***
"Okay. Bakit ba ako tanga? Bakit ba ako nakinig kay Rachel?"
Tahimik na nakahalukipkip si Mia mula sa kinauupuan. Pero sa totoo lang, kanina pa siya parang bulkan na gustong sumabog dahil napunta siya sa ganitong sitwasyon. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagbundol ng kaba sa puso niya.
Paminsan-minsan din ay napapalingon siya sa kanilang kinaroroonan. Maingay ang lugar dahil sa mga taong sunod-sunod na dinadala roon. Medyo masikip din dahil sa ganoong kadahilanan.
Napatingin siya sa bintana kung saan matatanaw ang kadiliman ng gabi.
Kung bakit ba kasi sa police station pa kung saan nagtatrabaho ang kaniyang kuya sila napunta? Nasa night shift pa naman ito. Ang idinarasal na lamang niya ay sana abala ito sa kung saan para 'di siya nito makita.
Nakaupo sila ni Nick sa tapat ng desk ng pulis. Hindi pa kasi dumarating ang mag-iimbestiga sa nangyaring gulo na kanilang kinasangkutan sa bar.
Nang mapatingin naman siya sa kanan, nakita niya ang isang kriminal na nakasuot ng posas habang hawak sa braso ng isang pulis. Maayos naman ang pananamit nito, ngunit nang mapatingin ito sa kinapupwestuhan niya ay bigla na lamang siya nitong kinindatan.
Nakababahalang hindi na rin natin masasabi kung sino ang masasamang loob na kayang gumawa ng krimen, sa panahon ngayon. Napakahirap nang magtiwala.
Napailing na lang si Mia at muling naalala ang kapatid. Hindi siya mapalagay kaya pasimple niyang tinakpan ng panyo ang kanyang mukha.
"Anong ginagawa mo? Tayo na nga ang naagrabyado?" bulong ni Nick na inalis ang panyo sa kanyang mukha.
Saka pa lamang niya napansin ang basag nitong salamin at duguang labi. "Ayos ka lang?" Naglabas siya ng tissue mula sa kanyang bag at ipinahid sa bibig nito.
Kung hindi dahil sa kanya, hindi madadamay si Nick dito. Hindi ito basagulero at hindi nito gusto ang mga gulo. Bukod sa pag-aaral, codes lang sa computer at online games lang ang bisyo nito.
Kasalanan niya ito lahat.
Bakit ba kasi nagpadalos-dalos dahil lang sa nabanggit kanina ang pag-uwi ng ex-boyfriend niya-- ang lalaking na lang nang-ghost sa kanya last year. Ginusto lang naman niya itong makausap para makahingi ng paliwanag. Masama ba iyon?
Ang mali lang niya, nakinig siya agad sa 'di mapagkakatiwalaang source.
Hindi kaya, sinadya iyon ni Rachel bilang pagganti dahil sa nangyari doon sa club room?
Sinamahan siya ni Nick, pero ang siste, hindi naman si Yohan ang natagpuan niya, kung 'di ang lasing at dati niyang manliligaw na si Owen. Nakaupo ang lalaking 'yon sa dulo at katabi ng mga kaibigan nitong umaawat lamang kanina nang atakihin nito si Nick.
"Kayo na ba?" tanong ni Owen na nanggagalaiting nakatingin sa kanila. Wala naman sa pukus ang mata nito.
"Wala ka ng pakialam doon," sagot niyang pailalim itong tinitigan.
Napatawa naman ito. "Umamin ka nga, nandoon ka kasi sinusundan mo ako, ano?" paghihinala pa nito.
Nagpanting tuloy ang tainga niya at napairap. "Excuse me? Lasing ka nga talaga! Hindi kita para sundan doon!"
Sakto naman ang pagdating ng pulis na nakatakdang mag-imbestiga sa nangyari, pero ang pinakanakakagulat ay ang paglapit ng lalaking may katangkaran, naka-uniporme rin ng pangpulis at ngayon ay mariin siyang tinitigan mula ulo hanggang paa.
Kung minamalas ka naman talaga!
