasok ng university! Baka nga magpakamatay na lang ako! Or magpasagasa sa tren!]
[Hey b***h! Just kill yourself or something!]
[Yuck! Nakakahiya siya! I know her, si Nica Gonzales 'yan, Grade 12 ng section 3. Tatahi-tahimik, 'yon naman pala malandi! Nasa loob ang kulo!]
[What? May prostitute sa university natin? Nakakadiri!]
Lalong nagsipagbagsakan ang mga luha ni Nica nang dahil sa lahat ng nabasa.
Hindi na niya kayang basahin pa ang ilang daang komentong naroon.
Tama ang mga ito, nakakahiya siya.
Bakit niya hinayaang humantong sa ganito ang sitwasyon niya?
Wala na siyang magagawa pa.
Wala na rin siyang mukhang maihaharap pa sa ate niya kapag nagkita sila.
Maigi siguro kung mawala na lamang siya.