Saka naman ito bahagyang natigilan nang mapatingin sa katabi niya. Nanlaki ang mga mata nito at napatanong kay Nick, "Anong ginagawa mo rito?"
Ha! Mas nagulat pa siyang makita si Nick na narito sa presinto, kaysa sa akin? Na sarili lang naman niyang kapatid!
Nakakainsulto!
"Kilala mo sila, Sanchez?" usisa ng pulis na nakaupo na ngayon sa desk na nasa harapan nila.
Napatawa ang kuya niya, kasunod ng pag-iling. "Ah, hindi. Hindi naman kami close," tugon nitong muli siyang tiningnan nang may pagbabanta.
"Sigurado ka? Parang hindi, eh. Kahawig mo itong babae, oh," tugon ng pulis na napangiti.
Matapos nitong magpakilala bilang Police Officer Martinez ay isa-isa na nitong tinanong ang pangalan nila. Hiningian na rin sila nito ng ID.
Hindi naman umalis ang kuya niya na nakatayo lang at nakakibit-balikat malapit sa desk.
Unang nagpakilala si Owen, saka ang dalawang kasama nito. Mabilis na nagta-type ang pulis sa keyboard ng computer na nasa tapat nito.
Pagkatapos ni Nick magpakilala ay siya naman ang sunod na kinausap nito.
"Pangalan," wika ni Martinez na nakatingin naman sa ID niya kaya hindi niya maintindihan kung bakit nagtatanong pa ito.
Hindi siya tumugon kaya't napatingin ito sa kanya.
"Seriously?" Pinanlakihan niya ito ng mata.
"Miss Seriously, ang haba ng pangalan mo. Baka atakihin ako sa puso, bago ko mabanggit," pahayag nitong mas inilapit ang mata sa ID niya, saka ito napalingon sa kuya niya. "Sanchez, pinagloloko mo ako. Kapatid mo 'ata ito, eh."
"Marianna Ivaniazeth Angelouissa De Ocampo Sanchez," wika ng Kuya Timothy habang mariing nakatingin sa kanya. "Tawagin mo na lang siyang Mia Dos."
"Kapatid mo nga ito? Galit ba sa kanya ang mama n'yo?" tanong pa ng pulis na tatawa-tawa na ngayon habang nagpipipindot sa keyboard.
"Hindi ko alam. Pero, kapag nalaman niyang nandito ang babaeng 'yan, I'm sure, magagalit siya," turan ng kuya niya.
Napatawa siya sa pagkainis. "Kuya Tim, nagpapatawa ka? Hindi kami ang nag-umpisa rito. Naunang maggulo ang lalaking 'yan!" pahayag niyang itinuro si Owen.
Inis na tumugon ang kapatid niya. "Huwag mo akong matawag-tawag na kuya, nasa presinto tayo! Dito ako nagtatrabaho at nakakahiyang nandito ka desi-oras ng gabi dahil sa pakikipagbasag-ulo sa bar!"
Napatayo naman siya sa kinauupuan. "Hindi ako nakipagbasag-ulo sa bar, Kuya! Binastos ako ng lalaking 'yan, oh!" pagsusumbong niyang itinuro si Owen. "Ipinagtanggol lang ako ni Nick. Dapat ikulong mo siya!"
Bigla naman itong naalarma at lumapit sa lalaking tinutukoy niya. "Ano? Binastos ka nito!" wika nitong kwenekwelyuhan na ngayon si Owen.
Kaagad namang umawat ang ibang kasamahan nito na naroon lang sa paligid. "Pards, gusto mo bang masuspende?" wika ng isa rito.
"Binastos ang kapatid ko, eh?" sagot ng kuya niyang bumitiw man sa lalaki, pero bumaling naman dito. "Ano? One on one na lang tayo?" panghahamon pa nitong masamang tinitingnan si Owen.
Napasapo na lamang tuloy siya sa mukha. Kung minsan ay nakakahiya ang kuya niya.
Masyadong OA.
"Tama na," pag-awat ng isa na tinapik lang ito sa balikat.
Saka naman may dumating na matandang nakauniporme at mukhang katungkulan. "Sanchez, kailangan kitang makausap sa office ko, ngayon din," pahayag nito sa baritonong tinig.